Pagbabasa ng Bibliya—Kapaki-pakinabang at Kalugud-lugod
Pagbabasa ng Bibliya—Kapaki-pakinabang at Kalugud-lugod
“Babasahin mo ito . . . araw at gabi.”—JOSUE 1:8.
1. Ano ang ilang kapakinabangan sa pagbabasa sa pangkalahatan at sa pagbabasa ng Bibliya sa partikular?
ANG pagbabasa ng mahahalagang materyal ay isang kapaki-pakinabang na gawain. Sumulat ang pilosopong Pranses sa pulitika na si Montesquieu (Charles-Louis de Secondat): “Para sa akin, ang pag-aaral ay lagi nang siyang pinakamabisang lunas sa nakababagot na buhay. Walang kabagabagang dumating sa akin ang hindi napawi ng isang oras na pagbabasa.” Sa pinakasukdulang antas, totoo ito sa pagbabasa ng Bibliya. Sinabi ng kinasihang salmista: “Ang kautusan ni Jehova ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa. Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan. Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso.”—Awit 19:7, 8.
2. Bakit iningatan ni Jehova ang Bibliya sa paglipas ng panahon, at ano ang inaasahan niyang gagawin dito ng kaniyang bayan?
2 Bilang Awtor ng Bibliya, iningatan ito ng Diyos na Jehova sa loob ng mga siglo ng matinding pagsalansang mula sa mga kaaway nito, kapuwa panrelihiyon at sa sekular. Yamang kalooban niya na “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan,” tiniyak niya na ang kaniyang Salita ay mababasa ng buong sangkatauhan. (1 Timoteo 2:4) Tinatayang mga 80 porsiyento ng naninirahan sa lupa ang maaaring maabot sa pamamagitan ng paggamit ng 100 wika. Ang nilalaman ng buong Bibliya ay makukuha sa 370 wika, at ang mga bahagi ng Kasulatan ay mababasa sa 1,860 pang wika at mga diyalekto. Nais ni Jehova na basahin ng kaniyang bayan ang kaniyang Salita. Pinagpapala niya ang kaniyang mga lingkod na nagbibigay-pansin sa kaniyang Salita, oo, yaong bumabasa nito araw-araw.—Awit 1:1, 2.
Kahilingan sa mga Tagapangasiwa ang Pagbabasa ng Bibliya
3, 4. Ano ang kahilingan ni Jehova sa mga hari ng Israel, at anong mga dahilan sa kahilingang ito ang kapit din sa Kristiyanong matatanda sa ngayon?
3 Sa pagsasalita habang hinihintay ang panahon na ang bansang Israel ay magkakaroon na ng isang taong hari, sinabi ni Jehova: “At mangyayari nga na kapag umupo siya sa trono ng kaniyang kaharian, isusulat niya sa isang aklat para sa kaniyang sarili ang isang kopya ng kautusang ito mula roon sa nasa pangangasiwa ng mga saserdote, na mga Levita. At mananatili iyon sa kaniya, at babasahin niya iyon sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, upang matuto siyang matakot kay Jehova na kaniyang Diyos nang sa gayon ay maingatan niya ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ang mga tuntuning ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga iyon; upang ang kaniyang puso ay hindi magmataas sa kaniyang mga kapatid at upang hindi siya lumihis mula sa utos sa kanan o sa kaliwa.”—Deuteronomio 17:18-20.
4 Pansinin ang mga dahilan kung bakit hinilingan ni Jehova ang lahat ng magiging hari ng Israel na basahin ang aklat ng maka-Diyos na kautusan araw-araw: (1) “upang matuto siyang matakot kay Jehova na kaniyang Diyos nang sa gayon ay maingatan niya ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ang mga tuntuning ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga iyon”; (2) “upang ang kaniyang puso ay hindi magmataas sa kaniyang mga kapatid”; (3) “upang hindi siya lumihis mula sa utos sa kanan o sa kaliwa.” Hindi ba’t ang mga Kristiyanong tagapangasiwa sa ngayon ay dapat matakot kay Jehova, tumalima sa kaniyang mga kautusan, huwag magmataas sa kanilang mga kapatid, at umiwas na lumihis mula sa mga utos ni
Jehova? Tiyak na gayunding kahalaga sa kanila ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya gaya sa mga hari ng Israel.5. Ano ang isinulat kamakailan ng Lupong Tagapamahala sa mga miyembro ng Komite ng Sangay may kinalaman sa pagbabasa ng Bibliya, at bakit makabubuti para sa lahat ng Kristiyanong matatanda na sundin ang gayong payo?
5 Ang Kristiyanong matatanda sa ngayon ay may napakaabalang iskedyul, anupat nagiging isang hamon ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw. Halimbawa, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at ang mga miyembro ng mga Komite ng Sangay sa buong daigdig ay pawang napakaabalang mga lalaki. Gayunman, idiniin ng isang kamakailang liham para sa lahat ng Komite ng Sangay mula sa Lupong Tagapamahala ang pangangailangan ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at ng mabubuting kaugalian sa pag-aaral. Ito, ayon sa liham, ay magpapaibayo ng ating pag-ibig kay Jehova at sa katotohanan, at ito’y “tutulong sa atin upang mapanatili ang ating pananampalataya, kagalakan, at pagtitiyaga hanggang sa maluwalhating wakas.” Lahat ng matatanda sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nakadarama ng gayunding pangangailangan. Ang araw-araw na pagbabasa ng Kasulatan ay tutulong sa kanila na ‘kumilos nang may karunungan.’ (Josue 1:7, 8) Lalo na para sa kanila, ang pagbabasa ng Bibliya ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, at sa pagsasanay sa katuwiran.”—2 Timoteo 3:16, Revised Standard Version.
Isang Pangangailangan Para sa Bata at Matanda
6. Bakit binasa ni Josue nang malakas ang lahat ng salita ng kautusan ni Jehova sa harap ng nagkakatipong mga tribo ng Israel at mga naninirahang dayuhan?
6 Noong sinaunang panahon, walang makukuhang indibiduwal na mga kopya ng Kasulatan para gamitin nang personal, kaya ang pagbabasa ng Bibliya ay ginagawa noon sa harap ng nagkakatipong pulutong. Matapos ibigay ni Jehova sa kaniya ang tagumpay sa lunsod ng Ai, tinipon ni Josue ang mga tribo ng Israel sa harap ng Bundok Ebal at Bundok Gerizim. Pagkatapos ay sinasabi sa atin ng salaysay: “Binasa niya nang malakas ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat ng nakasulat sa aklat ng kautusan. Walang isa mang salita sa lahat ng iniutos ni Moises ang hindi binasa ni Josue nang malakas sa harap ng buong kongregasyon ng Israel, kasama ang mga babae at ang maliliit na bata at ang mga naninirahang dayuhan na lumalakad sa gitna nila.” (Josue 8:34, 35) Kailangang iukit, wika nga, ng bata at matanda, katutubo at naninirahang dayuhan sa kanilang puso at isip kung anong paggawi ang magdudulot ng pagpapala ni Jehova at kung ano naman ang magdudulot ng kaniyang di-pagsang-ayon. Ang pagbabasa ng Bibliya na ginagawa sa regular na paraan ay tiyak na tutulong sa atin sa bagay na ito.
7, 8. (a) Sino sa ngayon ang gaya ng “mga naninirahang dayuhan,” at bakit kailangan nilang basahin ang Bibliya araw-araw? (b) Sa anong mga paraan matutularan ng “maliliit na bata” sa bayan ni Jehova ang halimbawa ni Jesus?
7 Sa ngayon, milyun-milyong lingkod ni Jehova ang gaya niyaong “mga naninirahang dayuhan” sa espirituwal na diwa. Dati, sila’y namumuhay ayon sa mga pamantayan ng sanlibutan, subalit binago na nila ang kanilang buhay. (Efeso 4:22-24; Colosas 3:7, 8) Kailangang palagi nilang paalalahanan ang kanilang sarili hinggil sa mga pamantayan ni Jehova ng mabuti at masama. (Amos 5:14, 15) Ang araw-araw na pagbabasa ng Salita ng Diyos ay tumutulong sa kanila upang magawa ito.—Hebreo 4:12; Santiago 1:25.
8 Marami ring “maliliit na bata” sa bayan ni Jehova ang naturuan ng kanilang mga magulang ng mga pamantayan ni Jehova subalit kailangang kumbinsihin ang kanilang sarili sa pagkamakatuwiran ng kaniyang kalooban. (Roma 12:1, 2) Paano nila ito magagawa? Sa Israel, ang mga saserdote at mga nakatatandang lalaki ay tinagubilinan: ‘Babasahin ninyo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa kanilang pandinig. Tipunin ninyo ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang maliliit na bata at ang iyong naninirahang dayuhan na nasa loob ng inyong mga pintuang-daan, upang makapakinig sila at upang matuto sila, upang matakot sila kay Jehova na inyong Diyos at maingat na tuparin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito. At ang kanilang mga anak na hindi pa nakaaalam ay dapat makinig, at pag-aaralan nilang matakot kay Jehova na inyong Diyos.’ (Deuteronomio 31:11-13) Palibhasa’y namumuhay sa ilalim ng Kautusan, si Jesus sa murang edad na 12 ay nagpakita ng matinding interes sa pag-unawa sa mga kautusan ng kaniyang Ama. (Lucas 2:41-49) Nang maglaon, naging kaugalian na niya na makinig at makibahagi sa pagbabasa ng Kasulatan sa sinagoga. (Lucas 4:16; Gawa 15:21) Makabubuti para sa mga kabataan sa ngayon na sundin ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng araw-araw na pagbabasa ng Salita ng Diyos at ng regular na pagdalo sa mga pulong kung saan binabasa at pinag-aaralan ang Bibliya.
Pagbabasa ng Bibliya—Isang Priyoridad
9. (a) Bakit kailangan tayong maging pihikan sa ating binabasa? (b) Ano ang sinabi ng kauna-unahang editor ng magasing ito may kinalaman sa mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya?
9 Sumulat ang marunong na si Haring Solomon: “Bigyang-pansin mo ang babala: Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang labis na debosyon sa mga iyon ay nakapanghihimagod sa laman.” (Eclesiastes 12:12) Maaaring idagdag ng isa na ang pagbabasa ng maraming aklat na inilalathala sa ngayon ay hindi lamang nakapanghihimagod sa laman kundi, ang totoo, mapanganib sa isip. Kaya mahalaga na maging pihikan. Bukod pa sa pagbabasa ng ating mga publikasyon sa pag-aaral ng Bibliya, kailangan nating basahin ang Bibliya mismo. Ang kauna-unahang editor ng magasing ito ay sumulat sa mga mambabasa nito: ‘Huwag kalilimutan na ang Bibliya ang ating Pamantayan at kahit pa bigay-Diyos ang ating mga pantulong ang mga ito’y mga ‘pantulong’ lamang at hindi kapalit ng Bibliya.’ * Kaya naman, bagaman hindi kinaliligtaan ang mga salig-Bibliyang publikasyon, kailangan nating basahin ang Bibliya mismo.
10. Paano idiniin ng “tapat at maingat na alipin” ang kahalagahan ng pagbabasa ng Bibliya?
10 Palibhasa’y palaisip sa pangangailangang ito, maraming taon na ngayon na nag-iiskedyul ang “tapat at maingat na alipin” ng pagbabasa ng Bibliya Mateo 24:45) Saklaw ng kasalukuyang programa sa pagbabasa ng Bibliya ang buong Bibliya sa loob ng mga pitong taon. Ang iskedyul na ito ay kapaki-pakinabang sa lahat ngunit lalo na sa mga baguhan na hindi pa kailanman nakapagbabasa ng Bibliya sa kabuuan nito. Yaong mga nag-aaral sa Watchtower Bible School of Gilead para sa mga misyonero at sa Ministerial Training School gayundin ang mga bagong miyembro ng pamilyang Bethel ay hinihilingang basahin ang buong Bibliya sa loob ng isang taon. Anumang iskedyul ang iyong sinusunod, bilang indibiduwal o bilang isang pamilya, magagawa ito kung bibigyan ng priyoridad ang pagbabasa ng Bibliya.
bilang bahagi ng programa ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa bawat kongregasyon. (Ano ang Isinisiwalat ng Iyong Kaugalian sa Pagbabasa?
11. Paano at bakit tayo dapat magbasa ng mga pananalita ni Jehova araw-araw?
11 Kung nahihirapan kang sundin ang iyong iskedyul sa pagbabasa ng Bibliya, baka angkop lamang na tanungin ang iyong sarili: ‘Ano kayang epekto mayroon ang aking pagbabasa o panonood ng TV sa aking kakayahang magbasa ng Salita ni Jehova?’ Alalahanin ang isinulat ni Moises—at inulit ni Jesus—na “ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4; Deuteronomio 8:3) Kung paanong kailangan nating kumain ng tinapay o ng katumbas nito araw-araw sa ating buhay upang masustinehan ang ating pisikal na katawan, kailangan din nating taglayin ang mga kaisipan ni Jehova araw-araw upang mapanatili ang ating espirituwalidad. Malalaman natin ang mga kaisipan ng Diyos bawat araw sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kasulatan.
12, 13. (a) Paano inilarawan ni apostol Pedro ang pananabik na dapat nating madama sa Salita ng Diyos? (b) Paano ginamit ni Pablo ang ilustrasyon sa gatas na iba sa pagkagamit ni Pedro?
12 Kung pinahahalagahan natin ang Bibliya, “hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos,” tayo’y maaakit dito kung paanong ang isang sanggol ay nasasabik sa gatas ng kaniyang ina. (1 Tesalonica 2:13) Gumawa si apostol Pedro ng ganitong paghahambing, na sumulat: “Gaya ng mga sanggol na bagong-silang, magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita, upang sa pamamagitan nito ay lumaki kayo tungo sa kaligtasan, kung natikman na ninyo na ang Panginoon ay mabait.” (1 Pedro 2:2, 3) Kung talagang natikman na natin, sa pamamagitan ng personal na karanasan, na “ang Panginoon ay mabait,” tayo’y mananabik na magbasa ng Bibliya.
13 Pansinin na sa talatang ito ay iba naman ang pagkakahalintulad ni Pedro sa gatas kaysa yaong kay apostol Pablo. Para sa isang bagong-silang na sanggol, ang gatas ay nakatutugon sa hustong sustansiyang kailangan nito. Ipinakikita ng ilustrasyon ni Pedro na ang Salita ng Diyos ay naglalaman ng lahat ng kailangan natin upang ‘lumaki tungo sa kaligtasan.’ Si Pablo, sa kabilang banda, ay gumamit naman ng pangangailangan sa gatas upang ilarawan ang kinaugaliang pagkain nang di-sapat sa bahagi ng ilang nag-aangking mga adulto sa espirituwal. Sa kaniyang liham sa mga Kristiyanong Hebreo, sumulat si Pablo: “Bagaman dapat nga na maging mga guro na kayo dahilan sa panahon, kayo ay muling nangangailangan na may magturo sa inyo mula sa pasimula ng mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos; at kayo ay naging gaya ng nangangailangan ng gatas, hindi ng matigas na pagkain. Sapagkat ang bawat isa na nakikibahagi sa gatas ay walang-kabatiran sa salita ng katuwiran, sapagkat siya ay isang sanggol. Ngunit ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, doon sa mga sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:12-14) Malaki ang magagawa ng atentibong pagbabasa ng Bibliya upang malinang ang ating kakayahan sa pang-unawa at upang mapukaw ang ating panggana sa espirituwal na mga bagay.
Kung Paano Babasahin ang Bibliya
14, 15. (a) Anong pribilehiyo ang iniaalok sa atin ng Awtor ng Bibliya? (b) Paano tayo makikinabang sa karunungan ng Diyos? (Magbigay ng mga halimbawa.)
14 Ang pinakakapaki-pakinabang na pagbabasa ng Bibliya ay nagsisimula, hindi sa pagbasa, kundi sa pananalangin. Ang panalangin ay isang pambihirang pribilehiyo. Para bang sinisimulan mo ang pagbasa sa isang aklat hinggil sa ilang malalalim na paksa sa pamamagitan ng pagtawag muna sa awtor nito para magpatulong na maunawaan ang babasahin mo. Isa ngang napakalaking bentaha niyan! Ang Awtor ng Bibliya, si Jehova, ay nag-aalok sa iyo ng pribilehiyong iyan. Isang miyembro ng lupong tagapamahala noong unang siglo ang sumulat sa kaniyang mga kapatid: “Kung ang sinuman sa inyo Santiago 1:5, 6) Ang Lupong Tagapamahala sa makabagong panahon ay palaging nagpapayo sa atin na magsagawa ng may-pananalanging pagbabasa ng Bibliya.
ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay bukas-palad na nagbibigay sa lahat at hindi nandudusta; at ibibigay ito sa kaniya. Subalit patuloy siyang humingi na may pananampalataya, na hindi sa paanuman nag-aalinlangan.” (15 Ang karunungan ay ang praktikal na pagkakapit ng kaalaman. Kaya bago mo buksan ang iyong Bibliya, hilingin mo kay Jehova na tulungan kang makita ang mga punto sa iyong binabasa na kailangang ikapit sa iyong personal na buhay. Iugnay mo ang mga bagong bagay na iyong natututuhan sa dati mo nang alam. Ibagay ang mga iyon sa “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” na iyong nakita. (2 Timoteo 1:13) Bulay-bulayin ang mga pangyayari sa buhay ng mga lingkod ni Jehova noon, at itanong sa sarili kung ano naman ang iyong gagawin sa ilalim ng katulad na mga kalagayan.—Genesis 39:7-9; Daniel 3:3-6, 16-18; Gawa 4:18-20.
16. Anong praktikal na mga mungkahi ang ibinigay upang magawa nating higit na kapaki-pakinabang at makabuluhan ang ating pagbabasa ng Bibliya?
16 Huwag magbasa para lamang matapos ang mga pahina. Huwag magmadali. Pagbuhusan ng pansin ang iyong binabasa. Kapag nagtataka sa isang punto, tingnan ang kaugnay na mga reperensiya kung mayroon nito ang iyong Bibliya. Kung hindi pa rin maliwanag ang punto, gumawa ng nota na gagawa ka pa ng higit na pagsasaliksik. Habang nagbabasa, markahan ang mga teksto na gustung-gusto mong tandaan o kaya’y kopyahin ang mga ito. Maaari ka ring magdagdag ng sarili mong nota at kaugnay na mga reperensiya sa gilid. Para sa mga teksto na inaakala mong balang araw ay kakailanganin mo sa pangangaral at pagtuturo, isulat ang susing salita at tingnan ang indise ng mga salita sa Bibliya na nasa likod ng iyong Bibliya. *
Gawing Kaluguran ang Pagbabasa ng Bibliya
17. Bakit dapat tayong malugod sa pagbabasa ng Bibliya?
17 Ang salmista ay bumanggit tungkol sa maligayang tao na ang “kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang batas ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:2) Ang ating araw-araw na pagbabasa ng Bibliya ay hindi dapat na maging isang pangkaraniwang trabaho kundi isang tunay na kaluguran. Ang isang paraan upang ito’y maging kalugud-lugod ay ang pagiging palaging palaisip sa kahalagahan ng mga bagay na natututuhan. Sumulat ang marunong na si Haring Solomon: “Maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan . . . Ang mga daan nito ay mga daan ng kaigayahan, at ang lahat ng landas nito ay kapayapaan. Ito ay punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakan dito nang mahigpit ay tatawaging maligaya.” (Kawikaan 3:13, 17, 18) Ang pagsisikap na kailangan upang matamo ang karunungan ay sulit na sulit, sapagkat ang mga daan nito ay mga daan ng kaigayahan, kapayapaan, kaligayahan, at pinakahuli, ng buhay.
18. Ano pa ang kailangan bukod sa pagbabasa ng Bibliya, at ano ang ating isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
18 Oo, ang pagbabasa ng Bibliya ay kapuwa kapaki-pakinabang at kalugud-lugod. Subalit sapat na ba iyon? Ang mga miyembro ng simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay ilang siglo nang nagbabasa ng Bibliya, “laging nag-aaral gayunma’y hindi kailanman makarating sa tumpak na kaalaman ng katotohanan.” (2 Timoteo 3:7) Upang maging mabunga ang pagbabasa ng Bibliya, dapat na gawin natin iyon taglay ang pangmalas na ikapit ang kaalamang natamo sa ating personal na buhay at gamitin ito sa ating gawaing pangangaral at pagtuturo. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Nangangailangan ito ng pagsisikap at mahusay na mga pamamaraan sa pag-aaral, na maaari ring maging kasiya-siya at kapaki-pakinabang, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 9 Tingnan ang Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 241.
^ par. 16 Tingnan Ang Bantayan ng Mayo 1, 1995, pahina 16-17, “Mga Mungkahi Upang Mapasulong ang Iyong Pagbabasa ng Bibliya.”
Mga Tanong sa Repaso
• Anong payo na ibinigay sa mga hari ng Israel ang kapit din sa ngayon sa mga tagapangasiwa, at bakit?
• Sino sa ngayon ang gaya ng “mga naninirahang dayuhan” at ng “maliliit na bata,” at bakit kailangan nilang basahin ang Bibliya araw-araw?
• Sa anong praktikal na mga paraan natulungan tayo ng “tapat at maingat na alipin” upang mabasa ang Bibliya nang regular?
• Paano tayo makakakuha ng tunay na kapakinabangan at kaluguran sa ating pagbabasa ng Bibliya?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 9]
Ang matatanda, lalo na, ay kailangang magbasa ng Bibliya araw-araw
[Larawan sa pahina 10]
Kaugalian ni Jesus na makibahagi sa pagbabasa ng Kasulatan sa sinagoga