Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kaugalian sa Pasko—Maka-Kristiyano ba ang mga Ito?

Mga Kaugalian sa Pasko—Maka-Kristiyano ba ang mga Ito?

Mga Kaugalian sa Pasko​—Maka-Kristiyano ba ang mga Ito?

PANAHON na ng Pasko. Ano ang kahulugan nito para sa iyo, sa iyong pamilya, at sa iyong mga kasama? Ito ba’y isang espirituwal na okasyon, o isa lamang panahon ng kapistahan at pagsasaya? Panahon ba ito upang magbulay-bulay sa pagsilang ni Jesu-Kristo o upang ipagwalang-bahala ang mga pamantayang Kristiyano?

Sa pagsasaalang-alang sa mga katanungang iyan, tandaan na ang mga tradisyon sa Pasko ay maaaring magkakaiba depende sa kung saan ka nakatira. Halimbawa, sa Mexico at sa iba pang mga bansa sa Latin-Amerika, maging ang tawag sa Pasko ay iba. Tinukoy ng isang ensayklopidiya na ang salitang Ingles na Christmas (Pasko) “ay hinango mula sa Ingles noong Edad Medya na Christes Masse, ang Misa ni Kristo.” Gayunman, ang La Navidad, o ang Belen, gaya ng tawag dito sa mga lupaing ito sa Latin-Amerika, ay tumutukoy sa kapanganakan, o pagsilang ni Kristo. Isaalang-alang mo sandali ang ilang kaugalian sa Mexico. Maaari kang matulungan nito na bumuo ng sariling opinyon hinggil sa pista opisyal na ito.

Ang mga Posada, “ang Tatlong Matatalinong Lalaki,” at ang Nacimiento

Ang mga kapistahan ay nagsisimula sa Disyembre 16 sa pamamagitan ng mga posada. Ang aklat na Mexico’s Feasts of Life ay nagkomento: “Ang panahon ng mga posada, siyam na mahiwagang araw bago ang Bisperas ng Pasko, ang siyang gumugunita sa malungkot na pagpapagala-gala nina Jose at Maria sa lunsod ng Betlehem at sa sandali nang sa wakas ay may nagmagandang-loob at nagpatuloy sa kanila. Nagsasama-sama gabi-gabi ang mga pamilya at magkakaibigan upang isadula ang mga araw na naganap bago ang kapanganakan ni Kristo.”

Karaniwan na, dinadala ng isang grupo ng tao ang mga imahen nina Maria at Jose sa isang tahanan at sa pamamagitan ng awit ay hihiling ng matutuluyan, o posada. Bilang sagot, yaong mga nasa bahay naman ay umaawit hanggang sa papasukin sa bahay ang mga bisita. Pagkatapos ay magsisimula ang isang parti, kung saan ang ilan​—na piniringan at may hawak na panghampas​—ay nagsasalit-salitan sa pagbasag sa piñata, isang malaking napapalamutiang palayok na nakabitin sa isang tali. Kapag nabasag, ang mga laman nito (kendi, prutas, at ang mga tulad nito) ay pinupulot ng mga nagdiriwang. Sinusundan ito ng kainan, inuman, kantahan at sayawan. Walong parti ng posada ang ginaganap mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 23. Pagdating ng ika-24, ipinagdiriwang ang Nochebuena (Bisperas ng Pasko), at ang mga pamilya ay nagsisikap na magsama-sama para sa isang espesyal na hapunan.

Hindi magtatagal at sasapit ang Bagong Taon, na ipinagdiriwang sa pamamagitan ng maiingay na parti. Sinasabing sa gabi ng Enero 5, ang Tres Reyes Magos (“tatlong matatalinong lalaki”) ay nagdadala ng mga laruan para sa mga bata. Isang parti sa Enero 6 ang kasukdulan nito, kapag inihahain ang rosca de Reyes (hugis singsing na keyk). Habang kinakain ito, may isa na makakakita sa kaniyang keyk ng isang maliit na manyika na lumalarawan sa sanggol na si Jesus. Ang makakakita nito ay obligadong mag-organisa at maghanda ng isang pangwakas na parti sa Pebrero 2. (Sa ilang lugar naman ay may tatlong maliliit na manyika, na lumalarawan sa “tatlong matatalinong lalaki.”) Gaya ng makikita mo, ang pagpaparti may kaugnayan sa Pasko ay nagpapatuloy.

Sa panahong ito, ang nacimiento (Belen) ay talagang kapansin-pansin. Ano ba ang kasangkot dito? Buweno, sa pampublikong mga lugar gayundin sa mga simbahan at mga tahanan, ang mga eksena ay isinasaayos sa pamamagitan ng mga tau-tauhang (malaki o maliit) gawa sa seramik, kahoy, o luwad. Kinakatawan ng mga ito sina Jose at Maria na nakaluhod sa harap ng sabsaban na kinalalagyan ng isang bagong silang na sanggol. Kadalasan ay may mga pastol at Los Reyes Magos (“ang matatalinong lalaki”). Ang tagpo ay isang kuwadra, at may ilang hayop upang makumpleto ang eksena. Gayunman, ang pangunahing tauhan ay ang bagong silang na sanggol, na tinatawag sa Kastila na el Niño Dios (ang Batang Diyos). Ang pangunahing tauhang ito ay maaaring ilagay doon sa Bisperas ng Pasko.

Isang Pagsusuri sa mga Tradisyon ng Belen

Hinggil sa pagdiriwang ng Pasko gaya ng pangkalahatang pagkakilala dito sa buong daigdig, ang The Encyclopedia Americana ay nagsasabi: “Karamihan sa mga kaugalian na nauugnay ngayon sa Pasko ay hindi orihinal na mga kaugalian ng Pasko kundi sa halip ay mga kaugalian bago ang panahong Kristiyano at mga kaugaliang di-Kristiyano na tinanggap ng simbahang Kristiyano. Ang Saturnalia, isang kapistahang Romano na ipinagdiriwang sa kalagitnaan ng Disyembre, ay nagsilbing parisan ng maraming kaugalian ng pagsasaya sa Pasko. Halimbawa, hinango mula sa mga pagdiriwang na ito ang magarbong pagpipista, ang pagbibigayan ng mga regalo, at ang pagsisindi ng mga kandila.”

Sa Latin Amerika, ang mga saligang kaugalian na ito ng Belen ay maaaring isagawa, kalakip ang iba pa. ‘Ano ang pinagmulan,’ maaaring itanong mo. Ang totoo, kinikilala ng marami na nais manghawakan sa Bibliya na ang ilang kaugalian ay pawang mga ritwal ng Aztec. Ang El Universal, isang pahayagan sa Mexico City, ay nagkomento: “Sinamantala ng mga prayleng mula sa iba’t ibang orden ang bagay na ang panahon ng kapistahan ng mga ritwal ng mga Indian ay kasabay ng panahon ng liturhiya ng mga Katoliko, kaya ginamit nila ito upang suportahan ang kanilang pag-eebanghelyo at gawaing pagmimisyonero. Hinalinhan nila ang mga paggunita sa mga diyos bago ang panahon ng Kastila ng mga kapistahan para sa mga diyos ng mga Kristiyano, pinasimulan ang mga kapistahan at mga gawaing mula sa Europa, at inilakip din ang mga kapistahan ng mga Indian, na nagbunga ng pagsasama ng kultura kung saan nanggaling ang mga katawagan na katutubo sa Mexico.”

Ang The Encyclopedia Americana ay nagpapaliwanag: “Ang mga dula ng Belen ay maagang naging bahagi ng pagdiriwang ng Pasko . . . Ang paglalarawan ng simbahan sa Belen [ang eksena sa sabsaban] ay sinasabing pinasimulan ni San Francisco.” Ang mga dulang ito na nagtatampok ng pagsilang kay Kristo ay isinasadula sa mga simbahan noong pasimula ng pananakop sa Mexico. Inorganisa ng mga mongheng Franciscano ang mga ito upang maturuan ang mga Indian hinggil sa Belen. Nang maglaon, naging higit na popular ang mga posada. Anuman ang unang intensiyon sa likod ng mga ito, ang paraan ng paghaharap ng mga posada sa ngayon ay nagsisiwalat ng kung ano talaga ito. Kung nasa Mexico ka sa panahong ito, makikita o madarama mo ang isang bagay na itinampok ng isang manunulat para sa El Universal sa kaniyang komento: “Ang mga posada, na siyang paraan upang ipaalaala sa atin ang paglalakbay ng mga magulang ni Jesus sa paghahanap ng matutuluyan kung saan maisisilang ang Batang Diyos, ay mga araw na lamang sa ngayon ng paglalasing, kalabisan, katakawan, kawalang-kabuluhan, at parami nang paraming krimen.”

Ang ideya ng nacimiento ay lumitaw noong panahon ng Pananakop mula sa orihinal at aktuwal na mga pagsasalarawan sa mga simbahan. Bagaman itinuturing itong kaakit-akit ng ilan, wasto bang inilalarawan nito ang sinasabi ng Bibliya? Makatuwiran ang tanong na iyan. Nang ang tinatawag na tatlong matatalinong lalaki​—na sa katunayan ay mga astrologo​—ay dumalaw, si Jesus at ang kaniyang pamilya ay hindi na nakatira sa isang kuwadra. Lumipas na ang panahon, at nakatira na ang pamilya sa isang bahay. Masusumpungan mong kapana-panabik na bigyang pansin ang detalyeng ito sa kinasihang ulat sa Mateo 2:1, 11. Mapapansin mo rin na hindi sinasabi ng Bibliya kung ilan ang astrologo. *

Sa Latin Amerika, hinahalinhan ng tatlong matatalinong lalaki ang ideya ng Santa Klaus. Gayunpaman, gaya ng ginagawa sa ibang lupain, maraming magulang ang nagtatago ng mga laruan sa tahanan. Pagkatapos, sa umaga ng Enero 6, hahanapin ng mga bata ang mga ito, na para bang ang tatlong matatalinong lalaki ang nagdala ng mga iyon. Panahon ito upang kumita ang mga nagtitinda ng laruan, at marami ang nagkapera nang malaki mula sa itinuturing ng maraming tapat-pusong tao na kathang-isip lamang. Ang popular na tradisyon hinggil sa tatlong matatalinong lalaki ay hindi na pinaniniwalaan ng marami, maging ng maliliit na bata. Bagaman may mga hindi nasisiyahan na kumakaunti na ang naniniwala sa popular na tradisyong ito, ano nga ba ang maasahan sa isang kathang-isip na pinananatili lamang alang-alang sa tradisyon at sa pinansiyal na kapakinabangan?

Ang Pasko, o ang Belen, ay hindi ipinagdiwang ng sinaunang mga Kristiyano. Ganito ang sinasabi ng isang ensayklopidiya hinggil dito: “Ang pagdiriwang ay hindi isinasagawa ng simbahang Kristiyano noong unang mga siglo, yamang ang kaugalian ng mga Kristiyano sa pangkalahatan ay ang ipagdiwang ang kamatayan ng natatanging mga tao sa halip na ang kanilang kapanganakan.” Iniuugnay ng Bibliya ang mga pagdiriwang ng kaarawan sa mga pagano at hindi sa mga tunay na mananamba ng Diyos.​—Mateo 14:6-10.

Sabihin pa, hindi naman ito nangangahulugan na walang kapakinabangan ang malaman at matandaan ang aktuwal na mga pangyayari na kasangkot sa pagsilang sa Anak ng Diyos. Ang makatotohanang ulat ng Bibliya ay nagbibigay ng mahahalagang kaunawaan at mga aral para sa lahat ng mga nagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos.

Kapanganakan ni Jesus Ayon sa Bibliya

Makasusumpong ka ng mapananaligang impormasyon hinggil sa kapanganakan ni Jesus sa mga Ebanghelyo nina Mateo at Lucas. Ipinakikita ng mga ito na si anghel Gabriel ay dumalaw sa isang walang-asawang kabataang babae na nagngangalang Maria sa bayan ng Nazaret sa Galilea. Anong mensahe ang inihatid niya? “Narito! maglilihi ka sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang kaniyang pangalan. Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa bahay ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”​—Lucas 1:31-33.

Gulat na gulat si Maria sa mensaheng ito. Palibhasa’y walang asawa, sinabi niya: “Paano mangyayari ito, yamang wala akong pakikipagtalik sa lalaki?” Sumagot ang anghel: “Ang banal na espiritu ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan ang isisilang ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.” Sa pagkatanto na ito ang kalooban ng Diyos, si Maria ay nagsabi: “Narito! Ang aliping babae ni Jehova! Maganap nawa ito sa akin ayon sa iyong kapahayagan.”​—Lucas 1:34-38.

Isang anghel ang nagsabi kay Jose tungkol sa makahimalang pagsilang na ito upang hindi niya diborsiyuhin si Maria, na siyang binabalak niyang gawin matapos niyang malaman na nagdadalang-tao ito. Sa gayo’y naging handa siyang balikatin ang responsibilidad ng pangangalaga sa Anak ng Diyos.​—Mateo 1:18-25.

Pagkatapos, dahil sa isang dekreto mula kay Cesar Augusto, napilitan sina Jose at Maria na maglakbay mula Nazaret sa Galilea patungong Betlehem sa Judea, ang lunsod ng kanilang mga ninuno, upang magparehistro. “Habang sila ay naroon, ang mga araw ay dumating sa kahustuhan upang siya ay magsilang. At siya ay nagsilang sa kaniyang anak na lalaki, ang panganay, at binalot niya siya ng mga telang pamigkis at inihiga siya sa isang sabsaban, sapagkat walang dako para sa kanila sa silid-tuluyan.”​—Lucas 2:1-7.

Inilalarawan ng Lucas 2:8-14 kung ano ang sumunod na nangyari: “Mayroon ding mga pastol sa mismong lalawigang iyon na naninirahan sa labas at nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan. At bigla na lang ang anghel ni Jehova ay tumayong malapit sa kanila, at ang kaluwalhatian ni Jehova ay suminag sa palibot nila, at sila ay lubhang natakot. Ngunit sinabi sa kanila ng anghel: ‘Huwag kayong matakot, sapagkat, narito! ipinahahayag ko sa inyo ang mabuting balita ng malaking kagalakan na tataglayin ng lahat ng mga tao, sapagkat isinilang sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon, sa lunsod ni David. At ito ay isang tanda para sa inyo: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nakabalot ng mga telang pamigkis at nakahiga sa sabsaban.’ At bigla na lang na nakisama sa mga anghel ang isang karamihan ng makalangit na hukbo, pinupuri ang Diyos at sinasabi: ‘Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.’ ”

Ang mga Astrologo

Binabanggit ng ulat ni Mateo na ang mga astrologo mula sa Silangan ay dumating sa Jerusalem na hinahanap ang lugar kung saan isinilang ang Hari ng mga Judio. Interesadung-interesado si Haring Herodes dito​—ngunit taglay ang masasamang hangarin. ‘Sa pagsusugo sa kanila sa Betlehem, ay sinabi niya: “Humayo kayo at gumawa ng maingat na paghahanap sa bata, at kapag nasumpungan ninyo siya ay mag-ulat kayo pagbalik sa akin, upang ako rin ay makaparoon at mangayupapa sa kaniya.” ’ Natagpuan ng mga astrologo ang musmos na bata at ‘binuksan nila ang kanilang mga kayamanan at inihandog ito na kasama ng mga kaloob, ginto at olibano at mira.’ Ngunit hindi sila bumalik kay Herodes. “Binigyan sila ng mula-sa-Diyos na babala sa panaginip na huwag bumalik kay Herodes.” Ginamit ng Diyos ang isang anghel upang babalaan si Jose hinggil sa mga hangarin ni Herodes. Sa gayo’y tumakas sina Jose at Maria sa Ehipto kasama ang kanilang anak. Pagkatapos, sa pagsisikap na patayin ang bagong Hari, ipinag-utos ng malupit na si Haring Herodes na patayin ang mga batang lalaki sa nasasakupan ng Betlehem. Aling mga batang lalaki? Yaong mga dalawang-taóng gulang at pababa.​—Mateo 2:1-16.

Ano ang Matututuhan Natin Mula sa Ulat?

Ang dumalaw na mga astrologo​—ilan man sila​—ay hindi sumasamba sa tunay na Diyos. Sinasabi sa isang talababa ng salin ng Bibliya na La Nueva Biblia Latinoamérica (1989 Edition): “Ang mga Mago ay hindi mga hari, kundi mga manghuhula at mga saserdote ng isang paganong relihiyon.” Dumalaw sila dahil sa kanilang kaalaman sa mga bituin na pinag-uukulan nila ng debosyon. Kung nais talaga ng Diyos na patnubayan sila patungo sa batang sanggol, tuwiran sana silang inakay sa eksaktong lugar anupat hindi na kailangan pang dumaan muna sa Jerusalem at sa palasyo ni Herodes. Nang maglaon, talagang kumilos ang Diyos upang baguhin ang kanilang landas upang maipagsanggalang ang bata.

Sa panahon ng Pasko, ang ulat na ito ay kadalasang nababalutan ng maalamat at mahiwagang kapaligiran na nagpapalabo sa pinakamahalagang bagay: na ang sanggol na ito ay isinilang noon upang maging isang maringal na Hari, gaya ng inihayag kay Maria at sa mga pastol. Si Jesu-Kristo ay hindi na nga isang sanggol, ni isang bata man. Siya ang namamahalang hari sa Kaharian ng Diyos, na hindi na magtatagal ay mag-aalis sa lahat ng pamamahala na salungat sa kalooban ng Diyos, at kaniyang lulunasan ang lahat ng suliranin ng sangkatauhan. Iyan ang Kaharian na hinihiling natin sa Panalangin ng Panginoon.​—Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.

Sa pamamagitan ng kapahayagan ng mga anghel sa mga pastol, matututuhan natin na ang pagkakataon para sa kaligtasan ay bukás sa lahat ng handang makinig sa mensahe ng mabuting balita. Yaong mga magtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay magiging “mga taong may kabutihang-loob.” Marami ang kamangha-manghang pagkakataon para sa kapayapaan sa buong daigdig sa ilalim ng Kaharian ni Jesu-Kristo, ngunit kailangan na handang gawin ng mga tao ang kalooban ng Diyos. Itinataguyod ba ito ng panahon ng Pasko, at ipinakikita ba nito ang pagnanais na iyan? Maraming taimtim na mga tao na nais sumunod sa Bibliya ang nakaaalam ng sagot sa tanong na iyan.​—Lucas 2:10, 11, 14.

[Talababa]

^ par. 13 Isa pang detalye ang hindi dapat ipagwalang-bahala: Sa nacimiento ng Mexico, ang sanggol ay tinutukoy bilang “ang Batang Diyos” taglay ang ideya na ang Diyos mismo ang pumarito sa lupa bilang isang sanggol. Gayunman, si Jesus ay ipinakikilala ng Bibliya bilang ang Anak ng Diyos na isinilang sa lupa; hindi siya katulad o kapantay ni Jehova, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. Isaalang-alang ang katotohanan hinggil dito, na makikita sa Lucas 1:35; Juan 3:16; 5:37; 14:1, 6, 9, 28; 17:1, 3; 20:17.

[Kahon sa pahina 4]

MAGTATAKA ANG ILAN

Sa kaniyang aklat na The Trouble With Christmas, iniharap ng awtor na si Tom Flynn ang mga naging konklusyon pagkalipas ng maraming taon ng pananaliksik tungkol sa Pasko:

“Napakaraming tradisyon na iniuugnay natin ngayon sa Pasko ang nagmula sa relihiyosong mga tradisyon ng mga pagano bago ang panahong Kristiyano. Ang ilan sa mga ito ay may sosyal, seksuwal, o kosmolohikal na mga kahulugan na maaaring umakay sa makabagong mga tao na edukado at sensitibo sa kultura na itakwil ang mga tradisyong ito sa sandaling maunawaan nila nang mas maliwanag ang mga pinagmulan ng mga ito.”​—Pahina 19.

Pagkatapos iharap ang maraming umaalalay na impormasyon, bumalik si Flynn sa saligang punto: “Ang isa sa malaking kabalintunaan ng Pasko ay kung gaano nga kaunti sa mga ideya nito ang tunay na maka-Kristiyano. Minsang maalis na natin ang mga elementong bago ang panahong Kristiyano, karamihan ng maiiwan ay mga elementong pagkatapos ng panahong Kristiyano, sa halip na tunay na Kristiyano ang pinagmulan.”​—Pahina 155.

[Larawan sa pahina 7]

Ang paghahayag ng kapanganakan ni Jesus ay naglaan ng saligan sa kaniyang magiging papel bilang ang piniling Hari ng Diyos