Ang Mapagpakumbabang si Josias ay Nagkamit ng Pagsang-ayon ni Jehova
Ang Mapagpakumbabang si Josias ay Nagkamit ng Pagsang-ayon ni Jehova
ANG limang-taóng-gulang na si Prinsipe Josias ng Juda ay malamang na natatakot. Tumatangis ang kaniyang ina na si Jedida. May dahilan si Jedida na tumangis yamang ang lolo ni Josias, si Haring Manases, ay namatay na.—2 Hari 21:18.
Ngayon ang ama ni Josias, si Amon, ang magiging hari ng Juda. (2 Cronica 33:20) Pagkalipas ng dalawang taon (659 B.C.E.), pinatay si Amon ng kaniyang mga lingkod. Pinatay ng bayan ang mga nagsabuwatan at ginawang hari ang batang si Josias. (2 Hari 21:24; 2 Cronica 33:25) Noong panahon ng paghahari ni Amon, nahirati na si Josias sa amoy ng insenso na pumuno sa hangin ng Jerusalem dahil sa maraming mga altar sa tuktok ng bubong na ginagamit ng mga tao sa pagsamba nila sa mga huwad na diyos. Ang mga paganong saserdote ay makikitang naglalakad-lakad, at ang mga deboto—kahit ang ilan sa mga nag-aangking sumasamba kay Jehova—ay sumusumpa sa pamamagitan ng diyos na si Malcam.—Zefanias 1:1, 5.
Alam ni Josias na si Amon ay kumilos nang may kabalakyutan sa pamamagitan ng pagsamba sa mga huwad na diyos. Ang batang hari ng Juda ay nagkaroon din ng higit na kaunawaan sa mga paghahayag ng propeta ng Diyos na si Zefanias. Nang si Josias ay 15 anyos (652 B.C.E.), nasa ikawalong taon na siya ng kaniyang paghahari at naging determinado na sundin ang mga salita ni Zefanias. Habang bata pa siya, nagsimulang hanapin ni Josias si Jehova.—2 Cronica 33:21, 22; 34:3.
Nagsimulang Kumilos Nang Puspusan si Josias!
Apat na taon ang lumipas at nagsimula si Josias na linisin ang Juda at Jerusalem mula sa huwad na relihiyon (648 B.C.E.). Kaniyang winasak ang mga idolo, ang mga sagradong poste, at mga insensong altar na ginagamit sa pagsamba kay Baal. Ang mga imahen ng mga huwad na diyos ay dinurog hanggang sa maging pulbos at pagkatapos ay isinabog sa mga libingan ng mga taong sumasamba sa mga ito. Ang mga altar na ginamit sa maruming pagsamba ay nilapastangan at pagkatapos ay winasak.—2 Hari 23:8-14.
Puspusan ang paglilinis ni Josias nang si Jeremias, anak ng isang saserdoteng Levita, ay pumunta sa Jerusalem (647 B.C.E.). Hinirang ng Diyos na Jehova ang kabataang si Jeremias bilang kaniyang propeta, at talaga namang mapuwersang ipinahayag niya ang mensahe ni Jehova laban sa huwad na relihiyon! Halos magkasing-edad si Josias at Jeremias. Gayunman, sa kabila nang matapang na paglilinis ni Josias at walang-takot na mga paghahayag ni Jeremias, mabilis na bumalik ang bayan sa huwad na pagsamba.—Jeremias 1:1-10.
Isang Walang-Katumbas na Tuklas!
Mga limang taon ang lumipas. Ang 25-taóng-gulang na si Josias ay mga 18 taon nang naghahari. Kaniyang ipinatawag si Sapan, ang kalihim; si Maaseias, ang pinuno ng lunsod; at ang tagapagtala na si Joa. Nag-utos ang hari kay Sapan: ‘Sabihin mo kay Hilkias, ang mataas na saserdote, na kunin ang pera na tinipon ng mga bantay-pinto mula sa bayan at ibigay sa mga manggagawa upang makumpuni nila ang bahay ni Jehova.’—2 Hari 22:3-6; 2 Cronica 34:8.
Mula umagang-umaga, buong-kasipagang nagtatrabaho ang mga tagakumpuni ng templo. Tiyak na nagpapasalamat si Josias kay Jehova na inaayos ng mga manggagawa ang pinsalang ginawa ng ilan sa kaniyang mga balakyot na mga ninuno sa bahay ng Diyos. Habang sumusulong ang gawain, dumating si Sapan upang mag-ulat. Ngunit ano ito? Aba, may dala siyang balumbon! Ipinaliwanag niya na natagpuan ng Mataas na Saserdoteng si Hilkias “ang aklat 2 Cronica 34:12-18) Isa ngang walang-katumbas na tuklas—na walang-alinlangang ang orihinal na kopya ng Batas!
ng kautusan ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises.” (Nananabik si Josias na marinig ang bawat salita ng aklat. Habang nagbabasa si Sapan, tinitingnan ng hari kung paano kumakapit sa kaniya at sa bayan ang bawat utos. Lalung-lalo nang napukaw ang kaniyang damdamin sa kung paanong idiniin ng aklat ang tunay na pagsamba at inihula ang mga darating na salot at pagkatapon na sasapit kung lalahok ang bayan sa huwad na relihiyon. Ngayong napagtanto niya na hindi nasusunod ang lahat ng mga utos ng Diyos, hinapak ni Josias ang kaniyang mga kasuutan at inutusan sina Hilkias, Sapan, at ang iba pa: ‘Sumangguni kayo kay Jehova tungkol sa mga salita ng aklat na ito; sapagkat malaki ang pagngangalit ni Jehova na nagliyab sa atin sa dahilang ang ating mga ninuno ay hindi nakinig sa mga salita ng aklat na ito.’—2 Hari 22:11-13; 2 Cronica 34:19-21.
Ipinaaabot ang Salita ni Jehova
Nagpunta ang mga mensahero ni Josias kay Hulda na propetisa sa Jerusalem at nagbalik na may dalang ulat. Ipinaabot ni Hulda ang salita ni Jehova, na nagpapahiwatig na ang mga kapahamakang nakaulat sa kasusumpong na aklat ay sasapit sa apostatang bansa. Gayunman, sa dahilang nagpakababa siya sa harapan ng Diyos na Jehova, hindi na kailangang makita ni Josias ang kapahamakan. Mapipisan siya sa kaniyang mga ninuno at dadalhin sa kaniyang libingan nang payapa.—2 Hari 22:14-20; 2 Cronica 34:22-28.
Tumpak ba ang hula ni Hulda, yamang namatay si Josias sa labanan? (2 Hari 23:28-30) Oo, sapagkat ang ‘kapayapaan’ na kung saan ipinisan siya sa kaniyang libingan ay salungat sa “kapahamakan” na sasapitin ng Juda. (2 Hari 22:20; 2 Cronica 34:28) Namatay si Josias bago ang kapahamakan noong 609-607 B.C.E. nang kubkubin at wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem. At hindi naman ibig sabihin na hindi kasama sa ‘pagiging pinisan sa mga ninuno ng isa’ ang isang malupit na pagkamatay. Isang nakakatulad na pananalita ang ginagamit sa pagtukoy kapuwa sa malupit at di-malupit na pagkamatay.—Deuteronomio 31:16; 1 Hari 2:10; 22:34, 40.
Sumulong ang Tunay na Pagsamba
Tinipon ni Josias sa templo ang mga tao ng Jerusalem at binasa sa kanila “ang lahat ng salita sa aklat ng tipan” na nasumpungan sa bahay ni Jehova. Pagkatapos ay nakipagtipan siya “upang lumakad na kasunod ni Jehova at upang tuparin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga patotoo at ang kaniyang mga batas nang buong puso at nang buong kaluluwa sa pamamagitan ng pagtupad sa mga salita ng tipang ito na nakasulat sa aklat na ito.” Ang lahat ng mga tao ay nanindigan sa tipan.—2 Hari 23:1-3.
Ngayon ay nagbunsod si Haring Josias ng isa pa at maliwanag na mas masidhing kampanya laban sa idolatriya. Ang mga saserdote ng banyagang-diyos ng Juda ay inalisan ng ikabubuhay. Ang mga Levitang saserdote na kasangkot sa maruming pagsamba ay nawalan ng pribilehiyo na makapaglingkod sa altar ni Jehova, at ang matataas na dako na itinayo noong panahon ng paghahari ni Haring Solomon ay itinuring na di-angkop sa pagsamba. Kasama sa paglilinis ang teritoryo ng dating sampung-tribong kaharian ng Israel, na nilupig noon ng mga Asiryano (740 B.C.E).
Bilang katuparan ng mga salitang binanggit 300 taon ang nakalipas ng isang “lalaki ng tunay na Diyos” na walang pangalan, sinunog ni Josias ang mga buto ng mga saserdote ni Baal sa altar na ginawa ni Haring Jeroboam I sa Bethel. Ang matataas na dako ay inalis doon at sa ibang mga lunsod, at ang mga idolatrosong saserdote ay inihain sa mismong mga altar na kanilang pinanungkulan.—1 Hari 13:1-4; 2 Hari 23:4-20.
Idinaos ang Isang Malaking Paskuwa
Ang mga pagkilos ni Josias sa pagtataguyod ng dalisay na pagsamba ay may pag-alalay ng Diyos. Habang siya’y nabubuhay, magpapasalamat ang hari sa Diyos na ang mga tao ay hindi “lumihis mula sa pagsunod kay Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno.” (2 Cronica 34:33) At paano nga ba malilimutan ni Josias ang kahanga-hangang pangyayari na naganap noong ika-18 taon ng kaniyang paghahari?
Nag-utos ang hari sa bayan: “Magdaos kayo ng isang paskuwa kay Jehova na inyong Diyos ayon sa nakasulat sa [kasusumpong na] aklat na ito ng tipan.” (2 Hari 23:21) Natuwa si Josias sa nakitang mahusay na pagtugon. Sa pangingilin na ito, siya mismo ay nag-abuloy ng 30,000 hayop na ukol sa Paskuwa at 3,000 baka. Anong laking Paskuwa nga! Sa mga handog nito, mahusay-na-isinaplanong mga kaayusan, at bilang ng mga mananamba, hinihigitan nito ang anumang Paskuwa na idinaos mula noong mga araw ni propeta Samuel.—2 Hari 23:22, 23; 2 Cronica 35:1-19.
Lubos na Tinangisan sa Kamatayan
Sa natirang 31-taon ng kaniyang paghahari (659-629 B.C.E.), namahala si Josias bilang isang mabuting hari. Sa pagtatapos ng kaniyang paghahari, nalaman niya na si Paraon Neco ay nagpaplanong dumaan sa Juda upang harangin ang mga hukbo ng Babilonya at sa gayo’y matulungan ang hari ng Asirya sa Carkemis sa may Ilog Eufrates. Sa di-sinabing dahilan, lumabas si Josias upang labanan ang Ehipsiyo. Nagpadala si Neco ng mga mensahero sa kaniya, na nagsasabi: “Magpigil ka para sa sarili mong kapakanan dahil sa Diyos, na sumasaakin, upang hindi ka niya lipulin.” Ngunit nagbalatkayo si Josias at sinikap na pabalikin ang mga Ehipsiyo sa Megido.—2 Cronica 35:20-22.
Nakalulungkot para sa hari ng Juda! Tinamaan ng mga mamamanà ang kanilang inaasinta, at sinabi niya sa kaniyang mga lingkod: “Ibaba ninyo ako, sapagkat ako ay nasugatan nang napakalubha.” Kanilang inalis si Josias mula sa kaniyang karong pandigma, inilagay siya sa isa pang karo, at tumungo sa Jerusalem. Doon o habang paparoon sa lunsod, nalagot ang hininga ni Josias. “At namatay siya at inilibing sa dakong libingan ng kaniyang mga ninuno,” sabi ng kinasihang ulat, “at ang buong Juda at Jerusalem ay nagdalamhati kay Josias.” Nanambitan si Jeremias sa kaniya, at ang hari ay naging paksa ng mga panambitan sa mga pantanging mga okasyon mula noon.—2 Cronica 35:23-25.
Oo, nakagawa si Haring Josias ng isang nakapagsisising pagkakamali nang siya’y makipagdigma sa mga Ehipsiyo. (Awit 130:3) Gayunman, ang pagpapakumbaba at ang kaniyang katatagan sa tunay na pagsamba ay nagdulot sa kaniya ng pagsang-ayon ng Diyos. Tunay ngang mahusay na inilalarawan ng naging buhay ni Josias ang pagpapakita ni Jehova ng pagsang-ayon sa kaniyang mga tapat na lingkod na may mapagpakumbabang puso!—Kawikaan 3:34; Santiago 4:6.
[Larawan sa pahina 29]
Ang batang si Haring Josias ay masikap na humanap kay Jehova
[Larawan sa pahina 31]
Giniba ni Josias ang matataas na dako at itinaguyod ang tunay na pagsamba