Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maglingkod sa Diyos Taglay ang Isang Nagkukusang Espiritu

Maglingkod sa Diyos Taglay ang Isang Nagkukusang Espiritu

Maglingkod sa Diyos Taglay ang Isang Nagkukusang Espiritu

“BUONG lugod akong gugugol at lubusang magpapagugol para sa inyong mga kaluluwa,” ang isinulat ni apostol Pablo. (2 Corinto 12:15) Ano ang sinasabi sa iyo ng mga salitang ito hinggil sa pangmalas at saloobin na dapat pagsikapang linangin ng mga lingkod ni Jehova? Ayon sa isang iskolar ng Bibliya, nang isinulat ni Pablo ang mga salitang iyon sa mga Kristiyano sa Corinto, kaniyang sinasabi: “Handa akong gumugol ng aking lakas, at panahon, at buhay, at lahat ng tinataglay ko para sa inyong kapakanan, kung paanong may-kasiyahan na ginagawa ng isang ama ang gayon sa kaniyang mga anak.” Handa si Pablo na ‘lubusang magpagugol,’ o “manlupaypay at mapagod,” kung iyon ang kakailanganin upang matupad ang kaniyang ministeryong Kristiyano.

Higit pa rito, ginawa ni Pablo ang lahat ng ito nang “buong lugod.” Siya’y “lubusang nagkusa” na gawin iyon, ang sabi ng The Jerusalem Bible. Kumusta ka naman? Handa mo bang gugulin ang iyong panahon, lakas, mga likas na kakayahan, at mga kayamanan para maglingkod sa Diyos na Jehova at sa kapakanan ng iba, kahit na ang paggawa ng gayon ay mangahulugan na ikaw ay ‘manlulupaypay at mapapagod’ kung minsan? At gagawin mo ba ito nang “buong lugod”?

Sila ay Talagang Tumatanggi na Maglingkod

Ang karamihan sa mga indibiduwal ay hindi lamang nag-atubiling maglingkod sa Diyos kundi talagang tumatanggi silang gawin iyon. Ang kanilang espiritu ay yaong kawalan ng utang-na-loob, mapag-imbot na pagsasarili, mapaghimagsik pa nga. Inakit ni Satanas sina Adan at Eva sa gayong paraan ng pag-iisip. May kamalian niyang sinabi na sila’y magiging “tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama”​—na kaya nilang magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali. (Genesis 3:1-5) Yaong mga may nakakatulad na espiritu sa ngayon ay nag-iisip na dapat silang magkaroon ng lubos na kalayaan na gawin ang mismong nais nila nang walang anumang obligasyon sa Diyos o nang walang pakikialam mula sa kaniya. (Awit 81:11, 12) Nais nilang gamitin ang lahat ng kanilang taglay para sa sarili nilang personal na mga kapakanan.​—Kawikaan 18:1.

Baka naman hindi gayon kalabis ang iyong pangmalas. Marahil, totoong pinahahalagahan mo ang kaloob ng buhay na tinatamasa mo sa ngayon at lalo na ang kahanga-hangang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. (Awit 37:10, 11; Apocalipsis 21:1-4) Baka lubhang nagpapasalamat ka kay Jehova dahil sa kaniyang kabutihan sa iyo. Ngunit lahat tayo ay kailangang maging alerto sa panganib na maaaring pilipitin ni Satanas ang ating pag-iisip anupat ang ating paglilingkod ay totoong hindi na kaayaaya sa Diyos. (2 Corinto 11:3) Paano ito maaaring mangyari?

Kahilingan ang Kusang Paglilingkod

Nais ni Jehova ang kusa at buong-pusong paglilingkod. Hindi niya kailanman tayo pinipilit na gawin ang kaniyang kalooban. Si Satanas ang siyang gumagawa ng lahat upang gipitin at akitin ang mga tao na gawin ang kaniyang kalooban. May kaugnayan sa paglilingkod sa Diyos, binabanggit ng Bibliya ang hinggil sa obligasyon, mga utos, mga kahilingan, at iba pa. (Eclesiastes 12:13; Lucas 1:6) Gayunman, ang pangunahing motibo natin sa paglilingkod sa Diyos ay ang pag-ibig sa kaniya.​—Exodo 35:21; Deuteronomio 11:1.

Gaano man kalaki ang ginugol ni Pablo sa paglilingkuran sa Diyos, alam niya na ito’y walang anumang kabuluhan ‘kung wala siyang pag-ibig.’ (1 Corinto 13:1-3) Kapag tinutukoy ng mga manunulat ng Bibliya ang mga Kristiyano bilang mga alipin ng Diyos, hindi nila tinutukoy ang aba at sapilitang paglilingkuran. (Roma 12:11; Colosas 3:24) Ang tinutukoy rito ay ang kusang pagpapasakop salig sa malalim at taos-pusong pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.​—Mateo 22:37; 2 Corinto 5:14; 1 Juan 4:10, 11.

Ang ating paglilingkod sa Diyos ay dapat na kakitaan din ng malalim na pag-ibig para sa mga tao. “Kami ay naging banayad sa gitna ninyo, gaya ng isang nagpapasusong ina na nag-aaruga ng kaniyang sariling mga anak,” ang isinulat ni Pablo sa kongregasyon sa Tesalonica. (1 Tesalonica 2:7) Sa maraming lupain ngayon, ang mga ina ay may legal na obligasyon na alagaan ang kanilang mga anak. Ngunit tiyak na hindi ito ginagawa ng karamihan sa mga ina dahil lamang sa pagsunod sa batas, hindi ba? Hindi nga. Ginagawa nila ito sapagkat mahal nila ang kanilang mga anak. Aba, ang isang nag-aarugang ina ay may-kagalakang nagsasakripisyo nang malaki para sa kaniyang mga anak! Dahil si Pablo ay may nakakatulad na “magiliw na pagmamahal” sa mga pinaglilingkuran niya, siya ay ‘lubos na nalugod’ (“nagkusa,” King James Version; “nasiyahan,” New International Version) na gamitin ang mismong buhay niya sa pagtulong sa kanila. (1 Tesalonica 2:8) Ang pag-ibig ang nagpapakilos sa atin na tularan ang halimbawa ni Pablo.​—Mateo 22:39.

Ano Naman ang Tungkol sa May Pag-aatubiling Paglilingkuran?

Mangyari pa, hindi natin dapat hayaan ang pag-ibig sa sarili na maging mas matimbang kaysa sa pag-ibig sa Diyos at sa mga tao. Kung magkakagayon, may totoong panganib na makapag-ukol tayo ng bantulot at may pag-aatubiling paglilingkuran. Baka nga umusbong pa ang paghihinanakit sa atin, anupat mainis na hindi tayo makapamuhay ng ayon sa ninanais natin. Ito’y nangyari sa ilang Israelita na nawalan ng pag-ibig sa Diyos ngunit patuloy pa ring nag-ukol ng kaunting paglilingkuran sa kaniya dahil sa pagkadama na ito’y obligasyon nila. Ano ang resulta? Ang paglilingkuran sa Diyos ay naging isang “kapaguran” para sa kanila.​—Malakias 1:13.

Anumang handog na ibinibigay sa Diyos ay dapat na laging “malusog,” walang depekto, ang “pinakamainam” na makukuha. (Levitico 22:17-20; Exodo 23:19) Gayunman, sa halip na bigyan si Jehova ng pinakamainam mula sa kanilang mga hayupan, ang mga tao noong kapanahunan ni Malakias ay nagsimulang maghandog niyaong hindi talaga nila nais para sa kanilang sarili. Ano ang reaksiyon ni Jehova? Sinabi niya sa mga saserdote: “Kapag naghahandog kayo ng hayop na bulag upang ihain [inyong sinasabi]: ‘Hindi iyon masama.’ At kapag naghahandog kayo ng hayop na pilay o ng isang may sakit: ‘Hindi iyon masama.’ Ilapit mo iyon sa iyong gobernador, pakisuyo. Makasusumpong kaya siya ng kaluguran sa iyo, o tatanggapin ka kaya niya nang may kabaitan? . . . At nagdala kayo ng bagay na inagaw, at ng pilay, at ng may sakit; oo, dinala ninyo iyon bilang kaloob. Kaluluguran ko ba iyon sa inyong kamay?”​—Malakias 1:8, 13.

Paano ito maaaring mangyari sa sinuman sa atin? Ang ating mga handog ay maaaring maging “kapaguran” sa atin kung wala tayong puso at espiritu na totoong nagkukusa. (Exodo 35:5, 21, 22; Levitico 1:3; Awit 54:6; Hebreo 13:15, 16) Halimbawa, napupunta ba kay Jehova ang natitira lamang sa ating panahon?

Seryoso kayang pinag-iisipan ninuman kung magiging kaayaaya sa Diyos na pilitin ng isang miyembro ng pamilya na may mabuting kalooban o isang masigasig na Levita ang, sa paano mang paraan, isang di-nagkukusang Israelita na piliin ang pinakamainam na hayop nito bilang hain gayong hindi naman nito nais na ihandog yaon? (Isaias 29:13; Mateo 15:7, 8) Tinanggihan ni Jehova ang gayong mga hain at nang maglaon, pati ang mga tao na naghandog ng mga iyon.​—Oseas 4:6; Mateo 21:43.

Masiyahan sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos

Upang makapaghandog sa Diyos ng paglilingkod na tatanggapin niya, dapat nating sundin ang halimbawa ni Jesu-Kristo. “Hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban,” ang sabi niya, “kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 5:30) Nakasumpong si Jesus ng malaking kaligayahan sa kusang paglilingkod sa Diyos. Tinupad ni Jesus ang makahulang mga salita ni David: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko.”​—Awit 40:8.

Bagaman nasiyahan si Jesus na gawin ang kalooban ni Jehova, hindi ito laging madali. Isaalang-alang kung ano ang nangyari bago siya hinuli, nilitis, at pinatay. Samantalang nasa hardin ng Getsemani, si Jesus ay “lubhang napipighati” at ‘napasamatinding paghihirap.’ Gayon na lamang katindi ang emosyonal na kaigtingan anupat, habang siya’y nananalangin, “ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.”​—Mateo 26:38; Lucas 22:44.

Bakit dinanas ni Jesus ang gayong paghihirap? Tiyak na hindi dahilan sa makasariling interes o anumang pag-aatubiling gawin ang kalooban ng Diyos. Handa siyang mamatay, anupat mariin pa nga siyang tumutol sa mga salita ni Pedro na: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.” (Mateo 16:21-23) Ang nakabahala kay Jesus ay kung paanong ang kaniyang kamatayan bilang isang kinamumuhian na kriminal ay makaaapekto kay Jehova at sa Kaniyang banal na pangalan. Alam ni Jesus na ang kaniyang Ama ay lubhang masasaktan na makita ang kaniyang pinakamamahal na Anak na pinakikitunguhan sa gayong malupit na paraan.

Naunawaan din ni Jesus na siya’y papalapit sa isang mahalagang panahon sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova. Ang tapat na pagsunod sa mga batas ng Diyos ay magpapakita ng walang anumang alinlangan na maaari rin sanang pinili iyon ni Adan. Ilalantad ng katapatan ni Jesus na lubusang mali ang pag-aangkin ni Satanas na ang mga tao sa ilalim ng pagsubok ay hindi magkukusa at tapat na maglilingkuran sa Diyos. Sa pamamagitan ni Jesus, sukdulang dudurugin ni Jehova si Satanas at aalisin ang mga epekto ng paghihimagsik nito.​—Genesis 3:15.

Anong laking pananagutan ang nakaatang sa mga balikat ni Jesus! Ang pangalan ng kaniyang Ama, ang pansansinukob na kapayapaan, at ang kaligtasan ng sangkatauhan ay pawang nakadepende sa katapatan ni Jesus. Yamang alam niya ito, siya’y nanalangin: “Ama ko, kung maaari, palampasin mo sa akin ang kopang ito. Gayunman, hindi ayon sa kalooban ko, kundi ayon sa kalooban mo.” (Mateo 26:39) Maging sa ilalim ng pinakamatinding kaigtingan, hindi kailanman nabawasan ang pagkukusang-loob ni Jesus na magpasakop sa kalooban ng kaniyang Ama.

‘Ang Espiritu ay Sabik, Ngunit ang Laman ay Mahina’

Kung paanong nagdusa si Jesus ng matinding emosyonal na kaigtingan habang pinaglilingkuran niya si Jehova, maaasahan din natin na tayo, bilang mga lingkod ng Diyos, ay gigipitin ni Satanas. (Juan 15:20; 1 Pedro 5:8) Karagdagan pa, hindi tayo sakdal. Kaya kahit na kusa nating pinaglilingkuran ang Diyos, hindi magiging madali para sa atin na gawin iyon. Nakita ni Jesus kung paano nakipagpunyagi ang kaniyang mga apostol na gawin ang lahat ng bagay na kaniyang ipinag-utos sa kanila. Dahil dito, kaniyang nasabi: “Sabihin pa, ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.” (Mateo 26:41) Walang anumang minanang kahinaan ang nasa kaniyang sakdal na katawang tao. Gayunman, isinasaisip niya ang kahinaan sa laman ng kaniyang mga alagad, ang di-kasakdalan na kanilang namana mula sa di-sakdal na si Adan. Alam ni Jesus na dahil sa minanang di-kasakdalan at sa mga limitasyon na dulot nito, kailangan nilang makipagpunyagi upang magawa ang lahat ng kanilang nais gawin para sa paglilingkod kay Jehova.

Kaya, kung gayon, maaaring madama natin ang tulad ng nadama ni apostol Pablo, na lubhang nabahala nang ang di-kasakdalan ay nakahadlang sa kaniyang kakayahan na lubusang paglingkuran ang Diyos. “Ang kakayahang magnais ay narito sa akin,” ang isinulat ni Pablo, “ngunit ang kakayahang magsagawa ng kung ano ang mainam ay wala.” (Roma 7:18) Natutuklasan din natin na hindi natin kayang gawin nang lubusan ang lahat ng mabubuting bagay na nais nating gawin. (Roma 7:19) Hindi ito dahil sa anumang pag-aatubili sa ating bahagi. Ito ay dahil lamang sa ang kahinaan ng laman ay nakapipigil maging sa ating pinakamainam na mga pagsisikap.

Huwag tayong manlumo. Kung taos-puso ang ating pagiging handa na gawin ang lahat ng ating makakaya, tiyak na tatanggapin ng Diyos ang ating paglilingkuran. (2 Corinto 8:12) Nawa’y ‘gawin natin ang ating buong makakaya’ na tularan ang espiritu ni Kristo ng lubusang pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. (2 Timoteo 2:15; Filipos 2:5-7; 1 Pedro 4:1, 2) Pagpapalain at aalalayan ni Jehova ang gayong nagkukusang espiritu. Kaniyang bibigyan tayo ng “lakas na higit sa karaniwan” upang punuan ang ating mga kahinaan. (2 Corinto 4:7-10) Sa tulong ni Jehova tayo, tulad ni Pablo, ay ‘buong lugod na gugugol at lubusang magpapagugol’ sa mahalagang paglilingkuran sa Kaniya.

[Larawan sa pahina 21]

May pagkukusang-loob na pinaglingkuran ni Pablo ang Diyos sa pinakamainam na magagawa niya

[Larawan sa pahina 23]

Maging sa ilalim ng pinakamatinding kaigtingan, ginawa ni Jesus ang kalooban ng kaniyang Ama