Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahalaga kay Jehova Yaong mga Umiibig sa Kaniya

Mahalaga kay Jehova Yaong mga Umiibig sa Kaniya

Mahalaga kay Jehova Yaong mga Umiibig sa Kaniya

ANG Lebanon ay kilala dahil sa likas na mga yaman nito mula pa noong panahon ng Bibliya. (Awit 72:16; Isaias 60:13) Lalo nang pinahahalagahan ang mariringal na sedro nito, na kailangang-kailangan dahil sa kanilang kagandahan, bango, at tibay. Noong unang siglo, mayroong mas mahalaga pa na lumabas sa Lebanon. Iniulat ng Ebanghelyo ni Marcos na mula sa Tiro at Sidon, sa sinaunang teritoryo ng Lebanon, “isang malaking karamihan, sa pagkarinig ng lahat ng mga bagay na ginagawa [ni Jesus], ay lumapit sa kaniya.”​—Marcos 3:8.

Sa katulad na paraan sa ngayon, ang Lebanon ay patuloy na nagluluwal ng bunga na napakahalaga sa mga mata ni Jehova. Itinatampok ito ng sumusunod na mga karanasan.

• Isang kabataang Saksi na nagngangalang Wissam ang hinilingan na magbigay ng 30-minutong talumpati sa kaniyang klase sa paaralan. Ipinasiya ni Wissam na mainam na pagkakataon ito upang magpatotoo. Kaya ginamit niya ang aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? at naghanda ng isang pahayag sa paksa ng paglalang. Gayunman, nang makita ang materyal, sinabi ng guro ni Wissam na yamang napakahalagang paksa nito, maaaring pahabain ni Wissam ang kaniyang paksa sa 45 minuto.

Habang sinisimulan ni Wissam ang kaniyang pahayag, pinatigil siya ng kaniyang guro at ipinasundo ang punong-guro. Hindi nagtagal at dumating ang punong-guro, at muling nagsimula si Wissam. Habang nakikinig siya sa mga tanong na ibinangon ni Wissam sa introduksiyon ng kaniyang pahayag, natuwa ang punong-guro at sinabing lahat ng mga estudyante ay dapat na tumanggap ng isang kopya ng pahayag.

Pagkalipas ng ilang sandali isa pang guro, na nagdaraan, ang nakapansin sa katuwaan sa silid-aralan at nagtanong kung anong nangyayari. Nang sabihin sa kaniya, nagtanong siya kung ang sinisikap bang patunayan ni Wissam ay ang paglalang o ebolusyon. “Paglalang,” ang naging sagot. Nang malaman na si Wissam ay isa sa mga Saksi ni Jehova, sinabi ng guro sa klase: “Makikita ninyo sa kaniyang pahayag na sinusuportahan ng siyensiya ang paglalang at hindi ang ebolusyon.”

Lumalabas na ang guro palang ito ay may kopya ng aklat na Creation at ginagamit niya ito sa pagbibigay ng mga lektyur sa pamantasan! Bago umalis, tinanong niya kung maaari ba siyang bumalik kinabukasan kasama ang kaniyang mga estudyante upang makapagpahayag si Wissam sa kaniyang klase. Nagbunga ito ng isa pang mainam na patotoo kay Jehova.

• Ang dalawampu’t dalawang taóng gulang na si Nina ay nauuhaw sa tubig ng katotohanan. Isang araw ay binigyan siya ng kaniyang pinsan ng isang Bibliya at ipinakilala siya sa Simbahang Pentecostal. Binasa ni Nina ang Bibliya nang may kaluguran at natutuhan mula sa kaniyang pagbabasa na ang mga Kristiyano ay kailangang mangaral, kaya pinasimulan niyang makipag-usap sa kaniyang mga kakilala. Lahat ng nakausap niya ay nagtanong sa kaniya: “Isa ka ba sa mga Saksi ni Jehova?” Iyan ay naging palaisipan sa kaniya.

Pagkalipas ng anim na taon, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa tahanan ni Nina at ibinalita sa kaniya ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Noong una ay sinikap niyang hanapan ng pagkakamali ang kanilang mga turo. Gayunman, nasumpungan niya na lahat ng kanilang mga kasagutan ay lohikal at salig sa Bibliya.

Ang natutuhan ni Nina nang maglaon​—ang pangalan ng Diyos, na Jehova; ang mga pagpapala ng Kaharian; at iba pa​—ay nakakumbinsi sa kaniya na nasumpungan na niya ang katotohanan. Inialay niya ang kaniyang buhay sa Diyos at nabautismuhan. Sa loob ng nakalipas na pitong taon ay naglingkod si Nina bilang isang buong-panahong ebanghelisador. Tunay, pinagpapala ni Jehova yaong mga tunay na umiibig sa kaniya.​—1 Corinto 2:9.