Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagdidilig sa mga Binhi ng Katotohanan sa Chile

Pagdidilig sa mga Binhi ng Katotohanan sa Chile

Pagdidilig sa mga Binhi ng Katotohanan sa Chile

SA DISYERTO sa gawing hilaga ng Chile, lumilipas ang mga taon bago dumating ang ulan. Subalit kapag dumating naman ito, ang lupang tigang at nakakalatan ng bato ay nagiging mistulang alpombra ng mga bulaklak na maraming kulay. Ang kamangha-manghang pagtatanghal na ito ay umaakit ng mga turista sa buong bansa.

Gayunman, higit pang kawili-wiling pangyayari ang nagaganap sa gitna ng mga tao sa Chile. Ang tubig ng katotohanan sa Bibliya ay umaagos sa bawat sulok ng lupain, at maraming taimtim na mga tao ang “namumulaklak” sa pagiging mga alagad ni Jesu-Kristo. Ang isang paraan na ginagamit upang palaganapin ang mga tubig na ito ng katotohanan ay ang telepono. Ipinakikita ng sumusunod na mga karanasan ang maiinam na bunga na natatamo sa paraang ito ng pagpapatotoo.

• Isang buong-panahong ebanghelisador na nagngangalang Karina ang hinilingan na magtanghal kung paano magpapatotoo sa pamamagitan ng telepono sa isang programa sa pansirkitong asamblea. Subalit si Karina ay hindi pa kailanman nakabahagi sa larangang ito ng gawaing pagpapatotoo. Upang mapalakas-loob siya na makibahagi sa programa sa asamblea, nirepaso ng isang matanda kasama ng asawa nito kay Karina ang ilang punto kung paano magpapatotoo sa pamamagitan ng telepono. Hinimok din nila siya na manalangin para sa patnubay ni Jehova sa bagay na ito. Gayon nga ang ginawa niya at sa wakas ay nagpasiya siyang sumubok na tumawag sa telepono.

Pinili ni Karina ang isang numero ng telepono sa isang kalapit na nayon. Isang opereytor ng telepono ang sumagot, at ipinaliwanag ni Karina ang layunin ng kaniyang pagtawag. Maganda ang tugon ng opereytor, at isinaayos na muli silang mag-usap sa ikatlong araw. Ang pagdalaw na muli sa pamamagitan ng telepono ay nagbunga ng isang pag-aaral sa Bibliya, na ginagamit ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Mula noon, nagtamasa sila ng kawili-wili at masiglang mga pag-aaral, at si Karina ay nakapagpadala ng literatura upang sagutin ang mga katanungan ng babae.

• Si Bernarda ay nagkusang magpatotoo sa isang lalaki na nagkamali sa pagtawag sa numero ng kaniyang telepono. Sa halip na mainis, ipinakilala ni Bernarda ang kaniyang sarili bilang isa sa mga Saksi ni Jehova at nag-alok ng tulong. Napasimulan ang isang pag-uusap, at ang lalaki ay nakinig habang ipinaliliwanag niya kung paanong malapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang kawalang-katarungan. Ibinigay ng lalaki ang numero ng kaniyang telepono kay Bernarda, at siya’y dumalaw na muli sa pamamagitan ng telepono. Sa isa sa kanilang mga pag-uusap, binasa niya sa kaniya ang isang bahagi ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Nagtanong ang lalaki kung paano siya magkakaroon ng isang kopya, at pinadalhan siya ni Bernarda ng isang kopya nito kasama ang isang Bibliya. Isinaayos na ang lalaki ay madalaw ng isang lokal na brother, na siya ngayong nagpapatuloy na “dumilig” sa lumalagong “halaman” na ito.

Oo, sa tigang na espirituwal na lupa ng daigdig na ito, ang natatagong mga binhi ay naghihintay na umusbong kapag naabot ng nagbibigay-buhay na mga tubig ng katotohanan. Libu-libong nauuhaw ang patuloy na “sumisibol” at “namumulaklak” sa pagiging tapat na mga lingkod ng Diyos na Jehova.​—Isaias 44:3, 4.