Sino ang mga Ministro ng Diyos sa Ngayon?
Sino ang mga Ministro ng Diyos sa Ngayon?
“Ang aming pagiging lubusang kuwalipikado ay nanggagaling sa Diyos, na nagpangyari nga na maging lubusan kaming kuwalipikado upang maging mga ministro ng isang bagong tipan.”—2 CORINTO 3:5, 6.
1, 2. Sa anong pananagutan nakibahagi ang lahat ng unang siglong mga Kristiyano, ngunit paano nagbago ang mga bagay-bagay?
NOONG unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, ang lahat ng Kristiyano ay nagkaroon ng bahagi sa isang mahalagang pananagutan—ang tungkulin na ipangaral ang mabuting balita. Silang lahat ay pinahiran at mga ministro ng bagong tipan. Ang ilan ay may karagdagang mga pananagutan, gaya ng pagtuturo sa kongregasyon. (1 Corinto 12:27-29; Efeso 4:11) Ang mga magulang ay may mabibigat na pananagutan sa loob ng pamilya. (Colosas 3:18-21) Ngunit ang lahat ay nakikibahagi sa pangunahin at mahalagang gawain ng pangangaral. Sa orihinal na Griego ng Kristiyanong Kasulatan, ang pananagutang ito ay isang di·a·ko·niʹa—isang paglilingkod, o ministeryo.—Colosas 4:17.
2 Sa paglipas ng panahon, nagbago ang mga bagay-bagay. Nagkaroon ng isang grupo, na nakilala bilang ang klero, na nagtalaga para sa kanilang sarili ng pribilehiyo ng pangangaral. (Gawa 20:30) Ang klero ay isang maliit na grupo ng mga tumatawag sa kanilang sarili na Kristiyano. Ang karamihan naman ay nakilala bilang ang lego. Bagaman itinuro sa lego na mayroon silang ilang obligasyon, kabilang na ang pag-aabuloy para sa pagsusustini ng klero,ang karamihan ay naging sunud-sunurang mga tagapakinig lamang kung tungkol sa pangangaral.
3, 4. (a) Paano nagiging mga ministro ang mga indibiduwal sa Sangkakristiyanuhan? (b) Sino ang itinuturing na ministro sa Sangkakristiyanuhan, at bakit naiiba ang kalagayan sa mga Saksi ni Jehova?
3 Inaangkin ng klero na sila ay mga ministro * Upang maging mga ministro, nagtatapos sila sa mga kolehiyo o seminaryo at inordenan. Sinabi ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Ang ‘orden’ at ‘ordinasyon’ ay karaniwan nang tumutukoy sa pantanging katayuan na ipinagkakaloob sa mga ministro o mga pari sa pamamagitan ng opisyal na pinagtibay na mga ritwal, na may kasamang pagdiriin sa awtoridad na ihayag ang Salita o magsagawa ng mga sakramento, o kapuwa isagawa ito.” Sino ang nag-oorden sa mga ministro? Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Sa mga simbahan na nagpanatili sa makasaysayang episkopado, laging isang obispo ang ministrong nag-oorden. Sa mga simbahang Presbiteryano, ang ordinasyon ay ipinagkakaloob ng mga ministro ng presbitero.”
(mula sa minister, isang salin sa Latin ng di·aʹko·nos, “lingkod”).4 Kaya naman, sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, ang pribilehiyo ng pagiging isang ministro ay lubhang nalimitahan. Subalit, hindi gayon sa mga Saksi ni Jehova. Bakit hindi? Sapagkat hindi gayon ang paraan sa unang siglong kongregasyong Kristiyano.
Sino Talaga ang mga Ministro ng Diyos?
5. Ayon sa Bibliya, sino ang kabilang sa mga naglilingkod bilang mga ministro?
5 Ayon sa Bibliya, lahat ng mananamba ni Jehova—na makalangit at makalupa—ay mga ministro. Ang mga anghel ay naglingkod kay Jesus. (Mateo 4:11; 26:53; Lucas 22:43) Ang mga anghel din ay ‘naglilingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan.’ (Hebreo 1:14; Mateo 18:10) Si Jesus ay isang ministro. Sinabi niya: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.” (Mateo 20:28; Roma 15:8) Kung gayon, yamang ang mga tagasunod ni Jesus ay ‘maingat na susunod sa kaniyang mga yapak,’ hindi kataka-taka na sila rin naman ay mga ministro.—1 Pedro 2:21.
6. Paano ipinakita ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay dapat na maging mga ministro?
6 Nang malapit na siyang umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ang mga alagad ni Jesus ay magiging mga manggagawa ng alagad—mga ministro. Ang mga bagong alagad na ginawa nila ay matututong sumunod sa lahat ng mga bagay na iniutos ni Jesus, kabilang na ang utos na humayo at gumawa ng mga alagad. Lalaki o babae, matanda o bata, ang isang tunay na alagad ni Jesu-Kristo ay magiging isang ministro.—Joel 2:28, 29.
7, 8. (a) Anong mga kasulatan ang nagpapakita na lahat ng tunay na Kristiyano ay mga ministro? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon hinggil sa ordinasyon?
7 Kasuwato nito, noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ang lahat ng alagad ni Jesus na naroroon, mga lalaki at mga babae, ay nakibahagi sa paghahayag ng “mariringal na bagay ng Diyos.” (Gawa 2:1-11) Karagdagan pa, si apostol Pablo ay sumulat: “Sa pamamagitan ng puso ang isa ay nananampalataya ukol sa katuwiran, ngunit sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Ipinatungkol ni Pablo ang salitang iyon, hindi sa isang limitadong uring klero, kundi “sa lahat ng mga nasa Roma bilang mga minamahal ng Diyos.” (Roma 1:1, 7) Sa katulad na paraan, lahat ng “mga banal na nasa Efeso at mga tapat na kaisa ni Kristo Jesus” ay kailangang ‘magsuot sa [kanilang] mga paa ng kasangkapan ng mabuting balita ng kapayapaan.’ (Efeso 1:1; 6:15) At lahat ng mga nakarinig sa liham para sa mga Hebreo ay dapat na ‘manghahawakang mahigpit sa pangmadlang pagpapahayag ng kanilang pag-asa nang walang pag-uurong-sulong.’—Hebreo 10:23.
8 Ngunit, kailan nagiging ministro ang isang tao?
Sa ibang pananalita kailan siya ioorden? At sino ang mag-oorden sa kaniya?Ordinasyon Bilang Isang Ministro—Kailan?
9. Kailan inorden si Jesus, at sino ang nag-orden?
9 Hinggil sa kung kailan at sino ang mag-oorden sa isang tao, isaalang-alang ang halimbawa ni Jesu-Kristo. Wala siyang sertipiko ng ordinasyon o titulo mula sa isang seminaryo upang patunayan na siya ay isang ministro, at hindi siya inorden ng sinumang tao. Kung gayon, bakit natin masasabi na siya ay naging isang ministro? Sapagkat natupad sa kaniya ang kinasihang mga salita ni Isaias: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat kaniyang pinahiran ako upang magpahayag ng mabuting balita.” (Lucas 4:17-19; Isaias 61:1) Ang mga salitang iyon ay nagbibigay ng katiyakan na si Jesus ay inatasang magpahayag ng mabuting balita. Sino ang nag-atas? Yamang pinahiran siya ng espiritu ni Jehova para sa gawain, maliwanag na ang Diyos na Jehova ang nag-orden kay Jesus. Kailan ito naganap? Ang espiritu ni Jehova ay lumukob nga kay Jesus noong mabautismuhan siya. (Lucas 3:21, 22) Samakatuwid, siya ay inorden noong panahon ng kaniyang bautismo.
10. Sa pamamagitan nino nagiging “lubusang kuwalipikado” ang isang ministrong Kristiyano?
10 Kumusta naman ang unang siglong mga tagasunod ni Jesus? Ang kanilang katayuan bilang mga ministro ay nanggaling din kay Jehova. Sinabi ni Pablo: “Ang aming pagiging lubusang kuwalipikado ay nanggagaling sa Diyos, na nagpangyari nga na maging lubusan kaming kuwalipikado upang maging mga ministro ng isang bagong tipan.” (2 Corinto 3:5, 6) Paano ginagawang kuwalipikado ni Jehova ang kaniyang mga mananamba na maging mga ministro? Isaalang-alang ang halimbawa ni Timoteo, na tinawag ni Pablo na “ministro ng Diyos sa mabuting balita tungkol sa Kristo.”—1 Tesalonica 3:2.
11, 12. Paano gumawa ng pagsulong si Timoteo tungo sa pagiging isang ministro?
11 Ang sumusunod na mga salitang para kay Timoteo ay tumutulong sa atin na maunawaan kung paano siya naging isang ministro: “Gayunman, magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan, yamang nakikilala mo kung kaninong mga tao natutuhan mo ang mga ito at na mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Timoteo 3:14, 15) Ang saligan ng pananampalataya ni Timoteo, na nagpakilos sa kaniya upang gumawa ng pangmadlang pagpapahayag, ay ang kaalaman sa Kasulatan. Ang personal ba na pagbabasa lamang ang tanging kailangan para rito? Hindi. Kinailangan ni Timoteo ang tulong upang magtamo ng tumpak na kaalaman at espirituwal na unawa sa mga nabasa niya. (Colosas 1:9) Kaya si Timoteo ay ‘nahikayat na sumampalataya.’ Yamang alam na niya ang Kasulatan “mula pagkasanggol,” malamang na ang una niyang mga tagapagturo ay ang kaniyang ina at lola, sapagkat maliwanag na ang kaniyang ama ay hindi isang mananampalataya.—2 Timoteo 1:5.
12 Gayunman, higit pa ang nasasangkot sa pagiging isang ministro ni Timoteo. Una sa lahat, ang kaniyang pananampalataya ay napatibay sa pamamagitan ng pakikipagsamahan sa mga Kristiyano sa kalapit na mga kongregasyon. Paano natin nalalaman iyan? Sapagkat noong unang makita ni Pablo si Timoteo, ang kabataang lalaking ito ay “may mabuting ulat mula sa mga kapatid sa Listra at Iconio.” (Gawa 16:2) Isa pa, nang mga panahong iyon, ang ilang kapatid na lalaki ay lumiham sa mga kongregasyon upang palakasin sila. At dinalaw sila ng mga tagapangasiwa upang patibayin sila. Ang gayong mga paglalaan ay tumulong sa mga Kristiyanong tulad ni Timoteo na sumulong sa espirituwal.—Gawa 15:22-32; 1 Pedro 1:1.
13. Kailan inorden si Timoteo bilang isang ministro, at bakit mo masasabi na ang kaniyang espirituwal na pagsulong ay hindi nagtapos doon?
13 Dahil sa utos ni Jesus na nakaulat sa Mateo 28:19, 20, makatitiyak tayo na dumating ang panahon na napakilos si Timoteo ng kaniyang pananampalataya na tularan si Jesus at magpabautismo. (Mateo 3:15-17; Hebreo 10:5-9) Ito’y sagisag ng buong kaluluwang pag-aalay ni Timoteo sa Diyos. Sa panahon ng kaniyang bautismo, si Timoteo ay naging isang ministro. Magmula noon, ang kaniyang buhay, ang kaniyang lakas, at ang lahat ng kaniyang tinataglay ay pag-aari na ng Diyos. Ito ay isang mahalagang bahagi ng kaniyang pagsamba, “isang sagradong paglilingkod.” Gayunman, hindi nasiyahan si Timoteo sa basta pagtataglay lamang ng karangalan bilang isang ministro. Nagpatuloy siyang sumulong sa espirituwal, anupat naging isang maygulang na ministrong Kristiyano. Nangyari ito dahil sa malapit na pakikipagsamahan ni Timoteo sa maygulang na mga Kristiyano na tulad ni Pablo, sa kaniyang personal na pag-aaral, at sa kaniyang masigasig na gawaing pangangaral.—1 Timoteo 4:14; 2 Timoteo 2:2; Hebreo 6:1.
14. Sa ngayon, paano gumagawa ng pagsulong ang isa na “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” tungo sa pagiging isang ministro?
14 Sa ngayon, gayon din ang ordinasyon para sa ministeryong Kristiyano. Ang isa na “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” ay tinutulungan na matuto hinggil sa Diyos at sa kaniyang mga layunin sa pamamagitan ng pag-aaral sa Bibliya. (Gawa 13:48) Ang indibiduwal ay natututong magkapit ng mga simulain ng Bibliya sa kaniyang buhay at manalangin nang may kabuluhan sa Diyos. (Awit 1:1-3; Kawikaan 2:1-9; 1 Tesalonica 5:17, 18) Siya ay nakikisama sa ibang mga mananampalataya at sinasamantala niya ang mga paglalaan at mga kaayusan na ginawa ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47; Kawikaan 13:20; Hebreo 10:23-25) Sa gayon ay sumusulong siya dahil sa isang organisadong proseso ng edukasyon.
15. Ano ang nangyayari kapag ang isang tao ay nabautismuhan? (Tingnan din ang talababa.)
15 Sa kalaunan, ang estudyante ng Bibliya, palibhasa’y nagkaroon ng pag-ibig sa Diyos na Jehova at matibay na pananampalataya sa haing pantubos, ay nagnanais na lubusang ialay ang kaniyang sarili sa kaniyang makalangit na Ama. (Juan 14:1) Gagawin niya ang pag-aalay na iyan sa personal na panalangin at pagkatapos ay magpapabautismo bilang pangmadlang sagisag ng pansariling pag-aalay na iyon. Ang kaniyang bautismo ay ang seremonya ng kaniyang ordinasyon sapagkat iyon ang panahon na siya ay kikilalanin bilang isang lubusang naaalay na lingkod, isang di·aʹko·nos, ng Diyos. Dapat siyang manatiling hiwalay sa sanlibutan. (Juan 17:16; Santiago 4:4) Iniharap na niya ang kaniyang buong sarili na “isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos” nang walang pasubali o kondisyon. (Roma 12:1) * Siya ay ministro ng Diyos, na tinutularan si Kristo.
Ano ba ang Ministeryong Kristiyano?
16. Ano ang ilan sa mga pananagutan ni Timoteo bilang isang ministro?
16 Ano ang kalakip sa ministeryo ni Timoteo? Mayroon siyang pantanging mga tungkulin bilang kasamahan ni Pablo sa paglalakbay. At nang siya’y maging isang matanda, nagpagal si Timoteo sa pagtuturo at pagpapatibay sa mga kapuwa Kristiyano. Ngunit ang pangunahing bahagi ng kaniyang ministeryo, gaya sa kaso nina Jesus at Pablo, ay ang pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng mga alagad. (Mateo 4:23; 1 Corinto 3:5) Sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Ikaw naman, panatilihin mo ang iyong katinuan sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng kasamaan, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.”—2 Timoteo 4:5.
17, 18. (a) Sa anong ministeryo nakikibahagi ang mga Kristiyano? (b) Gaano kahalaga ang gawaing pangangaral sa isang ministrong Kristiyano?
17 Ito’y katulad din sa mga ministrong Kristiyano sa ngayon. Nakikibahagi sila sa pangmadlang ministeryo, isang gawaing pag-eebanghelyo, anupat inakay ang iba tungo sa kaligtasan salig sa hain ni Jesus at tinuturuan ang mga maaamo na tumawag sa pangalan ni Jehova. (Gawa 2:21; 4:10-12; Roma 10:13) Pinatutunayan nila mula sa Bibliya na ang Kaharian ang tanging pag-asa para sa nagdurusang sangkatauhan at ipinakikita na maging sa ngayon ay mas bubuti ang mga bagay-bagay kung mamumuhay tayo alinsunod sa makadiyos na mga simulain. (Awit 15:1-5; Marcos 13:10) Ngunit ang isang ministrong Kristiyano ay hindi nangangaral ng ebanghelyong panlipunan (pagkakapit ng mga simulaing Kristiyano sa mga suliraning panlipunan). Sa halip, itinuturo niya na ‘ang makadiyos na debosyon ang may hawak sa pangako sa buhay ngayon at yaong sa darating.’—1 Timoteo 4:8.
18 Totoo, karamihan sa mga ministro ay may iba pang mga paraan upang maglingkod, na maaaring iba-iba sa bawat Kristiyano. Marami ang may mga pananagutan sa pamilya. (Efeso 5:21–6:4) Ang matatanda at ministeryal na mga lingkod ay may mga tungkulin sa kongregasyon. (1 Timoteo 3:1, 12, 13; Tito 1:5; Hebreo 13:7) Maraming Kristiyano ang tumutulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Ang ilan ay nagtataglay ng kamangha-manghang pribilehiyo ng pagtatrabaho bilang mga boluntaryo sa isa sa mga tahanang Bethel ng Samahang Watch Tower. Gayunman, lahat ng mga ministrong Kristiyano ay nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. Walang hindi kasali. Ang pakikibahagi sa gawaing ito ang nagpapakilala sa madla na ang isa ay tunay na ministrong Kristiyano.
Ang Saloobin ng Isang Ministrong Kristiyano
19, 20. Anong saloobin ang dapat linangin ng mga ministrong Kristiyano?
19 Karamihan sa mga ministro ng Sangkakristiyanuhan ay umaasang mabigyan ng pantanging paggalang, at gumagamit sila ng mga titulo gaya ng “reberendo” at “padre.” Gayunman, batid ng isang ministrong Kristiyano na tanging si Jehova ang karapat-dapat sa pagpipitagan. (1 Timoteo 2:9, 10) Walang ministrong Kristiyano ang umaangkin sa gayong mataas na paggalang o naghahangad ng pantanging mga titulo. (Mateo 23:8-12) Alam niya na ang pangunahing kahulugan ng di·a·ko·niʹa ay “paglilingkod.” Ang pandiwa na may kaugnayan dito ay ginagamit kung minsan sa Bibliya may kinalaman sa personal na mga paglilingkod, gaya ng pagsisilbi ng pagkain. (Lucas 4:39; 17:8; Juan 2:5) Bagaman ang gamit nito may kaugnayan sa ministeryong Kristiyano ay mas mataas, ang isang di·aʹko·nos ay isang lingkod pa rin.
20 Walang ministrong Kristiyano kung gayon ang may dahilan upang magpa-importante sa sarili. Ang tunay na mga ministrong Kristiyano—maging yaong mga may pantanging mga pananagutan sa kongregasyon—ay mapagpakumbabang mga alipin. Sinabi ni Jesus: “Sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo, at ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.” (Mateo 20:26, 27) Nang ipinakikita sa kaniyang mga alagad ang tamang saloobin na lilinangin, hinugasan ni Jesus ang kanilang mga paa, anupat isinagawa ang gawain ng pinakamababang alipin. (Juan 13:1-15) Tunay ngang mapagpakumbabang paglilingkod! Kaya naman, mapagpakumbabang naglilingkod ang mga ministrong Kristiyano sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. (2 Corinto 6:4; 11:23) Nagpapamalas sila ng kababaan ng pag-iisip sa paglilingkod sa isa’t isa. At kapag ipinangangaral nila ang mabuting balita, walang-pag-iimbot silang naglilingkod sa kanilang di-sumasampalatayang mga kapitbahay.—Roma 1:14, 15; Efeso 3:1-7.
Magbata sa Ministeryo
21. Paano ginantimpalaan si Pablo dahil sa kaniyang pagbabata sa ministeryo?
21 Para kay Pablo, ang pagiging ministro ay nangailangan ng pagbabata. Sinabi niya sa mga taga-Colosas na labis siyang nagdusa upang maipangaral niya ang mabuting balita sa kanila. (Colosas 1:24, 25) Gayunman, dahil siya’y nagbata, marami ang tumanggap ng mabuting balita at naging mga ministro. Sila ay inianak bilang mga anak ng Diyos at mga kapatid ni Jesu-Kristo, taglay ang pag-asa na maging espiritung mga nilalang kasama niya sa langit. Kay luwalhating gantimpala para sa pagbabata!
22, 23. (a) Bakit nangangailangan ng pagbabata ang mga ministrong Kristiyano sa ngayon? (b) Anong napakabuting mga bunga ang nagmumula sa Kristiyanong pagbabata?
22 Ang pagbabata ay kailangan sa ngayon ng tunay na mga ministro ng Diyos. Marami ang nakikipagpunyagi araw-araw dahil sa sakit o mga kirot ng pagtanda. Nagpapagal ang mga magulang—marami sa kanila ay walang asawa—upang mapalaki ang kanilang mga anak. Lakas-loob na pinaglalabanan ng mga kabataan sa paaralan ang masasamang impluwensiya na nakapalibot sa kanila. Maraming Kristiyano ang napapaharap sa matitinding pakikipagpunyagi sa ekonomiya. At marami ang dumaranas ng pag-uusig o napapaharap sa mga kagipitan dahil sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” sa ngayon! (2 Timoteo 3:1) Oo, ang halos anim na milyong ministro ni Jehova sa ngayon ay makapagsasabi kasama ni apostol Pablo: “Sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos, sa pagbabata ng marami.” (2 Corinto 6:4) Ang mga ministrong Kristiyano ay hindi sumusuko. Sila’y tunay na kapuri-puri dahil sa kanilang pagbabata.
23 Karagdagan pa, gaya ng nagawa nito sa kaso ni Pablo, ang pagbabata ay nagdudulot ng napakabuting mga bunga. Sa pamamagitan ng pagbabata, naiingatan natin ang ating malapit na kaugnayan kay Jehova at napasasaya natin ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Napatitibay natin ang ating sariling pananampalataya at nakagagawa tayo ng mga alagad na dumaragdag sa Kristiyanong kapatiran. (1 Timoteo 4:16) Inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga ministro at pinagpapala ang kanilang ministeryo sa mga huling araw na ito. Bunga nito, ang nalabi ng 144,000 ay natipon na, at milyun-milyon pa ang matatag na umaasa na magtatamasa ng walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. (Lucas 23:43; Apocalipsis 14:1) Tunay nga, ang ministeryong Kristiyano ay isang kapahayagan ng awa ni Jehova. (2 Corinto 4:1) Nawa’y pahalagahan nating lahat ito at magpasalamat na ang mga bunga nito ay mananatili magpakailanman.—1 Juan 2:17.
[Mga talababa]
^ par. 3 Ang salitang Griego na di·aʹko·nos ang pinagmulan ng salitang “diyakono,” isang may katungkulan sa simbahan. Sa mga simbahan kung saan ang mga babae ay maaaring maging diakono, maaari silang tawaging mga diyakonisa.
^ par. 15 Bagaman ang Roma 12:1 ay tuwirang kumakapit sa pinahirang mga Kristiyano, ang simulain ay kumakapit din sa “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Ang mga ito ay ‘lumalakip kay Jehova upang maglingkod sa kaniya at umibig sa pangalan ni Jehova, upang maging mga lingkod niya.’—Isaias 56:6.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Sa anong pananagutan nakibahagi ang lahat ng unang siglong mga Kristiyano?
• Kailan at sino ang nag-oorden sa isang ministrong Kristiyano?
• Anong saloobin ang dapat linangin ng isang ministrong Kristiyano?
• Bakit dapat magbata ang isang ministrong Kristiyano sa harap ng mga kagipitan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Si Timoteo ay tinuruan ng Salita ng Diyos mula sa pagkasanggol. Siya ay naging ordenadong ministro nang siya ay mabautismuhan
[Larawan sa pahina 18]
Ang bautismo ay sumasagisag sa pag-aalay sa Diyos at nagtatanda sa ordinasyon ng isa bilang isang ministro
[Larawan sa pahina 20]
Ang mga ministrong Kristiyano ay nakahandang maglingkod