Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“O Para sa Pananampalatayang Hindi Uurong”!

“O Para sa Pananampalatayang Hindi Uurong”!

“O Para sa Pananampalatayang Hindi Uurong”!

AYON SA SALAYSAY NI HERBERT MÜLLER

Mga ilang buwan pagkatapos salakayin ng hukbo ni Hitler ang Netherlands, ang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal. Hindi nagtagal, ang aking pangalan ay lumitaw sa talaan ng mahigpit na pinaghahanáp ng mga Nazi, at ako’y tinugis na parang isang hayop.

MINSAN, pagod na pagod na ako sa katatago at katatakbo anupat sinabi ko sa aking asawa na baka mas mabuti pa na mahuli na lamang ako ng hukbo. Saka sumagi sa isip ko ang pananalita ng isang awit: “O para sa pananampalatayang hindi uurong, bagaman ginigipit ng lahat ng kaaway.” * Ang paggunita sa awit na iyon ay muling nagpalakas sa akin at nagpaalaala sa akin tungkol sa aking mga magulang sa Alemanya at sa araw nang awitin sa akin ng mga kaibigan ko ang awit na ito bilang pamamaalam. Maaari ko bang ikuwento sa inyo ang ilan sa mga alaalang ito?

Ang Halimbawa ng Aking mga Magulang

Nang ako’y isilang noong 1913 sa bayan ng Copitz sa Alemanya, ang aking mga magulang ay mga miyembro ng Evangelical Church. * Pagkaraan ng pitong taon, noong 1920, nagbitiw si tatay sa simbahan. Noong Abril 6, humiling siya ng isang Kirchenaustrittsbescheinigung (Deklarasyon ng Pagbibitiw sa Simbahan). Ang opisyal ng bayan sa pagrerehistro ng mamamayan ay gumawa ng isa. Gayunman, pagkalipas ng isang linggo, bumalik si tatay sa opisina at ipinaliwanag na hindi nailista sa deklarasyon ang pangalan ng kaniyang anak na babae. Ang opisyal ay gumawa ng pangalawang dokumento na nagsasabing ang pagbibitiw sa simbahan ay kumakapit din kay Martha Margaretha Müller. Nang panahong iyon, si Margaretha, ang aking kapatid, ay isa’t kalahating taóng gulang. Pagdating sa paglilingkod kay Jehova, hindi papayag si tatay sa bahagyang paglilingkod lamang!

Nang taon ding iyon, ang aking mga magulang ay nabautismuhan bilang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Kaming mga bata ay pinalaki ni tatay sa istriktong paraan, subalit ang pagkamatapat niya kay Jehova ang higit na nagpadali para sa amin na tanggapin ang kaniyang patnubay. Ang pagkamatapat din ang nagpakilos sa aking mga magulang na gumawa ng mga pagbabago. Halimbawa, may panahon noon na hindi kami pinapayagang maglaro sa labas ng bahay kung Linggo. Gayunman, isang Linggo noong 1925, sinabi sa amin ng aming mga magulang na kami’y mamamasyal. Nagdala kami ng meryenda at nagkaroon kami ng kasiya-siyang panahon​—anong laking pagbabago mula sa pagiging nakakulong sa bahay buong araw! Sinabi ni tatay na may natutuhan siyang ilang punto sa pinakahuling kombensiyon na nagtuwid sa kaniyang pangmalas hinggil sa mga gawain kung Linggo. Sa ibang pagkakataon, nagpakita rin siya ng gayong pagkukusang magbago.

Bagaman hindi mabuti ang kalusugan ng aking mga magulang, hindi sila nag-atubili na makibahagi sa gawaing pangangaral. Halimbawa, upang maipamahagi ang pulyetong Ecclesiastics Indicted, sumakay kami sa isang tren isang gabi na kasama ng iba pa sa kongregasyon at naglakbay sa bayan ng Regensburg, mga 300 kilometro mula sa Dresden. Kinabukasan, ipinamahagi namin ang mga pulyeto sa buong bayan, at nang matapos ito, sumakay kami ng tren pauwi. Nang makauwi kami sa bahay, halos 24 na oras na ang nakalipas.

Paglisan sa Bahay

Ang aking pakikisama sa Jugendgruppe (Grupo ng mga Kabataan) sa aming kongregasyon ay nakatulong din sa akin na sumulong sa espirituwal. Linggu-linggo, ang mga kabataan na mahigit sa 14 anyos ay nagtitipon na kasama ng ilan sa nakatatandang mga kapatid sa kongregasyon. Naglalaro kami at tumutugtog ng mga instrumentong pangmusika, nag-aaral ng Bibliya, at nag-uusap tungkol sa paglalang at siyensiya. Gayunman, noong 1932, nang ako’y 19 anyos, nagwakas ang aking pakikisama sa grupo.

Noong Abril nang taóng iyon, si Tatay ay tumanggap ng isang sulat mula sa tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Magdeburg. Ang Samahan ay naghahanap ng isa na makapagmamaneho ng kotse at gustong magpayunir. Alam ko na gusto ng aking mga magulang na ako’y magpayunir, subalit inaakala kong hindi ako makapagpapayunir. Yamang mahirap ang aking mga magulang, nagsimula akong magkumpuni ng mga bisikleta at mga makinang panahi, gayundin ng mga makinilya at iba pang kagamitan sa opisina, sa gulang na 14. Paano ko maiiwan ang aking pamilya? Kailangan nila ang tulong ko. Isa pa, hindi pa nga ako nababautismuhan. Naupo si tatay na kasama ko at tinanong ako ng ilang katanungan upang alamin kung nauunawaan ko kung ano ang nasasangkot sa bautismo. Nang makumbinsi siya sa mga sagot ko na nakagawa na ako ng sapat na espirituwal na pagsulong upang mabautismuhan, sinabi niya: “Dapat na ihandog mo ang iyong sarili sa atas na ito.” Gayon ang ginawa ko.

Pagkalipas ng isang linggo ay tumanggap ako ng isang paanyaya na magtungo sa Magdeburg. Nang sabihin ko ito sa aking mga kaibigan sa Grupo ng mga Kabataan, gusto nila akong handugan ng isang masayang awit. Nagulat sila sa awit na napili ko sapagkat inaakala nilang napakaseryoso nito. Gayunman, kinuha ng ilan ang kanilang mga biyolin, mandolino, at gitara at lahat ay umawit: “O para sa pananampalatayang hindi uurong, bagaman ginigipit ng lahat ng kaaway; na hindi manginginig sa bingit ng anumang makalupang kaaway.” Nang araw na iyon, hindi ko natanto kung gaano kadalas akong mapatitibay ng pananalitang iyon sa mga darating na taon.

Isang Maligalig na Pasimula

Pagkatapos na masubok ng mga kapatid sa Magdeburg ang aking mga kasanayan sa pagmamaneho, ipinagkatiwala nila sa akin at sa apat pang payunir ang isang kotse, at kami’y nagtungo sa Schneifel, isang rehiyon na malapit sa Belgium. Agad naming natanto na mahalaga ang aming kotse. Ikinagalit ng Simbahang Katoliko sa rehiyong iyon ang aming pagkanaroroon, at ang mga taganayon, sa udyok ng mga pari, ay kadalasang nag-aabang upang itaboy kami. Maraming beses, tamang-tama lamang na nakasakay na kami sa kotse bago dumating ang mga taganayon upang salakayin kami ng kanilang mga piko at malalaking tinidor na pandayami.

Pagkatapos ng Memoryal noong 1933, sinabihan kami ng tagapangasiwa sa rehiyon, si Paul Grossmann, na ang gawain ng Samahan sa Alemanya ay ipinagbawal. Di-nagtagal, hinilingan ako ng tanggapang pansangay na magpunta sa Magdeburg na dala ang kotse, kunin ang literatura roon, at ihatid ito sa estado ng Saxony, mga 100 kilometro ang layo sa Magdeburg. Gayunman, pagdating ko sa Magdeburg, isinara na ng Gestapo (ang sekretang Nazi) ang tanggapan ng Samahan. Iniwan ko ang kotse sa isang kapatid sa Leipzig at ako’y umuwi​—subalit hindi ito nagtagal.

Inanyayahan ako ng tanggapan ng Samahan sa Switzerland na magsimulang magpayunir sa Netherlands. Nagplano akong umalis sa loob ng isa o dalawang linggo. Subalit, pinayuhan ako ni tatay na kumilos kaagad. Sinunod ko ang kaniyang payo, at sa loob ng ilang oras, umalis ako sa bahay. Kinabukasan, dumating ang pulisya sa bahay ng aking tatay upang arestuhin ako sa paratang na pagtakas. Hulíng-hulí na sila.

Pagsisimula sa Netherlands

Noong Agosto 15, 1933, dumating ako sa isang bahay ng payunir sa Heemstede, isang bayan na 25 kilometro ang layo mula sa Amsterdam. Kinabukasan, lumabas ako upang mangaral nang walang nalalamang kahit na isang salitang Olandes. Nagsimula ako na nasasangkapan ng isang testimony card, na may nakalimbag na sermon. Anong laking pampatibay-loob nang tanggapin ng isang babaing Katoliko ang aklat na Reconciliation! Nang araw ring iyon, nakapagpasakamay ako ng 27 buklet. Sa pagtatapos ng unang araw na iyon, tuwang-tuwa ako na muling makapangaral nang malaya.

Noong mga panahong iyon, ang mga payunir ay walang ibang pinagkakakitaan kundi ang mga abuloy na tinanggap kapag nakapagpasakamay ng literatura. Ang salaping iyon ay ginagamit upang bumili ng pagkain at iba pang mga pangangailangan. Kung may matirang kaunting pera sa katapusan ng buwan, ito’y hahatiin sa mga payunir para sa personal na mga gastusin. Kaunti lamang ang aming tinataglay sa materyal, subalit lubusan kaming pinaglaanan ni Jehova anupat noong 1934, nakadalo ako sa isang kombensiyon sa Switzerland.

Isang Tapat na Kasama

Sa kombensiyon, nakita ko ang 18-anyos na si Erika Finke. Kilala ko na siya mula noong nakatira pa ako sa bahay. Kaibigan siya ng aking kapatid, si Margaretha, at lagi kong hinahangaan ang matatag na paninindigan ni Erika sa katotohanan. Hindi nagtagal pagkatapos ng kaniyang bautismo noong 1932, may nagsabi sa Gestapo na si Erika ay tumangging magsabi ng “Heil Hitler!” Pinuntahan siya ng Gestapo at inalam sa kaniya kung bakit siya tumanggi. Binasa ni Erika ang Gawa 17:3 sa opisyal sa loob ng istasyon ng pulisya at ipinaliwanag na ang Diyos ay humirang ng isa lamang tao bilang tagapagligtas, si Jesu-Kristo. “Mayroon pa bang iba na naniniwalang gaya mo?” gustong malaman ng opisyal. Tumanggi si Erika na magbigay ng pangalan. Nang magbanta ang pulis na siya’y ikukulong, sinabi sa kaniya ni Erika na mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa magbigay ng mga pangalan. Tinitigan siya ng opisyal at sumigaw: “Lumabas ka rito. Umuwi ka na. Heil Hitler!”

Pagkatapos ng kombensiyon, nagbalik ako sa Netherlands samantalang si Erika ay nanatili sa Switzerland. Gayunman, nadama namin kapuwa na lumago ang aming pagkakaibigan. Samantalang nasa Switzerland pa, nabalitaan ni Erika na pinaghahanáp siya ng Gestapo sa kanila. Nagpasiya siyang manatili at magpayunir sa Switzerland. Pagkaraan ng ilang buwan, hiniling ng Samahan na magtungo siya sa Espanya. Nagpayunir siya sa Madrid, pagkatapos sa Bilbao, at nang dakong huli ay sa San Sebastián, kung saan siya at ang kaniyang kasamang payunir ay nabilanggo dahil sa pag-uusig na sinulsulan ng klero. Noong 1935, sila ay pinag-utusang umalis sa Espanya. Pumunta si Erika sa Netherlands, at nang taon ding iyon kami’y nagpakasal.

Nagbabantang Digmaan

Pagkatapos ng aming kasal, nagpayunir kami sa Heemstede, at nang maglaon ay lumipat kami sa lunsod ng Rotterdam. Doon isinilang ang aming anak, si Wolfgang, noong 1937. Pagkalipas ng isang taon ay lumipat kami sa lunsod ng Groningen, sa hilaga ng Netherlands, kung saan tumira kami sa isang bahay na kasama ng mga payunir na Aleman na sina Ferdinand at Helga Holtorf at ng kanilang anak na babae. Noong Hulyo 1938, sinabihan kami ng Samahan na ang pamahalaang Olandes ay nagpalabas ng isang babala na ang mga Saksing Aleman ay hindi na pinahihintulutang mangaral. Halos kasabay nito, ako’y naatasan bilang lingkod ng sona (tagapangasiwa ng sirkito), at ang aming pamilya ay lumipat sa Lichtdrager (Tagapagdala ng Liwanag), ang bangka ng Samahan na nagsisilbing tirahan ng mga payunir na nangangaral sa hilagang bahagi ng Netherlands. Madalas na malayo ako sa aking pamilya, na nakabisikletang nagtutungo sa iba’t ibang kongregasyon upang palakasin ang loob ng mga kapatid na patuloy na mangaral. At gayon nga ang ginawa ng mga kapatid. Dinagdagan pa nga ng ilan ang kanilang mga gawain. Si Wim Kettelarij ay isang mabuting halimbawa.

Nang makilala ko si Wim, siya’y isang binata na nakakilala ng katotohanan subalit masyadong abala bilang isang manggagawa sa bukid. “Kung gusto mong magkaroon ng panahon upang maglingkod kay Jehova,” pinayuhan ko siya, “dapat kang humanap ng ibang trabaho.” Gayon nga ang ginawa niya. Nang maglaon, nang muli kaming magkita, pinatibay ko siyang magpayunir. “Subalit kailangan kong magtrabaho upang kumain,” ang tugon niya. “Makakakain ka,” tiniyak ko sa kaniya. “Pangangalagaan ka ni Jehova.” Nagsimulang magpayunir si Wim. Nang maglaon, kahit noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, naglingkod siya bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Sa ngayon, sa kaniyang edad na nasa mga 80, si Wim ay isa pa ring masigasig na Saksi. Tunay ngang pinangalagaan siya ni Jehova.

Sa Ilalim ng Pagbabawal at Pinaghahanáp

Noong Mayo 1940, mga isang taon pagkatapos maisilang ang aming ikalawang anak, si Reina, ang hukbong Olandes ay sumuko at sinakop ng mga Nazi ang Netherlands. Noong Hulyo ay kinuha ng Gestapo ang tanggapan at palimbagan ng Samahan. Nang sumunod na taon, nagkaroon ng daluyong ng mga pag-aresto sa mga Saksi, at ako’y nadakip. Dahil sa pagiging isang Saksi at isang Aleman na nasa edad na kinakalap para sa pagsusundalo, hindi mahirap isipin kung ano ang gagawin sa akin ng Gestapo. Sinikap kong tanggapin sa sarili na hinding-hindi ko na muling makikita ang aking pamilya.

Pagkatapos noong Mayo 1941, pinalaya ako ng Gestapo mula sa bilangguan at inutusan akong umalis at magreport para sa paglilingkod militar. Hindi ako makapaniwala. Nang araw ring iyon ay gumawa ako nang palihim, at nang buwan ding iyon ako’y bumalik sa pansirkitong gawain. Inilagay ako ng Gestapo sa listahan nito ng mahigpit na pinaghahanáp.

Kung Paano Nakapagbata ang Aking Pamilya

Ang aking asawa at mga anak ay kailangang lumipat sa nayon ng Vorden sa silangang bahagi ng bansa. Gayunman, upang hindi sila gaanong manganib, kinailangang bawasan ko talaga ang aking mga pagdalaw sa bahay. (Mateo 10:16) Para sa seguridad, hindi ginagamit ng mga kapatid ang aking tunay na pangalan, kundi ang bansag lamang sa akin na Duitse Jan (Juan na Aleman). Kahit ang aking apat-na-taóng-gulang na anak, si Wolfgang, ay hindi hinahayaang magsabi ng “Itay” kundi “Ome Jan” (Tiyo Juan). Para sa kaniya, napakahirap nito sa damdamin.

Habang ako’y nagtatagò, inalagaan ni Erika ang mga bata at nagpatuloy sa pangangaral. Nang si Reina ay dalawang taóng gulang na, isinasakay siya ni Erika sa lalagyan ng bagahe ng bisikleta at isinasama siya sa pangangaral sa mga lalawigan. Bagaman naging mahirap ang paghanap ng pagkain, si Erika ay hindi kailanman nakaranas ng labis na kakapusan sa pagkain para sa pamilya. (Mateo 6:33) Isang magsasakang Katoliko, na ang makinang panahi ay kinumpuni ko noon, ang nagbigay sa kaniya ng mga patatas. Siya rin ang naghatid ng mga mensahe mula sa akin para kay Erika. Minsan, si Erika ay nagbayad ng isang gulden para sa isang bagay sa botika. Ibinigay sa kaniya ng may-ari, na nakaaalam na siya’y nagtatago at hindi makakuha ng mga kard para sa rasyong pagkain, ang bagay na iyon at gayundin ang dalawang gulden. Ang gayong mga kapahayagan ng simpatiya ay nakatulong sa kaniya upang mabuhay.​—Hebreo 13:5.

Paggawang Kasama ng mga Kapatid na Malalakas ang Loob

Samantala, nagpatuloy ako sa pagdalaw sa mga kongregasyon​—bagaman nakikipag-ugnayan lamang ako sa mga kapatid na may pananagutan sa kongregasyon. Dahil sa lagi akong sinusubaybayan ng Gestapo, hindi ako kailanman makapagtagal sa isang lugar nang mahigit sa ilang oras. Karamihan sa mga kapatid ay hindi pinapayagang makipagkita sa akin. Kilala lamang nila yaong mga Saksi na kabilang sa kanilang maliit na grupo sa pag-aaral ng Bibliya. Bunga nito, pagkatapos lamang ng Digmaang Pandaigdig II at saka natuklasan ng dalawang babaing magkapatid sa laman na nakatira sa magkaibang bahagi ng iisang lunsod na sila kapuwa ay naging mga Saksi noong panahon ng digmaan.

Isa pa sa aking mga atas ang paghahanap ng mga dakong mapagtataguan ng mga literatura ng Samahan. Itinago rin namin ang papel, mga makinang pang-stencil, at mga makinilya para sa paggawa ng mga kopya ng Ang Bantayan, sakaling kakailanganin ang mga ito. Kung minsan, kailangan naming ilipat ang mga aklat na inilimbag ng Samahan mula sa isang dakong taguan tungo sa iba. Naalaala ko noong minsan ang paghahatid ng 30 kartong puno ng literatura samantalang sinikap ko na huwag mapuna​—isang nakanenerbiyos na trabaho!

Bukod pa riyan, inorganisa namin ang paghahatid ng pagkain mula sa mga bukid sa silangan ng Netherlands tungo sa mga lunsod sa kanluran, kahit na ito’y ipinagbabawal. Ikinakarga namin ang pagkain sa isang bagon na hinihila ng kabayo at nagtutungo kami sa kanluran. Pagdating namin sa isang ilog, hindi kami maaaring dumaan sa mga tulay sapagkat ang mga ito’y binabantayan ng mga sundalo. Sa halip, idinidiskarga namin ang kargamento sa maliliit na bangka, itinatawid ang pagkain nang paroo’t parito sa ilog, at saka muling ikinakarga ang kargamento sa ibang bagon. Kapag narating namin ang lunsod na aming patutunguhan, naghihintay kami hanggang sa pagkagat ng dilim, nilalagyan ng sapin ang paa ng kabayo, at tahimik na nagtutungo sa lihim na bodega ng pagkain ng kongregasyon. Mula roon, ang pagkain ay ipinamamahagi sa mga kapatid na nangangailangan.

Kung matuklasan ng hukbong Aleman ang gayong bodega ng pagkain, maaari itong mangahulugan sa isa ng kaniyang buhay. Gayunpaman, ilang kapatid ang nagboluntaryo upang tumulong. Halimbawa, ipinagamit ng pamilyang Bloemink sa bayan ng Amersfoort ang kanilang sala bilang bodega ng pagkain, bagaman ang kanilang bahay ay malapit lamang sa isang garison ng hukbong Aleman! Isinapanganib ng mga Saksing ito na malalakas ang loob ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang mga kapatid.

Kaming mag-asawa ay tinulungan ni Jehova na manatiling tapat sa lahat ng taon ng pagbabawal. Noong Mayo 1945, natalo ang hukbong Aleman, at ang aking buhay na laging nagtatago ay natapos din sa wakas. Hiniling ng Samahan na patuloy akong maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa hanggang sa may makuhang ibang kapatid na hahalili. Noong 1947, si Bertus van der Bijl ang humalili sa aking trabaho. * Nang panahong iyon, isinilang ang aming pangatlong anak, at kami’y tumira sa gawing silangan ng bansa.

Kalungkutan at Kagalakan

Pagkatapos ng digmaan, nalaman ko na mga isang taon pagkatapos kong lumisan patungong Netherlands, nabilanggo si Tatay. Dalawang beses siyang pinalaya dahil sa mahinang kalusugan, subalit sa bawat pagkakataon ay muli siyang ibinilanggo. Noong Pebrero ng 1938, siya’y ipinadala sa kampong piitan ng Buchenwald at pagkatapos ay sa Dachau. Doon namatay ang aking ama noong Mayo 14, 1942. Nanatili siyang matatag at tapat hanggang sa wakas.

Si nanay ay ipinadala rin sa kampo ng Dachau. Nanatili siya roon hanggang sa siya’y palayain noong 1945. Yamang malaki ang naitulong ng matatag na halimbawa ng aking mga magulang sa espirituwal na mga pagpapalang tinamasa ko, isang pribilehiyo na si Nanay ay pumisan sa amin noong 1954. Dumating din ang aking kapatid na si Margaretha​—na nagpapayunir sa Komunistang Silangang Alemanya mula pa noong 1945. Bagaman si nanay ay may sakit at hindi nakapagsasalita ng Olandes, patuloy siyang nakibahagi sa paglilingkod sa larangan hanggang sa may katapatan niyang natapos ang kaniyang makalupang buhay noong Oktubre 1957.

Ang kombensiyon sa Nuremberg, Alemanya, noong 1955 ay natatangi. Nang kami’y dumating doon, sinabi kay Erika ng mga kapatid mula sa Dresden na nasa kombensiyon din ang kaniyang ina. Yamang ang Dresden noon ay nasa ilalim ng pamamahala ng Silangang Alemanya, hindi nakita ni Erika ang kaniyang nanay sa loob ng 21 taon. Isinaayos ang isang pagkikita, at nagyakapan ang mag-ina. Anong nakagagalak na muling pagkikita nga iyon!

Nang maglaon, ang aming pamilya ay lumaki dahil sa pagkakaroon ng walong anak. Nakalulungkot, namatay ang isa sa aming mga anak na lalaki sa isang aksidente sa kotse. Gayunman, ang makita ang lahat ng aming natitirang mga anak na naglilingkod kay Jehova ay isang pinagmumulan ng matinding kagalakan. Maligaya kami na ang aming anak na si Wolfgang at ang asawa nito ay nasa pansirkitong gawain at na ang kanilang anak na lalaki rin ay naglilingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito.

Ako’y nagpapasalamat na nasaksihan ko ang pagsulong ng gawain ni Jehova sa Netherlands. Nang magsimula akong magpayunir dito noong 1933, mayroong humigit-kumulang isang daang Saksi. Sa ngayon, mayroon nang mahigit sa 30,000. Bagaman humihina na ngayon ang aming katawan, kami ni Erika ay determinado pa ring mabuhay ayon sa pananalita ng awit na iyon nang nagdaang panahon: “O para sa pananampalatayang hindi uurong.”

[Mga talababa]

^ par. 5 Awit 194.​—Songs of Praise to Jehovah (1928).

^ par. 7 Ang bayan ng Copitz, ngayo’y tinatawag na Pirna, ay nasa kahabaan ng Ilog Elbe, 18 kilometro mula sa lunsod ng Dresden.

^ par. 38 Tingnan Ang Bantayan, Enero 1, 1998, para sa talambuhay ni Brother Van der Bijl, “Wala Nang Hihigit Pa sa Katotohanan.”

[Larawan sa pahina 23]

Ang “Jugendgruppe” habang namamahinga pagkatapos ng paglilingkod sa larangan

[Larawan sa pahina 24]

Kinubrehan namin ng mga kasama kong payunir ang teritoryo ng Schneifel. Ako’y 20 anyos

[Larawan sa pahina 25]

Kasama sina Erika at Wolfgang noong 1940

[Larawan sa pahina 26]

Kaliwa pakanan: Ang aking apo na si Jonathan at ang kaniyang asawa, si Mirjam; si Erika, ako, ang aking anak na si Wolfgang at ang kaniyang asawa, si Julia

[Larawan sa pahina 26]

Isang kapatid sa bilangguan na kasama ng tatay ko ang gumuhit ng larawan niyang ito noong 1941