Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Lupa—Isa Lamang Dako ng Pagsubok?

Ang Lupa—Isa Lamang Dako ng Pagsubok?

Ang Lupa​—Isa Lamang Dako ng Pagsubok?

SALAMAT naman! Pumasá siya. Ang estudyanteng sumailalim sa dalawang linggo ng nakapapagod na pagsusulit ay nakatanggap sa wakas ng isang kasiya-siyang ulat. Makapapasok na siya ngayon sa trabahong gustung-gusto niya.

Minamalas ng maraming tao ang buhay sa lupa sa katulad na paraan. Iniisip nilang ito’y isang panimulang pagsusulit na kailangang daanan ng lahat. Yaong mga “pumasá” ay makaparoroon sa mas mabuting kalagayan sa isang anyo ng Kabilang-Buhay. Totoo, nakalulungkot naman kung ang kasalukuyang buhay​—isang basta pag-iral para sa marami​—ang siyang pinakamabuting maaasahan ng mga tao. Bagaman malusog at masagana sa kalakhang bahagi ng kaniyang buhay, ang tauhan sa Bibliya na si Job ay nagsabi: “Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.”​—Job 14:1.

Bilang pagpapaaninaw sa kaisipan ng marami, ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang makalangit na kaluwalhatian ang kapalaran na nilayon ng Diyos para sa tao. . . . Ang kaligayahan ng tao ay nakasalalay sa kaniyang pagtataglay ng lubos na kaligayahan sa langit.” Isang kamakailang surbey ng Church of Christ sa Estados Unidos ang nagsasabing 87 porsiyento ng mga tumugon ang naniniwala na sila’y malamang na magtungo sa langit pagkamatay nila.

Umaasa rin ang maraming di-Kristiyano na lilisanin nila ang lupa para sa isang mas magandang dako pagkamatay nila. Halimbawa, ang mga Muslim ay umaasang magtutungo sa isang makalangit na paraiso. Naniniwala ang mga tagasunod ng mga sektang Pure Land (Dalisay na Lupain) ng Budismo sa Tsina at Hapon na sa pamamagitan ng walang-katapusang pagbigkas ng “Amitabha,” ang pangalan ng Buddha ng Walang-Hanggang Liwanag, sila’y muling ipanganganak sa Pure Land, o sa Kanluraning Paraiso, kung saan mamumuhay sila sa sukdulang kaligayahan.

Kapansin-pansin, ang Bibliya, ang pinakamalawak na naisalin at naipamahaging banal na aklat sa daigdig, ay hindi naghaharap sa lupa bilang isang dako na tinatakasan, na tulad sa isang tuntungang-bato. Halimbawa, sinasabi nito: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Matatagpuan din sa Bibliya ang bantog na pananalita ni Jesus: “Mapalad ang maaamo: sapagkat mamanahin nila ang lupa.”​—Mateo 5:5, King James Version.

Ang pangkalahatang pangmalas na pansamantala lamang ang ating paninirahan sa lupa ay nagpapahiwatig na ang kamatayan ang pintuan sa isang kabilang-buhay na lubos ang kaligayahan. Kung totoo ito, ang kamatayan kung gayon ay tiyak na isang pagpapala. Ngunit minamalas ba ng mga tao sa pangkalahatan ang kamatayan sa gayong paraan, o sinisikap nilang pahabain ang buhay na ito? Ipinakikita ng karanasan na kapag tinatamasa ng mga tao ang katamtamang kalusugan at katiwasayan, ayaw na nilang mamatay.

Magkagayunman, sapagkat ang buhay sa lupa ay batbat ng kasamaan at pagdurusa, minamalas pa rin ng marami ang langit bilang ang tanging dako kung saan masusumpungan ang tunay na kapayapaan at kaligayahan. Ang langit ba ay basta isang dako lamang ng ganap na kapayapaan, na lubusang ligtas sa kasamaan at di-pagkakasuwato? At ang Kabilang-Buhay ba ay sa isa lamang makalangit na dako? Maaaring magulat ka sa mga kasagutan ng Bibliya. Pakisuyong ipagpatuloy ang pagbasa.