Ang Bibliya—Minamahal at Sinusupil
Ang Bibliya—Minamahal at Sinusupil
“Hinahangad kong maisalin ang banal na mga aklat sa lahat ng wika,” ang isinulat ni Desiderius Erasmus, kilalang iskolar na Olandes noong ika-16 na siglo.
ANG pinakamimithing pag-asa ni Erasmus ay na ang lahat ay makabasa at makaunawa ng Kasulatan. Gayunman, buong-lupit na tinutulan ng mga kalaban ng Bibliya ang gayong kaisipan. Sa katunayan, ang Europa noong mga panahong iyon ay isang lubhang mapanganib na lugar para sa sinuman na may kahit bahagyang pagkamausisa hinggil sa mga nilalaman ng Bibliya. Sa Inglatera ay ipinatupad ang batas ng parlamento na nag-uutos na “sinumang magbasa ng Kasulatan sa Ingles ay dapat na bawian ng lupa, mga ari-arian, kagamitan, at buhay . . . at na, kung patuloy silang magmatigas, o muling umulit matapos pagpaumanhinan, sila’y dapat munang bitayin dahil sa pagtataksil sa hari, at pagkatapos ay sunugin dahil sa erehiya laban sa Diyos.”
Sa kontinente ng Europa, walang-awang pinaghahanap ng Inkisisyong Katoliko ang mga sektang “heretiko,” gaya ng Waldenses sa Pransiya, at ibinukod ang mga ito para pag-usigin dahil sa nakaugalian nilang pangangaral “mula sa mga ebanghelyo at mga liham at iba pang sagradong kasulatan, . . . yamang ang pangangaral at paghahayag ng banal na kasulatan [ay] lubusang ipinagbabawal sa karaniwang mga tao.” Hindi mabilang na mga lalaki’t babae ang dumanas ng matinding pahirap at ng kamatayan dahil sa kanilang pag-ibig sa Bibliya. Isinapanganib nila ang kanilang mga sarili sa pinakamalulubhang parusa upang masambit lamang ang Panalangin ng Panginoon o ang Sampung Utos at upang maituro ang mga ito sa kanilang mga anak.
Ang gayong debosyon sa Salita ng Diyos ay nanatili sa puso ng maraming peregrino na naglayag upang gawing kolonya ang Hilagang Amerika. Sa sinaunang Amerika, ang “pagbabasa at relihiyon ay lubhang magkaugnay, anupat naging pagkakakilanlan ng isang kultura na lubusang nakasalig sa pagiging pamilyar sa Bibliya,” sabi ng aklat na A History of Private Life—Passions of the Renaissance. Sa katunayan, iminungkahi ng isang sermon na inilathala sa Boston noong 1767: “Maging masikap sa pagbabasa ng banal na kasulatan. Bawat umaga at bawat gabi ay kailangan mong basahin ang isang kabanata sa iyong Bibliya.”
Ayon sa Barna Research Group sa Ventura, California, sa katamtaman, mahigit sa 90 porsiyento ng mga Amerikano ang nagmamay-ari ng tatlong Bibliya. Gayunman, isang pag-aaral kamakailan ang nagpapakita na bagaman malaki pa rin ang pagpapahalaga sa Bibliya roon, ang “paggugol ng panahon sa pagbabasa nito, pag-aaral nito at pagkakapit nito . . . ay lipas na.” Karamihan ay may bahagyang kaalaman lamang sa mga nilalaman nito. Isang kolumnista sa pahayagan ang nakapansin: “Ang kaisipan na [ang Bibliya] ay maaaring mayroon pa ring mahalagang impluwensiya sa kasalukuyang mga suliranin at mga álalahanín ay bibihira.”
Ang Pabagu-bagong Sekular na Kaisipan
Ang isang popular na paniwala ay na maaari tayong magtagumpay sa buhay sa pamamagitan lamang ng karunungan at pagtutulungan ng tao. Ang Bibliya ay itinuturing na isa lamang sa maraming aklat hinggil sa relihiyosong mga paniniwala at personal na mga karanasan at hindi bilang isang aklat ng tunay na mga pangyayari at katotohanan.
Kaya paano pinakikitunguhan ng karamihan sa mga tao ang mas nagiging masalimuot at nakababahalang mga usapin sa buhay? Nabubuhay sila na walang espirituwalidad, anupat walang matibay na mga pamantayan at patnubay sa moral at relihiyon. Sila’y naging tulad ng mga barko na walang mga timon, “na sinisiklut-siklot nang paatras-abante at hinihipan ng bawat hininga ng turo ng tao, . . . sa pamamagitan ng panlilinlang at katusuhan ng mga tao.”—Efeso 4:14, The Twentieth Century New Testament.
Kung gayon, maitatanong natin, Ang Bibliya ba ay isa lamang sa mga aklat ng relihiyon? O ito ba’y talagang Salita ng Diyos, na naglalaman ng praktikal at mahalagang impormasyon? (2 Timoteo 3:16, 17) Ang Bibliya ba ay karapat-dapat nating isaalang-alang? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mga katanungang ito.
[Larawan sa pahina 3]
Desiderius Erasmus
[Credit Line]
From the book Deutsche Kulturgeschichte
[Larawan sa pahina 4]
Ang Waldenses ay ibinukod para pag-usigin dahil sa kanilang pangangaral mula sa Kasulatan
[Credit Line]
Stichting Atlas van Stolk, Rotterdam