Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paggalang sa Awtoridad—Bakit Nawawala Na?

Paggalang sa Awtoridad—Bakit Nawawala Na?

Paggalang sa Awtoridad​—Bakit Nawawala Na?

“Balang araw, ang paglaban sa nakatatag na awtoridad, panrelihiyon at pansekular, panlipunan at pampulitika, bilang isang pandaigdig na pangyayari ay maaaring ituring na namumukod-tanging kaganapan sa huling dekada.”

MARAMING taon na ang nakalilipas sapol noong dekada ng 1960, ang dekadang binanggit sa itaas ng istoryador at pilosopo na si Hannah Arendt. Sa ngayon, ang pabagu-bagong kalakaran ng kawalang-galang sa awtoridad ay lalong tumitindi higit kailanman.

Halimbawa, isang ulat kamakailan sa The Times ng London ang nagsasabi: “Ayaw tanggapin ng ilang magulang ang awtoridad ng guro sa kanilang anak at nagrereklamo sila kapag tinangkang disiplinahin ang kanilang anak.” Madalas, kapag ang kanilang mga anak ay dinisiplina sa paaralan, ang mga magulang ay sumusugod doon hindi lamang upang pagbantaan ang mga guro kundi upang salakayin sila.

Isang tagapagsalita para sa National Association of Head Teachers sa Britanya ang sinipi na nagsasabi: “Ang sinasabi ng publiko ay ‘may mga karapatan ako,’ sa halip na ‘may mga pananagutan ako.’ ” Bukod sa pagkabigong ikintal sa kanilang mga anak ang wastong paggalang sa awtoridad, hindi itinutuwid ng ilang magulang ang kanilang mga supling​—at ayaw nilang pahintulutan ang iba na gawin iyon. Ang mga batang naghahabol sa kanilang “mga karapatan” ay pinahihintulutang humamak sa awtoridad kapuwa ng mga magulang at mga guro, at nakikini-kinita na ang kalalabasan​—“isang bagong salinlahi na walang galang sa awtoridad at halos walang ideya kung tungkol sa tama at mali,” ang isinulat ng kolumnista na si Margarette Driscoll.

Itinampok ng magasing Time, sa artikulo nito na “Desperadong Salinlahi,” ang pagkasiphayo ng maraming kabataang Ruso sa pamamagitan ng pagsipi sa popular na mang-aawit ng rap na nagsabi: “Paanong makapagtitiwala sa lipunan ang sinumang isinilang sa daigdig na ito na walang nagtatagal at walang katarungan?” Inihayag ng sosyologong si Mikhail Topalov ang ganitong pananaw: “Ang mga batang ito ay hindi mga hangal. Nakita nila na nilinlang ng estado ang kanilang mga magulang, nakita nila na nawalan ang mga ito ng ipon at hanapbuhay. Maaasahan ba natin na igagalang nila ang awtoridad?”

Subalit isang kamalian na sabihing ang kawalan ng tiwala sa awtoridad ay makikita lamang sa nakababatang salinlahi. Sa ngayon, ang mga tao, anuman ang kanilang edad, ay walang tiwala at humahamak pa nga sa alinmang uri ng awtoridad. Nangangahulugan ba ito na wala nang awtoridad na maaaring pagtiwalaan? Kung gagamitin nang wasto, ang awtoridad, na binigyang-kahulugan bilang “ang kapangyarihan o karapatang kumontrol, humatol, o magbawal sa mga kilos ng iba,” ay maaaring maging isang puwersa ukol sa ikabubuti. Magiging kapaki-pakinabang ito kapuwa sa mga indibiduwal at sa pamayanan. Tatalakayin ng susunod na artikulo kung paanong ito ay totoo.