Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Narating ng Mabuting Balita ng Kapayapaan ang Chiapas Highlands

Narating ng Mabuting Balita ng Kapayapaan ang Chiapas Highlands

Narating ng Mabuting Balita ng Kapayapaan ang Chiapas Highlands

“Sa pinakamalubhang masaker na maaalaala ng sinuman sa estado ng Chiapas, 45 walang kalaban-labang magbubukid, kabilang na ang 13 sanggol, ang pinagpapatay ng isang pangkat ng mga lalaking . . . armado.” Gayon ang iniulat ng pahayagang “El Universal” tungkol sa nangyari sa Acteal, Estado ng Chiapas, noong Disyembre 22, 1997.

ANG Chiapas ang pinakatimugang bahagi ng estado ng Mexico, sa hangganan ng Guatemala. Dahil sa mahabang kasaysayan ng karalitaan at kakapusan, isang pangkat ng katutubong Maya Indian ang nag-organisa ng isang armadong pag-aalsa noong Enero 1994, sa pangalan ng Ejército Zapatista de Liberación Nacional (EZLN, National Liberation Zapatista Army). Walang nangyari sa mga negosasyon ukol sa isang mapayapang solusyon. Ang mga paglusob at mga pag-atake, kapuwa ng mga rebelde at ng mga sundalo ng pamahalaan, ay nagbunga ng pagdanak ng dugo at kamatayan. Ang matinding kaguluhan ang nagpangyari sa maraming magbubukid sa lugar na iyon na tumakas tungo sa ligtas na dako.

Sa gitna ng gayong alanganing kalagayan, may isang grupo na maibigin sa kapayapaan ang nanatiling neutral may kinalaman sa labanang pulitikal na ito. May kasigasigan nilang itinutuon ang pansin sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa sa paglutas ng mga suliraning napapaharap sa mga tao, kapuwa sa lokal at sa buong globo. (Daniel 2:44) Sino sila? Ang mga Saksi ni Jehova. Bilang pagsunod sa utos ni Jesus, sinisikap nilang dalhin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos hanggang sa pinakaliblib na mga lugar ng Chiapas highlands. (Mateo 24:14) Paano isinagawa ang pangangaral sa gayong mga kalagayan, at ano ang mga resulta?

“Ako ay Isa sa mga Saksi ni Jehova”

Si Adolfo, isang kabataang lalaki na bago pa lamang naging mamamahayag ng Kaharian, ay nagtatrabaho noong isang araw sa isang istasyon ng radyo sa Ocosingo. Bigla na lamang may kumatok nang malakas sa pinto. Isang pangkat ng mga lalaking nakamaskara ang biglang pumasok at itinutok ang kanilang mga baril sa kaniyang ulo. Pinasok nila ang transmission booth, sinamsam ang mga kagamitan, at ipinatalastas sa radyo na sila ay nakikipagdigma laban sa pamahalaan.

Pagbaling kay Adolfo, inutusan siya ng armadong mga lalaki na sumama sa kanilang kilusan. “Ako ay isa sa mga Saksi ni Jehova,” ang tugon ni Adolfo, bagaman hindi pa siya bautisado noon. Ipinaliwanag niya na ang tanging pag-asa para sa kapayapaan ay ang Kaharian ng Diyos, at may-katatagan niyang tinanggihan ang uniporme at baril na iniaalok nila sa kaniya. Pagkakita sa kaniyang matatag na paninindigan, pinakawalan nila siya. Habang ginugunita ang nangyari, sinabi ni Adolfo: “Ang pangyayaring iyon ang talagang nagpatibay sa aking pananampalataya.”

Nang maglaon ay nagbago ang kalagayan, ngunit ang dakong iyon ay kontrolado pa rin ng militar. Sa kabila nito, may-kagalakang tinanggap ni Adolfo ang paanyaya ng mga matatanda ng lokal na kongregasyon na gumawang kasama ng isang nakabukod na grupo ng mga Kristiyano sa dakong iyon. Sa mga checkpoint na dinaraanan niya, ang mga sundalo ay nagbibigay-galang sa kaniya kapag nagpapakilala siyang isa sa mga Saksi ni Jehova. Sa kalaunan ay nabautismuhan siya at nasiyahan sa pagtulong sa nakabukod na grupong iyon na maging isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. “Ngayong bautisado na ako,” ang pahayag ni Adolfo, “buong pananalig ko nang masasabi na ako ay isa sa mga Saksi ni Jehova!”

“Pinalakas Kami ni Jehova”

Di-nagtagal pagkatapos ipahayag ng EZLN sa radyo ang pakikipagdigma laban sa pamahalaan, ang mga taong-bayan ay nagsilikas. Si Francisco, isang buong-panahong ministro, o payunir, ay nagsalaysay kung paanong siya at ang kaniyang asawa ay pinalakas ni Jehova dahil sa kanilang dinanas.

“Nagpasiya kaming manganlong sa isang dako na tatlong oras kung lalakarin. May isang kongregasyon doon, kaya makakasama namin ang mga kapatid. Malapit nang idaos noon ang aming pansirkitong asamblea na gaganapin sa Palenque. Hindi namin nais ng aking asawa na malibanan ang pantanging pulong para sa mga payunir, ngunit napag-alaman naming hinarangan ng EZLN ang daan patungong asamblea. Ipinasiya naming dumaan sa kagubatan, kaya inabot kami ng siyam na oras. Tamang-tama ang dating namin upang madaluhan ang pulong ng payunir, na lubusan naming ikinasiya, lakip na ang buong programa ng asamblea.

“Sa aming pag-uwi, nadatnan naming sinunog ang aming bahay at ninakaw ang aming mga alagang hayop. Ang tanging naiwan ay isang maliit na bag ng mga damit. Nalungkot kami dahil sa mga nawala sa amin, ngunit may-kabaitan kaming pinatuloy ng mga kapatid sa kanilang tahanan sa Ocosingo. Ipinakita rin nila sa amin kung paano magtrabaho sa paraan na hindi pa namin kailanman nagagawa bilang mga magsasaka. Tinuruan ako ng isang kapatid na lalaki kung paano kumuha ng litrato, ang isa naman ay kung paano magkumpuni ng sapatos. Ganiyan naming mag-asawa sinuportahan ang aming sarili hanggang ngayon, na hindi na kailangang itigil pa ang pagpapayunir. Sa pagbabalik-tanaw sa mga nangyari, nakikita namin na bagaman hindi madali para sa amin na magbata, pinalakas kami ni Jehova.”

Ang Bunga ng Gawaing Pangangaral

Hindi pinahintulutan ng mga Saksi sa Estado ng Chiapas na mahadlangan sila ng kahirapan at panganib upang makibahagi sa natatanging pagsisikap na dalhin ang mabuting balita sa mga tao sa dakong iyon. Halimbawa, noong Abril at Mayo 1995, nakiisa sila sa kanilang kapuwa mga Kristiyano sa buong daigdig sa kampanya na ipamahagi ang Kingdom News Blg. 34, na may pinakaangkop na pamagat na Bakit Kaya Punung-puno ng Suliranin ang Buhay?

Sa panahon ng kampanya​—sa isang dakong tinatawag na Pueblo Nuevo​—nasumpungan ni Ciro, isang regular payunir, ang isang pamilya na nagpakita ng interes. Sa pagbabalik niya pagkaraan ng tatlong araw, napasimulan niya sa kanila ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ngunit nang bumalik si Ciro at ang kaniyang kasama upang ipagpatuloy ang pakikipag-aral sa pamilya, wala roon ang ama ng tahanan. Sa halip, isang pangkat ng mga lalaking nakamaskara ang naghihintay sa kaniya upang saktan siya. Tinanong nila si Ciro at ang kasama nito kung ano ang hinahanap nila at binantaan silang papatayin. Pagkatapos manalangin nang tahimik kay Jehova, may-katapangang ipinaliwanag ng dalawang Kristiyano na pumunta sila roon upang turuan ng Bibliya ang pamilya. Dahil dito ay pinawalan sila ng mga lalaking nakamaskara. Sa di-malamang dahilan, hindi umuwi ang ama ng tahanan nang araw na iyon.

Isang araw pagkaraan ng halos tatlong taon, nagulat si Ciro nang makita ang lalaki sa kaniyang pintuan. Tuwang-tuwa si Ciro na malamang nabautismuhan na pala ang buong pamilya nito at na sila ngayon ay nakaugnay sa isang kongregasyon sa Guatemala! Ang isa sa mga anak na babae ay naglilingkod pa nga bilang isang regular payunir.

Pagpapahalaga sa Espirituwal na Pagkain

Sa kabila ng patuloy na kahirapan sa Chiapas, iniulat ng isang tagapangasiwa ng distrito na tunay na pinahahalagahan ng mga Saksi sa dakong iyon ang kahalagahan ng pagpupulong. (Hebreo 10:24, 25) Isinalaysay niya ang nangyari sa isang kamakailang pantanging araw na asamblea, na nakatakdang pasimulan nang maagang-maaga upang yaong mga dadalo ay makauwi sa bahay nang ligtas habang may liwanag pa. Bagaman karamihan sa kanila ay kailangang maglakad nang mahigit sa tatlong oras sa gitna ng kagubatan upang makarating sa pagdarausan ng asamblea, ang bawat isa ay nasa kani-kaniyang upuan na nang alas-7 ng umaga. Kabilang sa mga tagapakinig ang anim na miyembro ng grupo ng EZLN, nakikinig at pumapalakpak, na malamang ay nasisiyahan sa programa. Sila rin ay naglakad ng tatlong oras upang dumalo sa asamblea. Dalawampu sa kanila ang dumalo rin sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, na ginanap sa isang lokal na Kingdom Hall.

Ang isa pang kabataang lalaki na kasama ng kilusan ng gerilya ay inatasan ng mga nakatataas sa kaniya na magronda sa isang dako sa kagubatan. Pagdating niya sa komunidad na iyon, nadatnan niyang nakalikas na ang lahat ng naninirahan doon, na karamihan sa kanila ay mga Saksi ni Jehova. Kaya tumuloy siya sa isa sa mga iniwanang bahay. Palibhasa’y walang gaanong magawa, kumuha siya ng ilang aklat na nasumpungan niya sa bahay at nagsimulang magbasa. Iyon pala ay mga publikasyon ng Watch Tower na naiwan ng mga Saksi. Sa kaniyang pag-iisa, nagkapanahon ang kabataang lalaki na bulay-bulayin ang kaniyang nabasa. Ipinasiya niya na dapat niyang baguhin ang kaniyang buhay at isuko ang kaniyang mga sandata. Sa pinakamaagang panahong magagawa niya, nasumpungan niya ang mga Saksi at nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya. Sa loob ng anim na buwan, ipinangangaral na niya sa iba ang mabuting balita. Siya at ang tatlong iba pang miyembro ng kaniyang pamilya na dating may simpatiya sa kilusan ng gerilya ay bautisadong mga Kristiyano na ngayon.

Pagtingin sa Positibong Panig

Bagaman nangangahulugan ito ng matinding paghihirap, ang kaguluhan sa katunayan ay may positibong impluwensiya sa saloobin ng mga tao tungkol sa gawaing pangangaral. Ang isang elder sa mismong lunsod kung saan nagsimula ang labanan ay nag-ulat: “Mga limang araw pagkaraang magsimula ang labanan, nagsaayos kami ng gawaing pangangaral kapuwa sa loob at sa labas ng lunsod. Ang mga tao ay sabik na makinig sa amin. Nakapagpasakamay kami ng maraming literatura sa Bibliya at nakapagpasimula ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Sa isang dako, marami ang dating salansang sa katotohanan, ngunit dahil sa labanan, sila ngayon ay nakikinig, nag-aaral ng Bibliya, at dumadalo sa mga pulong at mga asamblea.”

Ang mga kapatid ay maliligaya sapagkat naipagpapatuloy nila ang kanilang teokratikong mga gawain sa kabila ng lubhang mabuway na kalagayan. Sa kaalaman kapuwa ng mga puwersa ng pamahalaan at ng EZLN, patuloy nilang idinaraos ang kanilang mga asamblea, na nagpapalakas sa kanila sa espirituwal. Ang mga pagdalaw ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ay naging mabisang pangganyak din upang magpatuloy sa gawaing pangangaral. Kapansin-pansin, ang pampasigla ay nagmumula pa nga sa mga kasangkot sa labanan, na kadalasang humihimok sa mga Saksi na ipagpatuloy ang kanilang gawaing pangangaral.

Bagaman ang mga pagsubok at mga paghihirap na kinailangang batahin ng mga tao sa Chiapas ay tila nababawasan sa pagdaan ng panahon, hindi pa rin tapos ang mga ito. Anuman ang mangyari, isang bagay ang tiyak​—ang mga Saksi ni Jehova ay determinadong magpatuloy nang walang lubay sa kanilang pagsisikap na dalhin sa mga tao ang mabuting balita ng kapayapaan mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Gawa 10:34-​36; Efeso 6:15) Tulad ng sinabi ni propeta Jeremias, kinikilala nila “na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Tanging ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang makapagdadala ng solusyon sa kawalang-katarungan at karalitaan sa daigdig.​—Mateo 6:10.

[Mapa sa pahina 9]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Gulf of Mexico

CHIAPAS

GUATEMALA

Pacific Ocean

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 9]

Ang mga Saksi patungo sa kanilang ministeryo sa Chiapas highlands