Paghingi ng Tulong
Paghingi ng Tulong
“KINALIMUTAN na ako ng Diyos!” ang hiyaw ng isang babaing taga-Brazil. Pagkatapos ng biglaang pagkamatay ng kaniyang asawa, nadama niyang ang kaniyang buhay ay wala nang anumang kabuluhan. Nasubukan mo na bang aliwin ang isa na gayon na lamang ang pagkabagabag o ang isa na marahil ay humihingi ng tulong?
Ang ilan ay labis na nasisiraan ng loob anupat winawakasan nila ang kanilang buhay—at marami sa kanila ay mga kabataan. Ayon sa pahayagang Folha de S. Paulo, ipinakikita ng isang pag-aaral sa Brazil na ang “pagpapatiwakal sa gitna ng mga kabataan ay tumaas nang 26 na porsiyento.” Halimbawa, isaalang-alang ang kaso ni Walter, * isang kabataan sa São Paulo. Wala na siyang mga magulang, tirahan, pribadong buhay at mga kaibigan na kaniyang maaasahan. Upang wakasan ang kaniyang kahapisan, nagpasiya si Walter na tumalon mula sa isang tulay.
Isang nagsosolong ina, si Edna ay may dalawang anak na nang makilala niya ang ibang lalaki. Pagkalipas lamang ng isang buwan, nagsama na sila sa bahay ng ina ng lalaki, na nagsasagawa ng espiritismo at isang alkoholiko. Nagkaanak uli si Edna, nagsimulang uminom nang labis-labis, at masyadong nanlumo anupat tinangka niyang magpatiwakal. Sa wakas, naiwala niya ang karapatan sa pangangalaga sa kaniyang mga anak.
Kumusta naman ang may-edad na mga tao? Si Maria ay dating mahilig-sa-katuwaan at madaldal. Gayunman, habang nagkakaedad siya ay nagsimula siyang mabahala tungkol sa kaniyang trabaho bilang isang nars sapagkat ikinatatakot niya na makagawa siya ng mga pagkakamali. Ito ang nakapanlumo sa kaniya. Pagkatapos niyang subukang gamutin ang kaniyang sarili, humingi siya ng tulong na medikal, at waring nakatulong ang paggamot na kaniyang tinanggap. Ngunit nang mawalan siya ng trabaho sa edad na 57, bumalik ang panlulumo nang gayon na lamang katindi anupat wala na siyang makitang solusyon. Nagsimula nang mag-isip si Maria hinggil sa pagpapatiwakal.
“Halos 10 porsiyento ng mga tao na nanlulumo ay nagtatangkang magpatiwakal,” ang sabi ni Propesor José Alberto Del Porto ng São Paulo University. “Mahirap paniwalaan na mas maraming tao ang namatay dahil sa pagpapatiwakal kaysa sa pagpatay, ngunit ito’y isang malungkot na katotohanan,” ang ulat ng U. S. surgeon general na si Dr. David Satcher.
Kung minsan ang pagtatangkang magpatiwakal ay, sa katunayan, isang paghingi ng tulong. At walang alinlangan na gustong gawin ng mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ang tamang paraan para sa isa na nawalan ng pag-asa. Sabihin pa, hindi makatutulong ang paggamit ng mga katagang
tulad ng: “Huwag mong kaawaan ang iyong sarili,” “Mas malala pa nga ang kalagayan ng ibang tao kaysa sa iyo” o, “Lahat naman tayo ay nanlulumo paminsan-minsan.” Sa halip, bakit hindi maging isang tunay na kaibigan at isang mabuting tagapakinig? Oo, sikaping tulungan ang isa na nasisiraan ng loob na makitang makabuluhan ang buhay.Ang awtor na Pranses na si Voltaire ay sumulat: “Ang taong nagpatiwakal sa ngayon, sa isang silakbo ng kapanglawan, ay maghahangad na buhay pa sana kung pinalipas lamang niya ang isang linggo.” Buweno, kung gayon, paano matutuklasan ng mga taong nasisiphayo na ang buhay ay mahalaga?
[Talababa]
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.
[Larawan sa pahina 3]
Dumaraming bilang ng mga kabataan at mga adulto ang nagpapatiwakal
[Larawan sa pahina 4]
Paano mo matutulungan ang isa na nawalan ng pag-asa?