Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Ka Dapat Manalangin?

Bakit Ka Dapat Manalangin?

Bakit Ka Dapat Manalangin?

“KAYO nga ay humihingi, gayunma’y wala kayong tinatanggap, sapagkat humihingi kayo sa maling layunin . . . Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:3, 8) Ang mga salitang iyon ng alagad ni Jesus na si Santiago ay maaaring lubos na magpakilos sa atin na isaalang-alang ang ating mga dahilan sa pananalangin.

Ang panalangin ay hindi lamang basta pagsasabi sa Diyos kung ano ang ating kailangan. Sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: ‘Nalalaman ng inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa ninyo hingin sa kaniya.’ Subalit, sinabi rin ni Jesus: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo.” (Mateo 6:8; 7:7) Kaya nais nga ni Jehova na sabihin natin sa kaniya kung ano ang ating nadarama na kailangan natin. Ngunit ang panalangin ay higit pa riyan.

Ang tunay na magkakaibigan ay hindi lamang nagtatalastasan kapag may kailangan sila sa isa’t isa. Interesado sila sa isa’t isa, at lumalago ang kanilang pagkakaibigan kapag ipinahahayag nila ang kanilang nadarama. Gayundin, may higit na layunin ang panalangin kaysa sa basta paghingi lamang ng mga pangangailangan. Naglalaan ito ng pagkakataon na mapatibay natin ang ating ugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ating taos-pusong debosyon sa kaniya.

Oo, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang pribilehiyo ng panalangin upang makalapit tayo sa kaniya. Maaari lamang mangyari ito kung ating ipahahayag ang mismong nadarama natin sa Diyos sa halip na sambitin ang sauladong mga panalangin. Tunay ngang kalugud-lugod na makipag-usap kay Jehova sa panalangin! Karagdagan pa, sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang panalangin ng mga matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”​—Kawikaan 15:8.

“Kung tungkol sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin,” ang inawit ng salmistang si Asap. (Awit 73:28) Ngunit upang makalapit sa Diyos, higit pa sa pananalangin ang dapat nating gawin. Pansinin kung paano ito ipinahihiwatig ng sumusunod na ulat:

“Isa sa mga alagad [ni Jesus] ang nagsabi sa kaniya: ‘Panginoon, turuan mo kami kung paano manalangin.’ ” Bilang sagot ay sinabi ni Jesus: “Kailanma’t na kayo ay mananalangin, sabihin, ‘Ama, pakabanalin mo nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian.’ ” (Lucas 11:1, 2) Maaari ba tayong manalangin nang may kabuluhan sa ganitong paraan na hindi muna natutuhan kung ano ang pangalan ng Diyos at kung paano ito pakababanalin? At maaari ba tayong manalangin na kasuwato ng mga pananalitang ito ni Jesus kung hindi natin nauunawaan kung ano ang Kaharian ng Diyos? Maaaring maunawaan ang mga bagay na ito kung ating maingat na susuriin ang Bibliya. Samakatuwid, ang kaalamang natamo ay tutulong sa atin na makilala ang Diyos at maunawaan ang kaniyang mga daan. Karagdagan pa, ang pagkakilala natin sa Diyos na Jehova ay magpapangyari sa atin na lalong maging malapit at deboto sa kaniya. Bilang resulta, ito ang tutulong sa atin na makipag-usap sa kaniya nang mas malaya sa panalangin.

Makalulutas ng mga Problema ang Panalangin

Ang pagpapaunlad ng isang malapit na kaugnayan kay Jehova ay makatutulong sa atin na lutasin ang mga problema. Pansinin kung paano ito naging totoo sa bawat sumusunod na mga pangyayari. Ipinakikita ng mga ito na napatibay ng mga nananalangin ang kanilang kaugnayan kay Jehova.

Sa Brazil, isang babae na nagngangalang Maria ang nanalangin sa Diyos na tulungan siya. Gusto niya noon na magrebelde laban sa tinatanggap na pamantayan sa pag-uugali dahil na rin sa pagpapaimbabaw na nakikita niya sa lipunan. Iniwan pa nga ni Maria ang kaniyang asawa, mga anak, at tahanan. Nagsimula rin siyang gumamit ng droga. Subalit nang mabigo siyang makasumpong ng kaligayahan, ibinuhos niya ang laman ng kaniyang puso sa Diyos at nanalangin na tulungan siya.

Di-nagtagal, dalawa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw at nag-iwan kay Maria ng isang isyu ng Ang Bantayan na may paksa tungkol sa kahalagahan ng pagtanggap sa patnubay ng Diyos. Naantig nito ang kaniyang puso, at nagpasimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi nang mismong araw na iyon. Ito sa wakas ang nagpanumbalik ng kaniyang buhay pampamilya. Habang natututo siya tungkol kay Jehova, nais niyang ipahayag ang kaniyang pag-ibig sa kaniya. “Binago ko ang aking paggawi para sa ikabubuti,” sabi ni Maria. “Noong una ay tinutulan ng aking asawa at pamilya ang aking pag-aaral ng Bibliya. Ngunit habang nakikita nila ang aking pagbabago, sinimulan na nila akong pasiglahin [sa aking pag-aaral].” Nang maglaon, inialay ni Maria ang kaniyang buhay sa Dumirinig ng panalangin upang mapaglingkuran siya.

Bagaman si José ay may magandang asawa at maunlad na negosyo sa Bolivia, hindi siya maligaya. Ang pakikipagrelasyon niya sa iba ang nagpangyari na iwanan siya ng kaniyang asawa. Uminom siya nang sobra-sobra at nadama niya na wala siyang silbi. Sinabi ni José: “Nagsimula akong manalangin nang buong kataimtiman, na nagtatanong kung ano ang dapat kong gawin upang mapaluguran ang Diyos. Di-nagtagal ay dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa lugar ng negosyo ko at nag-alok ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, pero itinaboy ko sila. Nangyari ito nang tatlong beses. Sa bawat pagkakataon na nanalangin ako para humingi ng tulong, dumarating sila. Sa wakas, nagpasiya ako na makinig sa kanila sa susunod na pagkakataon. Nabasa ko na ang buong Bibliya at napakarami kong tanong, ngunit lagi silang may mga sagot na nakakukumbinsi sa akin. Ang pagkatuto tungkol kay Jehova ay nagdulot sa akin ng panibagong layunin sa buhay, at ang aking mga kaibigan sa mga Saksi ay nakapagpapasiglang mga halimbawa! Iniwan ko ang aking kinakasamang babae at mga kainuman. Di-nagtagal, nakapiling kong muli ang aking asawa at mga anak. Nabautismuhan ako noong pasimula ng taóng 1999.”

Sa Italya, nanganganib ang pag-aasawa ni Tamara, kaya nanalangin siya upang magtamo ng karunungan. Nagkaroon siya ng agresibong saloobin, yamang binugbog siya at pinalayas sa pamilya sa edad na 14. Sinabi ni Tamara: “Natagpuan ko ang isang Bibliya at nagpasimulang basahin iyon. Isang gabi, nabasa ko na ang ‘pagsasaliksik ng karunungan ay gaya ng pagsasaliksik ng nakatagong kayamanan.’ Nanalangin ako upang matamo ang karunungang iyon. (Kawikaan 2:1-6) Kinaumagahan, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova. Nagpasimula akong makipag-aral ng Bibliya sa kanila, subalit nagdaan pa ang ilang panahon bago ko naikapit ang aking natutuhan. Sa wakas, nagpasiya ako na sundin ang Kristiyanong paraan ng pamumuhay at nagpabautismo. Ngayon, kasama ang aking asawa, tumutulong ako sa iba na makinabang sa karunungan ng Diyos.”

Si Beatriz ay kabilang noon sa mga maykaya sa lipunan sa Caracas, Venezuela. Gayunman, siya’y diborsiyada at balisa. Yamang nawalan na ng pag-asa, minsan ay gumugol siya ng maraming oras sa pananalangin. Kinaumagahan, may tumimbre sa pintuan. Palibhasa’y nayayamot, tumingin siya sa silipan ng pintuan at nakita ang dalawang tao na may mga portpolyo. Nagkunwari siyang wala sa bahay, subalit bago umalis ang mag-asawa, nag-iwan sila ng isang pulyeto sa ilalim ng pintuan. “Know Your Bible,” ang nakasulat dito. Maaari kayang may kinalaman ang kanilang pagdalaw sa kaniyang mga panalangin noong nakalipas na gabi? Tinawag niya sila upang magbalik. Di-nagtagal, nag-aaral na siya ng Bibliya, at nang maglaon ay nabautismuhan. Yamang maligaya na sa wakas, itinuturo ngayon ni Beatriz sa iba kung paano makasusumpong ng kaligayahan.

Si Carmen ay nanalangin hinggil sa kaniyang pakikipagpunyagi sa kahirapan. Siya ay may sampung anak at isang asawang lasenggo, si Rafael. “Nagsikap akong kumita ng pera sa paglalabada,” ang sabi ni Carmen. Ngunit lumala ang pag-inom ni Rafael. “Bumuti lamang ang aming kalagayan nang magsimula kaming makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at doon nagsimulang magbago ang aking asawa. Natutunan namin ang pangako ng Kaharian​—na malapit nang alisin ni Jehova sa daigdig ang kahirapan at paniniil. Sa wakas ay sinagot ng Diyos ang aking mga panalangin!” Ang pagkatuto sa mga daan ni Jehova ang tumulong kay Rafael na ihinto ang pag-inom, at nagbihis siya ng “bagong personalidad.” (Efeso 4:24) Napabuti nilang mag-anak ang kanilang kalagayan sa buhay. Sinabi ni Rafael: “Bagaman hindi kami mayaman, at hindi sa amin ang bahay na tinitirhan namin, taglay naman namin ang mga pangangailangan sa buhay, at maligaya kami.”

Kapag Sasagutin Na ang Lahat ng Panalangin

Ang pananalangin ba ay nakagawa ng mabuti sa mga taong ito? Tunay nga! At napansin mo ba na sa karamihan ng mga pangyayari, ang kanilang mga panalangin ay sinagot nang tulungan sila ng isang tao mula sa Kristiyanong kongregasyon na lumapit sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya?​—Gawa 9:11.

Kaya nga, may mabubuti tayong dahilan upang manalangin. Malapit na ngayon, ang panalangin hinggil sa pagdating ng Kaharian ng Diyos at sa pagkaganap ng kaniyang kalooban sa lupa ay sasagutin na. (Mateo 6:10) Pagkatapos alisin ng Diyos sa ating daigdig ang mga sumasalansang sa kaniya, “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova.” (Isaias 11:9) Kung gayon, ang lahat ng umiibig kay Jehova ay magtatamasa ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos”​—at ang kanilang mga panalangin ay tiyak na sasagutin.​—Roma 8:18-21.

[Larawan sa pahina 7]

Alam mo ba kung bakit tayo dapat manalangin?