Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Ka Mápapalapít sa Diyos

Kung Paano Ka Mápapalapít sa Diyos

Kung Paano Ka Mápapalapít sa Diyos

“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo,” ang sabi ng Santiago 4:8. Upang ipakita ang kagustuhan ng Diyos na Jehova na ang mga tao ay magkaroon ng isang malapít na kaugnayan sa kaniya, ibinigay niya ang kaniyang Anak alang-alang sa atin.

BILANG pagtugon sa maibiging alok na iyon, si apostol Juan ay sumulat: “Tayo ay umiibig [sa Diyos], sapagkat siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Subalit upang tayo ay personal na mapalapít sa Diyos, dapat tayong gumawa ng ilang hakbang. Kahawig ito ng apat na paraan upang mapalapít tayo sa mga kapuwa-tao, gaya ng nakabalangkas sa naunang artikulo. Suriin natin ngayon ang mga ito.

Pansinin ang Kahanga-hangang mga Katangian ng Diyos

Maraming kahanga-hangang katangian ang Diyos, at nangingibabaw rito ay ang kaniyang pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan. Ang kaniyang karunungan at kapangyarihan ay saganang ipinakikita kapuwa sa malayong sansinukob at sa daigdig sa palibot natin, mula sa pagkalaki-laking mga galaksi hanggang sa pagkaliit-liit na mga atomo. Ang salmista ay sumulat: “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan.”​—Awit 19:1; Roma 1:20.

Ipinaaaninaw rin ng paglalang ang pag-ibig ng Diyos. Halimbawa, ang pagkakagawa sa atin ay nagpapakita na gusto ng Diyos na tayo’y masiyahan sa buhay. Binigyan niya tayo ng kakayahang makakita ng mga kulay, makalasa at makaamoy, masiyahan sa musika, tumawa, masiyahan sa kagandahan, gayundin ng maraming iba pang kakayahan at katangian na hindi naman lubusang kailangan sa buhay. Oo, ang Diyos ay talagang bukas-palad, mabait, at maibigin​—mga katangian na walang-alinlangang nakatutulong sa kaniyang pagiging “ang maligayang Diyos.”​—1 Timoteo 1:11; Gawa 20:35.

Si Jehova ay nagagalak sa bagay na ang paggamit niya sa kaniyang soberanya at ang pagsuporta rito ng kaniyang matatalinong nilalang ay pangunahing nakasalig sa pag-ibig. (1 Juan 4:8) Totoo, si Jehova ang Pansansinukob na Soberano, subalit kaniyang pinakikitunguhan ang mga tao, lalo na ang kaniyang matapat na mga lingkod, na gaya ng pakikitungo ng isang maibiging ama sa kaniyang mga anak. (Mateo 5:45) Wala siyang ipinagkakait na anumang bagay para sa kanilang ikabubuti. (Roma 8:38, 39) Gaya ng nabanggit na, ibinigay pa nga niya ang buhay ng kaniyang bugtong na Anak alang-alang sa atin. Oo, ang pag-ibig ng Diyos ang siyang dahilan kung bakit tayo umiiral at may pag-asang buhay na walang hanggan.​—Juan 3:16.

Si Jesus ang nagbigay sa atin ng malalim ng pagkaunawa sa personalidad ng Diyos sapagkat may kasakdalan niyang tinularan ang kaniyang Ama. (Juan 14:9-11) Siya ay lubusang walang pag-iimbot, makonsiderasyon, at maalalahanin. Noong minsan, dinala kay Jesus ang isang taong bingi at may kapansanan sa pagsasalita. Maiisip mo na ang taong ito ay maaaring asiwa sa maraming tao. Kapansin-pansin, dinala ni Jesus ang taong ito sa isang pribadong lugar at doon siya pinagaling. (Marcos 7:32-35) Pinahahalagahan mo ba ang mga taong sensitibo sa iyong mga damdamin at gumagalang sa iyong dignidad? Kung gayon, tiyak na lalo kang mápapalapít kay Jehova at kay Jesus habang natututo ka nang higit tungkol sa kanila.

Pag-isipan ang mga Katangian ng Diyos

Ang isa ay maaaring may kahanga-hangang mga katangian, subalit kailangan nating isipin ang taong iyon upang mapalapít sa isang iyon. Kapit din iyan kay Jehova. Ang pagbubulay-bulay sa kaniyang mga katangian ay ang ikalawang hakbang na mahalaga upang mapalapít sa kaniya. Si Haring David, isang tao na talagang umiibig kay Jehova at ‘naaayon sa puso [ni Jehova],’ ay nagsabi: “Naaalaala ko ang mga araw noong sinaunang panahon; binubulay-bulay ko ang lahat ng iyong mga gawa; kusang-loob kong itinutuon ang aking pansin sa gawa ng iyong mga kamay.”​—Gawa 13:22; Awit 143:5.

Kapag minamasdan mo ang kababalaghan ng paglalang o binabasa mo ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, binubulay-bulay mo ba, tulad ni David, ang iyong nakikita at nababasa? Isipin ang isang anak na katatanggap lamang ng isang sulat buhat sa kaniyang ama na labis niyang minamahal. Paano niya mamalasin ang sulat na iyon? Tiyak na hindi niya basta mabilis na babasahin ang nilalaman nito at saka ilalagay ito sa loob ng aparador. Bagkus, pag-aaralan niya ito, uunawain mula rito ang bawat detalye at di-napapansing pagkakaiba. Sa katulad na paraan, dapat na maging mahalaga sa atin ang Salita ng Diyos, kung paanong mahalaga ito sa salmista na umawit: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.”​—Awit 119:97.

Pagpapanatili ng Mabuting Pakikipagtalastasan

Ang mabuting pakikipagtalastasan ang pinaka-buhay ng anumang kaugnayan. Kasangkot dito ang pagsasalita at pakikinig​—at hindi lamang ng isipan kundi rin naman ng puso. Tayo’y nakikipag-usap sa Maylalang sa pamamagitan ng panalangin, na mapagpitagang pakikipagtalastasan sa Diyos. Si Jehova ay nasisiyahan sa mga panalangin niyaong umiibig at naglilingkod sa kaniya at kumikilala kay Jesu-Kristo bilang ang Kaniyang pangunahing kinatawan.​—Awit 65:2; Juan 14:6, 14.

Noon, ang Diyos ay nakipag-usap sa mga tao sa iba’t ibang paraan, pati na sa mga pangitain, sa mga panaginip, at sa pamamagitan ng mga anghel. Gayunman, siya ngayon ay nakikipag-usap sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, ang Banal na Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Ang nasusulat na Salita ay maraming kapakinabangan. Maaaring sumangguni rito sa anumang oras. Tulad ng isang liham, maaari mo itong basahin nang paulit-ulit. At hindi ito napipilipit na karaniwang nangyayari sa pasa-pasang pagkukuwento. Kaya isipin ang Bibliya bilang isang malaking koleksiyon ng mga liham mula sa inyong minamahal na makalangit na Ama, at sa pamamagitan ng mga liham na ito ay pahintulutan mong makausap ka niya araw-araw.​—Mateo 4:4.

Halimbawa, sinasabi ng Bibliya ang pangmalas ni Jehova sa tama at mali. Ipinaliliwanag nito ang kaniyang layunin para sa sangkatauhan at sa lupa. At isinisiwalat nito ang mga pakikitungo niya sa maraming bayan at mga bansa, mula sa matapat na mga mananamba hanggang sa mahigpit na mga kaaway. Sa pamamagitan ng pag-uulat ng kaniyang mga pakikitungo sa mga tao sa ganitong paraan, nailarawan ni Jehova nang lubhang detalyado ang kaniyang personalidad. Isinisiwalat niya ang kaniyang pag-ibig, kagalakan, kalungkutan, kabiguan, galit, awa, pagkabahala​—oo, ang kaniyang iba’t ibang kaisipan at damdamin, at ang mga dahilan para sa mga ito​—sa paraan na pawang madaling maunawaan ng mga tao.​—Awit 78:3-7.

Pagkatapos mong mabasa ang isang bahagi ng Salita ng Diyos, paano ka makikinabang mula sa iyong nabasa? At, paano ka lalo nang mápapalapít sa Diyos? Una, pag-isipan mo ang tungkol sa iyong nabasa at natutuhan hinggil sa Diyos bilang isang persona, anupat hinahayaang maabot ng mga punto ang iyong puso. Pagkatapos ay sabihin kay Jehova sa panalangin ang iyong mga kaisipan at iyong mga niloloob tungkol sa materyal na iyong isinaalang-alang at kung paano mo sisikaping makinabang mula rito. Iyan ang pakikipagtalastasan. Sabihin pa, kung may iba pang mga bagay na nasa iyong isipan, ito man ay maaaring isama sa iyong panalangin.

Gawin ang mga Bagay na Kasama ng Diyos

Sinasabi ng Bibliya ang hinggil sa ilang tapat na tao noong una na sila ay lumakad na kasama, o sa harap, ng tunay na Diyos. (Genesis 6:9; 1 Hari 8:25) Ano ang ibig sabihin niyan? Pangunahin nang nabuhay sila araw-araw na para bang kasama mismo nila ang Diyos. Totoo, sila’y makasalanan. Gayunman, iniibig nila ang mga kautusan at simulain ng Diyos, at sila’y namuhay na kasuwato ng layunin ng Diyos. Si Jehova ay malapít sa mga gayong tao, at siya’y nagmamalasakit sa kanila, gaya ng ipinakikita sa Awit 32:8: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”

Maaari mo ring maging matalik na kaibigan si Jehova​—isa na lumalakad na kasama mo, nagmamalasakit sa iyo, at nagbibigay sa iyo ng payo gaya ng isang ama. Inilarawan ni propeta Isaias si Jehova bilang “ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” (Isaias 48:17) Habang nararanasan natin ang mga pakinabang na ito, nadarama natin ang presensiya ni Jehova ‘sa [ating] kanan,’ wika nga, na gaya ng naranasan ni David.​—Awit 16:8.

Ang Pangalan ng Diyos​—Nagtatampok ng Kaniyang mga Katangian

Maraming relihiyon at parami nang paraming mga salin ng Bibliya ang hindi gumagamit at hindi nagpapakilala sa personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Gayunman, sa orihinal na teksto sa Hebreo, ang pangalang iyan​—na Jehova​—ay lumilitaw nang mga 7,000 ulit! (Nagkakasalungatan nga, bagaman inaalis ang banal na pangalan, pinananatili naman ng karamihang tagasalin ng Bibliya ang mga pangalan ng maraming huwad na diyos na binabanggit sa orihinal na teksto, gaya ng Baal, Bel, Merodak, at maging ang Satanas!)

Inaakala ng ilang tao na maliit na bagay ang hindi paggamit sa pangalan ng Diyos. Subalit isipin ito: Mas madali ba o mas mahirap magkaroon ng isang malapít at naliwanagang kaugnayan sa isang personang walang pangalan? Ang mga titulong gaya ng Diyos at Panginoon (na ginagamit din sa mga huwad na diyos) ay makaaakit sa kapangyarihan, awtoridad, o posisyon ni Jehova, subalit ang kaniyang personal na pangalan lamang ang maliwanag na nagpapakilala sa kaniya. (Exodo 3:15; 1 Corinto 8:5, 6) Naaaninag sa personal na pangalan ng tunay na Diyos ang kaniyang mga katangian at personalidad. Ang teologong si Walter Lowrie ay makatuwirang nagsabi: “Ang taong hindi nakakakilala sa Diyos sa pangalan ay hindi talaga nakakakilala sa kaniya bilang isang persona.”

Isaalang-alang ang halimbawa ni Maria, isang taimtim na Katolikong nakatira sa Australia. Nang una siyang makilala ng mga Saksi ni Jehova, pinahintulutan ni Maria ang mga Saksi na ipakita sa kaniya ang pangalan ng Diyos sa Bibliya. Paano siya tumugon? “Nang una kong makita ang pangalan ng Diyos sa Bibliya, napaiyak ako. Labis akong naantig ng kaalaman na aktuwal na nalalaman ko na ngayon at magagamit ang personal na pangalan ng Diyos.” Ipinagpatuloy ni Maria ang pag-aaral sa Bibliya, at sa kauna-unahang pagkakataon sa kaniyang buhay, nakilala niya si Jehova bilang isang persona at nakagawa ng isang nagtatagal na kaugnayan sa kaniya.

Oo, maaari tayong “lumapit sa Diyos,” kahit na hindi natin siya nakikita ng ating literal na mga mata. Maaari nating “makita” ang kaniyang katangi-tangi at magandang personalidad sa ating mga isipan at mga puso at sa gayo’y lumago ang ating pag-ibig sa kaniya. Ang gayong pag-ibig “ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:14.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Tinutugon ni Jehova ang Pag-ibig Mo sa Kaniya

ANG mga kaugnayan ay tulad ng dalawahang-daan. Habang nagiging malapít tayo sa Diyos, tumutugon naman siya sa pamamagitan ng pagiging mas malapit sa atin. Isaalang-alang ang kaniyang damdamin sa matanda nang sina Simeon at Ana, kapuwa pantanging binanggit sa Bibliya. Sinasabi sa atin ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas na si Simeon ay “matuwid at mapagpitagan,” na naghihintay sa Mesiyas. Napansin ni Jehova ang maiinam na katangiang ito kay Simeon at nagpakita ng pag-ibig sa mahal na matanda nang taong ito sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa kaniya na “hindi niya makikita ang kamatayan hanggang sa makita muna niya ang Kristo.” Tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako at inakay si Simeon sa sanggol na si Jesus, na dinala ng Kaniyang mga magulang sa templo sa Jerusalem. Tuwang-tuwa at lubhang mapagpahalaga, niyapos ni Simeon ang sanggol at nanalangin: “Ngayon, Soberanong Panginoon, pinayayaon mong malaya ang iyong alipin na nasa kapayapaan alinsunod sa iyong kapahayagan; sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong paraan ng pagliligtas.”​—Lucas 2:25-35.

“Nang mismong oras na iyon,” ipinakita rin ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa 84-taóng-gulang na si Ana sa pamamagitan ng pag-akay rin sa kaniya kay Jesus. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang mahalagang babaing balo na ito ay laging nasa templo “na nag-uukol ng sagradong paglilingkod” kay Jehova. Nag-uumapaw sa pagpapahalaga, siya, katulad ni Simeon, ay nagpasalamat kay Jehova sa kaniyang pambihirang kabaitan, pagkatapos nito ay nagsalita siya tungkol sa bata “sa lahat niyaong naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.”​—Lucas 2:36-38.

Oo, napansin ni Jehova kung gaano katindi ang pag-ibig at pagkatakot nina Simeon at Ana sa kaniya at kung gaano kahalaga sa kanila ang pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Hindi ba ang mga ulat na ito ng Bibliya ay nagpapalapít sa iyo kay Jehova?

Tulad ng kaniyang Ama, nalalaman din ni Jesus ang tunay na panloob na pagkatao. Samantalang nagtuturo sa templo, napansin niya ang isang “nagdarahop na babaing balo” na nag-abuloy lamang ng “dalawang maliit na barya na may napakaliit na halaga.” Sa ibang nagmamasid, ang kaniyang kaloob ay maaaring walang halaga, subalit hindi gayon kay Jesus. Pinuri niya ang babaing ito sapagkat ibinigay niya ang lahat ng taglay niya. (Lucas 21:1-4) Kaya, makatitiyak tayo na pinahahalagahan tayo ni Jehova at ni Jesus kung ibinibigay natin sa kanila ang ating pinakamainam, malaki man o maliit ang kaloob natin.

Bagaman ang Diyos ay nagagalak sa mga umiibig sa kaniya, nasasaktan siya kapag ang mga tao’y lumalayo sa kaniya at sumusunod sa isang landasin ng paggawa ng mali. Ang Genesis 6:6 ay nagsasabi sa atin na si Jehova ay “nasaktan sa kaniyang puso” dahil sa kasamaan ng mga tao bago ang Baha noong panahon ni Noe. Nang maglaon, ang masuwaying mga Israelita ay paulit-ulit na “inilalagay ang Diyos sa pagsubok, at pinasakitan nila maging ang Banal ng Israel,” ang sabi ng Awit 78:41. Oo, ang Diyos ay hindi isang malayong “Unang Tagapagpangyari” na walang mga damdamin. Tunay na isa siyang persona, isa na ang mga damdamin ay hindi walang pagkakatimbang o pinapurol ng di-kasakdalan, na gaya ng sa atin.

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang pagbubulay-bulay sa paglalang ni Jehova ay isang paraan upang mapalapít sa kaniya