Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagpala ng Isang Pantanging Pamana

Pinagpala ng Isang Pantanging Pamana

Pinagpala ng Isang Pantanging Pamana

AYON SA SALAYSAY NI CAROL ALLEN

Nag-iisa ako, hawak-hawak ko ang aking maganda at bagong aklat. Nalipos ako ng takot, at tumulo ang mga luha sa aking mukha. Kung sa bagay, ako ay isang pitong-taóng-gulang lamang na munting batang babae na nawawala sa isang di-kilalang lunsod, na napaliligiran ng sampu-sampung libo katao!

KAMAKAILAN, pagkalipas ng halos 60 taon, malinaw na nagbalik sa aking alaala ang karanasang iyon, dahil sa isang pagdalaw na kasama ang aking asawa, si Paul, sa magandang Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. Siya’y inanyayahang dumalo sa ikalawang klase ng isang paaralan para sa naglalakbay na mga tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova.

Habang tumitingin kami sa palibot ng bulwagang hintayan na naliliwanagan ng araw, napansin ko ang isang malaking displey na may pamagat na “MGA KOMBENSIYON.” Nasa gitna ang isang lumang itim-at-puting litrato ng mga batang tuwang-tuwang ikinakaway ang kanilang mga kopya ng aking aklat na pambata! Agad kong binasa ang pamagat ng larawan: “1941​—Sa St. Louis, Missouri, nang magbukas ang pang-umagang sesyon, 15,000 bata​—sa pagitan ng 5 at 18 taóng gulang​—ang tinipon sa pangunahing arena sa harap mismo ng plataporma. . . . Ipinahayag ni Brother Rutherford ang paglalabas ng isang bagong aklat na Children.”

Ang bawat bata ay binigyan ng isang personal na kopya. Pagkatapos ay nagsibalik ang mga bata sa kinauupuan ng kanilang mga magulang​—ang lahat maliban sa akin. Nawawala ako! Binuhat ako ng isang palakaibigang tagahatid sa upuan at pinatayo ako sa isang mataas na kahong abuluyan at sinabihan akong hanapin ang isa na nakikilala ko. Balisa akong tumingin sa pulutong na humuhugos pababa sa malapad na hagdan. Walang anu-ano, mayroon akong nakilala! “Tito Bob! Tito Bob!” Nasumpungan na ako! Dinala ako ni Bob Rainer kung saan naghihintay ang aking balisang mga magulang.

Maagang mga Pangyayari na Humubog sa Aking Buhay

Ang pagtingin sa nakadispley ay nagpagunita sa akin ng maraming alaala​—mga pangyayaring humubog sa aking buhay at humantong sa aming pagiging nasa magandang pasilidad sa Patterson. Ang aking mga alaala ay nagbalik sa mga pangyayaring mahigit na isang daang taon na ang nakalipas, mga bagay na narinig ko lalo na mula sa aking mga lolo’t lola at sa aking mga magulang.

Noong Disyembre 1894 isang buong-panahong ministro ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ang dumalaw sa aking lolo sa tatay ko, si Clayton J. Woodworth, sa kaniyang tahanan sa Scranton, Pennsylvania, E.U.A. Bagong kasal noon si Clayton. Sumulat siya ng isang liham sa presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, si Charles Taze Russell, at ito’y inilathala sa Hunyo 15, 1895, na Watchtower. Ganito ang paliwanag niya:

“Kami’y mag-asawang nasa kabataan pa na naging mga miyembro ng isang naturingang simbahan sa loob ng mga sampung taon; subalit ngayon ay nagtitiwalang kami’y humahakbang mula sa kadiliman nito tungo sa liwanag ng isang bagong araw na ngayo’y nagbubukang-liwayway para sa itinalagang mga anak ng Kataas-taasan. . . . Bago pa kami nagkakilala ay matapat na naming hangarin na kami’y makapaglingkod sa Panginoon, kung ito ang kalooban niya, bilang mga misyonero sa banyagang lupain.”

Nang maglaon, noong 1903, sina Sebastian at Catherine Kresge, ang aking mga lolo’t lola sa tuhod sa aking nanay, ay maligayang nakinig sa mensahe ng Bibliya na dala ng dalawang kinatawan ng Watch Tower sa malaking bukirin na kanilang tinitirhan, sa magandang Kabundukan ng Pocono sa Pennsylvania. Ang kanilang mga anak na babae, sina Cora at Mary, ay nakatira rin doon na kasama ng kani-kanilang asawa, sina Washington at Edmund Howell. Ang mga kinatawan ng Watch Tower, sina Carl Hammerle at Ray Ratcliffe ay tumuloy sa kanila sa loob ng isang linggo, na nagtuturo sa kanila ng maraming bagay. Ang lahat ng anim na miyembro ng pamilyang ito ay nakinig, nag-aral, at di-nagtagal ay naging masisigasig na Estudyante ng Bibliya.

Noong taon ding iyon, 1903, sina Cora at Washington Howell ay nagkaroon ng isang anak na babaing nagngangalang Catherine. Kung paano niya napangasawa sa dakong huli ang aking ama, si Clayton J. Woodworth, Jr., ay isang kawili-wili at, sa paniwala ko, makabuluhang kuwento. Isinisiwalat nito ang maibiging unawa at pagkabahala ng magulang ng aking lolo na si Clayton J. Woodworth, Sr.

Tumanggap ng Maibiging Tulong ang Aking Tatay

Ang aking tatay, si Clayton junior, ay isinilang sa Scranton noong 1906, mga 80 kilometro mula sa bukirin ng mga Howell. Noong mga panahong iyon, kilalang-kilala ni Lolo Woodworth ang malaking pamilya ng mga Howell, na kadalasan ay nasisiyahan sa kanilang kilalang pagkamapagpatuloy. Siya’y malaking tulong sa kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa lugar na iyon. Nang maglaon, si Lolo ay ipinatawag upang magkasal sa tatlong anak na lalaki ng mga Howell, at taglay sa isipan ang kapakanan ng kaniya mismong anak na lalaki, isinasama niya ito sa bawat isa sa mga kasalang ito.

Si Itay ay hindi aktibong nakikibahagi noon sa ministeryo ng mga Estudyante ng Bibliya. Totoo, inihahatid niya si Lolo sa kaniyang ministeryal na mga pagdalaw, subalit sa kabila ng paghimok ni Lolo, si Itay mismo ay hindi aktibong nakibahagi rito. Nang panahong iyon, nahihigitan ng interes ni tatay sa musika ang lahat ng iba pang bagay, at tinatahak niya ang isang propesyonal na karera.

Si Catherine, ang anak nina Cora at Washington Howell, ay naging isa ring mahusay na musikero, na tumutugtog at nagtuturo ng piyano. Subalit habang bumukas sa kaniya ang isang propesyonal na karera, isinaisang-tabi niya ang paghahangad na iyon at nagsimulang makibahagi sa buong-panahong ministeryo. Nasa isipan ni Lolo ang pinakamahusay na makakasama ng kaniyang anak​—kahit na ito’y sa aking pangmalas lamang! Nabautismuhan si Itay, at nagpakasal sila ni Inay pagkaraan ng anim na buwan, noong Hunyo 1931.

Laging ipinagmamalaki ni Lolo ang kakayahan sa musika ng kaniyang anak. Ang saya-saya niya nang si Itay ay hilingan na sanayin ang pinaka-pangunahing bahagi ng orkestra ng malaking kombensiyon para sa internasyonal na kombensiyon sa Cleveland, Ohio, noong 1946. Nang sumunod na mga taon, si Itay ang namatnugot sa orkestra sa marami pang ibang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.

Ang Paglilitis kay Lolo at ang Buhay sa Bilangguan

Sa bulwagang hintayan sa Patterson, nakita namin ni Paul ang eksibit na may larawan na makikita sa susunod na pahina. Agad kong nakilala ang larawan, yamang pinadalhan ako ni Lolo ng isang kopya nito mahigit nang 50 taon ang nakalipas. Siya ang nakatayo sa dulong kanan.

Noong panahong maalab ang pagkamakabayan ng Digmaang Pandaigdig I, ang walong Estudyanteng ito ng Bibliya​—kasama si Joseph F. Rutherford (nakaupo sa gitna), presidente ng Samahang Watch Tower​—ay may kamaliang ibinilanggo at nanatili roon nang walang piyansa. Ang mga paratang laban sa kanila ay nakasentro sa mga pangungusap sa ikapitong tomo ng Studies in the Scriptures, na pinamagatang The Finished Mystery. Ang mga pangungusap ay binigyan ng maling pagkakaunawa na ang mga ito raw ay upang sirain ang loob ng Estados Unidos na lumahok sa Digmaang Pandaigdig I.

Sa loob ng maraming taon, isinulat ni Charles Taze Russell ang unang anim na mga tomo ng Studies in the Scriptures, subalit namatay siya bago pa niya maisulat ang ikapito. Kaya ang kaniyang mga isinulat ay ibinigay kay Lolo at sa isa pang Estudyante ng Bibliya, at isinulat nila ang ikapitong tomo. Ito’y inilabas noong 1917, bago matapos ang digmaan. Sa paglilitis, si Lolo at ang iba pa ay sinentensiyahan ng apat na magkakasabay na hatol na tig-20 taon.

Ang pamagat sa larawan na nasa bulwagang hintayan sa Patterson ay nagsasabi: “Siyam na buwan pagkatapos mahatulan si Rutherford at ang kaniyang mga kasama​—at tapos na ang digmaan​—noong Marso 21, 1919, ipinag-utos ng hukuman sa apelasyon ang piyansa para sa walong nasasakdal, at noong Marso 26, sila’y napalaya sa Brooklyn pagkatapos makapagpiyansa ng $10,000 bawat isa. Noong Mayo 5, 1920, si J. F. Rutherford at ang iba pa ay napawalang-sala.”

Pagkatapos mahatulan, subalit bago ipadala sa piitang pederal sa Atlanta, Georgia, ginugol ng walo ang kanilang unang ilang araw ng pagkabilanggo sa kulungan sa Raymond Street sa Brooklyn, New York. Mula roon si Lolo ay sumulat ng isang paglalarawan ng paglalagay sa kaniya sa isang 1.8 por 2.4 metrong selda “sa gitna ng kakila-kilabot na dumi at kaguluhan.” Sinabi niya: “May isang tambak ng mga diyaryo, at kung sa simula’y wawaling-bahala mo ang mga ito, di-magtatagal ay matatalos mo na sa mga diyaryong ito at sa sabon at bimpo, nakasalalay ang tangi mong pagkakataon na mapanatili ang kalinisan at paggalang-sa-sarili.”

Gayunman, pinanatili ni Lolo ang kaniyang pagkamapagpatawa, na tinutukoy ang bilangguan bilang “Hôtel de Raymondie,” na sinasabing, “aalis ako rito sa sandaling matapos na ang aking pangungupahan.” Inilarawan din niya ang kaniyang mga paglakad sa looban. Minsan, nang huminto siya sandali upang suklayin ang kaniyang buhok, inagaw ng isang mandurukot ang kaniyang relong de-bulsa, subalit gaya ng isinulat niya, “Naputol ang kawing at nailigtas ko ito.” Nang ako’y dumadalaw sa Brooklyn Bethel noong 1958, ipinatawag ako ni Grant Suiter, noo’y sekretaryo-tesorero ng Samahang Watch Tower, sa kaniyang opisina at ibinigay sa akin ang relong iyon. Pinakaiingatan ko pa rin ito.

Ang Epekto kay Tatay

Nang si Lolo ay hindi makatarungang ibinilanggo noong 1918, ang aking tatay ay 12 anyos pa lamang. Isinara ni Lola ang kanilang bahay at isinama si Itay upang tumira sa kaniyang ina at sa kaniyang tatlong kapatid na babae. Ang apelyido ni Lola sa pagkadalaga ay Arthur, at may pagmamalaking sinasabi ng pamilya na ang isa sa kanilang mga kamag-anak, si Chester Alan Arthur, ang ika-21 presidente ng Estados Unidos.

Pagkatapos na si Lolo Woodworth ay mabigyan ng mahabang sentensiya para sa umano’y mga kasalanan laban sa Estados Unidos, maliwanag na nadama ng mga Arthur na binigyan niya ng kahihiyan ang pangalan ng pamilya. Isa itong masakit na panahon para sa damdamin ng aking tatay. Marahil ang gayong pagtrato ang isang salik sa kaniyang pagiging bantulot sa simula sa pakikibahagi sa ministeryo sa madla.

Nang palayain si Lolo mula sa bilangguan, inilipat niya ang kaniyang pamilya sa isang malaking bahay na bato sa Quincy Street sa Scranton. Bilang isang bata, alam na alam ko ito​—at ang magandang porselanang bahilya ni Lola. Tinatawag namin itong banal na bahilya sapagkat walang sinuman ang pinahihintulutang maghugas ng mga ito kundi si Lola. Nang mamatay si Lola noong 1943, si Inay ay madalas magkaroon ng mga bisita at ginagamit niya ang magandang bahilya na iyon.

Abala sa Paglilingkod sa Kaharian

Noong ibang araw sa kampus ng Patterson, nakita ko ang isang larawan ni Brother Rutherford na nagsalita sa kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1919. Doon ay hinimok niya ang lahat na puspusang makibahagi sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos at gamitin ang bagong inilabas na magasin sa kombensiyong iyon, ang The Golden Age. Si Lolo ang naatasang patnugot nito, at sumulat siya rito ng mga artikulo hanggang noong dekada ng 1940, bago ang kaniyang kamatayan. Noong 1937, ang pangalan ng magasin ay binago tungo sa Consolation at noong 1946 tungo sa Awake! (Gumising!)

Ginawa ni Lolo ang kaniyang mga pagsulat sa bahay sa Scranton at sa punong-tanggapan ng Watch Tower mga 240 kilometro ang layo sa Brooklyn, na gumugugol siya ng dalawang linggo sa bawat dako. Sinasabi ni Itay na naaalaala niya ang tunog ng makinilya ni Lolo sa alas singko ng maraming umaga. Gayunman, dinibdib din ni Lolo ang pananagutan na makibahagi sa gawaing pangangaral sa madla. Sa katunayan, dinisenyo niya ang isang tsalekong panlalaki na may malaking panloob na mga bulsa upang paglagyan ng literatura sa Bibliya. Mayroon pa ring isa nito ang aking 94-anyos na tiya, si Naomi Howell. Dinisenyo rin ni Lolo ang isang bag na pambabae para sa mga aklat.

Minsan, kasunod ng isang masiglang usapan sa Bibliya, sinabi ng kasama ni Lolo sa paglilingkod: “C. J., may isa kang pagkakamali.”

“Anong pagkakamali?” ang tanong ni Lolo. Tiningnan niya ang kaniyang tsaleko. Walang laman ang dalawang bulsa.

“Nakalimutan mong alukan siya ng isang suskrisyon sa The Golden Age.” Nagtawanan sila dahil nakalimutan ng patnugot na ialok ang kaniyang magasin.

Mga Alaala ng Paglaki

Naaalaala ko pa ang pag-upo sa kandungan ni Lolo bilang isang bata, hawak niya ang aking maliit na kamay habang sinasabi niya sa akin ang “Kuwento ng Daliri.” Nagsisimula kay “Tommy na Hinlalaki” at patungo kay “Pedrong Tagaturo,” mayroon siyang sinasabing pantanging bagay tungkol sa bawat daliri. Pagkatapos ay maingat niyang pinagsasama ang lahat ng mga daliri habang ibinibigay niya ang aral: “Pinakamahusay silang gumagawa nang magkasama, nagtutulungan ang isa’t isa.”

Pagkatapos ng kanilang kasal, ang aking mga magulang ay lumipat sa Cleveland, Ohio, at naging matalik nilang kaibigan sina Ed at Mary Hooper. Ang kanilang mga pamilya ay mga Estudyante na ng Bibliya mula pa noong pasimula ng dantaon. Ang aking mga magulang at sina Tito Ed at Tita Mary, gaya ng tawag namin sa kanila, ay lubhang matalik na magkakaibigan. Ang mga Hooper ay namatayan ng kanilang bugtong na anak, isang sanggol na babae, kaya nang ipanganak ako noong 1934, ako ang kanilang naging pantanging “anak na babae.” Palibhasa’y pinalaki sa gayong saganang espirituwal na kapaligiran, nag-alay ako sa Diyos at nabautismuhan bago ang aking ikawalong kaarawan.

Ang pagbabasa ng Bibliya ay bahagi ng aking kabataan. Ang paglalarawan tungkol sa buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos sa Isaias 11:6-9 ay isa sa paborito kong talata sa kasulatan. Ang unang pagsisikap ko na basahin ang buong Bibliya ay noong 1944, pagkatapos kong tanggapin ang aking personal na kopya ng American Standard Version, na inilabas sa isang pantanging edisyon sa kombensiyon sa Buffalo, New York. Tuwang-tuwa akong basahin ang salin na ito kung saan ang pangalan ng Diyos, na Jehova, ay isinauli sa tamang dako nito nang halos 7,000 ulit sa “Matandang Tipan”!

Ang mga dulo ng sanlinggo ay masasayang panahon. Isinasama ako ng aking mga magulang at ng mga Hooper na magpatotoo sa mga lalawigan. Nagbabaon kami ng pananghalian at nagpipiknik sa tabi ng sapa. Pagkatapos ay nagpupunta kami sa isang bukirin para sa isang pahayag mula sa Bibliya sa labas ng bahay na doo’y inanyayahan namin ang lahat ng mga kapitbahay. Simple ang buhay. Nasumpungan namin ang aming kagalakan bilang mga pamilya. Ang ilan sa mga kaibigang ito ng pamilya namin noon ay nang maglaon naging mga naglalakbay na tagapangasiwa, pati na sina Ed Hooper, Bob Rainer, at ang kaniyang dalawang anak na lalaki. Si Richard Rainer ay isa pa ring naglalakbay na tagapangasiwa, kasama ang kaniyang asawa, si Linda.

Ang mga tag-init ay lalo nang masasayang panahon. Tumira ako sa bukirin ng mga Howell na kasama ng aking mga pinsan. Noong 1949 ay napangasawa ni Malcolm Allen ang aking pinsan na si Grace. Wala akong kamalay-malay na pagkalipas ng mga taon ay mapapangasawa ko naman ang kaniyang kapatid na lalaki. Ang aking nakababatang pinsan na si Marion ay isang misyonera sa Uruguay. Napangasawa niya si Howard Hilborn noong 1966. Ang dalawang pinsan kong ito ay naglingkod kasama ng kani-kanilang asawa sa punong-tanggapan sa Brooklyn sa loob ng maraming taon.

Si Lolo at ang Aking Pagtatapos

Noong mga taon ko sa haiskul, si Lolo ay isang masipag na kasulatán. Kasama sa kaniyang mga sulat ang maraming lumang mga litrato ng pamilya na may detalyadong mga nota na nakamakinilya sa likod, na ibinabahagi ang kasaysayan ng pamilya. Ganiyan ko natanggap ang aking kopya ng litrato niya at ng iba pa na walang-katarungang ibinilanggo.

Noong mga huling buwan ng 1951, hindi na makapagsalita si Lolo dahil sa kanser sa gulung-gulungan. Matalas pa rin ang kaniyang isip, subalit ang kaniyang mga salita ay kailangang isulat sa isang maliit na sulatang papel na lagi niyang dala. Ang klase ko sa haiskul ay magtatapos sa kalagitnaan ng taon ng pasukan, noong Enero 1952. Maaga noong Disyembre, inihulog ko sa koreo ang sulat ko kay Lolo na naglalaman ng banghay ng aking talumpati sa pagtatapos. Itinama niya ang ilang bahagi at pagkatapos sa huling pahina ay isinulat niya ang mga salitang tumagos sa aking puso: “Labis na nasisiyahan si Lolo.” Natapos niya ang kaniyang buhay sa lupa sa edad na 81, noong Disyembre 18, 1951. * Iniingat-ingatan ko pa rin ang kupás na banghay na iyon ng aking talumpati sa pagtatapos taglay ang mga salitang iyon sa huling pahina.

Pagkatapos na pagkatapos ng aking gradwasyon, pumasok ako sa paglilingkod bilang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Noong 1958, dumalo ako sa napakalaking kombensiyon sa New York City, kung saan ang pinakamaraming bilang na 253,922 katao mula sa 123 bansa ay pumuno sa Yankee Stadium at sa Polo Grounds. Doon ko nakilala ang isang delegado mula sa Aprika na may pangalang “Woodworth Mills” sa kaniyang identification badge. Mga 30 taon na ang nakalipas, siya ay ipinangalan kay Lolo!

Maligaya sa Aking Pamana

Nang ako’y 14 anyos, ang aking ina ay muling nagpayunir. Namatay siya pagkalipas ng 40 taon, noong 1988, na isang payunir pa rin! Si Itay ay nakibahagi sa gawaing pagpapayunir kailanma’t magagawa niya. Namatay siya siyam na buwan bago namatay si Inay. Yaong pinagdausan namin ng pag-aaral ay naging mahal na mga kaibigan sa habang-buhay. Ang ilan sa kanilang mga anak na lalaki ay naglingkod sa punong-tanggapan sa Brooklyn, at ang iba naman ay pumasok sa gawaing pagpapayunir.

Para sa akin ang 1959 ay isang natatanging taon. Iyan ang taon nang ipakilala sa akin si Paul Allen. Siya’y naatasang isang naglalakbay na tagapangasiwa noong 1946 nang magtapos siya sa ikapitong klase ng Gilead, isang paaralan sa pagsasanay ng mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova. Noong panahong magkakilala kami, hindi namin alam na ang susunod na atas ni Paul ay ang Cleveland, Ohio, kung saan ako nagpapayunir. Mahal siya ni Itay, at gayundin ni Inay. Kami’y ikinasal noong Hulyo 1963 sa bukirin ng mga Howell, na napaliligiran ng aming mga pamilya at si Ed Hooper ang nagbigay ng pahayag sa kasal. Isa itong pangarap na nagkatotoo.

Hindi kailanman nagkaroon ng kotse si Paul. Nang umalis kami sa Cleveland para sa kaniyang susunod na atas, lahat ng aming gamit ay nagkasiya sa aking 1961 na kotseng Volkswagen Bug. Kadalasang ang mga kaibigan ay dumadalaw sa amin kung Lunes, ang araw na kami’y lumilipat sa ibang kongregasyon, upang masdan ang paglululan namin ng mga gamit sa kotse. Para kang nanonood ng sirkus na makita ang mga maleta, portpolyo, kahon ng salansan, makinilya, at iba pa, na ipinapasok sa maliit na kotseng iyon.

Kami ni Paul ay naglakbay na magkasama ng di-mabilang na mga kilometro, na tinatamasa ang mga kasiyahan at pinagtitiisan ang kahirapan ng kasalukuyang buhay​—ang lahat ng bagay ay ginagawa sa lakas na si Jehova lamang ang makapaglalaan. Ito’y maliligayang taon, lipos ng pag-ibig kay Jehova, sa isa’t isa, at sa dati at bagong mga kaibigan. Ang dalawang buwan na ginugol namin sa Patterson habang si Paul ay tumatanggap ng pagsasanay ang tampok ng aming buhay hanggang sa ngayon. Ang malapitang pagmamasid sa makalupang organisasyon ni Jehova ay muling nagpatunay sa isang pananalig na ipinasa sa akin bilang bahagi ng aking mahalagang espirituwal na pamana: Ito nga ang organisasyon ng Diyos. Anong laking kagalakan na maging bahagi nito, kahit na maliit lamang!

[Talababa]

^ par. 44 Tingnan ang The Watchtower, Pebrero 15, 1952, pahina 128.

[Larawan sa pahina 25]

Kasama si Ed Hooper di-nagtagal bago ang kombensiyon sa St. Louis noong 1941, kung saan tinanggap ko ang aking personal na kopya ng aklat na “Children”

[Larawan sa pahina 26]

Si Lolo noong 1948

[Larawan sa pahina 26]

Sa bukirin ng mga Howell nang ikasal ang aking mga magulang (nasa bilog)

[Larawan sa pahina 27]

Ang walong estudyante ng Bibliya na may kamaliang ibinilanggo noong 1918 (Si Lolo ay nakatayo sa dulong kanan)

[Larawan sa pahina 29]

Lahat ng aming makasanlibutang gamit ay nagkasiya sa aming Volkswagen

[Larawan sa pahina 29]

Kasama ng aking asawa, si Paul