Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinalalakas ni Jehova ang Pagod

Pinalalakas ni Jehova ang Pagod

Pinalalakas ni Jehova ang Pagod

“[Si Jehova] ay nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan.”​—ISAIAS 40:29.

1. Ilarawan ang lakas na nakapaloob sa mga bagay na nilalang ng Diyos.

WALANG hangganan ang lakas ni Jehova. At kay tindi ng dinamikong lakas na nakapaloob sa mga bagay na kaniyang nilalang! Ang munting atomo​—ang mismong saligan sa pagbuo ng lahat ng mga bagay​—ay napakaliit anupat ang isang patak ng tubig ay naglalaman ng sandaang bilyon na isang bilyong atomo. * Lahat ng buhay sa ating globo ay umaasa sa enerhiya na nagmumula sa mga reaksiyon ng atomo sa araw. Subalit gaano karaming enerhiya mula sa araw ang kailangan upang matustusan ang buhay sa lupa? Ang lupa ay tumatanggap lamang ng katiting na bahagi ng kabuuang enerhiya na inilalabas ng araw. Gayunman, ang napakaliit na bahagi ng enerhiya ng araw na umaabot sa lupa ay labis-labis ang kahigitan kaysa sa kabuuang enerhiya na ginagamit sa mga industriya ng daigdig.

2. Sa diwa, ano ang sinasabi ng Isaias 40:26 tungkol sa kapangyarihan ni Jehova?

2 Iniisip man natin ang tungkol sa atomo o ibinabaling ang ating pansin sa malawak na sansinukob, tayo ay napapahanga sa kasindak-sindak na kapangyarihan ni Jehova. Hindi nga kataka-taka na masasabi niya: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala”! (Isaias 40:26) Oo, si Jehova ay ‘malakas sa kapangyarihan,’ at siya ang Bukal ng “dinamikong lakas” na siyang ginamit upang umiral ang buong sansinukob.

Kailangan ang Higit Pa Kaysa sa Karaniwang Lakas

3, 4. (a) Ano ang ilang salik na maaaring makapagpapagod sa atin? (b) Anong tanong ang kailangang isaalang-alang?

3 Samantalang walang hangganan ang lakas ng Diyos, ang mga tao naman ay napapagod. Saanman tayo magpunta, nakakakita tayo ng mga taong pagod. Sila ay gumigising nang pagod, pumapasok sa trabaho o sa paaralan nang pagod, umuuwi nang pagod, at matutulog nang hindi lamang pagod kundi hapung-hapo pa. Hinahangad ng iba na makapunta sila sa isang lugar at doo’y matamasa ang kahit kaunting kinakailangang pahinga. Bilang mga lingkod ni Jehova, napapagod din naman tayo, sapagkat ang pamumuhay natin nang may makadiyos na debosyon ay nangangailangan ng puspusang pagsisikap. (Marcos 6:30, 31; Lucas 13:24; 1 Timoteo 4:8) At maraming iba pang mga salik na sumasaid ng ating lakas.

4 Bagaman tayo’y mga Kristiyano, hindi tayo ligtas sa mga problema na nararanasan ng mga tao sa pangkalahatan. (Job 14:1) Ang sakit, pagbagsak ng kabuhayan, o iba pang kahirapan na karaniwan sa buhay ay maaaring maging dahilan ng pagkasira ng loob, taglay ang nakapanghihinang epekto nito. Karagdagan pa sa mga hamong ito ay ang mga pagsubok na natatangi sa mga pinag-uusig alang-alang sa katuwiran. (2 Timoteo 3:12; 1 Pedro 3:14) Dahil sa araw-araw na mga panggigipit mula sa sanlibutan at pagsalansang sa ating gawaing pangangaral ng Kaharian, ang ilan sa atin ay maaaring hapung-hapo na anupat parang gusto na nating magmabagal sa paglilingkod kay Jehova. Bukod dito, sa pagsisikap na sirain ang ating katapatan sa Diyos, ginagamit ni Satanas na Diyablo ang lahat ng magagawa niyang paraan. Kung gayon, paano tayo magkakaroon ng espirituwal na lakas na kailangan upang hindi mapagod at sumuko?

5. Bakit kailangan ang higit pa kaysa sa lakas ng tao upang maisagawa ang ministeryong Kristiyano?

5 Para sa espirituwal na lakas, kailangang umasa tayo kay Jehova, ang Maylalang na makapangyarihan sa lahat. Ipinakita ni apostol Pablo na kailangan sa ministeryong Kristiyano ang higit pa kaysa sa karaniwang lakas ng di-sakdal na mga tao. Sumulat siya: “Taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang luwad, upang ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos at hindi mula sa aming mga sarili.” (2 Corinto 4:7) Isinasagawa ng mga pinahirang Kristiyano ang “ministeryo ng pakikipagkasundo” taglay ang suporta ng kanilang mga kasamahan na may makalupang pag-asa. (2 Corinto 5:18; Juan 10:16; Apocalipsis 7:9) Yamang tayo na mga taong di-sakdal ay gumagawa ng gawain ng Diyos sa kabila ng pag-uusig, hindi natin ito magagawa sa ganang sariling lakas lamang natin. Tinutulungan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, at sa gayon ay dinadakila ng ating kahinaan ang kaniyang kapangyarihan. At tunay na nakaaaliw sa atin ang katiyakan na “aalalayan ni Jehova ang mga matuwid”!​—Awit 37:17.

‘Si Jehova ang Ating Kalakasan’

6. Paano tinitiyak sa atin ng Kasulatan na si Jehova ang Bukal ng lakas natin?

6 Ang ating makalangit na Ama ay ‘malakas sa kapangyarihan’ at madali niya tayong mapalalakas. Sa katunayan, sinasabi sa atin: “[Si Jehova] ay nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan. Ang mga batang lalaki ay kapuwa mapapagod at manlulupaypay, at ang mga kabinataan ay walang pagsalang mabubuwal, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.” (Isaias 40:29-31) Dahil sa tumitinding panggigipit, maaaring madama natin kung minsan na para tayong pagod na pagod na mananakbo na ang mga binti ay waring hindi na kayang humakbang pa. Ngunit ang dulo ng takbuhan ukol sa buhay ay malapit na, at hindi tayo dapat sumuko. (2 Cronica 29:11) Ang ating Kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala “tulad ng isang leong umuungal,” at gusto niya tayong pahintuin. (1 Pedro 5:8) Tandaan natin na ‘si Jehova ang ating lakas at ang ating kalasag,’ at naglaan siya ng saganang probisyon ‘upang mabigyan ng lakas ang pagod.’​—Awit 28:7.

7, 8. Anong patotoo mayroon na pinalakas ni Jehova sina David, Habakuk, at Pablo?

7 Binigyan ni Jehova si David ng kinakailangang lakas upang makapagpatuloy sa kabila ng malalaking hadlang. Palibhasa’y may lubos na pananampalataya at pananalig kaya naman sumulat si David: “Mula sa Diyos ay magtatamo kami ng kalakasan, at siya ang yuyurak sa aming mga kalaban.” (Awit 60:12) Pinalakas din ni Jehova si Habakuk upang matapos niya ang kaniyang atas bilang propeta. Sinasabi ng Habakuk 3:19: “Si Jehova na Soberanong Panginoon ay aking kalakasan; at ang aking mga paa ay gagawin niyang tulad ng sa mga babaing usa, at sa aking matataas na dako ay palalakarin niya ako.” Kapansin-pansin din ang halimbawa ni Pablo, na sumulat: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa [Diyos] na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Filipos 4:13.

8 Gaya nina David, Habakuk, at Pablo, dapat tayong manampalataya sa kakayahan ng Diyos na palakasin tayo at sa kaniyang kapangyarihang iligtas tayo. Yamang batid na ang Soberanong Panginoong Jehova ang siyang Bukal ng ating “kalakasan,” isaalang-alang natin ngayon ang ilang paraan ng pagtatamo ng espirituwal na lakas mula sa mga probisyon na saganang inilalaan ng Diyos.

Espirituwal na mga Probisyon Upang Palakasin Tayo

9. Anong papel ang ginagampanan ng mga publikasyong Kristiyano sa pagpapakain sa atin?

9 Ang masikap na pag-aaral sa Kasulatan sa tulong ng mga publikasyong Kristiyano ay maaaring magpalakas at umalalay sa atin. Umawit ang salmista: “Maligaya ang taong . . . ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi. At siya ay tiyak na magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.” (Awit 1:1-3) Kung paanong kailangan tayong kumain upang mapanatili ang pisikal na lakas, kailangan din tayong kumain ng espirituwal na pagkain na inilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng mga publikasyong Kristiyano upang mapanatili ang ating espirituwal na lakas. Samakatuwid, mahalaga ang makabuluhang pag-aaral at pagbubulay-bulay.

10. Kailan tayo makasusumpong ng panahon para sa pag-aaral at pagbubulay-bulay?

10 Tunay na kapaki-pakinabang na bulay-bulayin “ang malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Corinto 2:10) Subalit kailan tayo makasusumpong ng panahon para magbulay-bulay? Ang anak ni Abraham na si Isaac “ay naglalakad sa labas upang magbulay-bulay sa parang nang sumasapit na ang gabi.” (Genesis 24:63-67) Ang salmistang si David ay ‘nagbubulay-bulay tungkol sa Diyos sa mga pagbabantay sa gabi.’ (Awit 63:6) Maaari nating pag-aralan ang Salita ng Diyos at bulay-bulayin ito sa umaga, sa hapon, sa gabi​—sa katunayan, sa anumang oras. Ang gayong pag-aaral at pagbubulay-bulay ay umaakay sa isa pang probisyon ni Jehova na nakapagpapalakas sa espirituwal​—ang panalangin.

11. Bakit dapat tayong magkaroon ng malaking pagpapahalaga sa regular na pananalangin?

11 Ang regular na pananalangin sa Diyos ay tumutulong upang mapalakas tayo. Kaya naman ‘magmatiyaga [nawa] tayo sa pananalangin.’ (Roma 12:12) Kung minsan, kailangang maging espesipiko ang paghiling natin ng karunungan at lakas na kinakailangan upang makayanan ang isang pagsubok. (Santiago 1:5-8) Pasalamatan at purihin din natin ang Diyos kapag namamasdan natin ang katuparan ng kaniyang mga layunin o nakikita na pinalalakas niya tayo upang makapagpatuloy sa paglilingkod sa kaniya. (Filipos 4:6, 7) Kung mananatili tayong malapit kay Jehova sa panalangin, hindi niya tayo pababayaan kailanman. “Narito!” ang awit ni David, “ang Diyos ay aking katulong.”​—Awit 54:4.

12. Bakit dapat nating hilingin sa Diyos ang kaniyang banal na espiritu?

12 Pinalalakas at pinatitibay tayo ng ating makalangit na Ama sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. Sumulat si Pablo: “Iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama . . . upang maipagkaloob niya sa inyo ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian na mapalakas ang pagkatao ninyo sa loob na may kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.” (Efeso 3:14-16) Dapat nating hingin sa panalangin ang banal na espiritu, anupat nagtitiwala na pagpapalain tayo ni Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay nito sa atin. Nangatuwiran si Jesus: Kapag ang isang anak ay humingi ng isda, magbibigay kaya sa kaniya ng serpiyente ang isang maibiging ama? Siyempre hindi. Kaya naman sinabi niya bilang konklusyon: “Kung kayo, bagaman [makasalanan at kung gayon ay humigit-kumulang] balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:11-13) Manalangin tayo nang may gayong pananalig at laging tandaan na ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay maaaring “mapalakas” na may kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.

Ang Kongregasyon Bilang Isang Tulong na Nagpapalakas

13. Paano natin dapat malasin ang mga pulong Kristiyano?

13 Pinalalakas tayo ni Jehova sa pamamagitan ng mga pulong sa kongregasyong Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Kung saan may dalawa o tatlo na nagtitipon sa aking pangalan, naroon ako sa gitna nila.” (Mateo 18:20) Nang bitiwan ni Jesus ang pangakong iyan, tinatalakay niya ang mga bagay na kinakailangang bigyang-pansin niyaong mga nangunguna sa kongregasyon. (Mateo 18:15-19) Gayunman, ang simulain ng kaniyang sinabi ay kumakapit sa lahat ng ating mga pulong, asamblea, at mga kombensiyon, na sinisimulan at tinatapos sa pamamagitan ng pananalangin sa kaniyang pangalan. (Juan 14:14) Kaya isang pribilehiyo na dumalo sa gayong mga pagtitipong Kristiyano, kakaunti man o libu-libo ang dumadalo. Ipakita natin kung gayon na tayo’y nagpapasalamat dahil sa mga okasyong ito na dinisenyo upang palakasin tayo sa espirituwal at udyukan tayo sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.​—Hebreo 10:24, 25.

14. Anong kapakinabangan ang natatamo natin mula sa mga pagsisikap ng mga Kristiyanong matatanda?

14 Ang mga Kristiyanong matatanda ay naglalaan ng espirituwal na tulong at pampatibay-loob. (1 Pedro 5:2, 3) Tinulungan at pinatibay-loob ni Pablo ang mga kongregasyon na kaniyang pinaglingkuran, gaya ng ginagawa sa ngayon ng naglalakbay na mga tagapangasiwa. Sa katunayan, nasabik siya na makasama ang kaniyang mga kapananampalataya upang magkaroon ng nakapagpapasiglang pagpapalitan ng pampatibay-loob. (Gawa 14:19-22; Roma 1:11, 12) Lagi sana tayong magpakita ng pagpapahalaga sa ating mga lokal na matatanda at sa iba pang mga Kristiyanong tagapangasiwa, na gumaganap ng malaking bahagi sa pagpapalakas sa atin sa espirituwal.

15. Paano nagiging “tulong na nagpapalakas” ang mga kapananampalataya sa ating kongregasyon?

15 Ang mga kapananampalataya na bumubuo sa ating kongregasyon ay maaaring maging “tulong na nagpapalakas.” (Colosas 4:10, 11) Bilang ‘tunay na mga kaibigan,’ matutulungan nila tayo sa mga panahon ng kabagabagan. (Kawikaan 17:17) Halimbawa, nang palayain ang 220 lingkod ng Diyos mula sa kampong piitan ng Sachsenhausen habang binabantayan ng mga Nazi noong 1945, kinailangang lumakad sila ng 200 kilometro. Sama-sama silang naglakbay, at hinila ng malalakas ang pinakamahihina na sakay ng ilang maliliit na kariton. Ang resulta? Sa death march na kumitil sa buhay ng mahigit na 10,000 bilanggo sa kampong piitan, walang isa man sa mga Saksi ni Jehova ang namatay. Ang gayong mga ulat na masusumpungan sa mga publikasyon ng Watch Tower, kasali na ang Yearbook of Jehovah’s Witnesses at Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, ay nagpapatotoo na pinalalakas ng Diyos ang kaniyang bayan, upang hindi sila sumuko.​—Galacia 6:9. *

Pinalalakas sa Pamamagitan ng Ating Ministeryo sa Larangan

16. Paanong ang regular na pakikibahagi sa ministeryo ay nagpapalakas sa atin sa espirituwal?

16 Ang regular na pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian ay nagpapalakas sa atin sa espirituwal. Ang gayong gawain ay tumutulong sa atin na magtuon ng pansin sa Kaharian ng Diyos at mapanatili sa isipan ang kawalang-hanggan at ang mga pagpapalang idudulot nito. (Judas 20, 21) Ang mga pangako sa Kasulatan na ipinakikipag-usap natin sa ating ministeryo ay nagbibigay ng pag-asa sa atin at maaaring magpangyari sa atin na maging determinado na gaya ng propetang si Mikas, na nagsabi: “Tayo . . . ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”​—Mikas 4:5.

17. Anong mga mungkahi ang ibinibigay hinggil sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya?

17 Ang sarili nating kaugnayan kay Jehova ay tumitibay habang lalo nating ginagamit ang Kasulatan sa pagtuturo sa iba. Halimbawa, kapag nagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa tulong ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, isang katalinuhan na basahin at talakayin ang ilang binanggit na kasulatan. Tumutulong ito sa estudyante at nagpapatibay sa ating unawa sa espirituwal. Kung ang isang estudyante ay nahihirapang unawain ang isang ideya sa Bibliya o ang isang ilustrasyon, maaaring magdaos ng higit sa isang sesyon ng pag-aaral para makubrehan ang isang kabanata sa aklat na Kaalaman. Tunay ngang nalulugod tayong maghandang mabuti at gumawa ng higit na pagsisikap upang matulungan ang iba na mapalapit sa Diyos!

18. Ilarawan kung paano mabisang ginagamit ang aklat na Kaalaman.

18 Taun-taon, mabisang ginagamit ang aklat na Kaalaman upang tulungan ang libu-libo na maging mga nag-alay na lingkod ni Jehova, at kasali rito ang marami na walang kaalam-alam sa Bibliya. Halimbawa, nang siya ay bata pa, naulinigan ng isang lalaking Hindu sa Sri Lanka ang sinasabi ng isang Saksi tungkol sa Paraiso. Pagkaraan ng ilang taon ay nilapitan ng lalaking ito ang Saksi, at di-nagtagal at ang asawang lalaki ng Saksi ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Sa katunayan, ang kabataang lalaki ay araw-araw na nagpupunta para mag-aral, at natapos ang aklat na Kaalaman sa loob lamang ng maikling panahon. Nagsimula siyang dumalo sa lahat ng pulong, humiwalay sa kaniyang dating relihiyon, at naging isang mamamahayag ng Kaharian. Nang siya ay mabautismuhan, nagdaraos na siya ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa isang kakilala niya.

19. Habang inuuna natin ang Kaharian, sa ano tayo makatitiyak?

19 Ang pag-una sa Kaharian ay nagdudulot sa atin ng kagalakan na nagpapalakas. (Mateo 6:33) Bagaman nakararanas tayo ng iba’t ibang pagsubok, patuloy nating inihahayag ang mabuting balita nang may kaligayahan at kasigasigan. (Tito 2:14) Marami sa atin ang nakaaabot sa mga kahilingan para sa buong-panahong paglilingkod bilang payunir, at ang ilan ay naglilingkod kung saan malaki ang pangangailangan sa mga ebanghelisador. Itinataguyod man natin nang may kagalakan ang mga kapakanan ng Kaharian sa ganito o sa iba pang paraan, nagtitiwala tayo na hindi kalilimutan ni Jehova ang ating gawa at ang pag-ibig na ipinakita natin para sa kaniyang pangalan.​—Hebreo 6:10-12.

Magpatuloy sa Tulong ng Lakas ni Jehova

20. Paano natin maipakikita na umaasa tayo kay Jehova ukol sa lakas?

20 Buong puso nating ipakita na umaasa tayo kay Jehova at nananalig sa kaniya ukol sa lakas. Magagawa natin ito kung lubusan nating sasamantalahin ang espirituwal na mga probisyon na inilalaan niya sa pamamagitan ng ‘tapat na alipin.’ (Mateo 24:45) Ang pag-aaral sa Salita ng Diyos nang sarilinan at kasama ng kongregasyon sa tulong ng mga publikasyong Kristiyano, taos-pusong pananalangin, espirituwal na tulong ng matatanda, maiinam na halimbawa ng tapat na mga kapananampalataya, at ang regular na pakikibahagi sa ministeryo ay kabilang sa mga probisyon na nagpapatibay sa ating kaugnayan kay Jehova at nagpapalakas sa atin na magpatuloy sa sagradong paglilingkod sa kaniya.

21. Paano ipinahayag nina apostol Pedro at Pablo ang pangangailangan ukol sa bigay-Diyos na lakas?

21 Sa kabila ng ating kahinaan bilang tao, palalakasin tayo ni Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban kung aasa tayo sa tulong niya. Palibhasa’y batid na kailangan ang gayong tulong, sumulat si apostol Pedro: “Kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya na umaasa sa lakas na inilalaan ng Diyos.” (1 Pedro 4:11) At ipinakita ni Pablo ang kaniyang pagtitiwala sa bigay-Diyos na lakas nang kaniyang sabihin: “Nalulugod ako sa mga kahinaan, sa mga insulto, sa mga pangangailangan, sa mga pag-uusig at mga kahirapan, para kay Kristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.” (2 Corinto 12:10) Magpakita nawa tayo ng gayunding pananalig at magdulot ng kaluwalhatian sa Soberanong Panginoong Jehova, na siyang nagpapalakas sa pagod.​—Isaias 12:2.

[Mga talababa]

^ par. 1 Ang bilang na ito, ayon sa sistema ng pagbilang ng Estados Unidos, ay ang numerong 1 na sinusundan ng 20 sero.

^ par. 15 Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit kailangan ng bayan ni Jehova ang higit pa kaysa sa karaniwang lakas?

• Anong patotoo mayroon sa Kasulatan na pinalalakas ng Diyos ang kaniyang mga lingkod?

• Ano ang ilang espirituwal na probisyon na inilalaan ni Jehova upang palakasin tayo?

• Paano natin maipakikita na umaasa tayo sa Diyos ukol sa lakas?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 12]

Ang sariling kaugnayan natin kay Jehova ay tumitibay habang ginagamit natin ang Bibliya upang turuan ang iba