Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Bibliya—Isang Aklat-Aralin Para sa Pamumuhay

Ang Bibliya—Isang Aklat-Aralin Para sa Pamumuhay

Ang Bibliya​—Isang Aklat-Aralin Para sa Pamumuhay

“ANG salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Ang paglalarawang ito sa kung ano ang maaaring isakatuparan ng Salita ng Diyos ay talagang nagbibigay katiyakan na ang Bibliya ay higit pa kaysa sa isang mabuting aklat lamang.

“Ang mensahe nito ay mahalaga sa ating buhay tulad ng ating susunod na paghinga,” ang payak ngunit malinaw na pagkakabanggit ng isang manunulat sa relihiyon. Pagkatapos ay idinagdag pa niya: “Kung isasaalang-alang mo ang ating pananabik at pangangailangan para sa pagpapagaling sa ngayon at babasahin ang Bibliya taglay ang pangmalas na iyan, magkakaroon ng kahanga-hangang mga bunga.” Tulad ng isang lamparang nagniningas nang buong liwanag, ang Bibliya ay nagbibigay ng kaliwanagan sa maraming masalimuot na mga usapin at mga suliranin ng makabagong-panahong pamumuhay.​—Awit 119:105.

Tunay, ang karunungan na ipinahayag sa Bibliya ay may kapangyarihan na hubugin ang ating pag-iisip, tulungan tayo na lutasin ang mga suliranin, pasulungin ang kalidad ng ating buhay, at sangkapan tayo ng mga kasanayan upang maharap ang mga kalagayang hindi natin kayang baguhin. Higit sa lahat, pinangyayari ng Bibliya na makilala natin at ibigin ang Diyos.

Isang Aklat na Nagbibigay ng Layunin

Ang Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova, ay ‘pamilyar sa lahat ng ating mga lakad.’ Mas nababatid niya ang ating pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga pangangailangan kaysa sa atin. (Awit 139:1-3) Sa maalalahaning paraan, nagtakda siya ng mga tiyak na hangganan sa paggawi ng tao. (Mikas 6:8) Makatuwiran lamang na sikapin nating maunawaan ang mga limitasyon at mga tagubiling iyan at matutong mamuhay ayon sa mga ito. Maligaya ang taong ang “kaluguran ay sa kautusan ni Jehova,” ang sabi ng salmista. “Ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.” (Awit 1:1-3) Ang gayong magandang ibubunga ay tiyak na karapat-dapat sa ating pagsusuri.

Dati nang naniniwala si Maurice, isang retiradong guro sa paaralan, na ang Bibliya ay may ilang kahalagahan sa kasaysayan at panitikan. Gayunman, nag-aalinlangan siya kung ito nga ay kinasihan ng Diyos. Pagkatapos makinig sa paliwanag kung bakit ibinigay ng Diyos ang kaniyang nasusulat na Salita sa mga tao, sinuri ni Maurice ang iba’t ibang mga hula sa Bibliya. Noong siya’y kabataan pa, pinag-aralan niya ang sinaunang kasaysayan, panitikan, siyensiya, at heograpiya. Inamin niya na para sa kaniyang sarili ay napakarunong niya para pansinin pa ang napakaraming halimbawa na sumusuhay sa pagiging totoo ng Bibliya. “Ako’y nasilo sa bulag na paghahangad ng kaalwanan, kayamanan, at mga kaluguran sa buhay. Nakalulungkot, nanatili akong walang-kabatiran at walang-alam sa kagandahan at sa pagiging makatotohanan ng pinakadakilang aklat na isinulat kailanman.”

Ngayong mahigit na siyang 70, si Maurice, sa pagtukoy sa ulat hinggil sa pagpapakita ni Jesus kay apostol Tomas, ay may-pagpapahalagang nagsabi: “Napawi ang lahat ng aking pag-aalinlangan anupat ako’y lubusang kumbinsido na ang Bibliya ay pawang katotohanan.” (Juan 20:24-29) Gaya ng angkop na sinabi ni apostol Pablo, isinisiwalat ng Bibliya ang mga hangarin ng puso, at nagbibigay ito ng kahulugan sa buhay. Tunay na ito’y isang aklat-aralin para sa pamumuhay.

Nagpapatatag sa Isang Magulong Buhay

Ang Bibliya ay nagbibigay rin ng payo na tumutulong sa mga tao na alisin ang kanilang masasamang bisyo. Napagtagumpayan ni Daniel ang maruming bisyo ng paninigarilyo, at naitigil din niya ang maingay at magulong pagpaparti at pag-abuso sa alkohol. (Roma 13:13; 2 Corinto 7:1; Galacia 5:19-21) Ang totoo, kailangan ang puspusang pagsisikap upang maalis ang gayong mga bisyo at maisuot ang “bagong personalidad.” (Efeso 4:22-24) “Isang hamon ito,” sabi ni Daniel, “dahil tayo’y lubhang di-sakdal.” Sa kabila nito, nagtagumpay siya. Ngayon ay binabasa ni Daniel ang Salita ng Diyos araw-araw, at pinananatili siya nitong malapít kay Jehova.

Habang siya’y lumalaki noon, laging malalim ang paggalang ni Daniel sa Bibliya​—bagaman hindi niya ito binabasa​—at nananalangin siya sa Diyos gabi-gabi. Gayunman, may kulang. Mailap ang kaligayahan sa kaniya. Nagkaroon ng malaking pagbabago nang makita niya ang pangalan ng Diyos sa Bibliya sa kauna-unahang pagkakataon. (Exodo 6:3; Awit 83:18) Pagkatapos nito, ginamit niya ang pangalang Jehova kapag nananalangin siya, at naging mas personal ang kaniyang mga panalangin. “Si Jehova ang naging pinakamalapít na persona sa akin, at siya pa rin ang pinakamalapít kong kaibigan.”

Bago siya natuto tungkol sa Bibliya, ang pangmalas ni Daniel sa hinaharap ay nakapanlulumo. “Hindi mo na kailangan pang mag-isip upang makita kung ano ang nangyayari sa daigdig,” ang sabi niya. “Natatakot ako, at sinikap kong maging abala upang hindi ko na ito maisip.” Pagkatapos ay natutuhan niya na paiiralin ng Diyos ang katarungan para sa lahat sa isang nilinis na lupa, kung saan maaaring tamasahin ng masunuring mga tao ang walang-hanggang kapayapaan at kaligayahan. (Awit 37:10, 11; Daniel 2:44; Apocalipsis 21:3, 4) Ngayon ay mayroon nang tiyak na pag-asa si Daniel. Ang nagpapatatag na impluwensiyang ito ng Bibliya ay tumutulong upang mapanatili niya ang isang positibong pangmalas sa buhay.

Tulong sa Pagdaig sa mga Suliranin sa Emosyon

Pitong taóng gulang si George nang mamatay ang kaniyang ina. Natatakot siyang matulog sa gabi, dahil hindi niya alam kung magigising pa siya kinabukasan. Pagkatapos ay nabasa niya ang sinabi ni Jesus tungkol sa kamatayan at sa pagkabuhay-muli: ‘Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Jesus] at lalabas.’ Naantig din siya sa mga salita ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.” (Juan 5:28, 29; 11:25) Ang gayong mga kaisipan ay tila makatuwiran, lohikal, at nakaaaliw naman. “Ang katotohanang ito,” sabi ni George, “ay hindi lamang nakaaakit sa isipan kundi nakaaantig din sa puso.”

Si Daniel, na naunang binanggit, ay may mga pangamba rin. Hindi siya kayang palakihin ng kaniyang ina nang mag-isa, kaya pinatira siya sa iba’t ibang foster home. Lagi niyang nadarama na siya’y hindi kapamilya at nananabik sa katiwasayan ng pagiging kabilang sa isang maibiging pamilya. Nang maglaon, nasumpungan niya ang kaniyang hinahanap sa pamamagitan ng kaniyang pag-aaral ng Bibliya. Nakisama si Daniel sa kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova at naging bahagi ng isang espirituwal na pamilya, kung saan niya nadama na siya’y tinatanggap at iniibig ng iba. Tunay nga, ang Bibliya ay kapaki-pakinabang sa paraang praktikal at nakasisiya sa emosyon.

Tandaan, nakikita ni Jehova kung ano ang nasa ating puso at batid niya kung ano ang hinahanap natin. “Sinusukat [ng Diyos] ang mga puso,” at ibinibigay niya “sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga lakad.”​—Kawikaan 21:2; Jeremias 17:10.

Praktikal na Payo sa Buhay Pampamilya

Ang Bibliya ay nagbibigay ng praktikal na payo hinggil sa mga ugnayang pantao. Sabi ni George: “Ang pagkakaiba ng mga personalidad ng tao o di-pagkakaunawaan ay kabilang sa pinakamaigting na mga kalagayan sa buhay.” Paano niya pinakikitunguhan ang mga ito? “Kapag nadarama kong may bagay na laban sa akin ang sinuman, ikinakapit ko ang tuwirang payo mula sa Mateo 5:23, 24: ‘Makipagpayapaan ka sa iyong kapatid.’ Ang simpleng bagay na kaya kong makipag-usap hinggil sa di-pagkakasundo ay nagdudulot na ng mabubuting resulta. Nadarama ko ang kapayapaan ng Diyos na tinutukoy ng Bibliya. Mabisa ito. Napakapraktikal nito.”​—Filipos 4:6, 7.

Kapag hindi magkasundo ang asawang lalaki at asawang babae, kapuwa sila kailangang “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Ang gayong payo ay nagpapabuti sa pakikipagtalastasan. Idinagdag pa ni George: “Kapag ikinakapit ko ang payo na ibigin at pakitunguhan ang aking asawa gaya ng ginagawa ko sa aking sarili, nakikita ko agad ang mga resulta. Mas madali para sa kaniya na igalang ako.” (Efeso 5:28-33) Oo, tinuturuan tayo ng Bibliya kung paano kilalanin at pakitunguhan ang sarili nating mga di-kasakdalan at kung paano magtatagumpay sa pagharap sa mga di-kasakdalan ng iba.

Namamalaging Payo

Ang matalinong si Haring Solomon ay nagsabi: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Napakasimple nga, ngunit malaman ang mga salitang iyon!

Ang Bibliya ay isang puwersa para sa ikabubuti. Tinutulungan nito ang mga umiibig sa Diyos na maiayon ang kanilang buhay sa kaniyang kalooban at makasumpong ng kaligayahan habang “lumalakad sa kautusan ni Jehova.” (Awit 119:1) Anuman ang ating kalagayan, taglay ng Bibliya ang patnubay at payo na kailangan natin. (Isaias 48:17, 18) Basahin ito araw-araw, bulay-bulayin ang nabasa mo, at ikapit ito. Pananatilihin nitong malinaw ang iyong isipan at nakatuon sa mga bagay na dalisay at mabuti. (Filipos 4:8, 9) Matututuhan mo hindi lamang kung paano mamuhay at masiyahan sa buhay kundi kung paano rin iibigin ang Maylalang ng buhay.

Sa pagsunod sa gayong landasin, ang Bibliya para sa iyo ay magiging​—na gaya ng milyung-milyong iba pa​—higit pa kaysa sa isang mabuting aklat. Tunay na mapatutunayan itong isang aklat-aralin para sa pamumuhay!

[Larawan sa pahina 6]

Mapatitibay ng Bibliya ang iyong pasiya na mapagtagumpayan ang nakapipinsalang mga bisyo

[Larawan sa pahina 7]

Tinuturuan ka ng Bibliya kung paano makalalapit sa Diyos