Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari Ka Bang Maging Malapít sa Isang Di-nakikitang Diyos?

Maaari Ka Bang Maging Malapít sa Isang Di-nakikitang Diyos?

Maaari Ka Bang Maging Malapít sa Isang Di-Nakikitang Diyos?

‘Paano ako magkakaroon ng isang malapít na kaugnayan sa isa na hindi ko nakikita?’ ang maitatanong mo. Waring iyan ay isang makatuwirang tanong. Subalit isaalang-alang:

GAANO kahalaga ang paningin upang magkaroon ng maibigin at nagtatagal na mga kaugnayan? Hindi ba mahalaga rin, kung hindi man mas mahalaga, ang di-nakikitang mga salik? Tunay nga! Sa kadahilanang iyan ang ilang tao ay nagkaroon ng isang malapít na kaugnayan sa iba sa pamamagitan ng regular na pakikipagsulatan​—ang kanilang mga sulat ay matapat na nagpapahayag ng mga kagustuhan, mga hindi gusto, mga tunguhin, simulain, pagkamapagpatawa, at iba pang mga katangian o mga interes.

Ipinakikita rin ng mga bulag na hindi mahalaga ang paningin upang magkaroon ng isang malapít na kaugnayan sa isang tao. Isaalang-alang ang halimbawa nina Edward at Gwen, isang mag-asawang bulag. * Nakilala ni Edward si Gwen sa isang paaralan para sa mga bulag, kung saan si Gwen ay isang kaeskuwelang nasa hustong gulang. Hinangaan niya ang mga katangian ni Gwen, lalo na ang kaniyang katapatan sa pananalita at paggawi, at ang kaniyang mainam na saloobin sa trabaho. Si Gwen naman ay naakit kay Edward dahil, ayon sa kaniya, “si Edward ay nagpapakita ng lahat ng mga katangian na pinaniniwalaan kong mahalaga dahil sa iyon ang pagpapalaki sa akin.” Nagkaroon ng pagliligawan, at pagkaraan ng tatlong taon ay nagpakasal sila.

“Kapag kayo ay magkasama,” sabi ni Edward, “ang pagiging bulag ay hindi mahalaga sa pagkakaroon ng isang kaugnayan sa ibang tao. Maaaring hindi ninyo nakikita ang isa’t isa, subalit hindi bulag ang mga damdamin.” Ngayon, pagkalipas ng 57 taon, matimyas pa rin ang kanilang pagmamahalan. Ipinaliwanag nila na ang lihim sa kanilang magandang ugnayan ay nagsasangkot ng di-kukulangin sa apat na bagay: (1) pagpansin sa mga katangian ng isang tao, (2) pag-iisip at pagkaakit sa mga katangiang iyon, (3) pagpapanatili ng mabuting pakikipagtalastasan, at (4) paggawa ng mga bagay na magkasama.

Ang apat na mga puntong ito ay mahalaga sa anumang mabuting kaugnayan, ito man ay sa pagitan ng mga magkaibigan, mag-asawa o, higit na mahalaga, sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Sa susunod na artikulo, makikita natin kung paanong ang pagkakapit ng mga puntong ito ay tutulong sa atin na magkaroon ng isang malapít na kaugnayan sa Diyos, bagaman hindi natin siya nakikita. *

[Mga talababa]

^ par. 4 Binago ang mga pangalan.

^ par. 6 Di-tulad ng isang kaugnayan sa pagitan ng mga tao, ang isang kaugnayan sa Diyos ay salig sa pananampalataya sa kaniyang pag-iral. (Hebreo 11:6) Para sa lubusang pagtalakay hinggil sa pagkakaroon ng isang matibay na pananampalataya sa Diyos, pakisuyong tingnan ang Is There a Creator Who Cares About You?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.