Lubha Mo Bang Iniibig ang mga Paalaala ni Jehova?
Lubha Mo Bang Iniibig ang mga Paalaala ni Jehova?
“Tinutupad ng aking kaluluwa ang iyong mga paalaala, at lubha kong iniibig ang mga iyon.”—AWIT 119:167.
1. Saan natin lalo nang masusumpungan ang paulit-ulit na pagbanggit sa mga paalaala ni Jehova?
NAIS ni Jehova na maging maligaya ang kaniyang bayan. Siyempre pa, upang tamasahin ang tunay na kaligayahan, kailangang lumakad tayo sa kautusan ng Diyos at sundin ang kaniyang mga pag-uutos. Upang magawa ito, binibigyan niya tayo ng mga paalaala. Paulit-ulit na binabanggit ang mga ito sa Kasulatan, lalo na sa Awit 119, na posibleng kinatha ng kabataang prinsipe ng Juda na si Hezekias. Ang magandang awiting ito ay nagpapasimula sa mga salitang: “Maligaya ang mga walang pagkukulang sa kanilang lakad, ang mga lumalakad sa kautusan ni Jehova. Maligaya yaong mga tumutupad sa kaniyang mga paalaala; buong puso nila siyang hinahanap.”—Awit 119:1, 2.
2. Paano nauugnay sa kaligayahan ang mga paalaala ng Diyos?
2 ‘Lumalakad tayo sa kautusan ni Jehova’ sa pamamagitan ng pagkuha ng tumpak na kaalaman sa kaniyang Salita at sa pagkakapit nito sa ating buhay. Gayunman, yamang tayo ay di-sakdal, kailangan natin ang mga paalaala. Ang salitang Hebreo na isinaling “mga paalaala” ay nagpapahiwatig na ipinagugunita sa atin ng Diyos ang kaniyang kautusan, mga pag-uutos, mga tuntunin, mga utos, at mga batas. (Mateo 10:18-20) Mananatili lamang tayong maligaya kung patuloy nating susundin ang gayong mga paalaala, sapagkat tinutulungan tayo ng mga ito na maiwasan ang espirituwal na mga patibong na nagbubunga ng kapahamakan at kalungkutan.
Manghawakan sa mga Paalaala ni Jehova
3. Salig sa Awit 119:60, 61, anong pagtitiwala ang taglay natin?
3 Ang mga paalaala ng Diyos ay lubhang pinahalagahan ng salmista na umawit: “Ako ay nagmadali, at hindi ako nagluwat sa pagtupad sa iyong mga utos. Pinuluputan ako ng mga lubid ng mga balakyot. Ang iyong kautusan ay hindi ko nilimot.” (Awit 119:60, 61) Ang mga paalaala ni Jehova ay tumutulong sa atin na mabata ang pag-uusig sapagkat nagtitiwala tayo na kayang putulin ng ating makalangit na Ama ang mga lubid na pamigil na ipinantatali sa atin ng mga kaaway. Sa takdang panahon, pinalalaya niya tayo mula sa gayong mga hadlang upang maisagawa natin ang gawaing pangangaral ng Kaharian.—Marcos 13:10.
4. Paano tayo dapat tumugon sa mga paalaala ng Diyos?
4 Kung minsan, tayo ay itinutuwid ng mga paalaala ni Jehova. Lagi nawa nating pahalagahan ang gayong pagtutuwid, gaya ng ginawa ng salmista. Buong-kataimtiman niyang sinabi sa Diyos: “Ang iyong mga paalaala ang aking kinagigiliwan . . . iniibig ko ang iyong mga paalaala.” (Awit 119:24, 119) Mas marami tayong paalaala mula sa Diyos kaysa sa salmista. Ang daan-daang pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan na masusumpungan sa Griegong Kasulatan ay nagpapaalaala sa atin hindi lamang ng mga tagubilin ni Jehova sa kaniyang bayan na nasa ilalim ng Kautusan kundi maging ng kaniyang mga layunin hinggil sa kongregasyong Kristiyano. Kapag minabuti ng Diyos na paalalahanan tayo tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa kaniyang mga kautusan, pinasasalamatan natin ang gayong patnubay. At sa pamamagitan ng ‘panghahawakan sa mga paalaala ni Jehova,’ naiiwasan natin na mahikayat sa mga pagkakasala na di-nakalulugod sa ating Maylalang at nag-aalis sa atin ng kaligayahan.—Awit 119:31.
5. Paano natin lubhang maiibig ang mga paalaala ni Jehova?
5 Gaano ba natin dapat ibigin ang mga paalaala ni Jehova? “Tinutupad ng aking kaluluwa ang iyong mga paalaala, at lubha kong iniibig ang mga iyon,” ang awit ng salmista. (Awit 119:167) Lubha nating iibigin ang mga paalaala ni Jehova kung mamalasin at tatanggapin natin ang mga ito bilang payo ng isang Ama na talagang nagmamalasakit sa atin. (1 Pedro 5:6, 7) Kailangan natin ang kaniyang mga paalaala, at ang pag-ibig natin sa mga ito ay lalago habang nakikita natin kung paano tayo nakikinabang sa mga ito.
Kung Bakit Natin Kailangan ang mga Paalaala ng Diyos
6. Ano ang isang dahilan kung bakit kailangan natin ang mga paalaala ni Jehova, at ano ang tutulong sa atin upang magunita ang mga ito?
6 Ang isang dahilan kung bakit natin kailangan ang mga paalaala ni Jehova ay sapagkat makakalimutin tayo. Sinasabi ng The World Book Encyclopedia: “Sa pangkalahatan, parami nang parami ang nalilimutan ng mga tao habang lumilipas ang panahon. . . . Marahil ay naranasan mo nang di-maisip ang isang pangalan o ang iba pang impormasyon na nasa dulo lamang ng iyong dila. . . . Ang gayong pansamantalang pagkalimot, na madalas mangyari, ay tinatawag na retrieval failure. Inihahambing ito ng mga siyentipiko sa pagsisikap na hanapin ang isang nawaglit na bagay sa isang makalat na kuwarto. . . . Ang isang mabuting paraan para matiyak na matatandaan ang isang impormasyon ay ang muli’t muli itong pag-aralan kahit sa palagay mo ay alam na alam mo na ito.” Ang masikap na pag-aaral at pag-uulit-ulit ay tutulong sa atin na magunita ang mga paalaala ng Diyos at masunod ang mga ito para sa ating ikabubuti.
7. Bakit ang mga paalaala ng Diyos ay kailangan ngayon nang higit kailanman?
7 Kailangan natin ang mga paalaala ni Jehova ngayon nang higit kailanman dahil ang kabalakyutan ay umabot na sa napakalubhang antas sa kasaysayan ng tao. Kung magbibigay-pansin tayo sa mga paalaala Awit 119:99-101) Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga paalaala ng Diyos, mapapalayo tayo sa “lahat ng masamang landas” at maiiwasan nating maging gaya ng karamihan sa sangkatauhan, na “nasa kadiliman ang kanilang isip, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos.”—Efeso 4:17-19.
ng Diyos, matatamo natin ang kinakailangang kaunawaan upang makaiwas na maakit sa balakyot na mga landasin ng sanlibutan. “Nagkaroon ako ng higit na kaunawaan kaysa sa lahat ng aking mga guro,” ang sabi ng salmista, “sapagkat ang iyong mga paalaala ay pinag-iisipan ko. Gumagawi akong may higit na unawa kaysa sa matatandang lalaki, sapagkat tinupad ko ang iyong mga pag-uutos. Pinigilan ko ang aking mga paa mula sa lahat ng masamang landas, sa layuning matupad ko ang iyong salita.” (8. Paano tayo magiging higit na nasasangkapan upang maharap natin nang matagumpay ang mga pagsubok sa pananampalataya?
8 Kailangan din ang mga paalaala ng Diyos dahil pinalalakas tayo ng mga ito upang mabata ang maraming pagsubok sa atin sa ‘panahong ito ng kawakasan.’ (Daniel 12:4) Kung wala ang gayong mga paalaala, tayo ay magiging ‘mga tagapakinig na malilimutin.’ (Santiago 1:25) Subalit ang masikap na pag-aaral sa Kasulatan sa paraang sarilinan at kasama ng kongregasyon, na ginagamit na pantulong ang mga publikasyong galing sa “tapat at maingat na alipin,” ay aalalay sa atin na harapin nang matagumpay ang mga pagsubok sa pananampalataya. (Mateo 24:45-47) Pinangyayari ng gayong espirituwal na mga probisyon na makita natin kung ano ang kailangan nating gawin upang mapalugdan si Jehova kapag tayo ay sinusubok.
Ang Mahalagang Papel ng Ating mga Pulong
9. Sino ang “mga kaloob na mga tao,” at paano nila tinutulungan ang kanilang mga kapananampalataya?
9 Ang pangangailangan natin ukol sa mga paalaala ng Diyos ay natutugunan, sa isang bahagi, sa mga pulong Kristiyano, kung saan inilalaan ang tagubilin sa pamamagitan ng hinirang na mga kapatid na lalaki. Isinulat ni apostol Pablo na nang “umakyat [si Jesus] sa kaitaasan ay nagdala siya ng mga bihag; nagbigay siya ng mga kaloob na mga tao.” Idinagdag pa ni Pablo: “Ibinigay [ni Kristo] ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro, upang maibalik sa ayos ang mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.” (Efeso 4:8, 11, 12) Laking pasasalamat natin na inaakay ng ‘mga kaloob na mga taong’ ito—ang mga hinirang na matatanda—ang ating pansin sa mga paalaala ni Jehova kapag nagtitipon tayo para sumamba!
10. Ano ang pangunahing punto ng Hebreo 10:24, 25?
10 Ang pagtanaw ng utang-na-loob dahil sa mga probisyon ng Diyos ay magpapakilos sa atin na dumalo sa limang pulong ng ating kongregasyon bawat linggo. Ang pangangailangang magtipon nang regular ay idiniin ni Pablo. Sumulat siya: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”—Hebreo 10:24, 25.
11. Paano tayo nakikinabang sa bawat isa sa ating lingguhang mga pulong?
11 Pinahahalagahan mo ba kung ano ang nagagawa para sa atin ng mga pulong? Ang lingguhang Pag-aaral sa Bantayan ay nagpapalakas sa ating pananampalataya, tumutulong sa atin na masunod ang mga 1 Corinto 2:12; Gawa 15:31) Sa Pulong Pangmadla, ang mga tagapagsalita ay nagbibigay ng tagubilin mula sa Salita ng Diyos, lakip na ang mga paalaala ni Jehova at ang kamangha-manghang ‘mga pananalita [ni Jesus] tungkol sa buhay na walang hanggan.’ (Juan 6:68; 7:46; Mateo 5:1–7:29) Ang ating mga kakayahan sa pagtuturo ay pinatatalas sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ang Pulong sa Paglilingkod ay napakahalaga sa pagtulong sa atin na mapasulong ang ating paghaharap ng mabuting balita sa bahay-bahay, sa mga pagdalaw-muli, sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at sa iba pang mga larangan ng ating ministeryo. Ang mas maliit na grupo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay naglalaan sa atin ng higit na pagkakataon na makapagpahayag at kadalasan ay kalakip dito ang mga paalaala ng Diyos.
paalaala ni Jehova, at nagpapatibay sa atin laban sa “espiritu ng sanlibutan.” (12, 13. Paano ipinamalas ng bayan ng Diyos sa isang lupain sa Asia ang pagpapahalaga sa mga pulong Kristiyano?
12 Ang regular na pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon ay nagpapaalaala sa atin ng mga utos ng Diyos at tumutulong sa atin na manatiling malakas sa espirituwal sa kabila ng pagdidigmaan, kahirapan ng buhay, at iba pang mga pagsubok sa ating pananampalataya. Ang kahalagahan ng mga pulong ay lubos na nadama ng mga 70 Kristiyano sa isang lupain sa Asia na itinaboy mula sa kanilang mga tahanan at napilitang mamuhay sa liblib na kagubatan. Palibhasa’y determinado na patuloy na magtipon nang regular, bumalik sila sa kanilang bayan na sinalanta ng digmaan, kinalas ang mga natira sa Kingdom Hall, at muli itong itinayo sa kagubatan.
13 Matapos magbata nang maraming taon dahil sa pagdidigmaan sa isa pang bahagi ng bansa ring iyon, ang bayan ni Jehova ay naglilingkod pa rin nang buong-kasigasigan. Ang isa sa mga matatanda sa lugar na iyon ay tinanong: “Ano ang lubos na nakatulong upang mapanatiling magkakasama ang mga kapatid?” Ang kaniyang sagot? “Sa loob ng 19 na taon, hindi kami lumiban ng kahit isang pulong. Kung minsan, dahil sa mga pambobomba at iba pang kahirapan, ang ilan sa mga kapatid ay hindi makarating sa dakong pulungan, ngunit kailanman ay hindi kami nagkansela ng isang pulong.” Ang mga minamahal na kapatid na ito ay tiyak na nakauunawa sa kahalagahan ng ‘hindi pagpapabaya sa kanilang pagtitipon.’
14. Ano ang matututuhan natin mula sa kaugalian ng matanda nang si Ana?
14 Ang 84-anyos na balong si Ana ay “hindi kailanman lumiliban sa templo.” Bunga nito, naroon siya nang dalhin doon ang sanggol na si Jesus, di pa natatagalan matapos itong isilang. (Lucas 2:36-38) Determinado ka bang huwag lumiban sa mga pulong? Ginagawa mo ba ang lahat upang madaluhan ang lahat ng sesyon ng ating mga asamblea at mga kombensiyon? Ang tagubilin na kapaki-pakinabang sa espirituwal na natatanggap sa mga pagtitipong ito ay nagbibigay sa atin ng maliwanag na patotoo na nagmamalasakit ang ating makalangit na Ama sa kaniyang bayan. (Isaias 40:11) Ang gayong mga okasyon ay nagdudulot din ng kagalakan, at ang ating pagkanaroroon ay nagpapakita na pinahahalagahan natin ang mga paalaala ni Jehova.—Nehemias 8:5-8, 12.
Inihiwalay Dahil sa mga Paalaala ni Jehova
15, 16. Paanong ang pagsunod sa mga paalaala ni Jehova ay nakaaapekto sa ating paggawi?
15 Ang pagsunod sa mga paalaala ng Diyos ay tumutulong upang maihiwalay tayo mula sa balakyot na sanlibutang ito. Halimbawa, ang pagsunod sa mga paalaala ng Diyos ay humahadlang sa atin sa paggawa ng seksuwal na imoralidad. (Deuteronomio 5:18; Kawikaan 6:29-35; Hebreo 13:4) Ang tukso na magsinungaling, maging di-tapat, o magnakaw ay matagumpay na masusupil sa pamamagitan ng pagsunod sa mga paalaala ng Diyos. (Exodo 20:15, 16; Levitico 19:11; Kawikaan 30:7-9; Efeso 4:25, 28; Hebreo 13:18) Ang pagsunod sa mga paalaala ni Jehova ay pumipigil din sa atin sa paghihiganti, pagkikimkim ng sama ng loob, o paninirang-puri sa sinuman.—Levitico 19:16, 18; Awit 15:1, 3.
16 Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga paalaala ng Diyos, nananatili tayong banal, o inihiwalay, ukol sa paglilingkod sa kaniya. At talagang napakahalaga na maging hiwalay sa sanlibutang ito! Sa pananalangin kay Jehova noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, ganito nagsumamo si Jesus alang-alang sa kaniyang mga tagasunod: “Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita, ngunit ang sanlibutan ay napoot sa kanila, sapagkat hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan. Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan. Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:14-17) Patuloy nating mahalin ang Salita ng Diyos, na siyang naghihiwalay sa atin ukol sa sagradong paglilingkod sa kaniya.
17. Ano ang maaaring mangyari kung ipagwawalang-bahala natin ang mga paalaala ng Diyos, kaya ano ang dapat nating gawin?
17 Bilang mga lingkod ni Jehova, hangad natin na manatiling kalugud-lugod ukol sa paglilingkod sa kaniya. Gayunman, kung ipagwawalang-bahala natin ang mga paalaala ng Diyos, madaraig tayo ng espiritu ng sanlibutang ito, na itinataguyod ng karamihan sa mga pananalita, literatura, libangan, at paggawi nito. At tiyak na ayaw nating maging mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga mabangis, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos—bilang pagbanggit lamang ng ilan sa mga ugali na ipinamamalas niyaong mga hiwalay sa Diyos. (2 Timoteo 3:1-5) Yamang nabubuhay tayo sa dulong bahagi ng mga huling araw ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, lagi tayong manalangin ukol sa tulong ng Diyos upang patuloy nating masunod ang mga paalaala ni Jehova at sa gayon ay ‘makapanatiling nagbabantay ayon sa kaniyang salita.’—Awit 119:9.
18. Ang pagsunod sa mga paalaala ng Diyos ay mag-uudyok sa atin na gawin ang anong positibong mga hakbang?
18 Ang mga paalaala ni Jehova ay hindi lamang nagbababala sa atin hinggil sa mga bagay na hindi natin dapat gawin. Ang pagsunod sa kaniyang mga paalaala ay mag-uudyok sa atin na gumawa ng positibong pagkilos, anupat pinakikilos tayo na lubos na magtiwala kay Jehova at ibigin siya nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Deuteronomio 6:5; Awit 4:5; Kawikaan 3:5, 6; Mateo 22:37; Marcos 12:30) Inuudyukan din tayo ng mga paalaala ng Diyos na ibigin ang ating kapuwa. (Levitico 19:18; Mateo 22:39) Lalo nating ipinamamalas ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa kapag ginagawa natin ang kalooban ng Diyos at ibinabahagi sa iba ang nagbibigay-buhay na “kaalaman sa Diyos.”—Kawikaan 2:1-5.
Ang Pagsunod sa mga Paalaala ni Jehova ay Nangangahulugan ng Buhay!
19. Paano natin maipakikita sa iba na praktikal at kapaki-pakinabang ang pagsunod sa mga paalaala ni Jehova?
19 Kung susundin natin ang mga paalaala ni Jehova at tutulungan ang iba na gawin ito, ililigtas natin ang ating sarili at yaong mga nakikinig sa atin. (1 Timoteo 4:16) Paano natin maipakikita sa iba na ang pagsunod sa mga paalaala ni Jehova ay talagang praktikal at kapaki-pakinabang? Sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya sa atin mismong buhay. Sa gayon, yaong “mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” ay magkakaroon ng katibayan na ang landasing nakasaad sa Salita ng Diyos ang tunay na pinakamahusay na landasin na dapat itaguyod. (Gawa 13:48) Makikita rin nila na ‘ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna natin’ at mauudyukan sila na makisama sa atin sa pagsamba sa Soberanong Panginoong Jehova.—1 Corinto 14:24, 25.
20, 21. Ang mga paalaala ng Diyos at ang kaniyang espiritu ay magpapangyari sa atin na gawin ang ano?
20 Sa patuloy na pag-aaral sa Kasulatan, pagkakapit ng ating natututuhan, at lubusang pagsasamantala sa mga espirituwal na probisyon ni Jehova, matututuhan natin na lubhang ibigin ang kaniyang mga paalaala. Kung susundin, ang mga paalaalang ito ay tutulong sa atin na “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:20-24) Ang mga paalaala ni Jehova at ang kaniyang banal na espiritu ay magpapangyari sa atin na maipamalas ang pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili—mga katangian na ibang-iba sa mga ugali ng sanlibutan na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas! (Galacia 5:22, 23; 1 Juan 5:19) Kung gayon, magpasalamat tayo kapag ipinaaalaala sa atin ang mga kahilingan ni Jehova sa panahon ng ating personal na pag-aaral ng Bibliya, sa pamamagitan ng mga hinirang na matatanda, at sa ating mga pulong, mga asamblea, at mga kombensiyon.
21 Dahil sinusunod natin ang mga paalaala ni Jehova, maaari tayong magalak kahit na nagdurusa dahil sa katuwiran. (Lucas 6:22, 23) Umaasa tayo sa Diyos na ililigtas tayo buhat sa pinakamapanganib na mga situwasyon. Lalo na itong mahalaga ngayon na ang lahat ng mga bansa ay tinitipon para sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har-Magedon.—Apocalipsis 16:14-16.
22. Ano ang dapat nating maging determinasyon hinggil sa mga paalaala ni Jehova?
22 Kung gusto nating tanggapin ang di-sana-nararapat na kaloob na buhay na walang hanggan, kailangang lubha nating ibigin ang mga paalaala ni Jehova at sundin ang mga ito nang buong puso. Taglayin nawa natin ang espiritu ng salmista na umawit: “Ang katuwiran ng iyong mga paalaala ay hanggang sa panahong walang takda. Ipaunawa mo sa akin, upang manatili akong buháy.” (Awit 119:144) At nawa’y ipamalas natin ang determinasyon na kitang-kita sa mga salita ng salmista: “Tumawag ako sa iyo [Jehova]. O iligtas mo nawa ako! At tutuparin ko ang iyong mga paalaala.” (Awit 119:146) Oo, sa salita at sa gawa, patunayan natin na talaga ngang lubha nating iniibig ang mga paalaala ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano minalas ng salmista ang mga paalaala ni Jehova?
• Bakit kailangan natin ang mga paalaala ng Diyos?
• Anong papel ang ginagampanan ng ating mga pulong may kinalaman sa mga paalaala ng Diyos?
• Paano tayo inihihiwalay ng mga paalaala ni Jehova mula sa sanlibutang ito?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 15]
Lubhang inibig ng salmista ang mga paalaala ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Bilang pagsunod sa halimbawa ni Ana, determinado ka bang huwag lumiban sa mga pulong?
[Larawan sa pahina 18]
Ang pagsunod sa mga paalaala ni Jehova ay naghihiwalay sa atin bilang malinis at kalugud-lugod ukol sa paglilingkod sa kaniya