Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagdudulot ng Kagalakan ang Saganang Pagkabukas-Palad

Nagdudulot ng Kagalakan ang Saganang Pagkabukas-Palad

Nagdudulot ng Kagalakan ang Saganang Pagkabukas-Palad

BILANG isang maibiging Kristiyanong tagapangasiwa, hinangad ni apostol Pablo ang pinakamabuti para sa kaniyang mga kapuwa mananampalataya at nais niyang tulungan sila. (2 Corinto 11:28) Kaya, nang mga kalagitnaan ng dekada 50 ng unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, kaniyang inorganisa ang pagkolekta ng salapi para sa mga nangangailangang Kristiyano sa Judea, at ginamit niya ang pagkakataon upang maituro ang isang mahalagang aral hinggil sa pagkabukas-palad. Idiniin ni Pablo na ang masayahing pagbibigay ay lubos na pinahahalagahan ni Jehova: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, nang hindi masama ang loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang isang masayahing nagbibigay.”​—2 Corinto 9:7.

Nasa Matinding Karalitaan, Ngunit Bukas-Palad

Ang karamihan sa unang-siglong mga Kristiyano ay hindi kilala sa lipunan. Iniulat ni Pablo na ang ilan sa kanila ay ‘hindi makapangyarihan.’ Sila “ang mahihinang bagay ng sanlibutan,” “ang mga hamak na bagay ng sanlibutan.” (1 Corinto 1:26-28) Halimbawa, ang mga Kristiyanong naninirahan sa Macedonia ay nasa “matinding karalitaan” at nasa “ilalim ng dalamhati.” Gayunman, ang mga mananampalatayang iyon na taga-Macedonia ay nagsumamo na bigyan ng pribilehiyong mag-abuloy ng salapi sa “ministeryong itinalaga para sa mga banal”; at ang ibinigay nila, ayon sa patotoo ni Pablo, ay ‘higit pa sa kanilang naging talagang kakayahan’!​—2 Corinto 8:1-4.

Gayunman, ang gayong bukas-palad na pagbibigay ay hindi hinuhusgahan ayon sa halagang ibinigay. Sa halip, ang pangganyak, pagnanais na magbahagi, at kalagayan ng puso ay mahalaga. Ipinahiwatig ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto na kapuwa ang isip at puso ay nasasangkot sa pag-aabuloy. Sinabi niya: “Alam ko ang pagiging handa ng inyong isip na siyang ipinaghahambog ko sa mga taga-Macedonia tungkol sa inyo, . . . at napukaw ng inyong sigasig ang karamihan sa kanila.” ‘Ipinasiya nila sa kanilang puso’ na bukas-palad na magbigay.​—2 Corinto 9:2, 7.

‘Napakilos Sila ng Kanilang Espiritu’

Maaaring nasa isipan ni apostol Pablo ang isang naunang halimbawa ng bukas-palad na pagbibigay, yaong isa na naganap sa iláng na mahigit ng 15 siglo ang nakaraan bago pa ng kaniyang kapanahunan. Pinalaya noon ang 12 tribo ng Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ngayon ay nasa paanan na sila ng Bundok Sinai, at inutusan sila ni Jehova na magtayo ng isang tabernakulo para sa pagsamba at lagyan ito ng mga kasangkapan sa pagsamba. Kakailanganin nito ang maraming salapi, at inanyayahan ang bayan na mag-abuloy.

Paano tumugon ang mga Israelitang iyon? “Lumapit sila, ang bawat isang naudyukan ng kaniyang puso, at nagdala sila, ang bawat isang napakilos ng kaniyang espiritu, ng abuloy kay Jehova para sa paggawa ng tolda ng kapisanan.” (Exodo 35:21) Bukas-palad bang nagbigay ang bayan? Talagang-talaga! Ang sumunod na ulat ay inihatid kay Moises: “Ang bayan ay nagdadala ng higit pa kaysa sa kinakailangan sa paglilingkod para sa gawain na iniutos ni Jehova na gawin.”​—Exodo 36:5.

Ano ba ang kalagayan sa pananalapi ng mga Israelita noon? Hindi pa natatagalan, sila ay naging mga hamak na alipin, na ‘siil sa pagdadala ng pasanin,’ at namumuhay ng isang ‘mapait na buhay,’ isang buhay ng “kapighatian.” (Exodo 1:11, 14; 3:7; 5:10-18) Kung gayon, malamang na hindi sila sagana sa materyal. Totoo, nilisan ng mga Israelita ang lupain na umalipin sa kanila taglay ang mga kawan at bakahan. (Exodo 12:32) Ngunit marahil ay hindi iyon gaanong karamihan, yamang di-nagtagal pagkatapos lisanin ang Ehipto, nagreklamo sila na wala sila ni karne o tinapay na makakain.​—Exodo 16:3.

Kung gayon, saan nakuha ng mga Israelita ang mahahalagang bagay na inabuloy nila para sa pagtatayo ng tabernakulo? Mula sa kanilang dating mga amo, ang mga Ehipsiyo. Sinasabi ng Bibliya: ‘Ang mga anak ni Israel . . . ay humingi sa mga Ehipsiyo ng mga kagamitang pilak at mga kagamitang ginto at mga balabal. . . . Ipinagkaloob sa kanila [ng mga Ehipsiyo] ang anumang hingin nila.’ Ang pagkabukas-palad na mga gawa ng mga Ehipsiyo ay isang pagpapala mula kay Jehova, hindi mula kay Paraon. Sinasabi ng banal na ulat: “Binigyan ni Jehova ng lingap ang bayan sa paningin ng mga Ehipsiyo, anupat ipinagkaloob sa kanila ng mga ito ang anumang hingin nila.”​—Exodo 12:35, 36.

Kung gayon, gunigunihin kung ano ang nadama ng mga Israelita. Nagdusa ang mga salinlahi sa mapait na pang-aalipin at kakapusan. Ngayon ay malaya na sila at mayaman sa materyal na mga ari-arian. Ano kaya ang madarama nila sa pagbahagi ng ilan sa mga ari-ariang iyon? Maaaring madama nila na dapat lamang na sa kanila ang mga iyon at may karapatan silang sarilinin ang mga iyon. Gayunman, nang tinawagan silang mag-abuloy ng salapi upang suportahan ang dalisay na pagsamba, gayon ang ginawa nila​—at walang pag-aatubili o pagmamaramot! Hindi nila kinalimutan na si Jehova ang dahilan ng pagkakaroon nila ng mga materyal na bagay na iyon. Kaya naman, sagana silang nagbigay ng kanilang pilak at ginto at hayupan. Sila’y “nagkukusang-loob.” Ang kanilang ‘mga puso ay naudyukan.’ ‘Napakilos sila ng kanilang espiritu.’ Tunay na ito’y isang “kusang-loob na handog kay Jehova.”​—Exodo 25:1-9; 35:4-9, 20-​29; 36:3-7.

Pagiging Handang Magbigay

Hindi ipinakikita ng laki ng abuloy ang pagkabukas-palad ng isang nagbibigay. Sa isang pagkakataon ay pinanood ni Jesu-Kristo ang mga taong naghuhulog ng pera sa mga kabang-yaman ng templo. Naghulog ng maraming barya ang mayayaman, ngunit namangha si Jesus nang makita niya ang isang nagdarahop na babaing balo na naghulog ng dalawang maliit na barya na napakaliit ang halaga. Sinabi niya: “Ang babaing balo na ito, bagaman dukha, ay naghulog ng higit kaysa sa kanilang lahat. . . . Mula sa kaniyang kakapusan ay naghulog [siya] ng lahat ng kabuhayang taglay niya.”​—Lucas 21:1-4; Marcos 12:41-​44.

Kasuwato ng pag-iisip na ito ni Jesus ang mga komento ni Pablo sa mga taga-Corinto. Kung tungkol sa pag-aabuloy upang matulungan ang mga nangangailangan na kapuwa mananampalataya, napansin ni Pablo: “Kung ang pagiging handa ay naroroon muna, lalo na itong kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi niya taglay.” (2 Corinto 8:12) Oo, ang mga abuloy ay hindi isang bagay para magkompetensiya o maghambing. Nagbibigay ang isang tao ayon sa kaniyang kakayahan, at nalulugod si Jehova sa espiritu ng pagkabukas-palad.

Bagaman walang sinuman ang talagang makapagpapayaman kay Jehova, na nagmamay-ari ng lahat ng bagay, ang pag-aabuloy ay isang pribilehiyo na nagbibigay sa mga mananamba ng pagkakataon na maipakita ang kanilang pag-ibig sa kaniya. (1 Cronica 29:14-17) Ang ibinibigay na mga abuloy, hindi upang magpasikat o dahil sa iba pang mapag-imbot na motibo, kundi taglay ang tamang saloobin at upang isulong ang tunay na pagsamba, ay nagdudulot ng kagalakan at kalakip nito ang pagpapala ng Diyos. (Mateo 6:1-4) Sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Maaari tayong makibahagi sa kaligayahang iyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating lakas sa paglilingkod kay Jehova at ng pagbubukod ng anuman mula sa ating mga materyal na pag-aari para sa pagsuporta sa tunay na pagsamba at sa pagtulong sa mga karapat-dapat tulungan.​—1 Corinto 16:1, 2.

Pagiging Handang Magbigay sa Ngayon

Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay lubos na natutuwang makita ang pandaigdig na pagsulong ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Noong nakaraang dekada ng ika-20 siglo, mahigit na 3,000,000 katao ang nagpabautismo upang sagisagan ang kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova, at mga 30,000 bagong kongregasyon ang nabuo. Oo, sangkatlo ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na umiiral sa ngayon ay nabuo noong nakaraang sampung taon! Ang kalakhan sa pagsulong na ito ay resulta ng puspusang pagsisikap ng mga taimtim na Kristiyanong lalaki at babae na naglalaan ng kanilang panahon at lakas upang madalaw kapuwa ang kanilang mga kapitbahay at sabihin sa kanila ang tungkol sa mga layunin ni Jehova. Ang ilan sa pagsulong na ito ay resulta ng gawain ng mga misyonero, na nag-iwan ng kanilang mga tahanan at naglalakbay sa malalayong lupain upang tumulong sa gawaing pangangaral ng Kaharian doon. Ang pagsulong ay nagresulta ng pag-oorganisa ng mga bagong sirkito, anupat kinailangang mag-atas ng mga bagong tagapangasiwa ng sirkito. Karagdagan pa, mas maraming Bibliya ang kinakailangan upang magamit sa pangangaral at personal na pag-aaral. Kinakailangan pa ang mas maraming inimprentang literatura. At sa maraming bansa, ang mga gusaling pansangay ay kinakailangang palakihin o kaya’y palitan ng mas malalaking gusali. Ang lahat ng karagdagang pangangailangang ito ay natustusan sa tulong ng mga boluntaryong abuloy mula sa bayan ni Jehova.

Pangangailangan Para sa mga Kingdom Hall

Ang isang kapansin-pansing pangangailangan na naging maliwanag sa pagsulong ng bilang ng mga Saksi ni Jehova ay ang pagkakaroon ng mga Kingdom Hall. Ang mga ginawang surbey noong maaga ng taóng 2000 ay nagsiwalat na kinakailangan ang mahigit na 11,000 Kingdom Hall sa mahihirap na bansa, kung saan may kakapusan sa pananalapi. Isaalang-alang ang Angola. Sa kabila ng mga taon ng gera sibil, ang bansang iyon ay may pangkalahatang pagsulong sa bawat taon na mga 10 porsiyento sa bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian. Gayunman, ang karamihan sa 675 kongregasyon sa malawak na bansang ito sa Aprika ay nagpupulong sa kaparangan. Mayroon lamang 22 Kingdom Hall sa bansa, at sa mga ito ay 12 lamang ang may masasabing bubungan.

Isang nakakatulad na kalagayan ang umiiral sa Demokratikong Republika ng Congo. Bagaman may halos 300 kongregasyon sa kabiserang lunsod ng Kinshasa, sasampu lamang ang Kingdom Hall doon. Sa buong bansa, kailangang-kailangan na ng bansang ito ang mahigit na 1,500 Kingdom Hall. Dahil sa mabilis na pagsulong sa mga bansa sa Silangang Europa, ang Russia at Ukraine ay nag-ulat ng pinagsamang pangangailangan para sa daan-daang Kingdom Hall. Ang mabilis na pagsulong sa Latin Amerika ay makikita sa Brazil, kung saan may mahigit sa kalahating milyong Saksi at may isang malaking pangangailangan para sa mas maraming Kingdom Hall.

Upang matugunan ang mga pangangailangan sa gayong mga bansa, nagsagawa ang mga Saksi ni Jehova ng isang pinabilis na programa sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Tinutustusan ang programa sa pamamagitan ng bukas-palad na mga abuloy ng pandaigdig na kapatiran, upang maging ang pinakamahihirap na kongregasyon ay magkaroon ng isang maayos na lugar ng pagsamba.

Gaya noong panahon ng sinaunang Israel, malaki ang maisasagawa dahil ang mga taimtim na Kristiyano ay ‘nagpaparangal kay Jehova ng kanilang mahahalagang pag-aari.’ (Kawikaan 3:9, 10) Nais ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova na kunin ang pagkakataong ito upang ipahayag ang kanilang lubos na pagpapahalaga sa bawat isa na naudyukan ng kaniyang puso na makibahagi sa boluntaryong pagbibigay na ito. At makapagtitiwala tayong patuloy na pakikilusin ng espiritu ni Jehova ang mga puso ng kaniyang bayan upang masuportahan ang mga pangangailangan ng lalong lumalawak na gawain ng Kaharian.

Habang nagpapatuloy ang pandaigdig na paglawak, nawa’y patuloy tayong humanap ng mga pagkakataon na ipakita ang ating kasiyahan at pagnanais sa pagbibigay ng ating lakas, panahon, at pananalapi. At nawa’y maranasan natin ang tunay na kagalakan na naidudulot ng gayong espiritu ng pagbibigay.

[Kahon sa pahina 29]

“GAMITIN NINYO ITO NANG MAY KARUNUNGAN!”

“Ako’y sampung taóng gulang. Ipinadadala ko sa inyo ang perang ito para makabili kayo ng papel o anuman sa paggawa ng mga aklat.”​—Cindy.

“Ibig kong ipadala sa inyo ang perang ito upang gumawa pa kayo ng mas maraming aklat para sa amin. Inipon ko ang perang ito mula sa pagtulong ko sa aking itay. Kaya gamitin ninyo ito nang may karunungan!”​—Pam, pitong taóng gulang.

“Nalungkot ako hinggil sa nangyaring bagyo. Sana’y ligtas kayo. Ito [$2, U.S.] ang lahat ng pera ko sa aking alkansiya.”​—Allison, apat na taóng gulang.

“Rudy ang pangalan ko, at ako ay 11 taóng gulang. Ang kapatid kong lalaki na si Ralph ay anim na taon. At ang kapatid kong babae na si Judith ay dalawa at kalahating taon. Nag-ipon kami mula sa aming baon sa loob ng tatlong buwan upang matulungan ang ating mga kapatid sa [lugar na ginigiyagis ng digmaan]. Nakapag-ipon kami ng 20 dolyar na ipinadadala namin ngayon.”

“Nalulungkot ako sa mga kapatid [na sinalanta ng bagyo]. Kumita ako ng 17 dolyar sa pagtatrabaho kasama ng aking tatay. Hindi ko ipinadadala ang perang ito para sa anumang partikular na paggagamitan, kaya kayo na ang bahala.”​—Maclean, walong taóng gulang.

[Kahon sa pahina 31]

Mga Paraan na Ginagamit ng Ilan sa Pagbibigay ng

MGA ABULOY SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN

Marami ang nagtatabi, o naglalaan, ng isang halaga na inilalagay nila sa mga kahong abuluyan na may markang “Contributions for the Society’s Worldwide Work​—Matthew 24:14.” Bawat buwan ay ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga halagang ito alinman sa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, o sa lokal na tanggapang pansangay.

Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ring tuwirang ipadala sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, P. O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring iabuloy. Dapat na kasama ng mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.

KAAYUSAN SA KONDISYONAL NA DONASYON

Maaaring magkaloob ng salapi sa Samahang Watch Tower sa ilalim ng pantanging kaayusan na doon, sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan ang nagkaloob, ang donasyon ay ibabalik sa kaniya. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-alam sa Treasurer’s Office sa nabanggit na direksiyon sa itaas.

PAGPAPLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod pa sa tuwirang mga kaloob na salapi at kondisyonal na mga donasyong salapi, may iba pang paraan ng pagbibigay sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:

Seguro: Ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang polisá sa seguro sa buhay o sa isang plano sa pagreretiro/pensiyon.

Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na deposito sa pagreretiro ay maaaring ipagkatiwala o ibayad sa oras na mamatay sa Samahang Watch Tower, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.

Mga Aksiyón at Bono: Ang mga aksiyón at bono ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower bilang tuwirang kaloob.

Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba niyaon bilang tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy manirahan doon habang-buhay. Ang isa ay dapat munang makipag-alam sa Samahan bago ilipat sa pangalan ng Samahan ang anumang lupa’t bahay.

Testamento at Ipinagkatiwala: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Samahang Watch Tower sa pamamagitan ng isang testamentong isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahan ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring maglaan ng ilang bentaha sa pagbubuwis.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “pagpaplano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano sa bahagi ng nagkaloob. Upang matulungan ang mga indibiduwal na nagnanais na magbigay ng kaloob sa Samahan sa pamamagitan ng isang anyo ng pagpaplano sa pagkakawanggawa, ang Samahan ay naghanda ng isang brosyur sa wikang Ingles at Kastila na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide. Ang brosyur ay isinulat bilang tugon sa maraming tanong na natanggap ng Samahan hinggil sa mga kaloob, testamento, at mga ipinagkatiwala. Naglalaman din ito ng karagdagang impormasyon na makatutulong hinggil sa pagpaplano sa ari-arian, pananalapi, at pagbubuwis. At dinisenyo ito upang tulungan ang mga indibiduwal sa Estados Unidos na nagbabalak magbigay sa ngayon ng isang pantanging kaloob sa Samahan o mag-iwan ng pamana pagkamatay upang mapili ang lubhang kapaki-pakinabang at mabisang paraan habang isinasaalang-alang ang kanilang pamilya at personal na kalagayan. Maaaring makakuha ng brosyur na ito sa pamamagitan ng direktang paghiling ng isang kopya mula sa Charitable Planning Office.

Matapos mabasa ang brosyur at makipag-usap sa Charitable Planning Office, marami ang nakatulong sa Samahan at kasabay nito, nakakuha ng malaking kapakinabangan sa buwis sa pamamagitan ng paggawa nito. Ang Charitable Planning Office ay dapat patalastasan at padalhan ng isang kopya ng anumang mahalagang dokumento hinggil sa alinman sa mga kaayusang ito. Kung interesado ka sa alinman sa mga kaayusang ito ng pagpaplano sa pagkakawanggawa, dapat kang makipag-alam sa Charitable Planning Office, alinman sa pamamagitan ng pagsulat o pagtawag sa telepono, sa direksiyong nakatala sa ibaba o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa.

CHARITABLE PLANNING OFFICE

Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

100 Watchtower Drive, Patterson, New York 12563-9204

Telepono: (845) 306-0707