Pagbaba ng Pamantayang Moral
Pagbaba ng Pamantayang Moral
“HINDI kailanman nangyari ang ganiyang bagay noon,” ang komento ni Helmut Schmidt, dating chancellor ng Alemanya. Dinaraing niya ang kamakailang mga kaso ng malubhang kawalan ng katapatan ng mga opisyal ng bayan na nasa mga ulong-balita. “Nawala na ang mga pamantayang moral dahil sa kasakiman,” sabi niya.
Marami ang sasang-ayon sa kaniya. Ang mga pamantayang moral na nakasalig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, at ang matagal nang malawakang tinatanggap bilang gabay sa kung ano ang tama at kung ano ang mali ay ipinagwawalang-bahala na. Ganito ang kalagayan maging sa mga lupaing ang pangalan ay iniuugnay sa Kristiyanismo.
Mahalaga Pa ba ang Moralidad ng Bibliya sa Ngayon?
Kasama sa moralidad na nakasalig sa mga turo ng Bibliya ang katapatan at integridad. Gayunman, laganap ang pandaraya, katiwalian, at panloloko. Iniuulat ng The Times ng London na ang ilang mga detektib “ay ipinapalagay na nakapagnanakaw ng halagang umaabot sa £100,000 sa bawat isang pagkakataon upang makakuha ng mga drogang nakumpiska ng mga pulis at ibigay sa mga kriminal para muling maibenta ito o kaya’y upang maiwala ang ebidensya laban sa
kilalang mga tao na kabilang sa organisadong krimen.” Sinasabi na pangkaraniwang gawain sa Austria ang panloloko sa seguro. At lubhang nabigla ang mga tao sa larangan ng siyensiya sa Alemanya nang natuklasan kamakailan lamang ng mga mananaliksik ang “isa sa mga lubhang nakagigimbal na kaso ng panloloko sa siyensiya sa Alemanya.” Pinaratangan ang isang propesor, isa na “kilala sa mga geneticist ng Alemanya,” na nagpalsipika o nag-imbento ng maraming impormasyon.Kasama rin sa moralidad na salig sa Bibliya ang katapatan sa pag-aasawa, na nilayon na maging isang permanenteng ugnayan. Subalit ang dumaraming bilang ng mag-asawa ay nauuwi sa hukuman para sa diborsiyo. Iniuulat ng Katolikong pahayagan na Christ in der Gegenwart (Ang Kristiyano sa Ngayon) na “kahit sa ‘konserbatibong’ Switzerland, parami nang paraming pag-aasawa ang nawawasak.” Sa Netherlands, 33 porsiyento ng lahat ng pag-aasawa ay nauuwi sa diborsiyo. Isinulat ng isang babae na nakapansin sa mga pagbabago sa lipunan ng Alemanya sa nakalipas na ilang taon ang kaniyang pagkabahala: “Itinuturing na ngayon ang pagpapakasal na makaluma at hindi na napapanahon. Hindi na pinakakasalan ng mga tao ang isang kabiyak na panghabang-buhay.”
Sa kabilang dako naman, itinuturing ng milyun-milyon ang mga pamantayang moral na itinuturo ng Bibliya na mapagkakatiwalaan at mahalaga sa buhay sa ating makabagong daigdig. Nasumpungan ng isang mag-asawa na naninirahan sa hangganan ng Switzerland at Alemanya na ang pagkatutong mamuhay ayon sa moral ng Bibliya ay lalong nagpaligaya sa kanila. Para sa kanila, “may isa lamang pamantayan para sa lahat ng aspekto ng buhay. Ang pamantayang iyan ay ang Bibliya.”
Ano sa palagay mo? Maaari bang maging isang mahalagang pamantayan ang Bibliya? Ang moralidad ba na salig sa Bibliya ay praktikal sa ngayon?