Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Marunong Ka Bang Maghintay?

Marunong Ka Bang Maghintay?

Marunong Ka Bang Maghintay?

NAIISIP mo ba kung gaano karaming panahon ang ginugugol ng mga tao bawat taon sa paghihintay lamang? Naghihintay sila sa pila sa tindahan o sa gasolinahan. Naghihintay silang mapagsilbihan sa restawran. Naghihintay sila upang magpatingin sa doktor o sa dentista. Naghihintay sila ng mga bus at mga tren. Oo, kataka-takang dami ng oras sa buhay ng tao ang ginugugol sa paghihintay na maganap ang mga bagay-bagay. Ayon sa isang pagtaya, ang mga Aleman lamang ay nakakaubos ng 4.7 bilyong oras bawat taon sa paghihintay lamang sa mga buhul-buhol na trapiko! May kumuwenta na ito’y katumbas ng kabuuang inaasahang haba ng buhay ng halos 7,000 katao.

Ang paghihintay ay maaaring lubhang nakasisiphayo. Sa kasalukuyan, wari bang wala nang sapat na panahon para gawin ang lahat ng bagay, at ang pag-iisip hinggil sa iba pang mga bagay na dapat sana’y ginagawa natin ay nagpapangyaring maging isang tunay na hamon ang paghihintay. Sinabi noon ng awtor na si Alexander Rose: “Ang kalahati sa matinding paghihirap sa pamumuhay ay paghihintay.”

Kinilala ng estadistang Amerikano na si Benjamin Franklin na ang paghihintay ay maaari ring maging magastos. Mahigit 250 taon na ang nakalilipas, ang sabi niya: “Ang panahon ay salapi.” Iyan ang dahilan kung bakit ang mga negosyo ay humahanap ng mga paraan upang maiwasan ang di-kinakailangang mga pagkaantala sa panahon ng mga proseso sa trabaho. Ang paggawa ng mas maraming produkto sa mas maikling panahon ay mangangahulugan ng mas malalaking kita. Ang mga negosyo na tuwirang nagsisilbi sa publiko ay nagsisikap na mag-alok ng mabilis na serbisyo​—fast food, drive-through banking, at ang katulad nito​—sapagkat alam nila na kabilang sa pagpapalugod ng parokyano ang pagbabawas sa panahon ng paghihintay.

Pag-aaksaya sa Ating mga Buhay

Ang makatang Amerikano noong ika-19 na siglo na si Ralph Waldo Emerson ay nagreklamo minsan: “Gaano karaming bahagi ng buhay ng tao ang nasasayang sa paghihintay!” Nitong kamakailan lamang, ang awtor na si Lance Morrow ay nagreklamo hinggil sa pagkainip at pagkabalisa sa paghihintay. Ngunit pagkatapos ay tinukoy niya “ang mas di-halatang kahapisan sa paghihintay.” Ano ito? “Ang pagkaalam na ang pinakamahalagang yaman, panahon at isang bahagi ng buhay ng isa, ay ninanakaw at tuluyan nang nasayang.” Nakapanghihinayang, ngunit totoo. Ang panahong nasayang dahil sa paghihintay ay nasayang na magpakailanman.

Sabihin pa, kung ang buhay ay hindi sana napakaikli, ang paghihintay ay hindi masyadong nakababahala. Ngunit ang buhay ay maikli. Libu-libong taon na ang nakalipas, ang salmista sa Bibliya ay nagsabi: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon, ngunit ang kanilang pinagpupunyagian ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay; sapagkat ito ay madaling lumilipas, at kami ay lumilipad.” (Awit 90:10) Saanman tayo naninirahan at sinuman tayo, ang ating mga buhay​—ang mga araw, oras, minuto na napapaharap sa atin nang tayo ay isilang​—ay limitado. Gayunman, hindi natin maiiwasan ang mga pagkakataon kung saan tayo ay napipilitang magsayang ng ilan sa mahalagang panahon na iyan sa paghihintay sa mga pangyayari o mga tao.

Pagkatuto Kung Paano Maghintay

Nakaranas na ang karamihan sa atin na sumakay sa isang kotse kasama ang isang tsuper na palaging nagsisikap na lampasan ang sasakyan na nauuna sa kaniya. Kadalasan, hindi naman ito kailangang-kailangan​—ang tsuper ay wala namang apurahang pakikipagtagpo. Gayunman, hindi niya matagalan na ang kaniyang biyahe ay pangunahan ng ibang tsuper. Ang kawalan niya ng pagtitiis ay nagpapahiwatig na hindi niya natutuhan kung paano maghintay. Natutuhan? Oo, ang pagkaalam kung paano maghintay ay isang aralin na kailangang matutuhan. Walang sinumang ipinanganak na nagtataglay nito. Kinakailangan ng mga sanggol na sila’y pagtuunan agad ng pansin kapag sila ay nagugutom o di-komportable. Saka lamang nila nauunawaan na kailangan nilang maghintay para sa gusto nila habang sila ay lumalaki na. Tunay, yamang ang paghihintay ay hindi maiiwasang bahagi ng buhay, ang pagkaalam kung paano maghintay nang may pagtitiis kapag kinakailangan ay tanda ng isang maygulang na tao.

Sabihin pa, may mga apurahang situwasyon kung saan ang kawalang-pagtitiis ay mauunawaan. Ang isang kabataang asawang lalaki na isinusugod ang kaniyang asawa sa ospital dahilan sa isisilang na ang kanilang bagong sanggol ay makatuwiran lamang na mawalan ng pasensiya sa mga pagkakaantala. Ang mga anghel na humihimok kay Lot na lisanin ang Sodoma ay hindi nakahandang maghintay habang nagluluwat si Lot. Napipinto ang pagkapuksa, at ang buhay ni Lot at ng kaniyang pamilya ay nakataya. (Genesis 19:15, 16) Gayunman, sa karamihan ng mga kaso, hindi naman nakataya ang buhay kapag ang mga tao ay napipilitang maghintay. Sa mga kasong iyon, ang mga bagay-bagay ay magiging higit na kasiya-siya kung matututuhan ng lahat na maging matiisin​—kahit na ang paghihintay ay dahilan sa kawalang-kakayahan o kawalan ng interes ng iba. Isa pa, mas madaling maging matiisin kung matututuhan ng lahat kung paano gamitin ang panahong ginugugol sa paghihintay sa isang kapaki-pakinabang na paraan. Ang kahon sa pahina 5 ay may ilang mungkahi upang ang paghihintay ay hindi lamang mapagtiisan kundi maging kapaki-pakinabang pa nga.

Hindi maipagwawalang-bahala na ang mainiping espiritu ay maaaring magsiwalat ng mapagmataas na saloobin, ang damdamin na ang isa ay masyadong importante para papaghintayin. Para sa sinuman na may ganitong saloobin, ang sumusunod na mga salita mula sa Bibliya ay karapat-dapat isaalang-alang: “Mas mabuti ang matiisin kaysa sa may palalong espiritu.” (Eclesiastes 7:8) Ang kapalaluan, o pagmamapuri, ay isang malubhang depekto sa personalidad, at ang kawikaan sa Bibliya ay nagsasabi: “Ang lahat ng may pusong mapagmapuri ay karima-rimarim kay Jehova.” (Kawikaan 16:5) Ang pagkatuto ng pagtitiis​—pagkatuto kung paano maghintay​—kung gayon, ay maaaring humihiling na suriin nating mabuti ang ating mga sarili at ang ating mga kaugnayan sa mga taong nasa palibot natin.

Ang Pagtitiis ay Gagantimpalaan

Karaniwan nang nasusumpungan natin na mas madaling maghintay kung tayo ay kumbinsido na makatuwiran ang pagkaantala ng ating hinihintay at na ito’y talagang darating sa kalaunan. Hinggil dito, makabubuting pag-isipan ang katotohanan na lahat ng taimtim na mga mananamba ng Diyos ay naghihintay para sa katuparan ng kaniyang kahanga-hangang mga pangako na masusumpungan sa Bibliya. Halimbawa, sinabi sa atin sa isang kinasihan ng Diyos na salmo: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” Ang pangakong ito ay inulit ni apostol Juan nang sabihin niya: “Siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (Awit 37:29; 1 Juan 2:17) Maliwanag, kung tayo ay mabubuhay magpakailanman, ang paghihintay ay hindi magiging isang malaking suliranin. Ngunit hindi tayo nabubuhay magpakailanman ngayon. Makatotohanan ba ang kahit pag-usapan man lamang ang buhay na walang-hanggan?

Bago sumagot, isaalang-alang na nilikha ng Diyos ang ating unang mga magulang taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Dahil lamang sa sila ay nagkasala kung kaya’t naiwala nila ang pag-asang iyan kapuwa para sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga anak​—kabilang na tayo. Gayunman, kaagad-agad pagkatapos ng kanilang pagkakasala, inihayag ng Diyos ang kaniyang layunin na baligtarin ang mga bunga ng kanilang pagsuway. Ipinangako niya ang pagdating ng isang “binhi,” na naging si Jesu-Kristo.​—Genesis 3:15; Roma 5:18.

Tayo ang magpapasiya kung tayo man ay makikinabang bilang mga indibiduwal mula sa katuparan ng kaniyang mga pangako. Ang paggawa ng gayon ay nangangailangan ng pagtitiis. Upang matulungan tayong matutuhan ang uring ito ng pagtitiis, pinatitibay tayo ng Bibliya na magbulay-bulay sa halimbawa ng isang magsasaka. Inihahasik niya ang kaniyang binhi at kailangan niyang maghintay nang may pagtitiis​—na ginagawa ang kaya niya upang maingatan ang kaniyang tanim​—hanggang dumating ang panahon para sa pag-aani. Pagkatapos ay ginantimpalaan ang kaniyang pagtitiis, at nakikita niya ang mga bunga ng kaniyang pagpapagal. (Santiago 5:7) Binabanggit ni apostol Pablo ang isa pang halimbawa ng pagtitiis. Ipinaaalaala niya sa atin ang sinaunang tapat na mga lalaki at mga babae. Sila’y umaasa sa katuparan ng mga layunin ng Diyos, ngunit kailangan nilang maghintay para sa itinakdang panahon ng Diyos. Pinatitibay tayo ni Pablo na tularan ang mga ito, na “sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.”​—Hebreo 6:11, 12.

Oo, ang paghihintay ay isang hindi maiiwasang katotohanan ng buhay. Ngunit hindi ito kailangang palaging pagmulan ng kabagabagan. Para doon sa mga naghihintay sa pagsasakatuparan ng mga pangako ng Diyos, ito’y maaaring pagmulan ng kagalakan. Mapupunan nila ang panahong ginugugol sa paghihintay sa pamamagitan ng paglinang ng isang malapit na kaugnayan sa Diyos at sa paggawa ng mga gawang nagpapamalas ng kanilang pananampalataya. At sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay, malilinang nila ang isang hindi kumukupas na pagtitiwala na lahat ng ipinangako ng Diyos ay magaganap sa kaniyang takdang panahon.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 5]

BAWASAN ANG KABALISAHAN SA PAGHIHINTAY!

Magplano nang patiuna! Kung alam mong kailangan mong maghintay, maging handa na magbasa, magsulat, magniting, maggantsilyo, o gumawa ng iba pang kapaki-pakinabang na gawain.

Gamitin ang panahon upang magbulay-bulay, isang bagay na nagiging higit at higit na mahirap sa ating mabilis-ang-kilos na daigdig.

Maglagay ng ilang babasahin malapit sa telepono upang mabasa kung ikaw ay naghihintay sa iyong kausap sa telepono; sa loob ng lima o sampung minuto, makababasa ka ng ilang pahina.

Kapag naghihintay na kasama ng isang grupo, gamitin ang pagkakataon, kung angkop, upang pasimulan ang mga pakikipag-usap sa iba at ibahagi sa kanila ang nakapagpapatibay na mga kaisipan.

Maglagay ng sulatan o babasahin sa iyong kotse para sa mga panahon ng di-inaasahang paghihintay.

Ipikit ang iyong mata, magrelaks, o manalangin.

ANG MATAGUMPAY NA PAGHIHINTAY AY PANGUNAHIN NANG MAY KINALAMAN SA SALOOBIN AT PATIUNANG PAG-IISIP.