Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Ating Mahalagang Pamana—Ano ang Kahulugan Nito Para sa Iyo?

Ang Ating Mahalagang Pamana—Ano ang Kahulugan Nito Para sa Iyo?

Ang Ating Mahalagang Pamana​—Ano ang Kahulugan Nito Para sa Iyo?

“Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.”​—MATEO 25:34.

1. Anong uri ng mga bagay ang natanggap ng mga tao bilang pamana?

LAHAT ng mga tao ay nagtataglay ng mga bagay na kanilang minana. Para sa ilan, ang pamana ay maaaring maglakip ng isang maginhawang pamumuhay sa materyal na paraan. Para sa iba, ito ay isang buhay ng karalitaan. Sa ilang kaso, ang nakalipas na mga salinlahi, bunga ng kanilang naging karanasan o napakinggan, ay nagpamana ng matinding pagkapoot sa iba pang etnikong grupo. Gayunman, tayong lahat ay magkakatulad sa isang bagay. Tayong lahat ay tumanggap mula sa unang tao, si Adan, ng isang pamanang kasalanan. Ang pamanang iyon sa wakas ay umaakay sa kamatayan.​—Eclesiastes 9:2, 10; Roma 5:12.

2, 3. Anong pamana ang sa simula’y ginawa ni Jehova para sa mga supling nina Adan at Eva, at bakit hindi nila nakamtan ito?

2 Si Jehova, bilang isang maibiging makalangit na Ama, sa simula ay nagbigay sa sangkatauhan ng isang lubos na naiibang pamana​—buhay na walang hanggan sa kasakdalan sa Paraiso. Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay pinagkalooban ng isang sakdal, walang-kasalanang pasimula. Ibinigay ng Diyos na Jehova ang planetang Lupa sa sangkatauhan bilang isang kaloob. (Awit 115:16) Kaniyang inilaan ang halamanan ng Eden bilang isang modelo kung ano ang maaaring mangyayari sa buong lupa at inilagay sa harapan ng ating unang mga magulang ang isang kamangha-mangha at kawili-wiling atas. Sila’y magluluwal ng mga anak, mangangalaga sa lupa at sa lahat ng sari-saring halaman at buhay-hayop nito, at magpapalawak sa mga hangganan ng Paraiso sa palibot ng lupa. (Genesis 1:28; 2:8, 9, 15) Ang kanilang mga supling ay makikibahagi rito. Tunay nga itong isang kagila-gilalas na pamana na maipapasa sa kanila!

3 Gayunman, upang tamasahin nila ang lahat ng ito, kailangang magkaroon sina Adan at Eva at ang kanilang mga supling ng isang mabuting kaugnayan sa Diyos. Utang nila kay Jehova ang pag-ibig at pagsunod, subalit sina Adan at Eva ay nabigong magpahalaga sa kung ano ang ibinigay sa kanila ng Diyos at sumuway sa kaniyang utos. Naiwala nila ang kanilang Paraisong tahanan at ang maningning na kinabukasan na inilagay ng Diyos sa kanilang harapan. Kaya, hindi nila maipapasa ang mga ito sa kanilang mga supling.​—Genesis 2:16, 17; 3:1-24.

4. Paano natin matatamo ang pamanang iwinala ni Adan?

4 Taglay ang buong kaawaan, si Jehova ay gumawa ng paglalaan upang ang mga supling nina Adan at Eva ay magkaroon ng pagkakataong tumanggap ng pamanang iwinala ni Adan. Paano? Sa itinakdang panahon ng Diyos, inialay ng kaniyang sariling Anak, si Jesu-Kristo, ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao alang-alang sa mga supling ni Adan. Sa pamamagitan nito, silang lahat ay binili ni Kristo. Gayunman, ang pamana ay hindi awtomatikong naging kanila. Kailangan nila ang isang sinang-ayunang katayuan sa Diyos, na kanilang matatamo sa pagsasagawa ng pananampalataya sa halaga ng pambayad-salang hain ni Jesus at sa pagpapakita ng pananampalatayang iyon sa pamamagitan ng pagsunod. (Juan 3:16, 36; 1 Timoteo 2:5, 6; Hebreo 2:9; 5:9) Ang iyo bang landas ng pamumuhay ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa paglalaang iyon?

Isang Pamana na Ipinasa sa Pamamagitan ni Abraham

5. Paano ipinakita ni Abraham ang pagpapahalaga sa kaniyang kaugnayan kay Jehova?

5 Habang kaniyang isinasakatuparan ang kaniyang layunin para sa lupa, si Jehova ay nakitungo kay Abraham sa isang pantanging paraan. Kaniyang tinagubilinan ang tapat na taong iyon na umalis sa kaniyang bayan at lumipat sa isang lupain na ipakikita sa kaniya ng Diyos mismo. Si Abraham ay kusang-loob na sumunod. Pagdating doon ni Abraham, sinabi ni Jehova na ang supling ni Abraham, hindi si Abraham mismo, ang tatanggap ng lupain bilang isang pamana. (Genesis 12:1, 2, 7) Ano ang naging reaksiyon ni Abraham? Siya ay handang maglingkod kay Jehova kahit saan at sa anumang paraang itagubilin ng Diyos upang matanggap ng kaniyang mga supling ang kanilang mana. Si Abraham ay naglingkod kay Jehova sa lupaing hindi sa kaniya sa loob ng 100 taon, hanggang sa kaniyang kamatayan. (Genesis 12:4; 25:8-10) Gayon din kaya ang gagawin mo? Sinabi ni Jehova na si Abraham ay kaniyang “kaibigan.”​—Isaias 41:8.

6. (a) Ano ang ipinakita ni Abraham sa pamamagitan ng kusang-loob na paghahain sa kaniyang anak? (b) Anong mahalagang pamana ang maipapasa ni Abraham sa kaniyang supling?

6 Si Abraham ay naghintay nang maraming taon para magkaroon ng isang anak na lalaki, si Isaac, na kaniyang lubhang minamahal. Nang ang batang lalaki ay maliwanag na binata na, tinagubilinan ni Jehova si Abraham na kunin ang bata at ihandog siya bilang isang hain. Hindi alam ni Abraham na kaniyang ipakikita kung ano ang gagawin mismo ng Diyos sa pagbibigay sa kaniyang Anak bilang isang pantubos; subalit, siya’y sumunod at nasa akto na ng paghahandog kay Isaac bilang isang hain nang pigilin siya ng anghel ni Jehova. (Genesis 22:9-14) Sinabi na ni Jehova na ang kaniyang mga pangako kay Abraham ay matutupad sa pamamagitan ni Isaac. Kaya, si Abraham ay maliwanag na may pananampalataya na, kung kinakailangan, maaaring buhaying-muli ng Diyos si Isaac mula sa mga patay, bagaman ang gayong bagay ay hindi pa kailanman nangyayari noon. (Genesis 17:15-18; Hebreo 11:17-19) Dahil sa hindi ipinagkait ni Abraham kahit na ang kaniyang anak, si Jehova ay nagsabi: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:15-18) Ipinakikita nito na ang binanggit na Binhi sa Genesis 3:15, ang Mesiyanikong tagapagligtas, ay lilitaw mula sa pamilya ni Abraham. Tunay ngang isang mahalagang pamana upang ipasa!

7. Paano ipinakita nina Abraham, Isaac, at Jacob ang pagpapahalaga sa kanilang mana?

7 Hindi alam ni Abraham ang kahalagahan ng ginagawa noon ni Jehova; ni ng kaniyang anak na si Isaac ni ng kaniyang apo na si Jacob, na naging “mga tagapagmanang kasama niya ng mismong pangakong iyon.” Subalit silang lahat ay nagtiwala kay Jehova. Hindi nila iniugnay ang kanilang sarili sa alinmang lunsod-kaharian sa lupain sapagkat sila’y naghahanap ng higit na mabuting bagay​—“ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.” (Hebreo 11:8-10, 13-16) Subalit, hindi kinilala ng lahat ng mga supling ni Abraham ang kahalagahan ng pamana na matatamo sa pamamagitan ni Abraham.

Ang Ilan na Humamak sa Pamana

8. Paano ipinakita ni Esau na hindi niya kinilala ang kahalagahan ng kaniyang mana?

8 Si Esau, ang pinakamatandang anak na lalaki ni Isaac, ay nabigong magpahalaga sa kaniyang karapatan bilang panganay. Hindi niya pinahalagahan ang sagradong mga bagay. Kaya isang araw nang magutom si Esau, ipinagbili niya ang kaniyang karapatan bilang panganay sa kaniyang kapatid, si Jacob. Para sa ano? Kapalit ng isang pagkain ng tinapay at nilagang lentehas! (Genesis 25:29-34; Hebreo 12:14-17) Ang bansa na sa pamamagitan nito ay matutupad ang pangako ng Diyos kay Abraham ay nagmula kay Jacob, na ang pangalan ay pinalitan ng Diyos at ginawang Israel. Anong mga pagkakataon ang binuksan ng partikular na pamanang iyon para sa kanila?

9. Dahilan sa kanilang espirituwal na mana, anong pagliligtas ang naranasan ng mga supling ni Jacob, o Israel?

9 Noong panahon ng taggutom, si Jacob at ang kaniyang pamilya ay lumipat sa Ehipto. Doon sila dumami at naging napakakapal ang bilang, subalit sila ay naging mga alipin din. Gayunman, hindi nalimutan ni Jehova ang kaniyang tipan kay Abraham. Sa itinakdang panahon ng Diyos, kaniyang pinalaya ang mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin at sinabihan na sila’y dadalhin niya sa “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,” ang lupaing kaniyang ipinangako kay Abraham.​—Exodo 3:7, 8; Genesis 15:18-21.

10. Sa Bundok Sinai, ano pang pambihirang pangyayari ang naganap may kaugnayan sa mana ng mga anak ni Israel?

10 Nang ang mga anak ni Israel ay patungo sa Lupang Pangako, sila ay tinipon ni Jehova sa Bundok Sinai. Doon niya sinabi sa kanila: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin. At kayo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Pagkatapos na ang bayan ay kusang-loob at may pagkakaisang sumang-ayon dito, si Jehova ay nagpatuloy sa pagbibigay sa kanila ng kaniyang Kautusan​—bagay na hindi niya ginawa sa alinmang bayan.​—Awit 147:19, 20.

11. Ano ang ilan sa mahahalagang bagay na kalakip sa espirituwal na pamana sa mga anak ni Israel?

11 Napakahalaga ngang espirituwal na pamana ang tinamo ng bagong bansang iyon! Sila’y sumamba sa tanging Diyos na totoo. Sila’y iniligtas niya mula sa Ehipto at naging mga saksing nakakita ng kagila-gilalas na mga pangyayari nang ibigay ang Batas sa Bundok Sinai. Ang kanilang pamana ay higit pang pinagyaman sa kanilang pagtanggap sa pamamagitan ng mga propeta ng karagdagang “mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Roma 3:1, 2) Sila ay itinalaga ni Jehova upang maging kaniyang mga saksi. (Isaias 43:10-12) Ang Mesiyanikong Binhi ay lilitaw sa kanilang bansa. Ang Batas ay tumukoy sa kaniya, magpapakilala sa kaniya, at dapat na makatulong sa kanila na mapahalagahan ang kanilang pangangailangan ukol sa kaniya. (Galacia 3:19, 24) Bukod dito, sila ay bibigyan ng pagkakataon na maglingkod kasama ng Mesiyanikong Binhing iyon bilang isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.​—Roma 9:4, 5.

12. Bagaman sila’y pumasok sa Lupang Pangako, ano ang hindi naranasan ng mga Israelita? Bakit?

12 Tapat sa kaniyang pangako, inakay ni Jehova ang mga Israelita tungo sa Lupang Pangako. Subalit kagaya ng ipinaliwanag ni apostol Pablo sa dakong huli, dahil sa kawalan nila ng pananampalataya, ang lupaing iyon ay hindi talaga naging “isang dako ng kapahingahan.” Bilang isang bayan, hindi sila pumasok sa “kapahingahan ng Diyos” sapagkat hindi sila nakaunawa at nakakilos kasuwato ng layunin ng sariling araw ng pamamahinga ng Diyos, na nagpasimula pagkatapos lalangin sina Adan at Eva.​—Hebreo 4:3-10.

13. Dahil sa hindi pagpapahalaga sa kanilang espirituwal na pamana, ano ang naiwala ng Israel bilang isang bansa?

13 Ang likas na Israel ay maaari sanang maglaan ng kumpletong bilang niyaong makikibahaging kasama ng Mesiyas sa kaniyang makalangit na Kaharian bilang isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa. Subalit hindi nila kinilala ang kanilang mahalagang pamana. Isang nalabi lamang ng likas na mga Israelita ang tumanggap sa Mesiyas nang siya’y dumating. Bilang resulta, isang maliit na bilang lamang ang napasama sa inihulang kaharian ng mga saserdote. Ang Kaharian ay inalis mula sa likas na Israel at ‘ibinigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.’ (Mateo 21:43) Ano ang bansang iyon?

Isang Mana sa mga Langit

14, 15. (a) Pagkamatay ni Jesus, paano nagsimulang pagpalain ng mga bansa ang kanilang sarili sa pamamagitan ng “binhi” ni Abraham? (b) Ano ang tinanggap ng mga miyembro ng “Israel ng Diyos” bilang isang mana?

14 Ang bansang pinagbigyan ng Kaharian ay ang “Israel ng Diyos,” ang espirituwal na Israel, na binubuo ng 144,000 pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod ni Jesu-Kristo. (Galacia 6:16; Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-3) Ang ilan sa 144,000 na yaon ay mga likas na Judio, subalit ang karamihan ay mula sa mga bansang Gentil. Sa ganitong paraan, ang pangako ni Jehova kay Abraham, na sa pamamagitan ng kaniyang “binhi” ay pagpapalain ang lahat ng bansa, ay nagpasimulang matupad. (Gawa 3:25, 26; Galacia 3:8, 9) Sa unang katuparang iyon, ang mga tao ng mga bansa ay pinahiran ng banal na espiritu at inampon ng Diyos na Jehova bilang espirituwal na mga anak, mga kapatid ni Jesu-Kristo. Kaya, sila rin ay naging pangalawahing bahagi ng “binhi” na iyon.​—Galacia 3:28, 29.

15 Bago ang kaniyang kamatayan, ipinakilala ni Jesus sa mga Judio na magiging mga miyembro ng bagong bansang iyon ang bagong tipan, na pagtitibayin ng kaniyang sariling dugo. Dahil sa kanilang pananampalataya sa nagbibigay-bisang haing yaon, gagawing ‘walang katapusan ang kasakdalan’ niyaong mga dinala sa tipang iyon. (Hebreo 10:14-18) Maaari silang ‘maipahayag na matuwid’ at mapatawad sa kanilang mga kasalanan. (1 Corinto 6:11) Kaya, sa diwang iyon, sila’y kagaya ni Adan bago siya nagkasala. Gayunman, ang mga ito ay hindi mabubuhay sa isang makalupang paraiso. Sinabi ni Jesus na siya’y maghahanda ng isang dako para sa kanila sa langit. (Juan 14:2, 3) Isinuko nila ang kanilang makalupang mga pag-asa upang magkaroon ng ‘mana na nakataan para sa kanila sa langit.’ (1 Pedro 1:4) Ano ang kanilang gagawin doon? Si Jesus ay nagpaliwanag: “Nakipagtipan ako sa inyo . . . ukol sa isang kaharian.”​—Lucas 22:29.

16. Anong kamangha-manghang atas ng paglilingkod ang naghihintay sa pinahirang mga Kristiyano?

16 Mula sa langit, yaong mga mamamahalang kasama ni Kristo, bukod sa iba pang bagay, ay tutulong upang alisin sa lupa ang lahat ng bakas ng paghihimagsik laban sa soberanya ni Jehova. (Apocalipsis 2:26, 27) Bilang pangalawahing bahagi ng espirituwal na binhi ni Abraham, sila ay makikibahagi sa pagdadala ng pagpapala ng buhay sa kasakdalan sa mga tao ng lahat ng bansa. (Roma 8:17-21) Tunay ngang isang mahalagang mana ang taglay nila!​—Efeso 1:16-18.

17. Anong mga aspekto ng kanilang pamana ang tinatamasa ng pinahirang mga Kristiyano habang sila’y nasa lupa pa?

17 Subalit ang pamana sa mga pinahirang tagasunod ni Jesus ay hindi pawang sa hinaharap. Sa isang paraang hindi magagawa ng sinuman, tinulungan sila ni Jesus na makilala si Jehova, ang tanging Diyos na totoo. (Mateo 11:27; Juan 17:3, 26) Sa pamamagitan ng salita at halimbawa, itinuro niya sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng ‘pagtitiwala kay Jehova’ at kung ano ang nasasangkot sa pagsunod kay Jehova. (Hebreo 2:13; 5:7-9) Ipinagkatiwala sa kanila ni Jesus ang kaalaman sa katotohanan hinggil sa layunin ng Diyos at tiniyak sa kanila na ang banal na espiritu ay aakay sa kanila sa isang ganap na pagkaunawa rito. (Juan 14:24-26) Ikinintal niya sa kanilang mga isip at puso ang kahalagahan ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:10, 33) Ipinagkatiwala rin ni Jesus sa kanila ang atas na magpatotoo at gumawa ng mga alagad sa mga tao sa Jerusalem, Judea, Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.​—Mateo 24:14; 28:19, 20; Gawa 1:8.

Isang Mahalagang Pamana Para sa Isang Malaking Pulutong

18. Sa anong paraan natutupad sa ngayon ang pangako ni Jehova na pagpapalain ng lahat ng bansa ang kanilang sarili sa pamamagitan ng “binhi” ni Abraham?

18 Malamang, ang hustong bilang ng espirituwal na Israel, yaong “munting kawan” ng mga tagapagmana ng Kaharian, ay napili na. (Lucas 12:32) Mga ilang dekada na ngayon, ibinaling naman ni Jehova ang pansin sa pagtitipon ng isang malaking pulutong ng mga iba pa mula sa lahat ng bansa. Kaya, ang pangako ni Jehova kay Abraham na sa pamamagitan ng kaniyang “binhi” pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili ay natutupad na sa isang malawak na paraan. Taglay ang kagalakan, ang mga pinagpalang ito ay nag-uukol din ng sagradong paglilingkod kay Jehova at kinikilala na ang kanilang kaligtasan ay nakasalalay sa pananampalataya sa Kordero ng Diyos, si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 7:9, 10) Tinanggap mo na ba ang magiliw na paanyaya ni Jehova na maging bahagi ng maligayang grupong iyon?

19. Anong pamana ang inaasahan niyaong mga bansang pinagpapala sa ngayon?

19 Anong mahalagang pamana ang iniaalok ni Jehova sa mga hindi kabilang sa munting kawan? Hindi, hindi ito isang mana sa langit. Ito ay ang pamana na sana’y naipasa ni Adan sa kaniyang mga supling​—ang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan sa isang paraiso na unti-unting lalaganap sa buong lupa. Ito ay magiging isang sanlibutan na doo’y “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) Para sa iyo, kung gayon, sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos: “Magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupa, at makitungo ka nang may katapatan. Magkaroon ka rin ng masidhing kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso. At kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:3, 4, 10, 11, 29.

20. Paano natatamasa ng “ibang tupa” ang malaking bahagi sa espirituwal na pamana ng pinahirang mga Kristiyano?

20 Ang “ibang mga tupa” ni Jesus ay may mana sa makalupang sakop ng makalangit na Kaharian. (Juan 10:16a) Bagaman sila ay hindi magtutungo sa mga langit, ang malaking bahagi ng espirituwal na pamana na tinatamasa ng mga pinahiran ay ipinapasa sa kanila. Ito’y sa pamamagitan ng mga miyembro ng pinahiran bilang isang lupon na, “ang tapat at maingat na alipin,” nabuksan sa ibang mga tupa ang kaunawaan sa mahahalagang pangako na nasa Salita ng Diyos. (Mateo 24:45-47; 25:34) Sama-sama, nakikilala at sinasamba ng pinahiran at ng ibang mga tupa ang tanging Diyos na totoo, si Jehova. (Juan 17:20, 21) Sama-sama, sila’y nagpapasalamat sa Diyos dahil sa halaga ng pambayad-salang hain ni Jesus. Sila’y sama-samang naglilingkod bilang isang kawan sa ilalim ng isang Pastol, si Jesu-Kristo. (Juan 10:16b) Silang lahat ay bahagi ng isang maibigin, pambuong daigdig na kapatiran. Sila’y sama-samang nakikibahagi sa pribilehiyo ng pagiging mga Saksi ni Jehova at ng kaniyang Kaharian. Oo, kung ikaw ay isang naaalay at bautisadong lingkod ni Jehova, ang lahat ng ito ay kalakip sa iyong espirituwal na pamana.

21, 22. Paano maipakikita nating lahat na pinakamamahal natin ang ating espirituwal na pamana?

21 Gaano kahalaga ang espirituwal na pamanang ito sa iyo? Lubos mo bang pinahahalagahan ito anupat ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay nagiging siyang pinakamahalagang bagay sa iyong buhay? Bilang katunayan nito, sinusunod mo ba ang payo ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon na maging regular sa pagdalo sa lahat ng mga pulong ng kongregasyong Kristiyano? (Hebreo 10:24, 25) Ang pamana bang iyon ay gayon na lamang kahalaga sa iyo anupat ikaw ay nagpapatuloy sa paglilingkod sa Diyos sa kabila ng kahirapan? Ang iyo bang pagpapahalaga rito ay totoong malaki upang magpatibay sa iyo na labanan ang anumang tukso na itaguyod ang isang landasin na maaaring umakay sa pagkawala nito?

22 Pakamahalin nawa nating lahat ang espirituwal na pamana na ibinigay sa atin ng Diyos. Habang pinananatili nating nakapako ang ating mga mata sa Paraiso sa hinaharap, makibahagi nawa tayo nang lubusan sa espirituwal na mga pribilehiyo na ipinagkakaloob sa atin ni Jehova sa ngayon. Sa pamamagitan ng pagsesentro ng ating buhay sa ating kaugnayan kay Jehova, nagbibigay tayo ng nakakakumbinsing patotoo kung gaano nga kahalaga sa atin ang ating bigay-Diyos na pamana. Mapabilang nawa tayo doon sa mga nagpapahayag: “Dadakilain kita, O aking Diyos na Hari, at pagpapalain ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda, magpakailan kailanman.”​—Awit 145:1.

Paano Mo Ipaliliwanag?

• Kung si Adan ay naging tapat sa Diyos, anong pamana ang maaaring naipasa niya sa atin?

• Paano minalas ng mga supling ni Abraham ang pamana na nakalaan sa kanila?

• Ano ang kalakip sa pamana sa pinahirang mga tagasunod ni Kristo?

• Ano ang pamana sa malaking pulutong, at paano nila maipakikita na tunay na pinahahalagahan nila ito?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 20]

Tinanggap ng mga supling ni Abraham ang pangako hinggil sa isang mahalagang mana

[Mga larawan sa pahina 23]

Pinahahalagahan mo ba ang iyong espirituwal na pamana?