Pag-aaral—Kapaki-pakinabang at Kasiya-siya
Pag-aaral—Kapaki-pakinabang at Kasiya-siya
“Kung patuloy mo itong hahanapin . . . , masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.”—KAWIKAAN 2:4, 5.
1. Paano nakapagdudulot sa atin ng malaking kasiyahan ang pagbabasa bilang libangan?
MARAMING tao ang nagbabasa para lamang malibang. Kapag ang binabasa ay nakabubuti, ang pagbabasa ay maaaring pagmulan ng nakapagpapalusog na pagpapahingalay. Bukod sa kanilang regular na programa ng pagbabasa ng Bibliya, ang ilang Kristiyano ay nakadarama ng tunay na kasiyahan sa basta pagbabasa lamang ng Mga Awit, Kawikaan, mga salaysay ng Ebanghelyo, o iba pang mga bahagi ng Bibliya. Ang lubos na kagandahan ng wika at ideya ay nagdudulot sa kanila ng matinding kasiyahan. Pinipili naman ng iba para sa kanilang pagbabasa bilang libangan ang Yearbook of Jehovah’s Witnesses, ang magasing Gumising!, mga kasaysayan ng buhay na nakalathala sa babasahing ito, o lathalain tungkol sa kasaysayan, heograpiya, at pag-aaral sa kalikasan.
2, 3. (a) Sa anong paraan maaaring ihambing ang malalim na espirituwal na impormasyon sa matigas na pagkain? (b) Ano ang nasasangkot sa pag-aaral?
2 Bagaman ang kaswál na pagbabasa ay maaaring maging isang anyo ng pagpapahingalay, ang pag-aaral naman ay nangangailangan ng paggamit ng isip. Sumulat ang Pilosopong Ingles na si Francis Bacon: “Ang ilang aklat ay tinitikman, ang iba’y nilulunok, at ang ilan ay nginunguya at tinutunaw.” Ang Bibliya ay maliwanag na nasa huling kategorya. Sumulat si apostol Pablo: “May kinalaman sa kaniya [kay Kristo, na inilarawan ng Haring-Saserdoteng si Melquisedec] ay marami kaming masasabi at mahirap na maipaliwanag, yamang naging mapurol kayo sa inyong pakikinig. . . . Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, doon sa mga sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:11, 14) Ang matigas na pagkain ay dapat nguyain bago lunukin at tunawin. Ang malalim na espirituwal na impormasyon ay kailangan munang bulay-bulayin bago ito pumasok at mapatanim sa isip.
3 Isang diksyunaryo ang nagbigay-kahulugan sa “pag-aaral” bilang “ang gawain o proseso ng paggamit ng isip upang magkamit ng kaalaman o unawa, gaya ng sa pagbabasa, pag-iimbistiga, atb.” Kaya nangangahulugan ito ng hindi lamang basta pahapyaw na pagbabasa, na marahil ay basta pagsasalungguhit ng mga salita habang tayo’y nagbabasa. Ang pag-aaral ay nangangahulugan ng pagtatrabaho, paggamit ng isip, at paggamit ng mga kakayahan sa pang-unawa. Gayunman, bagaman ang pag-aaral ay nangangailangan ng pagsisikap, hindi ito nangangahulugan na hindi na ito maaaring maging kasiya-siya.
Gawing Kalugud-lugod ang Pag-aaral
4. Ayon sa salmista, paano makapagpapaginhawa at magiging kapaki-pakinabang ang pag-aaral ng Salita ng Diyos?
4 Ang pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos ay maaaring magpaginhawa at magpasigla. Nagpahayag ang salmista: “Ang kautusan ni Jehova ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa. Ang paalaala ni Awit 19:7, 8) Ang mga kautusan at paalaala ni Jehova ay nakapagpapanauli ng ating kaluluwa, nagpapasulong ng ating espirituwal na kapakanan, nagdudulot sa atin ng panloob na kagalakan, at nagpapaningning ng ating mga mata taglay ang malinaw na paningin sa dakilang mga layunin ni Jehova. Talaga ngang nakalulugod!
Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan. Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso; ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata.” (5. Sa anong mga paraan makapagdudulot sa atin ng malaking kaluguran ang pag-aaral?
5 Kapag nakikita natin ang magagandang resulta ng ating ginagawa, lalo tayong nasisiyahan sa paggawa nito. Kaya nga, upang maging kalugud-lugod ang pag-aaral, dapat na maging mabilis tayo sa paggamit ng bagong-natamong kaalaman. Sumulat si Santiago: “Siya na nagmamasid sa sakdal na batas na nauukol sa kalayaan at nagpapatuloy rito, ang taong ito, sa dahilang siya ay naging, hindi isang tagapakinig na malilimutin, kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.” (Santiago 1:25) Ang agad na pagkakapit sa sarili ng mga natutuhang punto ay nagdudulot ng malaking kasiyahan. Ang pagsasaliksik dahil sa espesipikong layunin na masagot ang isang tanong na iniharap sa atin noong tayo’y nangangaral o nagtuturo ay makapagdudulot din sa atin ng malaking kaligayahan.
Pagkagiliw sa Salita ng Diyos
6. Paano ipinahayag ng manunulat ng Awit 119 ang kaniyang pagkagiliw sa salita ni Jehova?
6 Ang may-akda ng Awit 119, marahil si Hezekias noong siya’y isa pang kabataang prinsipe, ay nagpahayag ng kaniyang pagkagiliw sa salita ni Jehova. Sa patulang pangungusap, sinabi niya: “Ang iyong mga batas ay kagigiliwan ko. Hindi ko lilimutin ang iyong salita. Gayundin, ang iyong mga paalaala ang aking kinagigiliwan . . . Kagigiliwan ko ang iyong mga utos na aking iniibig. Dumating nawa sa akin ang iyong kaawaan, upang manatili akong buháy; sapagkat ang iyong kautusan ang aking kinagigiliwan. Nananabik ako sa iyong pagliligtas, O Jehova, at ang iyong kautusan ay kinagigiliwan ko.”—Awit 119:16, 24, 47, 77, 174.
7, 8. (a) Ayon sa isang akdang reperensiya, ano ang kahulugan ng “kagigiliwan” ang Salita ng Diyos? (b) Paano natin maipakikita ang ating pag-ibig sa Salita ni Jehova? (c) Paano inihahanda ni Ezra ang kaniyang sarili bago basahin ang Kautusan ni Jehova?
7 Bilang paliwanag sa salitang isinaling “kagigiliwan” sa Awit 119, isang diksyunaryo ng Kasulatang Hebreo ang nagsasabi: “Ang pagkagamit sa v. 16 ay katulad ng [mga pandiwa] para sa pagsasaya . . . at sa pagbubulay-bulay . . . Ganito ang pagkakasunud-sunod: magsaya, magbulay-bulay, malugod sa . . . Ang kombinasyong ito ay maaaring magpahiwatig na ang paraan upang ang isa’y malugod sa salita ni Yahweh ay ang makabuluhang pagbubulay-bulay. . . . Lakip sa kahulugang ito ang isang elemento ng pagkamadamdamin.” *
8 Oo, ang ating pag-ibig sa Salita ni Jehova ay dapat magmula sa ating puso, ang sentro ng emosyon. Dapat tayong malugod habang matagal na pinag-iisipan ang ilang talata na kababasa pa lamang natin. Dapat nating nilay-nilayin ang malalim na espirituwal na mga ideya, pagbuhusan ng pansin ang mga ito, at bulay-bulayin ang mga ito. Kailangan dito ang tahimik na pagbubulay-bulay at pananalangin. Gaya ni Ezra, kailangan nating ihanda ang ating puso para sa pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos. Tungkol sa kaniya ay nasusulat: “Inihanda ni Ezra ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at upang magsagawa niyaon at upang magturo sa Israel ng tuntunin at katarungan.” (Ezra 7:10) Pansinin ang tatlong layunin ng paghahanda ni Ezra ng kaniyang puso: upang mag-aral, upang magkapit sa sarili, at upang magturo. Dapat nating sundin ang kaniyang halimbawa.
Pag-aaral Bilang Isang Gawang Pagsamba
9, 10. (a) Sa anu-anong paraan nagtuon ng pansin ang salmista sa Salita ni Jehova? (b) Ano ang ibig sabihin ng pandiwang Hebreo na isinaling “magtuon ng pansin [ang isa]”? (c) Bakit mahalaga para sa atin na ituring ang pag-aaral ng Bibliya bilang “isang gawang pagsamba”?
9 Sinabi ng salmista na siya’y nagtuon ng pansin sa mga kautusan, utos, at mga paalaala ni Jehova. Umawit siya: “Ang iyong mga pag-uutos ay pagtutuunan ko ng pansin, at titingin ako sa iyong mga landas. . . . Itataas ko ang aking mga palad sa iyong mga utos na aking iniibig, at magtutuon ako ng pansin sa iyong mga tuntunin. Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan. Nagkaroon ako ng higit na kaunawaan kaysa sa lahat ng aking mga guro, sapagkat ang iyong mga paalaala ay pinag-iisipan ko.” (Awit 119:15, 48, 97, 99) Ano ba ang ipinahihiwatig ng ‘pagtutuon ng pansin’ sa Salita ni Jehova?
10 Ang pandiwang Hebreo na isinaling “magtuon ng pansin [ang isa]” ay nangangahulugan ding “magbulay-bulay, magnilay-nilay,” “magsaisip ng isang bagay.” “Ginagamit ito upang tukuyin ang tahimik na pagbubulay-bulay sa mga gawa ng Diyos . . . at salita ng Diyos.” (Theological Wordbook of the Old Testament) Ang anyong pangngalan na “pagtutuon ng pansin” ay tumutukoy sa “pagbubulay-bulay ng salmista,” sa “kaniyang pag-aaral udyok ng pag-ibig” sa kautusan ng Diyos, bilang “isang gawang pagsamba.” Dahil sa itinuturing natin na isang bahagi ng ating pagsamba ang pag-aaral ng Salita ng Diyos, lalong nagiging mahalaga ito. Nararapat lamang kung gayon na taimtim na gawin ito sa tulong ng panalangin. Ang pag-aaral ay isang bahagi ng ating pagsamba at ginagawa ito upang pasulungin ang ating pagsamba.
Higit Pang Pagsasaliksik sa Salita ng Diyos
11. Paano isinisiwalat ni Jehova ang malalim na espirituwal na mga kaisipan sa kaniyang bayan?
11 Sa mapitagang paghanga, bumulalas ang salmista: “Kay dakila ng iyong mga gawa, O Jehova! Napakalalim ng iyong mga kaisipan.” (Awit 92:5) At binanggit ni apostol Pablo ang tungkol sa “malalalim na bagay ng Diyos,” mahirap-aruking mga kaisipan na isinisiwalat ni Jehova sa kaniyang bayan “sa pamamagitan ng kaniyang espiritu” na nagpapakilos sa uring tapat at maingat na alipin. (1 Corinto 2:10; Mateo 24:45) Buong-sikap na inilalaan ng uring alipin ang espirituwal na pagkain para sa lahat—“gatas” para sa mga baguhan subalit “matigas na pagkain” naman para sa “mga taong may-gulang.”—Hebreo 5:11-14.
12. Magbigay ng halimbawa ng “malalalim na bagay ng Diyos” na ipinaliwanag ng uring alipin.
12 Upang maunawaan ang gayong “malalalim na bagay ng Diyos,” kailangang mag-aral nang may pananalangin at magbulay-bulay sa kaniyang Salita. Halimbawa, naglathala ng maiinam na materyal na nagpapakita kung paanong si Jehova ay maaaring sabay na maging makatuwiran at maawain din naman. Ang kaniyang pagpapakita ng awa ay hindi naman pagpapababa sa pamantayan ng kaniyang katarungan; sa halip, ang maka-Diyos na awa ay isang kapahayagan ng katarungan at pag-ibig ng Diyos. Kapag humahatol sa isang nagkasala, tinitiyak muna ni Jehova kung posible pang magpakita ng awa batay sa haing pantubos ng kaniyang Anak. Kung ang nagkasala ay di-nagsisisi o rebelde, hinahayaan ng Diyos na maganap ang katarungan nang walang anumang awa. Alinman dito, siya’y tapat sa kaniyang matataas na simulain. * (Roma 3:21-26) ‘O ang lalim ng karunungan ng Diyos!’—Roma 11:33.
13. Paano natin maipakikita ang pagpapahalaga sa “hustong kabuuan” ng espirituwal na mga katotohanan na isinisiwalat hanggang sa ngayon?
13 Gaya ng salmista, natutuwa tayo sa bagay na ibinabahagi sa atin ni Jehova ang marami sa kaniyang mga kaisipan. Sumulat si David: “Sa akin ay pagkahala-halaga ng iyong mga kaisipan! O Diyos, pagkarami-rami ng hustong kabuuan ng mga iyon! Kung susubukan kong bilangin, ang mga iyon ay mas marami pa kaysa sa mga butil ng buhangin.” (Awit 139:17, 18) Bagaman ang ating kaalaman sa ngayon ay kumakatawan lamang sa isang katiting na bahagi ng di-masayod na kaisipan na isisiwalat ni Jehova magpakailanman, lubos nating pinahahalagahan “[a]ng hustong kabuuan” ng napakahalagang espirituwal na mga katotohanan na isinisiwalat hanggang sa ngayon at patuloy na sinasaliksik ang kabuuan, o diwa, ng Salita ng Diyos.—Awit 119:160, talababa sa Ingles.
Kailangan ang Pagsisikap at Mabibisang Kasangkapan
14. Paano binibigyang-diin ng Kawikaan 2:1-6 na kailangang magsikap sa pag-aaral ng Salita ng Diyos?
14 Ang malalim na pag-aral ng Bibliya ay nangangailangan ng pagsisikap. Ang bagay na ito ay pinatitingkad sa isang maingat na pagbabasa ng Kawikaan 2:1-6. Pansinin ang tahasang mga pandiwa na ginamit ng marunong na si Haring Solomon upang bigyang-diin ang kinakailangang pagsisikap para matamo ang maka-Diyos na kaalaman, karunungan, at kaunawaan. Sumulat siya: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo sa iyo ang aking mga utos, upang magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling [mo] ang iyong puso sa kaunawaan; bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas [mo] ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy [mo itong] hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy [mo itong] sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos. Sapagkat si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.” Oo, ang makabuluhang pag-aaral ay nangangailangan ng pananaliksik, paghahanap, anupat parang nagsasaliksik ng nakatagong kayamanan.
15. Anong ilustrasyon sa Bibliya ang nagtatampok na kailangan ang mahusay na pamamaraan sa pag-aaral?
15 Ang nakapagpapayaman-sa-espirituwal na pag-aaral ay nangangailangan din ng mahuhusay na pamamaraan sa pag-aaral. Isinulat ni Solomon: “Kapag ang kasangkapang bakal ay pumurol at hindi hinasa ng isa ang talim nito, gagamitin nga niya ang kaniyang sariling kalakasan.” (Eclesiastes 10:10) Kapag ang isang manggagawa ay gumamit ng mapurol na kasangkapang pamutol o kaya’y hindi niya ito ginagamit nang may kahusayan, sinasayang lamang niya ang kaniyang lakas at ang kaniyang trabaho ay magiging mababang uri. Sa katulad na paraan, ang mga pakinabang sa panahong ginamit sa pag-aaral ay maaaring lubhang magkaiba-iba, depende sa ating pamamaraan sa pag-aaral. Ang napakahusay na praktikal na mga mungkahi para sa pagpapasulong ng paraan ng ating pag-aaral ay masusumpungan sa Aralin 7 ng Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. *
16. Anong praktikal na mga mungkahi ang ibinibigay upang matulungan tayong makapag-aral na mabuti?
16 Bago pasimulan ng isang bihasang manggagawa ang kaniyang trabaho, inihahanda muna niya ang mga kasangkapang kakailanganin niya. Sa katulad na paraan, bago natin pasimulan ang pag-aaral, pipiliin muna natin sa ating sariling aklatan ang mga kasangkapan sa pag-aaral na kakailanganin natin. Sa pagsasaisip na ang pag-aaral ay isang trabaho at nangangailangang gumamit ng isip, makabubuti rin na magkaroon ng tamang posisyon. Kung nais nating manatiling alisto ang isip, ang pag-upo sa isang silya sa harap ng mesa o sa isang desk ay maaaring mas mabisa kaysa kung nakahiga sa kama o nakaupo sa isang maginhawang silyón. Matapos ang ilang sandaling pag-iisip nang malalim, baka makabuti para sa iyo na mag-inat-inat o lumabas muna para lumanghap ng sariwang hangin.
17, 18. Magbigay ng mga halimbawa kung paano gagamitin ang mahuhusay na kasangkapan sa pag-aaral na taglay mo.
17 Marami rin tayong magagamit na mga kasangkapan sa pag-aaral na di-mapapantayan. Ang pangunahin sa mga ito ay ang Bagong Sanlibutang Salin ng Bibliya, na makukuha na ngayon sa kabuuan o sa ilang bahagi nito sa 37 na wika. Ang kilalang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ay may kaugnay na mga reperensiya at isang “Talaan ng mga Aklat ng Bibliya” na nagpapakita ng pangalan ng sumulat, lugar ng pinagsulatan, at ang panahong saklaw. Mayroon din itong indise ng mga salita sa Bibliya, isang apendise, at mga mapa. Sa ilang wika, ang Bibliyang ito ay inilimbag sa mas malaking edisyon, na kilala bilang ang Reference Bible. Ito’y naglalaman ng lahat ng mga bahaging nasa itaas at marami pa, lakip na ang detalyadong mga talababa, na may indise rin. Lubusan mo bang sinasamantala ang anumang makukuha sa inyong wika upang matulungan kang magsaliksik pa sa Salita ng Diyos?
18 Ang isa pang di-matutumbasang kasangkapan sa pag-aral ay ang dalawang-tomong ensayklopidiya sa Bibliya na Insight on the Scriptures. Kung mayroon ka ng akdang ito sa wikang naiintindihan mo,
dapat na laging nasa tabi mo ito kapag nag-aaral ka. Mabibigyan ka nito ng saligang impormasyon tungkol sa halos lahat ng paksa sa Bibliya. Isa pang mahalagang kasangkapan na katulad nito ay ang aklat na “Lahat ng Kasulatan Ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang.” Bago pasimulan ang pagbabasa ng isang bagong aklat ng Bibliya, makabubuti na suriin muna ang kaugnay na aralin sa aklat na “Lahat ng Kasulatan” upang makuha ang pangheograpiya at makasaysayang tagpo, pati na ang sumaryo ng nilalaman ng aklat ng Bibliya at ang kahalagahan ng mga ito sa atin. Isang kamakailang karagdagan sa maraming kasangkapan sa pag-aaral na nakalimbag ay ang Watchtower Library na ginagamit sa computer, na makukuha na sa siyam na wika.19. (a) Bakit tayo pinaglaanan ni Jehova ng mahuhusay na kasangkapan para sa pag-aaral ng Bibliya? (b) Ano ang kailangan para sa tamang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya?
19 Inilaan ni Jehova ang lahat ng kasangkapang ito sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin” upang matulungan ang kaniyang mga lingkod sa lupa na ‘hanapin at masumpungan ang mismong kaalaman sa Diyos.’ (Kawikaan 2:4, 5) Ang mabubuting kaugalian sa pag-aaral ay tutulong sa atin na higit pang makilala si Jehova at matamasa ang isang mas malapit na kaugnayan sa kaniya. (Awit 63:1-8) Oo, ang pag-aaral ay nangangahulugan ng pagtatrabaho, subalit iyon ay trabahong kasiya-siya at kapaki-pakinabang. Subalit, nangangailangan ito ng panahon, at kaipala’y iniisip mo, ‘Paano kaya ako magkakapanahon sa aking pagbabasa at personal na pag-aaral ng Bibliya?’ Ang bahaging ito ay isasaalang-alang sa huling artikulo ng seryeng ito.
[Mga talababa]
^ par. 7 New International Dictionary of Old Testament Theology & Exegesis, Tomo 4, pahina 205-7.
^ par. 12 Tingnan Ang Bantayan, Agosto 1, 1998, pahina 13, parapo 7. Bilang isang bagay na magagawa mo sa pag-aral ng Bibliya, maaari mong repasuhin ang dalawang artikulo sa pag-aaral sa isyung iyan at ang mga artikulong “Katarungan,” “Awa,” at “Katuwiran” sa ensayklopidiya sa Bibliya na Insight on the Scriptures, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
^ par. 15 Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Kung ang manwál na ito ay wala sa inyong wika, ang maiinam na payo hinggil sa mga pamamaraan sa pag-aaral ay masusumpungan sa sumusunod na mga isyu ng Ang Bantayan: Agosto 15, 1993, pahina 13-17; Mayo 15, 1986, pahina 19-20.
Mga Tanong sa Repaso
• Paano natin magagawang nakapagpapaginhawa at kapaki-pakinabang ang ating personal na pag-aaral?
• Gaya ng salmista, paano natin maipakikitang “kinagigiliwan” natin at ‘pinagtutuunan ng pansin’ ang Salita ni Jehova?
• Paano ipinakikita ng Kawikaan 2:1-6 na kailangang magsikap sa pag-aaral ng Salita ng Diyos?
• Anong mahuhusay na kasangkapan sa pag-aaral ang inilaan ni Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 14]
Ang tahimik na pagbubulay-bulay at pananalangin ay tumutulong sa atin upang malinang ang pag-ibig sa Salita ng Diyos
[Mga larawan sa pahina 17]
Ginagamit mo ba nang husto ang nakahandang mga kasangkapan upang higit pang masaliksik ang Salita ng Diyos?