Pagtatrabaho sa “Bukid”—Bago ang Pag-aani
Pagtatrabaho sa “Bukid”—Bago ang Pag-aani
ANG mga alagad ng Dakilang Guro ay nalilito. Katatapos pa lamang magsalaysay ni Jesus ng maikling kuwento tungkol sa mga trigo at panirang-damo. Iyon ay isa sa maraming talinghaga na kaniyang binigkas sa araw na iyon. Nang siya’y matapos, ang karamihan sa mga tagapakinig niya ay nagsialisan na. Subalit batid ng kaniyang mga alagad na tiyak na may pantanging kahulugan ang kaniyang mga talinghaga—lalo na ang isa na tungkol sa trigo at mga panirang-damo. Alam nila na si Jesus ay hindi lamang isang magaling na tagakuwento.
Nag-ulat si Mateo na kanilang hiniling: “Ipaliwanag mo sa amin ang ilustrasyon tungkol sa mga panirang-damo sa bukid.” Bilang pagtugon, ibinigay ni Jesus ang kahulugan ng talinghaga, inihuhula ang malaking apostasya na magaganap sa gitna ng kaniyang nag-aangking mga alagad. (Mateo 13:24-30, 36-38, 43) Nangyari nga ito, at mabilis na kumalat ang apostasya pagkamatay ni apostol Juan. (Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:6-12) Gayon na lamang kalaganap ang epekto nito anupat ang tanong na ibinangon ni Jesus, gaya ng nakaulat sa Lucas 18:8, ay waring naging angkop na angkop: “Kapag dumating ang Anak ng Tao, talaga kayang matatagpuan niya ang pananampalataya sa lupa?”
Ang pagdating ni Jesus ay magiging tanda ng pasimula ng “pag-aani” sa tulad-trigong mga Kristiyano. Iyan ay magiging tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na nagpasimula noong 1914. Kaya hindi natin dapat ipagtaka na may mga nagkainteres sa katotohanan sa Bibliya bago pa ang pagpapasimula ng pag-aani.—Mateo 13:39.
Ang pagsisiyasat sa makasaysayang ulat ay maliwanag na nagpapakita na, lalo na mula noong ika-15 siglo pasulong, ang mga kaisipan ay napukaw, maging sa gitna ng mga tao sa Sangkakristiyanuhan na tulad ng mga “panirang-damo,” o nagkukunwang mga Kristiyano. Habang naging madali na makakuha ng Bibliya at may nagawa nang mga concordance sa Bibliya, ang tapat-pusong mga tao ay nagsimulang magsaliksik nang maingat sa Kasulatan.
Higit na Nagniningning ang Liwanag
Kabilang sa mga taong ito sa pagpapasimula ng ika-19 na siglo ay si Henry Grew (1781-1862), mula sa Birmingham, Inglatera. Sa edad na 13, siya’y naglayag kasama ng kaniyang pamilya patawid ng Atlantiko tungo sa Estados Unidos, anupat nakarating doon noong Hulyo 8, 1795. Sila’y nanirahan sa Providence, Rhode Island. Naitimo sa kaniya ng kaniyang mga magulang ang pagmamahal sa Bibliya. Noong 1807, sa edad na 25, naanyayahan si Grew na maglingkod bilang isang pastor sa Simbahan ng Baptist sa Hartford, Connecticut.
Dinibdib niya ang kaniyang mga pananagutan sa pagtuturo at sinikap niyang tulungan ang mga nasa pangangalaga niya na mamuhay nang kaayon sa Kasulatan. Gayunman, naniniwala siya sa pagpapanatiling malinis ng kongregasyon mula sa sinuman na sadyang gumagawa ng kasalanan. Kung minsan, kailangan niya, at ng iba pang responsableng kalalakihan sa simbahan, na alisin (itiwalag) ang mga nakagawa ng pangangalunya o nasangkot sa iba pang masamang gawain.
May iba pang mga suliranin sa simbahan na nakabahala sa kaniya. May mga lalaki sa kanila na hindi mga miyembro ng simbahan na nangangasiwa sa mga transaksiyon ng simbahan at nangunguna sa pag-awit sa mga serbisyo sa simbahan. Ang mga lalaking ito ay maaari ring bumoto sa 2 Corinto 6:14-18; Santiago 1:27) Sa kaniyang pangmalas, isang kalapastanganan na paawitin ng mga awit ng papuri sa Diyos ang mga di-nananampalataya. Dahil sa paninindigang ito, noong 1811, si Henry Grew ay pinaalis sa simbahan. Ang ibang mga miyembro na may katulad na pangmalas ay humiwalay rin sa simbahan nang panahon ding iyon.
mga bagay na may kinalaman sa kongregasyon at sa gayo’y may kontrol sa mga gawain nito. Salig sa simulain ng pagiging hiwalay mula sa sanlibutan, matindi ang paniwala ni Grew na ang tapat na mga lalaki lamang ang dapat na gumanap sa mga posisyong ito. (Paghiwalay Mula sa Sangkakristiyanuhan
Ang grupong ito, kasama si Henry Grew, ay nagsimula ng isang pag-aaral sa Bibliya na may layon na iayon ang kanilang pamumuhay at mga gawain sa mga payo nito. Mabilis na inakay sila ng kanilang pag-aaral sa higit na pagkaunawa sa katotohanan ng Bibliya at nagpangyari sa kanila upang ibunyag ang mga pagkakamali ng Sangkakristiyanuhan. Halimbawa, noong 1824, sumulat si Grew ng isang akdang may mahusay na pangangatuwiran na nagpapabulaan sa Trinidad. Pansinin ang pangangatuwiran sa talatang ito mula sa kaniyang isinulat: “ ‘Tungkol sa araw na iyon, at sa oras na iyon ay walang tao na nakaaalam, kahit man ang mga anghel na nasa langit, kahit man ang Anak, kundi ang AMA lamang.’ [Marcos 13:32] Pansinin dito ang pagkakasunud-sunod ayon sa antas ng pagiging persona. Tao, mga Anghel, Anak, Ama. . . . Itinuturo ng ating Panginoon na ang Ama lamang ang nakaaalam sa araw na iyon. Subalit hindi ito totoo, kung, gaya ng ipinapalagay ng ilan, ang Ama, Salita, at Espiritu Santo ay tatlong persona sa iisang Diyos; sapagkat, ayon dito [sa turo, ang doktrina ng Trinidad,] . . . alam ito ng Anak na katulad ng Ama.”
Ibinunyag ni Grew ang pagpapaimbabaw ng mga klerigo at ng mga pinuno ng militar na nagkukunwang naglilingkod kay Kristo. Noong 1828 ay ipinahayag niya: “May maiisip pa ba tayong bagay na mas malaki ang pagkakasalungatan, kaysa sa isang Kristiyano na nagpupunta sa isang silid dasalan, kung saan niya ipinapanalangin ang kaniyang mga kaaway, at pagkatapos ay nag-uutos sa kaniyang mga sundalo na itarak ang mga sandata ng kamatayan taglay ang sukdulang galit, sa mga puso ng mahigpit na mga kaaway? Sa isang banda, masaya niyang tinutularan ang kaniyang naghihingalong Panginoon; subalit sino pa ang isa na tinutularan niya? Ipinanalangin ni Jesus ang mga pumatay sa kaniya. Pinapatay ng mga Kristiyano ang mga ipinananalangin nila.”
Sumulat si Grew sa mas matindi pang paraan: “Kailan natin paniniwalaan ang Kataas-taasan na nagbibigay katiyakan sa atin na siya’y ‘hindi malilibak?’ Kailan natin mauunawaan ang kalikasan, ang katalinuhan, ng banal na relihiyong iyan na humihiling sa atin na umiwas maging mula sa ‘pakunwaring kasamaan?’ . . . Hindi ba’t paninirang-puri sa Anak ng Diyos, na ipalagay na ang kaniyang relihiyon ay humihiling sa isang tao na gumawing gaya ng isang anghel sa isang kalagayan, at nagpapahintulot naman sa kaniya na gumawing gaya ng isang demonyo sa ibang pagkakataon?”
Hindi Likas ang Buhay na Walang Hanggan
Noong mga taóng iyon bago pa man magkaroon ng radyo at telebisyon, ang isang popular na paraan upang ipahayag ang pangmalas ng isa ay sumulat at mamahagi ng mga pulyeto. Noong mga taóng 1835, isinulat ni Grew ang isang mahalagang pulyeto na nagbunyag sa pagiging di-maka-Kasulatan ng mga turong tungkol sa imortalidad ng kaluluwa at apoy ng impiyerno. Ipinalalagay niya na paninirang-puri sa Diyos ang mga doktrinang ito.
Ang pulyetong ito ay nagkaroon ng malaking epekto. Noong 1837, napulot ng 40-taóng-gulang na si George Storrs ang isang kopya nito sa tren. Si Storrs ay isang katutubo mula sa Lebanon, New Hampshire, na nakatira noong panahong iyon sa Utica, New York.
Siya’y isang lubhang iginagalang na ministro sa Simbahang Metodista-Episkopal. Nang kaniyang mabasa ang pulyeto, humanga siya dahil sa nagawa ang gayong katinding pangangatuwiran laban sa pangunahing mga turong ito ng Sangkakristiyanuhan, na kailanma’y hindi niya pinag-alinlanganan noon. Hindi niya alam kung sino ang sumulat nito, at pagkalipas lamang ng ilang taon, noong mga taóng 1844, nang kaniyang makilala si Henry Grew yamang kapuwa sila naninirahan sa Philadelphia, Pennsylvania. Gayunman, sarilinang pinag-aralan ni Storrs ang bagay na ito sa loob ng tatlong taon, anupat ipinakikipag-usap lamang niya ang tungkol sa bagay na ito sa ibang ministro.
Sa wakas, yamang walang sinuman ang makapagpabulaan sa mga bagay na natututuhan niya, napag-isip-isip ni George Storrs na hindi siya
makapananatiling tapat sa Diyos kung mamamalagi siya sa Simbahan ng Metodista. Nagbitiw siya noong 1840 at lumipat sa Albany, New York.Sa pasimula ng tagsibol noong 1842, nagbigay si Storrs ng anim na magkakasunod na lektyur sa loob ng anim na linggo sa paksang “Isang Katanungan—Ang mga Balakyot ba’y Imortal?” Gayon na lamang karami ang naging interesado anupat kaniyang nirebisa ito upang mailathala, at sa sumunod na mahigit na 40 taon, umabot sa 200,000 ang naipamahagi nito sa Estados Unidos at Gran Britanya. Nagtulungan sina Storrs at Grew sa mga pakikipagdebate laban sa doktrina ng imortalidad ng kaluluwa. Patuloy na naging masigasig sa pangangaral si Grew hanggang sa kaniyang kamatayan noong Agosto 8, 1862, sa Philadelphia.
Hindi pa natatagalan pagkatapos na maiharap ni Storrs ang anim na lektyur na kababanggit pa lamang, naging interesado siya sa pangangaral ni William Miller, na umaasa sa nakikitang pagbabalik ni Kristo noong 1843. Sa loob ng halos dalawang taon, si Storrs ay naging aktibo sa pangangaral ng mensaheng ito sa buong hilaga-silangang bahagi ng Estados Unidos. Pagkatapos ng 1844, hindi na siya nakiisa sa pagtatakda ng anumang petsa sa pagbabalik ni Kristo, subalit hindi rin naman siya tumutol kung ibig ng iba na suriin ang kronolohiya. Naniniwala si Storrs na malapit na ang pagbabalik ni Kristo at na mahalaga para sa mga Kristiyano na manatiling sumusubaybay at gising sa espirituwal, handa para sa araw ng pagsisiyasat. Subalit humiwalay siya sa pakikisama sa grupo ni Miller dahil sa kanilang tinatanggap ang di-maka-Kasulatang mga doktrina, gaya ng imortalidad ng kaluluwa, ng pagkagunaw ng mundo, at ng kawalan ng anumang pag-asa para sa buhay na walang hanggan para sa mga namatay na walang kabatiran.
Saan Hahantong ang Pag-ibig sa Diyos?
Kinasuklaman ni Storrs ang pangmalas ng mga Adventist na bubuhaying-muli ng Diyos ang balakyot na mga tao para lamang sa layuning patayin silang muli. Wala siyang makitang katibayan sa Kasulatan para sa gayong walang kabuluhan at mapaghiganting pagkilos sa bahagi ng Diyos. Naging labis naman si Storrs at ang kaniyang mga kasamahan at naghinuha sila na ang mga balakyot ay hindi na bubuhayin pang muli. Bagaman nahirapan silang ipaliwanag ang ilang kasulatan na tumutukoy sa pagkabuhay-muli ng di-matuwid, kung para sa kanila, ang kanilang konklusyon ay waring mas kasuwato ng pag-ibig ng Diyos. Hindi magtatagal at may darating pang kaunawaan tungkol sa layunin ng Diyos.
Noong 1870, nagkasakit nang malubha si Storrs at hindi nakapagtrabaho sa loob ng ilang buwan. Sa panahong ito, nagawa niyang suriing-muli ang lahat ng kaniyang natutuhan sa buong 74 na taon ng kaniyang buhay. Napaghinuha niya na nakaligtaan niya ang mahalagang bahagi sa layunin ng Diyos sa sangkatauhan gaya ng ipinakita ng Abrahamikong tipan—na ‘pagpapalain ng lahat ng mga pamilya ang kanilang sarili dahil sa pinakinggan ni Abraham ang tinig ng Diyos.’—Genesis 22:18; Gawa 3:25.
Isang bagong ideya ito para pag-isipan niya. Kung ang “lahat ng mga pamilya” ay pagpapalain, hindi kaya kailangang marinig ng lahat ang mabuting balita? Paano nila ito mapakikinggan? Hindi ba’t milyun-milyon na ang nangamatay? Sa higit pang pagsusuri ng Kasulatan, narating niya ang konklusyon na may dalawang uri ng patay na mga taong “balakyot”: yaong mga lubusang tumanggi sa pag-ibig ng Diyos at yaong mga namatay na walang kabatiran.
Ayon sa hinuha ni Storrs, ang huling nabanggit ay kailangang ibangon mula sa mga patay upang mabigyan sila ng pagkakataon na makinabang mula sa haing pantubos ni Kristo Jesus. Yaong mga tumanggap dito ay mabubuhay nang walang hanggan sa lupa. Yaong mga tumanggi rito ay mapupuksa naman. Oo, naniniwala si Storrs na walang sinumang bubuhayin ng Diyos ang hindi magkakaroon ng pag-asa mula sa kaniya. Sa wakas, wala nang mamamatay dahil sa kasalanan ni Adan maliban kay Adan mismo! Subalit kumusta naman yaong mga nabubuhay sa panahon ng pagbabalik ng Panginoong Jesu-Kristo? Sa wakas ay naunawaan ni Storrs na ang kampanyang pangangaral sa buong mundo ay kailangang isagawa upang mapaabutan sila. Wala man lamang sa hinagap niya kung paano maisasagawa ang gayong bagay, ngunit siya’y sumulat, taglay ang pananampalataya: “Subalit napakarami ang tumatanggi kapag hindi nila maunawaan kung paano gagawin ang isang bagay, na parang imposible sa Diyos na gawin iyon dahilan lamang sa hindi nila maunawaan ang pamamaraan.”
Si George Storrs ay namatay noong Disyembre 1879, sa kaniyang tahanan sa Brooklyn, New York, ilang bloke lamang mula sa naging sentro ng kampanya ng pangangaral sa buong mundo noong dakong huli na kaniyang pinakahihintay-hintay.
Kailangan ang Higit Pang Liwanag
Naunawaan ba ng gayong mga tao na gaya nina Henry Grew at George Storrs ang katotohanan na kasinliwanag ng nauunawaan natin sa ngayon? Hindi. Batid nila ang kanilang pinagsisikapan, gaya ng sinabi ni Storrs noong 1847: “Dapat nating tandaan na kalalabas pa lamang natin mula sa panahon ng kadiliman ng simbahan; at hindi dapat ipagtaka nang lubusan kung masusumpungan natin na suot pa rin natin ang ilang ‘maka-Babilonyang mga gamit.’ ” Halimbawa, pinahalagahan ni Grew ang pantubos na inilaan ni Jesus, subalit hindi niya naunawaan na iyon ay “katumbas na pantubos,” alalaong baga’y, ang sakdal na buhay tao ni Jesus na ibinigay kapalit ng naiwalang sakdal na buhay tao ni Adan. (1 Timoteo 2:6) May kamalian ding pinaniwalaan ni Henry Grew na si Jesus ay magbabalik at makikita ang pamamahala nito sa lupa. Gayunman, nabahala si Grew sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, isang paksa na kakaunting mga tao lamang ang nagkainteres sapol noong ikalawang siglo C.E.
Gayundin naman, hindi nagkaroon ng tamang kaunawaan si George Storrs tungkol sa ilang mahahalagang punto. Naunawaan niya ang mga kamaliang itinaguyod ng klero, subalit kung minsan ay nagiging labis naman siya. Halimbawa, waring nagalit sa pangmalas ng klerong ortodokso hinggil kay Satanas, itinanggi ni Storrs ang ideya tungkol sa pagiging isang totoong persona ng Diyablo. Tinanggihan niya ang Trinidad; subalit, hindi niya tiyak hanggang sa maikling panahon bago siya
mamatay kung ang banal na espiritu ay isa ngang persona. Bagaman inaasahan ni George Storrs noong una na hindi makikita ang pagbabalik ni Kristo, ipinalagay niya na sa dakong huli ay makikita rin ito. Gayunpaman, waring ang dalawang lalaking ito ay tapat-puso at taimtim, at sila’y malapit na malapit sa katotohanan kaysa karamihan.Ang “bukid” na inilarawan ni Jesus sa talinghaga ng trigo at panirang-damo ay hindi pa handa noon para anihin. (Mateo 13:38) Sina Grew, Storrs, at ang iba pa ay nagtatrabaho noon sa “bukid” bilang paghahanda sa pag-aani.
Si Charles Taze Russell, na nagpasimula sa paglalathala ng magasing ito noong 1879, ay sumulat may kaugnayan sa kaniyang unang mga taon: “Binigyan tayo ng Panginoon ng maraming tulong sa pag-aaral ng Kaniyang salita, kabilang sa naging mga kilalang-kilala, ang ating minamahal at may edad nang kapatid, si George Storrs, na, kapuwa sa salita at pagsulat ay nakatulong sa atin nang malaki; subalit sinisikap natin na huwag maging mga tagasunod ng mga tao, gaano man sila kabuti at katalino, kundi maging ‘Mga Tagasunod ng Diyos bilang mga minamahal na anak.’ ” Oo, ang taimtim na mga estudyante ng Bibliya ay maaaring makinabang mula sa mga pagsisikap ng mga taong gaya nina Grew at Storrs, subalit mahalaga pa rin na suriin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, bilang ang tunay na pinagmumulan ng katotohanan.—Juan 17:17.
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
Kung Ano ang Pinaniwalaan ni Henry Grew
Inupasala ang pangalan ni Jehova, at kailangan itong pakabanalin.
Ang Trinidad, imortalidad ng kaluluwa, at apoy ng impiyerno ay huwad na mga doktrina.
Ang kongregasyong Kristiyano ay dapat na hiwalay mula sa sanlibutan.
Ang mga Kristiyano ay hindi dapat makibahagi sa mga digmaan ng mga bansa.
Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng kautusan ng Sabbath kung Sabado o Linggo.
Ang mga Kristiyano ay hindi dapat mapabilang sa lihim na mga samahan, gaya ng mga Freemason.
Hindi dapat magkaroon ng uring klero at lego sa gitna ng mga Kristiyano.
Ang mga titulo sa relihiyon ay mula sa mga antikristo.
Ang lahat ng kongregasyon ay dapat na may isang lupon ng matatanda.
Ang matatanda ay dapat na maging banal sa lahat ng kanilang paggawi at walang kasiraan.
Ang lahat ng Kristiyano ay dapat na mangaral ng mabuting balita.
May mga tao na mabubuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa.
Ang awiting Kristiyano ay dapat na mga papuri kay Jehova at kay Kristo.
[Credit Line]
Larawan: Collection of The New-York Historical Society/69288
[Kahon/Larawan sa pahina 28]
Kung Ano ang Pinaniwalaan ni George Storrs
Ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay bilang halagang pantubos para sa sangkatauhan.
Ang pangangaral ng mabuting balita ay hindi pa naisasagawa (noong 1871).
Dahil dito, ang wakas ay hindi magiging malapit sa panahong iyon (noong 1871). Darating ang panahon kung saan maisasagawa ang pangangaral.
May mga tao na magmamana ng buhay na walang hanggan sa lupa.
Magkakaroon ng pagkabuhay-muli sa lahat ng namatay nang walang kabatiran. Yaong mga tatanggap sa haing pantubos ni Kristo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan sa lupa. Ang mga tatanggi rito ay mapupuksa.
Ang imortalidad ng kaluluwa at apoy ng impiyerno ay maling mga doktrina na nakasisirang-puri sa Diyos.
Ang Hapunan ng Panginoon ay taunang pagdiriwang na isinasagawa tuwing Nisan 14.
[Credit Line]
Larawan: SIX SERMONS, by George Storrs (1855)
[Mga larawan sa pahina 29]
Noong 1909, si C. T. Russell, ang patnugot ng “Zion’s Watch Tower,” ay lumipat sa Brooklyn, New York, E.U.A.