Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Moralidad ba ng Bibliya ang Pinakamagaling?

Ang Moralidad ba ng Bibliya ang Pinakamagaling?

Ang Moralidad ba ng Bibliya ang Pinakamagaling?

“KAILANGAN ng lipunan ang isang balangkas ng mga pangunahing pamantayan na makapaglalaan sa mga miyembro nito ng kapanatagan at patnubay.” Iyan ang ikinomento ng isang makaranasang Aleman na manunulat at tagapagbalita sa telebisyon. Tiyak na makatuwiran iyan. Upang maging matatag at maunlad ang lipunan ng tao, dapat na ang mga tao ay may matibay na saligan ng mga pamantayang tinatanggap ng lahat na makapagsasabi kung ano ang tama o mali, masama o mabuti. Ang tanong ay: Anong mga pamantayan ang pinakamagaling, kapuwa para sa lipunan at para sa mga miyembro nito?

Kung ang mga pamantayang moral na nasa Bibliya ang mga pamantayang gagamitin, dapat na ang mga ito’y makatulong sa mga indibiduwal na magkaroon ng matatag at maligayang mga buhay. Iyan, sa kalakhan, ay makapagdudulot ng isang mas maligaya at mas matatag na lipunan ng mga taong tumutupad sa mga pamantayang iyon. Ganiyan ba ang nangyayari? Ating suriin kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa dalawang mahalagang usapin: katapatan sa pag-aasawa at pagiging tapat sa araw-araw na pamumuhay.

Manatiling Tapat sa Iyong Kabiyak

Nilikha ng ating Maylalang si Adan at pagkatapos ay si Eva upang maging kaniyang kabiyak. Ang kanilang pagsasama ang unang kasalan sa kasaysayan at ito’y nilayon na maging isang namamalaging ugnayan. Sinabi ng Diyos: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa.” Mga 4,000 taon ang nakalipas, inulit ni Jesu-Kristo ang pamantayang ito sa pag-aasawa para sa lahat ng kaniyang mga tagasunod. Karagdagan pa, hinatulan niya ang pagtatalik sa labas ng pag-aasawa.​—Genesis 1:27, 28; 2:24; Mateo 5:27-​30; 19:5.

Ayon sa Bibliya, ang dalawang mahahalagang susi sa maligayang pag-aasawa ay ang pag-ibig at paggalang ng magkabiyak sa isa’t isa. Ang asawang lalaki, na siyang ulo ng sambahayan, ay dapat magpakita ng walang-imbot na pag-ibig sa pamamagitan ng pagsisikap na mailaan ang pinakamabuting kapakanan ng kaniyang asawang babae. Dapat siyang mamuhay kasama niya “alinsunod sa kaalaman” at hindi dapat na “magalit nang may-kapaitan” sa kaniya. Ang asawang babae ay dapat na makitungo nang may “matinding paggalang” sa kaniyang asawang lalaki. Kung susundin ng mga mag-asawa ang mga simulaing ito, karamihan sa mga suliranin sa pag-aasawa ay maaaring maiwasan o mapagtagumpayan. Nanaisin ng asawang lalaki na manatiling tapat sa kaniyang asawang babae at ang asawang babae sa kaniyang asawang lalaki.​—1 Pedro 3:1-7; Colosas 3:18, 19; Efeso 5:22-33.

Nakapagdudulot ba ng isang maligayang pag-aasawa ang pamantayan ng Bibliya na manatiling tapat ang isa sa kaniyang kabiyak? Buweno, isaalang-alang ang mga resulta ng isang pagsusuri na isinagawa sa Alemanya. Tinanong ang mga tao kung anong mga salik ang mahalaga sa isang mabuting pag-aasawa. Ang isa sa pinakamahalagang salik na binanggit ay ang pagiging tapat sa isa’t isa. Hindi ba kayo sasang-ayon na ang mga mag-asawa ay di-hamak na mas maligaya kapag alam nila na ang kanilang mga kabiyak ay tapat sa kanila?

Paano Kung Bumangon ang mga Problema?

Gayunman, paano kung ang mag-asawa ay may mga malubhang di-pagkakaunawaan? Paano kung mawala ang pag-ibig nila sa isa’t isa? Hindi ba’t pinakamagaling na wakasan na ang pag-aasawa sa gayong mga kalagayan? O makatuwiran pa rin ba ang pamantayan ng Bibliya na manatiling tapat ang isa sa kaniyang kabiyak?

Kinikilala ng mga manunulat ng Bibliya na lahat ng mag-asawa ay magkakaroon ng mga problema bilang resulta ng di-kasakdalan ng tao. (1 Corinto 7:28) Gayunman, ang mga mag-asawa na tumutupad sa mga pamantayang moral ng Bibliya ay nagsisikap na magpatawad at nagtutulungan sa pag-aayos ng kanilang mga suliranin. Kung sa bagay, may mga kalagayan​—gaya ng pangangalunya o pisikal na pang-aabuso​—na kung saan maaaring angkop na isaalang-alang ng isang Kristiyano ang paghihiwalay o diborsiyo. (Mateo 5:32; 19:9) Ngunit ang pabigla-biglang pagwawakas ng isang pag-aasawa nang walang mabigat na dahilan o upang kumuha lamang ng ibang kabiyak ay nagsisiwalat ng kaimbutan at kawalan ng pakundangan sa iba. Tiyak na hindi ito nagdudulot ng katatagan o kaligayahan sa buhay ng isa. Kumuha tayo ng isang halimbawa.

Nadama ni Peter na nawala na ang dating sigla sa kaniyang pag-aasawa. * Kaya, iniwan niya ang kaniyang asawang babae at sumama kay Monika, na humiwalay rin naman sa kaniyang asawang lalaki. Ano ang kinalabasan? Sa loob ng ilang buwan, inamin ni Peter na ang pamumuhay sa piling ni Monika ay “hindi gayong kadali tulad ng kaniyang inaasahan.” Bakit hindi? Lumitaw rin ang mga pagkukulang sa kaniyang bagong kinakasama kagaya rin ng nauna. Mas malala pa riyan, ang kaniyang pabigla-bigla at mapag-imbot na pasiya ay nagdulot sa kaniya ng mabibigat na suliranin sa pananalapi. Karagdagan pa, lubos na naapektuhan sa emosyon ang mga anak ni Monika dahil sa malaking pagbabago ng kanilang buhay pampamilya.

Gaya ng inilalarawan ng karanasang ito, kapag napapaharap ang pag-aasawa sa suliranin, kadalasan na hindi solusyon ang wakasan ang pag-aasawa. Sa kabilang dako, sa harap ng problema, ang pamumuhay sa pamantayang moral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay kadalasang makapagpapanatili sa isang pag-aasawa at gagawin itong mas mapayapa. Ganito ang nangyari kina Thomas at Doris.

Sina Thomas at Doris ay mahigit na 30 taon nang kasal nang magsimulang uminom nang malakas si Thomas. Lubhang nanlumo si Doris, at pinag-usapan nilang mag-asawa ang diborsiyo. Nagtapat si Doris sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Ipinakita ng Saksi kay Doris kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa, anupat pinasisigla siyang huwag magmadali sa pakikipaghiwalay kundi sa halip ay makipag-usap muna sa kaniyang asawa upang sikaping makasumpong ng kalutasan. Ganiyan ang ginawa ni Doris. Sa loob ng ilang buwan, hindi na nila isinaalang-alang ang diborsiyo. Magkasamang nilutas nina Thomas at Doris ang kanilang mga problema. Ang pagsunod sa payo ng Bibliya ang nagpatibay sa kanilang pag-aasawa at nagbigay sa kanila ng panahon na lutasin ang kanilang mga problema.

Katapatan sa Lahat ng Bagay

Nangangailangan ng kalakasan sa moral at pag-ibig sa mga matuwid na simulain ang pananatiling tapat sa piling ng kabiyak. Ang mga katulad na katangian ay kailangan upang manatiling tapat sa isang di-tapat na sanlibutan. Maraming masasabi ang Bibliya hinggil sa katapatan. Sumulat si apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano sa Judea: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Ano ang kahulugan niyan?

Ang isang tapat na tao ay makatotohanan at hindi nanloloko. Pantay-pantay ang mga pakikitungo niya sa iba​—tuwiran at kagalang-galang, hindi mapandaya o mapanlinlang. Karagdagan pa, ang isang tapat na tao ay may integridad at hindi nandaraya ng kaniyang kapuwa tao. Nakapagdudulot ang mga taong tapat ng isang kalagayan ng pagtitiwala at kumpiyansa, na nagbubunga ng matuwid na mga saloobin at nagtataguyod ng matitibay na ugnayan ng tao.

Maligaya ba ang mga tapat na tao? Buweno, may dahilan sila na maging maligaya. Sa kabila ng laganap na katiwalian at pandaraya​—o marahil dahil dito​—pangkalahatan nang hinahangaan ng iba ang mga tapat na indibiduwal. Ayon sa isang pagsusuri na isinagawa sa mga kabataan, ang katapatan ay isang kagalingan na lubhang pinahahalagahan ng 70 porsiyento sa mga tumugon. Karagdagan pa, anuman ang edad natin, ang katapatan ay isang pangunahing kahilingan sa mga itinuturing nating mga kaibigan.

Tinuruan si Christine na magnakaw mula pa noong siya’y 12 taóng gulang. Sa paglipas ng panahon ay naging isa siyang magaling na mandurukot. “May mga araw na nakapag-uwi ako ng perang umaabot sa halagang DM 5,000 [$2,200, U.S.],” paliwanag niya. Ngunit ilang beses nang naaresto si Christine, at namuhay siya na laging nanganganib na makulong. Nang ipinaliwanag sa kaniya ng mga Saksi ni Jehova kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa katapatan, naakit si Christine sa mga pamantayan ng Bibliya sa moral. Natutuhan niyang sundin ang paalaala: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa.”​—Efeso 4:28.

Nang mabautismuhan si Christine bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, hindi na siya isang magnanakaw. Pinagsisikapan niyang maging tapat sa lahat ng bagay, yamang lubos na idiniriin ng mga Saksi ang katapatan at iba pang mga katangiang Kristiyano. Iniuulat ng pahayagang Lausitzer Rundschau: “Ang mga kataga na hinggil sa moral, gaya ng katapatan, pagiging katamtaman, at pag-ibig sa kapuwa ay lubhang pinahahalagahan sa pananampalataya ng mga Saksi.” Ano ang nadarama ni Christine hinggil sa pagbabago sa kaniyang buhay? “Mas maligaya ako ngayon nang ihinto ko ang pagnanakaw. Nadarama ko na isa akong kagalang-galang na miyembro ng lipunan.”

Nakikinabang ang Buong Lipunan

Ang mga taong tapat sa kanilang mga kabiyak at mga nagpapakita ng katapatan ay hindi lamang mas maliligaya sa ganang sarili nila kundi kapaki-pakinabang din naman sa lipunan sa pangkalahatan. Mas gusto ng mga nagpapatrabaho ang mga manggagawang hindi nandaraya. Lahat tayo ay nagnanais na magkaroon ng mga mapagkakatiwalaang kapitbahay, at nais nating mamili sa mga tindahang pinatatakbo ng mga tapat na negosyante. Hindi ba natin iginagalang ang mga pulitiko, pulis, at mga huwes na umiiwas sa katiwalian? Nakikinabang nang malaki ang komunidad kapag ang mga miyembro nito ay gumagawi nang may katapatan dahil sa pagsunod sa simulain, hindi lamang kapag naaangkop sa kanila na gawin iyon.

Karagdagan pa, pundasyon ng mga matatag na pamilya ang tapat na mga magkabiyak. At karamihan sa mga tao ang sasang-ayon sa inihayag ng isang pulitikong Europeo: “Ang [tradisyunal na] pamilya hanggang sa ngayon ay nananatiling pinakamahalagang kanlungan ng kapanatagan at kabuluhan sa buhay ng tao.” Sa mapayapang pamilya ay may pinakamabuting pagkakataon ang mga adulto at mga bata na makadama ng kapanatagan sa emosyon. Kung gayon, yaong mga tapat sa pag-aasawa ay tumutulong sa pagbuo ng isang matatag na lipunan.

Isip-isipin kung gaano kalaki ang pakinabang ng bawat isa kung wala nang mga iniwanang kabiyak, hukuman para sa diborsiyo, o kaya’y mga kaso ng karapatan sa pangangalaga ng anak. At paano kung wala nang mga mandurukot, nangungupit sa mga tindahan, mandaraya, tiwaling mga opisyal, o kaya’y nanlolokong mga siyentipiko? Iyan ba ay tila panaginip lamang? Hindi kung para sa mga lubhang interesado sa Bibliya at kung ano ang sinasabi nito hinggil sa ating kinabukasan. Ipinangangako ng Salita ng Diyos na ang Mesiyanikong Kaharian ni Jehova ay malapit nang mamahala sa lahat ng lipunan ng tao sa lupa. Sa ilalim ng Kahariang iyan ay tuturuan ang lahat ng sakop nito na mamuhay ayon sa pamantayang moral ng Bibliya. Sa panahong iyon, “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:29.

Ang Moralidad ng Bibliya ang Pinakamagaling na Moralidad

Napahahalagahan ng milyun-milyong tao na nagsusuri sa Banal na Kasulatan na ang payo ng Bibliya ay nakasalig sa makadiyos na karunungan, na di-hamak na nakahihigit sa pag-iisip ng tao. Itinuturing ng gayong mga indibiduwal na ang Bibliya ay mapagkakatiwalaan at mahalaga sa buhay sa ating makabagong daigdig. Alam nila na para sa kanilang ikabubuti ang makinig sa payo ng Salita ng Diyos.

Kaya, ang gayong mga indibiduwal ay sumusunod sa payo ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Sa paggawa ng gayon, lubusan nilang pinabubuti ang kanilang buhay, at nakikinabang din yaong mga nasa paligid nila. At kanilang napauunlad ang isang matatag na pagtitiwala ‘sa buhay . . . na darating,’ kapag sinusunod na ng buong sangkatauhan ang moralidad ng Bibliya.​—1 Timoteo 4:8.

[Talababa]

^ par. 11 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

[Blurb sa pahina 5]

Sa harap ng problema sa pag-aasawa, ang pamumuhay sa mga pamantayan ng Bibliya ay kadalasang makapagpapanatili sa isang pag-aasawa at gagawin itong mas mapayapa

[Blurb sa pahina 6]

Sa kabila ng laganap na katiwalian​—o marahil dahil dito​—pangkalahatan nang hinahangaan ng iba ang mga taong tapat