Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inihahayag ang Kaharian ng Diyos sa mga Isla ng Fiji

Inihahayag ang Kaharian ng Diyos sa mga Isla ng Fiji

Inihahayag ang Kaharian ng Diyos sa mga Isla ng Fiji

NAGSALITA minsan si Jesu-Kristo tungkol sa dalawang daan. Ang isa ay maluwang at umaakay patungo sa kamatayan. Ang isa naman ay makipot ngunit umaakay patungo sa buhay. (Mateo 7:13, 14) Upang matulungan ang mga tao na piliin ang tamang daan, nilayon ng Diyos na Jehova na ang mabuting balita ng Kaharian ay maipangaral sa buong daigdig. (Mateo 24:14) Kaya naman, ang mga tao saanman ay nakikinig sa mensahe ng Kaharian, at pinipili ng iba ang buhay sa pamamagitan ng pagiging “ang uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Inaanyayahan namin kayong basahin ang tungkol sa piniling buhay ng ilan sa mga naninirahan sa Fiji at sa iba pang karatig na mga isla sa Timog Pasipiko.

Nagtiwala Sila kay Jehova

Si Mere ay isang babaing nag-aaral pa lamang nang una niyang marinig ang mensahe ng Kaharian noong 1964. Dahil sa siya’y nakabukod sa isang liblib na isla, bihirang-bihira siyang makakita ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, sa wakas, nagkaroon siya ng tumpak na kaalaman tungkol sa Bibliya. Sa panahong iyon, kasal na siya sa isang lalaking pinuno sa isang angkan ng kaniyang nayon. Bilang resulta ng pagpili ni Mere na mamuhay ayon sa simulain ng Bibliya, malupit na pinakitunguhan siya ng kaniyang asawa at mga kamag-anak nito, at hindi siya pinapansin ng kaniyang mga kababayan. Gayunman, nagpabautismo siya noong 1991.

Di-nagtagal pagkatapos nito, lumambot ang kalooban ng asawa ni Mere, si Josua, at nagsimula pa ngang sumama ito sa pakikipag-usap ni Mere sa kanilang mga anak tungkol sa Bibliya. Huminto na si Josua sa pagdalo sa Simbahang Metodista. Gayunman, bilang pinuno, siya pa rin ang nangunguna sa mga lingguhang pagpupulong ng nayon. Sa mata ng mga taganayon, naging taksil si Josua, sa dahilang ang Simbahang Metodista ay isang mahalagang bahagi ng buhay ng mga taganayon sa Fiji. Samakatuwid, hinimok ng lokal na pastor na bumalik si Josua sa kaniyang dating relihiyon.

May-katapangang nanindigan si Josua na siya at ang kaniyang pamilya ay nagpasiya na at determinado silang sambahin ang Diyos na Jehova “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Sa kasunod na pagpupulong ng nayon, ipinasiya ng pinakamataas na pinuno na palayasin si Josua at ang kaniyang pamilya sa nayon bilang mga itinakwil. Binigyan sila ng pitong araw para lisanin ang isla at ang kanilang bahay, lupa, at mga pananim​—oo, ang kanilang buong kabuhayan.

Ang mga espirituwal na kapatid sa ibang isla ay umalalay kay Josua at sa kaniyang pamilya, anupat tinulungan silang magkaroon ng lugar na matutuluyan at lupaing mapagtatamnan nila. Si Josua at ang kaniyang panganay na anak na lalaki ay bautisado na ngayon, at ang isa pa niyang anak na lalaki ay naglilingkod bilang isang di-bautisadong mamamahayag ng mabuting balita. Kamakailan lamang ay nagpatala si Mere bilang isang regular pioneer (isang buong-panahong mamamahayag ng Kaharian). Ang kanilang pasiya na maglingkod kay Jehova ay nagbunga ng pagkawala ng posisyon at mga materyal na bagay, ngunit gaya ni apostol Pablo, kanilang minamalas ito na bale-wala lamang kung ihahambing sa kanilang nakamit.​—Filipos 3:8.

Isang Pasiya na Nagsasangkot ng Budhi

Ang pasiya na sundin ang isang sinanay-sa-Bibliyang budhi ay nangangailangan ng pananampalataya at lakas ng loob. Tunay na ganito ang nangyari sa bagong bautisado na si Suraang, isang kabataang babae na naninirahan sa Tarawa, isa sa mga isla ng Kiribati. Humingi ng pahintulot si Suraang na hindi makibahagi sa isang aspekto ng kaniyang trabaho bilang nars sa ospital. Hindi sinang-ayunan ang kaniyang kahilingan, anupat pinalipat siya sa isang liblib na isla upang magtrabaho sa isang maliit na ospital kung saan siya ay napabukod mula sa kaniyang mga kapananampalataya.

Sa islang iyon, naging kaugalian para sa lahat ng mga bagong dating na maghandog sa lokal na “espiritu.” Naniniwala ang mga tao na ang hindi paggawa nito’y magbubunga ng kamatayan. Yamang tumanggi si Suraang na pahintulutan ang gawaing ito ng idolatriya na isasagawa para sa kaniya at sa kaniyang grupo, naghintay ang mga taganayon na sakalin siya ng pinagkasalahang espiritu. Nang walang pinsalang nangyari kay Suraang o sa kaniyang grupo, maraming pagkakataon ang nabuksan upang makapagbigay siya ng isang mahusay na patotoo.

Pero hindi pa tapos ang mga pagsubok kay Suraang. Minamalas ng ilang mga kabataang lalaki sa islang iyon na isang hamon ang akitin ang mga kabataang babae na dumadalaw. Gayunman, nilabanan ni Suraang ang gayong mga panrarahuyo at nanatili siyang tapat sa Diyos. Sa katunayan, nakapaglingkuran pa nga siya bilang isang regular pioneer, sa kabila ng kaniyang pagiging laging handa bilang isang nars sa loob ng 24 na oras sa isang araw.

Bago naganap ang isang piging upang parangalan si Suraang nang naghahanda na siyang umalis sa isla, ang mga matatanda ng nayon ay nagsabi na siya ang unang tunay na misyonera na dumalaw sa kanila. Dahil sa kaniyang matatag na paninindigan sa simulain ng Bibliya, ang mga iba sa islang iyon ay tumugon nang may pagsang-ayon sa mensahe ng Kaharian.

Pisikal na mga Hamon

Ang pagiging liblib ng ilang nayon ay nangangahulugan ng malaking pagsisikap sa bayan ni Jehova na makibahagi sa ministeryo at makadalo sa mga pulong. Isaalang-alang ang halimbawa ng apat na bautisadong Saksi​—isang lalaki at tatlong babae​—na gumugugol ng maraming oras sa paglalakbay papunta at pabalik mula sa mga pulong. Kasama sa kanilang paglalakbay ang pagtawid sa tatlong ilog papunta at pabalik. Kapag mataas ang tubig, lumalangoy munang patawid ang kapatid na lalaki, habang hila ang isang malaking kaldero na naglalaman ng kanilang mga bag, aklat, at damit-pampulong. Pagkatapos ay lumalangoy siyang pabalik upang tulungan ang tatlong kapatid na babae.

Ang isa pang maliit na grupo, na dumadalo sa mga pulong sa isang liblib na isla ng Nonouti sa Kiribati, ay humaharap sa iba’t ibang hamon. Ang bahay na kanilang pinagpupulungan ay maaari lamang maglaman ng pito o walong tao. Ang ibang dumadalo ay nakaupo sa labas at nakasilip sa pinakapader nito na gawa sa manipis na alambre. Ang pinagpupulungan ay kitang-kita ng ibang mga taganayon na galing at papunta sa kanilang mga kahanga-hangang simbahan. Siyempre pa, natatanto ng mga lingkod ni Jehova na ang mga tao, hindi mga gusali, ang tunay na kanais-nais sa pangmalas ng Diyos. (Hagai 2:7) Ang isang bautisadong kapatid na babae sa isla ay matanda na at hindi na makalakad nang malayo. Gayunman, tinutulungan siya sa ministeryo ng isang kabataang babae, na isang di-bautisadong mamamahayag na inililibot siya na nakasakay sa isang kariton. Kay laki ngang pagpapahalaga ang ipinakikita nila sa katotohanan!

Ang mahigit na 2,100 mamamahayag na naglilingkod sa mga isla ng Fiji ay determinadong magpatuloy sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. At sila ay nananalig na marami pa ang magiging “ang uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.”

[Mapa sa pahina 8]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Australia

Fiji