Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Matututuhan Tayo Mula sa Unang Mag-asawa

May Matututuhan Tayo Mula sa Unang Mag-asawa

May Matututuhan Tayo Mula sa Unang Mag-asawa

SINURI ng Diyos ang planetang Lupa. Inihahanda niya ito upang panirahan ng tao. Nakita niya na ang lahat ng bagay na kaniyang ginawa ay mabuti. Sa katunayan, nang matapos ang gawaing ito, ipinahayag niya na iyon ay “napakabuti.” (Genesis 1:12, 18, 21, 25, 31) Gayunman, bago umabot sa ganap na konklusyon na iyan, may sinabi ang Diyos na isang bagay na “hindi mabuti.” Sabihin pa, wala namang di-sakdal na bagay na ginawa ang Diyos. Kaya lamang, ang kaniyang paglalang ay hindi pa kumpleto. “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa,” ang sabi ni Jehova. “Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.”​—Genesis 2:18.

Layunin ni Jehova na masiyahan ang lipunan ng tao sa buhay na walang hanggan na malusog, masaya, at masagana sa isang makalupang paraiso. Ang ama ng lahat ng sangkatauhan ay si Adan. Ang kaniyang asawang babae, si Eva, ay naging “ina ng lahat ng nabubuhay.” (Genesis 3:20) Bagaman ang lupa sa ngayon ay punung-puno ng kanilang bilyun-bilyong supling, malayung-malayo na sa kasakdalan ang mga tao.

Bantog na bantog ang kuwento nina Adan at Eva. Subalit ano ang praktikal na kapakinabangan nito para sa atin? Anong matututuhan natin mula sa mga karanasan ng unang mag-asawa?

“Nilalang Niya Sila na Lalaki at Babae”

Nang pinapangalanan ni Adan ang mga hayop, napansin niya na ang mga ito’y may mga asawa at siya’y wala nito. Kaya nang mapagmasdan niya ang magandang nilalang na kinuha ni Jehova mula sa kaniyang tadyang, siya’y nagalak. Sa pagkabatid na ang babae ay natatanging bahagi na nagmula sa kaniya, bumulalas si Adan: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Ito ay tatawaging Babae, sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.”​—Genesis 2:18-23.

Kailangan ng lalaki ang isang “kapupunan.” Ngayon ay mayroon nang isang nababagay para sa kaniya. Angkop na angkop si Eva para maging kapupunan ni Adan​—sa pangangalaga sa kanilang tahanang hardin at sa mga hayop, sa pagkakaroon ng mga anak, at sa pagpapasigla sa kakayahang pangkaisipan at pagbibigay ng suporta ng isang tunay na kasama.​—Genesis 1:26-30.

Ipinagkaloob ni Jehova ang lahat ng makatuwirang naisin ng mag-asawa. Sa pamamagitan ng pagdadala kay Eva sa kaniyang asawa at sa gayo’y pinagtibay ang kanilang pagsasama, itinatag ng Diyos ang mga institusyon ng pag-aasawa at ng pamilya na siyang magiging kaayusan ng lipunan. Sinasabi ng ulat ng Genesis: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” At nang pagpalain ni Jehova ang unang mag-asawa at sinabihan silang magpakarami, maliwanag na nilayon niya na isilang ang bawat bata sa isang pamilyang mapagmahal, na may ama at ina na mag-aaruga rito.​—Genesis 1:28; 2:24.

“Sa Larawan ng Diyos”

Si Adan ay sakdal na anak ng Diyos, nilikha ayon sa Kaniyang ‘larawan at wangis.’ Subalit yamang “ang Diyos ay Espiritu,” hindi sa pisikal na paraan ang pagkakahawig. (Genesis 1:26; Juan 4:24) Ang pagkakatulad ay nasa mga katangian na nagtataas sa tao mula sa mga hayop. Oo, sa simula pa’y naikintal na sa tao ang mga katangian ng pag-ibig, karunungan, kapangyarihan, at katarungan. Siya’y pinagkalooban ng malayang kalooban at espirituwal na kakayahan. Ang likas na kabatiran sa moralidad, o budhi, ay nagpapangyari sa kaniya na makilala ang tama at mali. May intelektuwal na kakayahan ang tao, kung kaya magagawa niyang bulay-bulayin ang dahilan ng pag-iral ng mga tao, magtipon ng kaalaman tungkol sa kaniyang Maylalang, at linangin ang malapit na kaugnayan sa Isang iyon. Palibhasa’y nasangkapan ng mga ito, taglay ni Adan ang lahat ng kailangan niya upang matupad ang kaniyang pananagutan bilang tagapamahala sa mga gawa ng Diyos sa lupa.

Nagkasala si Eva

Walang alinlangan, agad na ipinagbigay-alam ni Adan kay Eva ang isang bagay na ipinagbabawal ni Jehova: Maaari nilang kainin ang bunga ng lahat ng mga punungkahoy na nasa kanilang tahanang hardin maliban sa isa​—ang punungkahoy ng pagkakakilanlan ng mabuti at masama. Hindi nila dapat kainin iyon. Kung kakainin nila iyon, sa araw na iyon ay mamamatay sila.​—Genesis 2:16, 17.

Hindi nagtagal, isang usapin ang bumangon may kinalaman sa ipinagbawal na bunga. Si Eva ay nilapitan ng isang serpiyente, na ginamit bilang tagapagsalita ng isang di-nakikitang espiritu. Waring walang kamuwang-muwang na nagtanong ang serpiyente: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Sinabi ni Eva na pinahintulutan silang kumain ng bunga ng lahat ng punungkahoy maliban sa isa. Subalit sinalungat ng serpiyente ang Diyos, sa pagsasabi sa babae: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Naging iba na ang tingin ng babae sa ipinagbabawal na punungkahoy. “Ang punungkahoy ay mabuting kainin at . . . kapana-panabik sa mga mata.” Dahil sa lubusang nalinlang, nilabag ni Eva ang utos ng Diyos.​—Genesis 3:1-6; 1 Timoteo 2:14.

Ang kasalanan ba ni Eva ay isang bagay na hindi maiiwasan? Hinding-hindi! Ilagay mo ang iyong sarili sa kalagayan niya. Ang pag-aangkin ng serpiyente ay lubusang taliwas sa sinabi ng Diyos kay Adan. Ano ang madarama mo kung pinaratangan ng isang di-kilalang tao na manlilinlang ang isang tao na iyong minamahal at pinagtitiwalaan? Iba sana ang dapat na naging tugon ni Eva, anupat nagpakita siya ng pagkayamot at galit, hanggang sa tanggihan pa nga niya itong pakinggan. Tutal, sino nga ba ang serpiyenteng ito upang kuwestiyunin ang pagiging matuwid ng Diyos at ang sinabi ng kaniyang asawa? Bilang paggalang sa simulain ng pagkaulo, dapat na humingi sana ng payo si Eva bago gumawa ng anumang pasiya. Gayundin ang dapat nating gawin kung sakali mang may impormasyon na mapaharap sa atin na laban sa bigay-Diyos na mga utos. Subalit, pinagtiwalaan ni Eva ang sinabi ng Manunukso, at naghangad na siya ang magpasiya sa sarili niya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Habang pinag-iisipan niyang mabuti ang ideya, lalo naman itong nagiging kaakit-akit para sa kaniya. Anong laking pagkakamali ang ginawa niya nang pag-isipan niya ang maling pagnanasa, sa halip na alisin ito sa kaniyang isipan o ipakipag-usap ito sa ulo ng kaniyang pamilya!​—1 Corinto 11:3; Santiago 1:14, 15.

Nakinig si Adan sa Tinig ng Kaniyang Asawa

Hindi nagtagal at naakit ni Eva na makisali si Adan sa kaniyang pagkakasala. Paano natin ipaliliwanag ang walang katatagang pagsang-ayon niya? (Genesis 3:6, 17) Nagdalawang-isip si Adan sa pagpapakitaan ng katapatan. Susundin ba niya ang kaniyang Maylalang, na siyang nagbigay sa kaniya ng lahat, pati na ang kaniyang pinakamamahal na kabiyak, si Eva? Susundin ba ni Adan ang tagubilin ng Diyos sa gagawin niya ngayon? O makikisama na lamang ang lalaki sa ginawa ng kaniyang asawa? Alam na alam ni Adan na nakalilinlang ang hinahangad na matamo ng babae sa pamamagitan ng pagkain ng ipinagbabawal na bunga. Si apostol Pablo ay kinasihang sumulat: “Si Adan ay hindi nalinlang, kundi ang babae ang lubusang nalinlang at nahulog sa pagsalansang.” (1 Timoteo 2:14) Kaya kusang pinili ni Adan na sumuway kay Jehova. Ang pagkatakot niya na mapahiwalay sa kaniyang asawa ay mas matindi kaysa sa kaniyang pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na lutasin ang situwasyon.

Ang ginawa ni Adan ay isang pagpapatiwakal. Nangangahulugan din iyon ng pagpatay sa lahat ng may kaawaang pinahintulutan ni Jehova na maging supling niya, yamang lahat ng mga anak niya ay isinilang sa kasalanan na hinatulan ng kamatayan. (Roma 5:12) Anong laking kabayaran ng mapag-imbot na pagsuway!

Ang mga Kinahinatnan ng Kasalanan

Ang kagyat na epekto ng kasalanan ay kahihiyan. Sa halip na may kasiyahang tumakbo upang makipag-usap kay Jehova, nagtago ang mag-asawa. (Genesis 3:8) Nawasak ang kanilang pakikipagkaibigan sa Diyos. Nang sila’y tanungin kung ano ang kanilang ginawa, hindi sila nagpakita ng pagsisisi, bagaman alam nilang dalawa na kanilang nilabag ang utos ng Diyos. Dahil sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga, tinanggihan nila ang kabutihan ng Diyos.

Bunga nito, ipinabatid ng Diyos na ang matinding kirot ay kaakibat ng pagdadalang-tao. Magkakaroon ng paghahangad si Eva sa kaniyang asawa, at siya’y pamumunuan ng lalaki. Sa gayon, kabaligtaran mismo ang ibinunga ng pagtatangka niyang magsarili. Si Adan ngayon ay kakain ng bunga ng lupa na may kirot. Sa halip na masapatan ang kaniyang gutom nang hindi nagpapakahirap sa Eden, kailangan niyang magpagal upang makahanap ng ikabubuhay hanggang sa siya’y magbalik sa alabok kung saan siya ginawa.​—Genesis 3:16-19.

Sa wakas, pinalayas sina Adan at Eva mula sa hardin ng Eden. Sinabi ni Jehova: “Narito, ang tao ay naging tulad ng isa sa atin na nakakakilala ng mabuti at masama, at ngayon upang hindi niya iunat ang kaniyang kamay at talagang kumuha rin ng bunga mula sa punungkahoy ng buhay at kumain at mabuhay hanggang sa panahong walang takda . . .” “Nagtapos ang pangungusap nang bitin,” ang sabi ng iskolar na si Gordon Wenham, at tayo na ang magdurugtong sa iba pang iniisip ng Diyos​—malamang ay, “palalayasin ko siya sa hardin.” Karaniwan nang iniuulat ng isang manunulat sa Bibliya ang kumpletong kaisipan ng Diyos. Subalit dito, ang pagpapatuloy ni Wenham, “ang hindi pagbanggit sa konklusyon ay nangangahulugan ng mabilis na pagkilos ng Diyos. Bago pa man niya natapos ang kaniyang sinasabi ay pinalayas na sila sa hardin.” (Genesis 3:22, 23) Dahil diyan, ang lahat ng pakikipagtalastasan sa pagitan ni Jehova at ng unang mag-asawa ay waring naglaho na.

Sina Adan at Eva ay hindi namatay sa pisikal na paraan sa araw ring iyon na 24 na oras. Gayunman, sila’y namatay sa espirituwal na diwa. Palibhasa’y hindi na mababago ang kalagayan ng pagiging hiwalay mula sa Pinagmumulan ng buhay, unti-unti silang namatay. Gunigunihin kung gaano kasaklap ang una nilang karanasan may kaugnayan sa kamatayan nang ang kanilang ikalawang anak na lalaki, si Abel, ay paslangin ni Cain, ang kanilang panganay na anak!​—Genesis 4:1-16.

Pagkatapos niyan, halos kakaunti na ang nalaman tungkol sa unang mag-asawa. Ang kanilang ikatlong anak na lalaki, si Set, ay isinilang nang 130 na ang edad ni Adan. Namatay si Adan makalipas ang 800 taon, sa edad na 930, pagkatapos na magkaanak ng “mga lalaki at mga babae.”​—Genesis 4:25; 5:3-5.

Isang Aral Para sa Atin

Bukod pa sa pagsisiwalat ng sanhi ng masamang kalagayan ng lipunan ng tao sa ngayon, may itinuturong mahalagang aral sa atin ang ulat ng unang mag-asawa. Ang anumang pagtatangka na humiwalay sa Diyos na Jehova ay lubhang kamangmangan. Yaong totoong marurunong ay nananampalataya kay Jehova at sa kaniyang Salita, hindi sa sarili nilang kaalaman na pakiwari nila’y kumpleto na. Si Jehova ang nagpapasiya kung ano ang mabuti at masama, at ang pinakadiwa ng paggawa ng mabuti ay ang pagsunod sa kaniya. Ang paggawa ng kamalian ay nangangahulugan ng paglabag sa kaniyang mga utos at pagwawalang-bahala sa kaniyang mga simulain.

Inialok ng Diyos at iniaalok pa rin ang lahat ng bagay na maaaring naisin ng sangkatauhan​—buhay na walang hanggan, kalayaan, kasiyahan, kaligayahan, kalusugan, kapayapaan, kasaganaan, at pagtuklas ng mga bagong bagay. Gayunman, upang matamasa natin ang lahat ng ito, kailangang kilanlin na tayo’y umaasa sa ating makalangit na Ama, si Jehova.​—Eclesiastes 3:10-13; Isaias 55:6-13.

[Kahon/Larawan sa pahina 26]

Sina Adan at Eva​—Alamat Lamang?

Ang paniniwala hinggil sa orihinal na paraiso na naiwala dahil sa kasalanan ay laganap sa mga sinaunang taga-Babilonya, Asiryano, Ehipsiyo, at iba pa. Pangkaraniwan sa maraming ulat ang tungkol sa bunga ng isang punungkahoy na magbibigay ng buhay na walang hanggan sa mga makakakain nito. Kaya naaalaala ng sangkatauhan ang isang kalunus-lunos na bagay na nangyari noon sa Eden.

Sa ngayon, itinuturing ng marami na isang alamat lamang ang ulat ng Bibliya tungkol kina Adan at Eva. Subalit kinikilala ng karamihan sa mga siyentipiko na ang lahi ng tao ay isang pamilya na may iisang pinagmulan. Imposible para sa maraming teologo na ipagkaila na naipamana sa sangkatauhan ang mga epekto ng orihinal na kasalanan na ginawa ng isang ninuno ng lahat. Mapipilitan silang sabihin na ginawa ng ilang ninuno ang orihinal na kasalanan kung paniniwalaan na may iba pang pinagmulan ang tao. Ito naman ang magtutulak sa kanila na itangging si Kristo, “ang huling Adan,” ang tumubos sa sangkatauhan. Subalit hindi napaharap sa ganiyang problema si Jesus at ang kaniyang mga alagad. Kinikilala nilang totoo ang ulat ng Genesis.​—1 Corinto 15:22, 45; Genesis 1:27; 2:24; Mateo 19:4, 5; Roma 5:12-​19.