Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinaglalaanan ni Jehova ng Pahingahang-Dako ang Kaniyang Bayan

Pinaglalaanan ni Jehova ng Pahingahang-Dako ang Kaniyang Bayan

Pinaglalaanan ni Jehova ng Pahingahang-Dako ang Kaniyang Bayan

PARA sa isang pagod na manlalakbay, lubhang kasiya-siyang makita ang isang malilim na pahingahang-dako sa daang patungo sa bundok. Sa Nepal, ang gayong mga pahingahang-dako ay tinatawag na chautara. Ang isang karaniwang chautara ay maaaring matagpuan sa tabi ng isang mayabong na punong banyan, isang malilim na dakong mauupuan at mapagpapahingahan. Ang paglalaan ng chautara ay isang gawa ng kabaitan, at karamihan sa mga nagmagandang-loob ay nananatiling di-kilala.

Ipinakikita ng mga karanasan mula sa Nepal kung paanong ang Diyos na Jehova ay naging isang Pinagmumulan ng kagalakan at espirituwal na kaginhawahan sa maraming pagod na “manlalakbay” sa sistemang ito ng mga bagay.​—Awit 23:2.

• Si Lil Kumari ay nakatira sa magandang lunsod ng Pokhara, na may kabigha-bighaning tanawin ng Himalaya Mountains na nababalutan ng niyebe. Ngunit dahil nababahala sa pananalapi ng pamilya, nadama ni Lil Kumari na walang gaanong maaasahan sa hinaharap. Nang dalawin siya ng isa sa mga Saksi ni Jehova, naantig siya sa maningning na pag-asa sa Bibliya at kaagad na humiling ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.

Bagaman nasisiyahan si Lil Kumari sa pag-aaral, hindi madaling magpatuloy dahil sa matinding pagsalansang ng pamilya. Ngunit hindi siya sumuko. Dinaluhan niya nang regular ang mga pulong Kristiyano at ikinapit ang kaniyang mga natututuhan, lalo na ang may kinalaman sa pagpapasakop ng asawang babae. Bunga nito, natanto ng kaniyang asawang lalaki at ng kaniyang ina na ang pag-aaral ni Lil Kumari ng Bibliya ay kapaki-pakinabang sa buong pamilya.

Ang kaniyang asawa at ang ilang kamag-anak ay nag-aaral na ngayon ng Salita ng Diyos. Sa isang asamblea na idinaos kamakailan sa Pokhara, nasiyahan sa programa si Lil Kumari kasama ang 15 sa kaniyang mga kamag-anak sa programa. Sinabi niya: “Ang aking tahanan ay naging isang tahimik na dako sapagkat ang aming pamilya ay nagkakaisa na ngayon sa tunay na pagsamba, at nasumpungan ko ang tunay na kapayapaan ng isip.”

• Bagaman ipinagbabawal ng batas sa Nepal ang caste discrimination (pagtatangi sa uri at antas sa lipunan), malakas pa rin ang impluwensiya nito sa paraan ng pamumuhay ng mga tao. Kaya naman, marami ang interesado sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa pagkakapantay-pantay at kawalang-pagtatangi. Ang pagkaalam na “ang Diyos ay hindi nagtatangi” ay lubhang nagpabago sa buhay ni Surya Maya at ng kaniyang pamilya.​—Gawa 10:34.

Nabagabag si Surya Maya dahil sa kawalang-katarungan ng caste discrimination at sa pasakit na dulot ng mga tradisyon at mga kaugalian na malalim ang pagkakaugat. Palibhasa’y isang babaing deboto, sa loob ng maraming taon ay humiling si Surya Maya ng tulong sa kaniyang mga diyos na idolo. Ngunit hindi sinasagot ang kaniyang mga panalangin. Isang araw nang siya ay matinding nagsumamo para sa tulong, ang kaniyang anim-na-taóng gulang na babaing apo na si Babita ay lumapit sa kaniya at nagtanong: “Bakit po kayo nagsusumamo para sa tulong sa harap ng mga idolo na wala namang magagawa?”

Ang ina pala ni Babita ay nakikipag-aral ng Bibliya sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Masiglang inanyayahan ni Babita ang kaniyang lola sa isang pulong Kristiyano. Nang dumalo si Surya Maya, nagulat siyang makita ang mga taong nagmula sa iba’t ibang caste na nasisiyahang makipagsamahan sa bawat isa nang walang anumang pagtatangi. Kaagad siyang humiling ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Bagaman naging dahilan ito upang itakwil siya ng kaniyang mga kapitbahay, hindi siya nasiraan ng loob; ni nahadlangan man siya ng kaniyang limitadong kakayahan sa pagbasa at pagsulat na sumulong sa espirituwal.

Paglipas ng walong taon, anim na miyembro ng kaniyang pamilya, kabilang na ang kaniyang asawang lalaki at tatlong anak, ay naging mga Saksi ni Jehova. Si Surya Maya ay isa na ngayong buong-panahong ministro, isang regular pioneer, na may kagalakang tumutulong sa iba upang maibsan ang kanilang mabibigat na pasanin sa tunay na pahingahang-dako na tanging si Jehova lamang ang makapaglalaan.