Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Nagagawa Bang Mabuti ang Pananalangin?

May Nagagawa Bang Mabuti ang Pananalangin?

May Nagagawa Bang Mabuti ang Pananalangin?

SA PANA-PANAHON, halos lahat ay nakadarama ng pangangailangang manalangin. Sa katunayan, ang mga tao mula sa halos iba’t ibang relihiyosong grupo ay marubdob na nananalangin. Halimbawa, libu-libong beses sa isang araw, maaaring ulitin ng isang Budista ang panalanging “Nanampalataya ako kay Amida Buddha.”

Dahil sa mga suliraning patuloy na umiiral sa daigdig, makatuwiran na itanong: Ano ang inaasahang matatamo ng mga tao sa pananalangin? May nagagawa bang mabuti ang lahat ng mga panalanging ito?

Bakit Nananalangin ang mga Tao?

Maraming taga-Silangan ang nananalangin sa kanilang mga ninuno at sa mga diyos ng Shinto o Tao. Ginagawa nila ito sa pag-asang makapasa sa mga pagsusulit sa paaralan, makapag-ani ng magagandang pananim, o makaiwas sa mga sakit. Sa pamamagitan ng kanilang mga pagsisikap, umaasa ang mga Budista na makapagtamo ng kaliwanagan. Taimtim na nananalangin ang mga Hindu sa kanilang paboritong mga diyos at mga diyosa para sa kaalaman, kayamanan, at proteksiyon.

Umaasa ang ilang Katoliko na makatutulong sila sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pag-uukol nila ng kanilang buhay bilang mga monghe o madre sa mga nakabukod na monasteryo o kumbento, na nananalangin nang patuluyan. Milyun-milyong Katoliko ang humihingi ng tulong kay Maria sa pamamagitan ng pagsambit ng mga sauladong panalangin at marahil ay ginagamitan ng mga butil ng rosaryo. Sa mga lupain sa Silangan, marami ang gumagamit ng mga prayer wheel. Inuulit ng mga Protestante ang mga salita sa Panalangin ng Panginoon, bagaman maaari rin naman nilang ihayag nang bukal sa loob ang kanilang nadarama sa Diyos. Naglalakbay sa malalayong distansiya ang maraming Judio upang manalangin sa Kanluraning Pader sa Jerusalem, anupat umaasa sa pagsasauli ng templo at sa isang bagong kapanahunan ng kasaganaan at kapayapaan.

Bagaman milyun-milyon ang nagsisikap na manalangin, ang lipunan ng tao ay higit at higit na sinasalot ng mga suliranin sa kahirapan, pagkasugapa sa droga, watak-watak na mga pamilya, krimen, at digmaan. Ito kaya’y dahil sa ang lahat ng mga taong ito ay hindi nananalangin sa tamang paraan? Hinggil sa bagay na iyan, mayroon ba talagang nakikinig sa mga panalangin?

May Nakikinig ba sa mga Panalangin?

Wala talagang anumang mabuting nagagawa ang mga panalangin malibang may makikinig sa mga ito. Kapag nananalangin ang isang tao, maliwanag na naniniwala siya na may isa na nakikinig sa daigdig ng di-nakikitang espiritu. Gayunman, ang mga panalangin ay hindi ipinaaabot sa pamamagitan ng mga sound wave lamang. Maraming tao ang naniniwala na maaari pa ngang may makabasa sa mga pag-iisip ng isang taong nananalangin. Sino kaya iyon?

Kung paano nagmumula ang mga kaisipan sa bilyun-bilyong neuron na bumubuo sa cerebral cortex ng ating utak ay pangunahin nang isang palaisipan sa mga mananaliksik. Kung gayon, makatuwiran na ang Isa na nagdisenyo ng utak ay makababasa sa gayong mga kaisipan. Iyan ay wala nang iba kundi ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. (Awit 83:18; Apocalipsis 4:11) Dapat na ipatungkol sa kaniya ang mga panalangin. Ngunit nagbibigay-pansin ba si Jehova sa lahat ng gayong panalangin?

Pinakikinggan ba ang Lahat ng Panalangin?

Si Haring David ng sinaunang Israel ay isang taong laging nananalangin. Bilang isang salmistang kinasihan ng Diyos, inawit niya: “O Dumirinig ng panalangin, sa iyo nga ay paroroon ang mga tao mula sa lahat ng laman.” (Awit 65:2) Kaya ni Jehova na maunawaan ang mga panalanging sinambit sa alinman sa mga libu-libong wika na sinasalita ng sangkatauhan. Ang katotohanan na walang pag-iisip ng tao ang may kakayahang makatugon sa napakaraming impormasyon ay hindi nangangahulugang hindi kaya ng Diyos na magbigay-pansin sa lahat ng mga nananalangin sa kaniya sa isang kaayaayang paraan.

Gayunman, si Jesu-Kristo​—isa ring taong laging nananalangin​—ay nagsiwalat na hindi lahat ng panalangin ay nakalulugod sa Diyos. Pansinin kung ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa kilalang paraan noon ng pag-uulit ng sauladong mga panalangin. Ayon sa Katolikong Jerusalem Bible, sinabi niya: “Sa inyong mga panalangin ay huwag kayong magngangawa na gaya ng ginagawa ng mga pagano, sapagkat iniisip nila na sa paggamit ng maraming salita ay diringgin sila.” (Mateo 6:7) Hindi natin maaasahang diringgin ni Jehova ang mga panalangin na hindi nagpapahayag ng ating tunay na damdamin.

Sa pagpapahiwatig kung bakit ang ilang panalangin ay hindi nakalulugod sa Diyos, sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Siyang naglalayo ng kaniyang tainga sa pakikinig sa kautusan​—maging ang kaniyang panalangin ay karima-rimarim.” (Kawikaan 28:9) Sinasabi ng isa pang kawikaan: “Si Jehova ay malayo sa mga balakyot, ngunit ang panalangin ng mga matuwid ay dinirinig niya.” (Kawikaan 15:29) Noong panahon na nagkasala nang mabigat ang mga pinuno ng sinaunang Juda, ipinahayag ni Jehova: “Kapag iniuunat ninyo ang inyong mga palad, ikinukubli ko ang aking mga mata mula sa inyo. Kahit nananalangin kayo ng marami, hindi ako nakikinig; ang inyo mismong mga kamay ay napuno ng pagbububo ng dugo.”​—Isaias 1:1, 15.

May binanggit si apostol Pedro na iba pang bagay na maaaring magpangyari na maging di-kaayaaya ang mga panalangin sa Diyos. Sumulat si Pedro: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama [ng inyong mga asawang babae] sa katulad na paraan alinsunod sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae, yamang kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na pabor ng buhay, upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan.” (1 Pedro 3:7) Ang mga panalangin ng taong nagwalang-bahala sa gayong payo ay maaaring hindi man lamang marinig sa labas ng kaniyang kuwarto!

Maliwanag, na may ilang kahilingan na dapat maabot upang mapakinggan ang mga panalangin. Gayunman, maraming nananalangin ang hindi gaanong nababahala sa paggawa ng kung ano ang hinihiling ng Diyos sa atin. Iyan ang dahilan kung bakit hindi nagkakaroon ng isang mas mabuting daigdig sa kabila ng napakaraming nananalangin nang marubdob.

Kung gayon, ano ang hinihiling ng Diyos upang mapakinggan ang ating panalangin? Ang sagot ay nasa mismong dahilan ng ating pananalangin. Sa katunayan, kung gusto nating malaman kung may nagagawang mabuti ang mga panalangin, dapat nating maunawaan ang layunin ng mga ito. Bakit ginawang posible ni Jehova na makipag-usap tayo sa kaniya?

[Picture Credit Line sa pahina 3]

G.P.O., Jerusalem