Makapananatili Kang Malinis sa Moral
Makapananatili Kang Malinis sa Moral
“Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan.”—1 JUAN 5:3.
1. Anong pagkakaiba sa paggawi ang makikita sa mga tao sa ngayon?
MATAGAL nang panahon, kinasihan si propeta Malakias upang ihula ang isang panahon kapag ang pagkakaiba sa paggawi ng bayan ng Diyos at ng mga taong hindi naglilingkod sa Diyos ay maliwanag na makikita. Sumulat ang propeta: “Tiyak na makikita ninyong muli ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.” (Malakias 3:18) Ang hulang iyan ay natutupad sa ngayon. Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos, pati na ang kahilingan sa moral na kalinisan, ang siyang matalino at tamang landasin sa buhay. Gayunman, hindi ito laging isang madaling landasin. May mabuting dahilan kung bakit sinabi ni Jesus na ang mga Kristiyano ay kailangang magpunyagi sa kanilang mga sarili nang buong lakas upang magtamo ng kaligtasan.—Lucas 13:23, 24.
2. Anong mga panggigipit mula sa labas ang nagpapahirap sa ilan na manatiling malinis sa moral?
2 Bakit mahirap ang manatiling malinis sa moral? Ang isang dahilan ay may mga panggigipit mula sa labas. Inilalarawan ng industriya ng paglilibang ang mahalay na sekso bilang kaakit-akit, kasiya-siya, at para sa hustong gulang, samantalang halos ipinagwawalang-bahala ang kapaha-pahamak na mga bunga nito. (Efeso 4:17-19) Karamihan sa matalik na mga ugnayan na isinasadula ay sa pagitan ng mga magkapareha na hindi mag-asawa. Kadalasang inilalarawan ng mga pelikula at mga palabas sa telebisyon ang pagtatalik sa mga tagpong ang mga relasyon ay bunga lamang ng di-sinasadyang pagtatagpo at dito’y walang namamagitang pangako. Kadalasan ay hindi ito makikitaan ng pagmamahal at paggalang sa isa’t isa. Marami ang nahantad sa gayong mga mensahe mula sa pagkabata. Bukod dito, nariyan ang malakas na panggigipit ng mga kasamahan na umayon sa maluwag na moral na kalagayan sa ngayon, at yaong mga hindi umaayon ay nililibak o nilalait pa nga kung minsan.—1 Pedro 4:4.
3. Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit marami sa sanlibutan ang nasasangkot sa imoralidad?
3 Ang panloob na panggigipit ay nagpapahirap din na mapanatiling malinis ang moral. Nilikha ni Jehova ang mga tao taglay ang seksuwal na mga pagnanasa, at ang mga pagnanasang iyon ay maaaring maging matindi. May malaking kinalaman sa pagnanasa ang ating iniisip, at nauugnay ang imoralidad sa pag-iisip na hindi kaayon ng mga pag-iisip ni Jehova. (Santiago 1:14, 15) Halimbawa, ayon sa isang kamakailang surbey na inilathala sa British Medical Journal, marami sa nakipagtalik sa kauna-unahang pagkakataon ay nais lamang malaman kung ano ang sekso. Naniniwala naman ang iba na ang karamihan sa mga taong kaedad nila ay mapusok sa sekso, kaya ibig din nilang maiwala ang kanilang pagkabirhen. Ang iba pa ay nagsabi na nadala sila ng kanilang damdamin o “medyo lasing nang pagkakataong iyon.” Kung nais nating maging kalugud-lugod sa Diyos, dapat na maging iba ang ating pangangatuwiran. Anong uri ng pag-iisip ang makatutulong sa atin na mapanatili ang moral na kalinisan?
Magkaroon ng Matibay na mga Pananalig
4. Upang makapanatiling malinis sa moral, ano ang dapat nating gawin?
4 Upang makapanatiling malinis sa moral, kailangang kilalanin natin na ang pagsunod sa gayong istilo-ng-buhay ay kapaki-pakinabang. Ito ay kasuwato ng isinulat ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: ‘Patunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.’ (Roma 12:2) Ang pagkilala na kapaki-pakinabang ang moral na kalinisang iyan ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa basta pagkaalam na hinahatulan ng Salita ng Diyos ang imoralidad. Nasasangkot dito ang pagkaunawa sa mga dahilan kung bakit hinahatulan ang imoralidad at kung paano tayo makikinabang sa pag-iwas dito. Ang ilan sa mga dahilang ito ay isinaalang-alang sa naunang artikulo.
5. Pangunahin na, bakit dapat naisin ng mga Kristiyano na manatiling malinis sa moral?
5 Gayunman, ang totoo, para sa mga Kristiyano ang pinakamahahalagang dahilan sa pag-iwas sa seksuwal na imoralidad ay nagmumula sa ating kaugnayan sa Diyos. Natutuhan natin na alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Ang ating pag-ibig sa kaniya ay makatutulong sa atin na kapootan ang kasamaan. (Awit 97:10) Ang Diyos ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo.” (Santiago 1:17) Iniibig niya tayo. Sa pamamagitan ng ating pagsunod sa kaniya, ipinakikita natin na iniibig natin siya at pinahahalagahan ang lahat ng ginawa niya para sa atin. (1 Juan 5:3) Hindi natin nais kailanman na biguin o saktan si Jehova sa pamamagitan ng paglabag sa kaniyang matuwid na mga utos. (Awit 78:41) Hindi natin nais na gumawi sa isang paraan na magiging dahilan upang pagsalitaan nang may pang-aabuso ang kaniyang banal at matuwid na paraan ng pagsamba. (Tito 2:5; 2 Pedro 2:2) Sa pananatiling malinis sa moral, pinasasaya natin ang Isa na Kataas-taasang Isa.—Kawikaan 27:11.
6. Paano makatutulong ang pagpapaalam sa iba ng ating mga pamantayang moral?
6 Kapag naipasiya na natin na manatiling malinis sa moral, ang isa pang karagdagang proteksiyon ay ang ipaalam ang pananalig na iyan sa iba. Ipaalam sa mga tao na ikaw ay isang lingkod ng Diyos Awit 64:10) Huwag kailanman mahihiya na ipakipag-usap sa iba ang iyong moral na mga pananalig. Ang pagsasalita nang may tapang ay makapagpapatibay sa iyo at makapagsasanggalang sa iyo, at makapagpapasigla sa iba na sundin ang iyong halimbawa.—1 Timoteo 4:12.
na Jehova at na determinado kang panatilihin ang kaniyang matataas na pamantayan. Sarili mo itong buhay, katawan at pagpapasiya. Ano ang nakataya? Ang iyong mahalagang kaugnayan sa iyong makalangit na Ama. Kaya gawing malinaw na ang iyong katapatan sa moral ay hindi na mababago. Taas-noong katawanin ang Diyos sa pamamagitan ng pagtataguyod sa kaniyang mga simulain. (7. Paano natin mapananatili ang ating pasiya na manatiling malinis sa moral?
7 Pagkatapos, palibhasa’y naipasiya nang panatilihin ang isang mataas na pamantayang moral at naipaalam na ang ating paninindigan, kailangang gumawa tayo ng mga hakbangin upang makapanatili sa ating pasiya. Ang isang paraan upang magawa ito ay ang maging maingat kapag pumipili ng mga kaibigan. “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong,” ang sabi ng Bibliya. Makisama doon sa mga nagtataglay ng mga pamantayang moral na kagaya ng sa iyo; patitibayin ka nila. Sinasabi rin ng kasulatang ito: “Ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Hangga’t maaari, iwasan ang mga tao na makapagpapahina sa iyong pasiya.—1 Corinto 15:33.
8. (a) Bakit dapat nating ipasok sa ating isipan ang mabubuting bagay? (b) Ano ang dapat nating iwasan?
8 Bukod dito, kailangan nating ipasok sa ating isipan ang mga bagay na totoo, seryoso, matuwid, malinis, kaibig-ibig, may mabuting ulat, may kagalingan, at kapuri-puri. (Filipos 4:8) Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagiging pihikan sa ating pinanonood at binabasa at sa pinakikinggan nating musika. Ang pagsasabi na hindi nakapagdudulot ng nakasasamang impluwensiya ang imoral na literatura ay katulad ng pagsasabing walang mabuting impluwensiya ang literatura hinggil sa tamang kaasalan. Tandaan, madaling mahulog sa imoralidad ang di-sakdal na mga tao. Kaya ang mga aklat, magasin, pelikula, at musika na nagpapasigla ng seksuwal na damdamin ay aakay sa maling pagnanasa, at ang mga ito sa kalaunan ay maaaring umakay sa kasalanan. Upang mapanatili ang moral na kalinisan, kailangang punuin natin ang ating mga isipan ng makadiyos na karunungan.—Santiago 3:17.
Mga Hakbang na Umaakay sa Imoralidad
9-11. Gaya ng isinalaysay ni Solomon, anong mga hakbang ang unti-unting umakay sa isang kabataang lalaki sa imoralidad?
9 Kadalasan, may mapagkakakilanlang mga hakbang na umaakay sa imoralidad. Bawat hakbang na ginagawa ay lalong nagpapahirap sa pag-atras. Pansinin kung paano ito inilarawan sa Kawikaan 7:6-23. Napansin ni Solomon ang “isang kabataang lalaki na kapos ang puso,” o walang mabuting motibo. Ang kabataang lalaki ay “dumaraan sa lansangang malapit sa kaniyang [ng isang patutot] panulukan, at sa daang patungo sa kaniyang bahay ay humahayo ito, sa takipsilim, sa kinagabihan ng araw.” Iyan ang kaniyang unang pagkakamali. Sa mga oras ng takipsilim, inakay siya ng kaniyang “puso,” hindi sa kung saang daan lamang, kundi sa daan na alam niyang kadalasan ay may makikitang patutot.
10 Sumunod ay mababasa natin: “Narito! may babaing sumasalubong sa kaniya, na may kasuutan ng patutot at katusuhan ng puso.” Ngayon ay nakikita na niya ang babae! Maaari sana siyang umatras at umuwi na, ngunit mas mahirap ito kaysa sa dati, lalo na dahil mahina siya sa moral. Sinunggaban siya ng babae at hinalikan siya. Palibhasa’y nahalikan na, nakinig na siya ngayon sa mapanrahuyong panghihikayat ng babae: “Ang mga haing pansalu-salo ay naatang sa akin,” ang sabi niya. “Ngayon ay tinupad ko ang aking mga panata.” Kabilang sa mga haing pansalu-salo ang karne, harina, langis, at alak. (Levitico 19:5, 6; 22:21; Bilang 15:8-10) Sa pagbanggit sa mga ito, maaaring ipinahihiwatig niya na hindi siya nagkukulang sa espirituwalidad at, kasabay nito, maaaring ipinaaalam nito sa lalaki na maraming masasarap na bagay na makakain at maiinom sa kaniyang bahay. “Halika,” ang paghimok niya sa lalaki, “inumin natin ang kalubusan ng ating pag-ibig hanggang sa umaga; masiyahan tayo sa isa’t isa sa mga kapahayagan ng pag-ibig.”
11 Hindi na mahirap hulaan ang nangyari. “Sa pamamagitan ng dulas ng mga labi nito ay inaakit siya nito.” Sinundan niya ang babae sa bahay nito “tulad ng toro na pumaparoon sa patayan” at “gaya ng ibong nagmamadali sa pagpasok sa bitag.” Nagtapos si Solomon sa seryosong mga pananalita: “Hindi niya nalalamang nasasangkot dito ang kaniya mismong kaluluwa.” Ang kaniyang kaluluwa, o buhay, ay nasasangkot sapagkat “hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Tunay na isang mahalagang aral kapuwa para sa mga lalaki at mga babae! Dapat nating iwasan maging ang unang mga hakbang sa isang landas na aakay sa di-pagsang-ayon ng Diyos.
12. (a) Ano ang kahulugan ng katagang “kapos ang puso”? (b) Paano tayo magkakaroon ng kalakasan sa moral?
12 Pansinin na ang kabataang lalaki sa salaysay ay “kapos ang puso.” Ang katagang ito ay nagsasabi sa atin na ang kaniyang mga kaisipan, pagnanasa, pagmamahal, emosyon, at mga tunguhin sa buhay ay hindi kasuwato ng kung ano ang sinasang-ayunan ng Diyos. Ang kaniyang kahinaan sa moral ay umakay sa kapaha-pahamak na mga resulta. Sa mapanganib na “mga huling araw” na ito, kailangan ang pagsisikap upang magkaroon ng moral na kalakasan. (2 Timoteo 3:1) Gumagawa ang Diyos ng mga paglalaan upang tulungan tayo. Naglalaan siya ng mga pulong sa kongregasyong Kristiyano upang mapatibay tayo na manatili sa tamang landas at upang makapiling natin ang iba na may tunguhin na kagaya ng sa atin. (Hebreo 10:24, 25) Naririyan ang mga matatanda sa kongregasyon na nagpapastol sa atin at nagtuturo sa atin ng mga daan ng katuwiran. (Efeso 4:11, 12) Taglay natin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, upang akayin at patnubayan tayo. (2 Timoteo 3:16) At sa lahat ng panahon, mayroon tayong pagkakataon na hilingin sa panalangin ang espiritu ng Diyos upang tulungan tayo.—Mateo 26:41.
Pagkatuto Mula sa mga Kasalanan ni David
13, 14. Paano nasangkot si Haring David sa malubhang pagkakasala?
13 Gayunman, nakalulungkot na maging ang kilalang mga lingkod ng Diyos ay nasangkot sa seksuwal na imoralidad. Ang isa sa gayong tao ay si Haring David, na sa loob ng maraming dekada ay naglingkod kay Jehova nang may katapatan. Walang alinlangan na matindi ang pag-ibig niya sa Diyos. Gayunman, siya ay nasadlak sa kasalanan. Gaya niyaong sa kabataang lalaki na inilarawan ni Solomon, may mga hakbang na umakay kay David sa pagkakasala at pagkatapos ay pinalubha pa ito.
14 Si David noon ay nasa katanghaliang gulang, malamang na mahigit lamang sa 50. Mula sa kaniyang bubungan, nakita niya ang magandang si Bat-sheba na naliligo. Ipinagtanong niya ang tungkol dito at nalaman kung sino ito. Natuklasan niya na ang asawa nito, si Uria, ay kasama sa pagkubkob sa Raba, isang lunsod ng Ammonita. Ipinasundo siya ni David sa kaniyang palasyo at sinipingan ito. Nang maglaon, naging komplikado ang mga bagay-bagay—nalaman nito na nagdadalang-tao siya dahil kay David. Sa pag-asang gugugulin ni Uria ang gabi sa piling ng kaniyang asawa, pinauwi siya ni David mula sa digmaan. Sa gayong paraan, lilitaw na si Uria ang ama ng anak ni Bat-sheba. Ngunit hindi umuwi sa kaniyang bahay si Uria. Palibhasa’y nawawalan na ng pag-asa na mapagtakpan ang kaniyang kasalanan, pinabalik ni David si Uria sa Raba dala ang isang sulat para sa pinuno ng hukbo na nagsasabing ilagay si Uria sa isang lugar na doo’y mapapatay ito. Kaya namatay nga si Uria, at pinakasalan ni David ang balo bago malaman ng publiko na ito ay nagdadalang-tao.—2 Samuel 11:1-27.
15. (a) Paano inilantad ang pagkakasala ni David? (b) Paano tumugon si David sa mataktikang pagsaway ni Natan?
15 Sa wari’y nagtagumpay ang pakana ni David na pagtakpan ang kaniyang kasalanan. Lumipas ang mga buwan. Ang bata—isang anak na lalaki—ay ipinanganak. Kung ang pangyayaring ito ang nasa isipan ni David nang kathain niya ang Awit 32, maliwanag kung gayon na inusig siya ng kaniyang budhi. (Awit 32:3-5) Gayunman, ang kasalanan ay hindi nalingid sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Ang bagay na ginawa ni David ay naging masama sa paningin ni Jehova.” (2 Samuel 11:27) Isinugo ni Jehova si propeta Natan, na mataktikang nagpabatid kay David hinggil sa mga nagawa nito. Kaagad na umamin si David at nagsumamo sa kapatawaran ni Jehova. Ang kaniyang tunay na pagsisisi ay nagdulot ng pakikipagkasundo sa Diyos. (2 Samuel 12:1-13) Hindi naghinanakit si David sa pagsaway. Sa halip, ipinakita niya ang saloobin na inilarawan sa Awit 141:5: “Saktan man ako ng matuwid, magiging maibiging-kabaitan pa nga iyon; at sawayin man niya ako, magiging langis pa nga iyon sa aking ulo, na hindi tatanggihan ng aking ulo.”
16. Anong babala at payo ang ibinigay ni Solomon hinggil sa mga pagsalansang?
16 Si Solomon, na ikalawang anak na lalaki nina David at Bat-sheba, ay maaaring nagbulay-bulay sa madilim na kabanatang ito sa buhay ng kaniyang ama. Sumulat siya nang dakong huli: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.” (Kawikaan 28:13) Kapag nahulog tayo sa malubhang pagkakasala, dapat nating sundin ang kinasihang payong ito, na kapuwa isang babala at isang payo. Dapat tayong magtapat kay Jehova at lapitan ang mga matatanda sa kongregasyon para sa tulong. Ang isang mahalagang tungkulin ng matatanda ay ang tulungang maibalik sa ayos yaong mga nahulog sa masamang gawain.—Santiago 5:14, 15.
Pagbabata sa mga Bunga ng Kasalanan
17. Bagaman nagpapatawad si Jehova ng mga kasalanan, hindi niya tayo ipinagsasanggalang mula sa ano?
17 Pinatawad ni Jehova si David. Bakit? Dahil si David ay isang lalaking may katapatan, sapagkat maawain siya sa iba, at dahil tunay ang kaniyang pagsisisi. Sa kabila nito, si David ay hindi ipinagsanggalang mula sa sumunod na kapaha-pahamak na mga ibinunga nito. (2 Samuel 12:9-14) Totoo rin ito sa ngayon. Bagaman hindi pinasasapit ni Jehova ang kasamaan sa mga nagsisisi, hindi niya sila inililigtas mula sa likas na mga resulta ng kanilang mga maling pagkilos. (Galacia 6:7) Kabilang sa mga maaaring ibunga ng seksuwal na imoralidad ay diborsiyo, di-ninanais na pagdadalang-tao, sakit na naililipat sa pagtatalik, at ang pagkawala ng tiwala at paggalang.
18. (a) Ayon kay Pablo, paano dapat pakitunguhan ng kongregasyon ng Corinto ang isang kaso ng malubhang mahalay na paggawi? (b) Paano nagpapakita si Jehova ng pag-ibig at awa sa mga nagkasala?
18 Kung tayo mismo ay nagkamali nang malubha, madaling manghina ang loob natin habang nagdurusa tayo sa mga bunga ng pagkakamaling ating nagawa. Sa kabila nito, huwag nating pahintulutan ang anumang bagay na pumigil sa atin para magsisi at muling makipagkasundo sa Diyos. Noong unang siglo, sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto na dapat nilang alisin mula sa kongregasyon ang isang lalaki na nagsasagawa ng insestong pakikiapid. (1 Corinto 5:1, 13) Pagkatapos na tunay na magsisi ang lalaki, tinagubilinan ni Pablo ang kongregasyon: ‘May kabaitang patawarin at aliwin ninyo siya [at] pagtibayin ang inyong pag-ibig sa kaniya.’ (2 Corinto 2:5-8) Sa kinasihang payong ito, makikita natin ang pag-ibig at awa ni Jehova sa nagsisising mga nagkasala. Ang mga anghel sa langit ay nagsasaya kapag ang isang nagkasala ay nagsisisi.—Lucas 15:10.
19. Ang angkop na kalungkutan dahil sa isang maling landasin ay maaaring umakay sa anong mga kapakinabangan?
19 Bagaman nalulungkot dahil sa isang maling landasin, ang kalungkutan na ating nadarama ay makatutulong sa atin na ‘mag-ingat na hindi tayo muling bumaling sa bagay na nakasasakit.’ (Job 36:21) Tunay, ang mapait na mga bunga ng kasalanan ay dapat na humadlang sa atin na ulitin pa ang isang pagkakamali. Karagdagan pa, ginamit ni David ang malungkot na karanasan niya mula sa makasalanan niyang paggawi upang payuhan ang iba. Sinabi niya: “Ituturo ko sa mga mananalansang ang iyong mga daan, upang ang mga makasalanan ay agad na manumbalik sa iyo.”—Awit 51:13.
Ang Kaligayahan ay Nagmumula sa Paglilingkod kay Jehova
20. Anong mga kapakinabangan ang idinudulot ng pagsunod sa matuwid na mga kahilingan ng Diyos?
20 “Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad dito!” ang sabi ni Jesus. (Lucas 11:28) Ang pagsunod sa matuwid na mga kahilingan ng Diyos ay nagdudulot ng kaligayahan sa ngayon at sa walang-hanggang hinaharap. Kung nakapanatili tayong malinis sa moral, nawa’y manatili tayo sa landasing ito sa pamamagitan ng pagsasamantala sa lahat ng ginagawang paglalaan ni Jehova para tulungan tayo. Kung nahulog tayo sa imoralidad, nawa’y isapuso natin ang pagkaalam na nakahandang magpatawad si Jehova sa mga tunay na nagsisisi, at maging determinado tayo na huwag na muling ulitin kailanman ang pagkakasala.—Isaias 55:7.
21. Ang pagkakapit ng anong paalaala ni apostol Pedro ang makatutulong sa atin na manatiling malinis sa moral?
21 Hindi na magtatagal at lilipas na ang di-matuwid na sanlibutang ito, lakip na ang lahat ng imoral na mga saloobin at mga gawain nito. Sa pamamagitan ng pananatiling malinis sa moral, makikinabang tayo ngayon at magpakailanman. Si apostol Pedro ay sumulat: “Mga iniibig, yamang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang inyong sukdulang makakaya upang sa wakas ay masumpungan niya na walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan. . . . Yamang taglay ang patiunang kaalamang ito, maging mapagbantay kayo upang hindi kayo mailayong kasama nila sa pamamagitan ng pagkakamali ng mga taong sumasalansang-sa-batas at mahulog mula sa inyong sariling katatagan.”—Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit maaaring maging mahirap na manatiling malinis sa moral?
• Ano ang ilan sa mga paraan na makatutulong sa ating pasiya na sundin ang matataas na pamantayang moral?
• Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa mga kasalanan ng kabataang lalaki na binanggit ni Solomon?
• Ano ang itinuturo sa atin ng halimbawa ni David hinggil sa pagsisisi?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 13]
Isang proteksiyon na ipaalam sa iba ang iyong paninindigan sa mga bagay-bagay hinggil sa moralidad
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Dahil taimtim na nagsisi si David, pinatawad siya ni Jehova