Tulungan ang Iba na Lumakad Nang Karapat-dapat kay Jehova
Tulungan ang Iba na Lumakad Nang Karapat-dapat kay Jehova
“Kami . . . ay hindi tumitigil sa pananalangin para sa inyo at sa paghiling na . . . [kayo ay] lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos samantalang patuloy kayong namumunga sa bawat mabuting gawa.”—COLOSAS 1:9, 10.
1, 2. Ano lalo na ang maaaring pagmulan ng kagalakan at kasiyahan?
“NAKATIRA kami sa isang mobile home na nasa isang bukirin. Dahil pinananatili naming simple ang aming buhay, mas marami kaming panahon na mapaabutan ng mabuting balita ang mga tao. Kami ay lubhang pinagpala na magkaroon ng pribilehiyong tulungan ang marami na mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova.”—Mag-asawa, mga buong-panahong ministro sa Timog Aprika.
2 Hindi ba kayo sasang-ayon na ang pagtulong sa iba ay nagdudulot ng kagalakan? Palaging sinisikap ng ilan na tulungan ang maysakit, ang pinagkaitan, o ang malungkot—anupat nasisiyahan sa paggawa ng gayon. Natitiyak ng tunay na mga Kristiyano na ang pagbabahagi nila sa iba ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo ang siyang pinakadakilang tulong na maaari nilang ibigay. Ito lamang ang maaaring umakay sa iba na tanggapin ang pantubos ni Jesus, mapaunlad ang mabuting kaugnayan sa Diyos, at pagkatapos ay mapahanay sa mga tatanggap ng buhay na walang hanggan.—Gawa 3:19-21; 13:48.
3. Anong uri ng tulong ang nararapat nating bigyang-pansin?
3 Gayunman, kumusta naman ang pagtulong sa iba na naglilingkod na sa Diyos, na sumusunod na sa “Daan”? (Gawa 19:9) Walang-alinlangan na gayon pa rin kasidhi ang interes mo sa kanila, subalit maaaring hindi mo makita kung paano ka makagagawa nang higit pa o makapagbibigay ng patuluyang pagtulong. O maaaring waring nalilimitahan ka ng iyong situwasyon may kinalaman sa pagtulong sa kanila, anupat bahagya lamang ang kasiyahan na maaari mong matamo. (Gawa 20:35) Hinggil sa dalawang aspektong ito, maaari tayong matuto mula sa aklat ng Mga Taga-Colosas.
4. (a) Ano ang mga kalagayan nang lumiham si Pablo sa mga taga-Colosas? (b) Paano nasangkot si Epafras?
4 Nang sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas, siya ay nakabilanggo sa isang bahay sa Roma, bagaman maaari siyang tumanggap ng mga bisita. Gaya ng iyong maaasahan, ginamit ni Pablo ang kaniyang limitadong kalayaan upang mangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Gawa 28:16-31) Si Pablo ay maaaring dalawin ng mga kapuwa Kristiyano, marahil ang ilan ay nabibilanggo pa ngang kasama niya kung minsan. (Colosas 1:7, 8; 4:10) Isa na rito ang masigasig na ebanghelisador na si Epafras na mula sa lunsod ng Colosas sa Frigia, sa mataas at patag na rehiyon sa silangan ng Efeso sa Asia Minor (makabagong-panahong Turkey). Nakatulong nang malaki si Epafras sa pagbuo sa isang kongregasyon sa Colosas, at nagpagal siya para sa mga kongregasyon sa karatig na Laodicea at Hierapolis. (Colosas 4:12, 13) Bakit naglakbay si Epafras upang makipagkita kay Pablo sa Roma, at ano ang matututuhan natin sa tugon ni Pablo?
Mabisang Tulong Para sa mga Taga-Colosas
5. Bakit sumulat si Pablo nang gayon sa mga taga-Colosas?
5 Upang maisangguni kay Pablo ang hinggil sa mga kalagayan sa kongregasyon sa Colosas, isinagawa ni Epafras ang mahirap na paglalakbay patungong Roma. Iniulat niya ang tungkol sa pananampalataya, pag-ibig, at mga pagsisikap sa pag-eebanghelyo ng mga Kristiyano roon. (Colosas 1:4-8) Gayunman, malamang na sinabi rin niya ang kaniyang pagkabahala tungkol sa mga negatibong impluwensiya na nagbabanta sa espirituwalidad ng mga taga-Colosas. Tumugon si Pablo sa pamamagitan ng isang kinasihang liham na sumalungat sa ilang pangmalas na pinalalaganap ng mga bulaang guro. Nagtuon siya nang higit na pansin sa napakahalagang papel na dapat gampanan ni Jesu-Kristo. * Ang tulong ba niya ay hanggang sa pagdiriin lamang ng mga pangunahing katotohanan sa Bibliya? Paano pa niya matutulungan ang mga taga-Colosas, at anong mga aral ang matututuhan natin tungkol sa pagtulong sa iba?
6. Ano ang idiniin ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas?
6 Sa unang bahagi ng kaniyang liham, naglaan si Pablo ng kaunawaan sa isang uri ng tulong na maaaring Colosas 1:3, 9.
hindi natin mapansin. Ito’y isang mabisang paraan ng pagtulong kahit nasa malayo, palibhasa’y malayo sina Pablo at Epafras sa Colosas. Pinatunayan ito ni Pablo: “Pinasasalamatan naming lagi ang Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo kapag nananalangin [talababa, “palaging nananalangin”] kami para sa inyo.” Oo, ito’y mga espesipikong panalangin para sa mga Kristiyano sa Colosas. Idinagdag pa ni Pablo: “Iyan din ang dahilan kung bakit kami, mula nang araw na marinig namin iyon, ay hindi tumitigil sa pananalangin para sa inyo at sa paghiling na mapuspos kayo ng tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban na may buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa.”—7, 8. Ang ating pampersonal at pangkongregasyon na mga panalangin ay madalas na naglalakip ng anong bagay?
7 Alam natin na si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin,” kaya makapagtitiwala tayo sa kaniyang pagiging handang makinig sa mga panalanging inihandog natin na kasuwato ng kaniyang kalooban. (Awit 65:2; 86:6; Kawikaan 15:8, 29; 1 Juan 5:14) Ngunit kapag nananalangin tayo para sa iba, anong uri ang ating mga panalangin?
8 Maaaring madalas nating isipin at ipanalangin ang ‘buong samahan ng ating mga kapatid sa sanlibutan.’ (1 Pedro 5:9) O maaaring idinudulog natin kay Jehova ang tungkol sa mga Kristiyano at sa iba pa na nasa isang rehiyon na nakaranas ng kasakunaan o trahedya. Nang mabalitaan ng unang-siglong mga alagad sa ibang lugar ang taggutom sa Judea, malamang na naghandog sila ng maraming panalangin para sa kanilang mga kapatid bago pa man sila nagpadala ng mga pondong pantulong. (Gawa 11:27-30) Sa panahon natin, ang mga panalangin tungkol sa buong kapatiran o tungkol sa isang malaking grupo ng mga kapatid ay madalas na naririnig sa mga pulong Kristiyano, kung saan marami ang kinakailangang makaunawa at makapagsabi ng “Amen.”—1 Corinto 14:16.
Maging Espesipiko sa Panalangin
9, 10. (a) Anong mga halimbawa ang nagpapakita na ang pananalangin tungkol sa espesipikong mga indibiduwal ay naaangkop? (b) Paanong si Pablo ang laman ng espesipikong panalangin?
9 Gayunman, ang Bibliya ay naglalaan sa atin ng mga halimbawa ng panalangin para sa iba na mas espesipiko at ibinagay sa isang tao. Pag-isipan ang komento ni Jesus na nakaulat sa Lucas 22:31, 32. Siya ay napalilibutan ng 11 tapat na apostol. Silang lahat ay nangangailangan ng pag-alalay ng Diyos sa mahihirap na panahong darating, at nanalangin si Jesus para sa kanila. (Juan 17:9-14) Gayunman, partikular pa ring tinukoy ni Jesus si Pedro, anupat espesipikong nagsumamo alang-alang sa isang alagad na iyon. Iba pang mga halimbawa: Ipinanalangin ni Eliseo na tulungan ng Diyos ang isang espesipikong lalaki, ang kaniyang tagapaglingkod. (2 Hari 6:15-17) Idinalangin ni apostol Juan na patuloy sanang maging malusog sa pisikal at espirituwal si Gayo. (3 Juan 1, 2) At ang iba pang panalangin ay nagtuon ng pansin sa espesipikong mga grupo.—Job 42:7, 8; Lucas 6:28; Gawa 7:60; 1 Timoteo 2:1, 2.
10 Itinatampok ng mga liham ni Pablo ang hinggil sa napakaespesipikong mga panalangin. Hiniling niya na maghandog nawa ng panalangin alang-alang sa kaniya o alang-alang sa kaniya at sa kaniyang mga kasamahan. Ganito ang mababasa sa Colosas 4:2, 3: “Magmatiyaga kayo sa pananalangin, na nananatiling gising doon taglay ang pasasalamat, na kasabay nito ay nananalangin din para sa amin, na ang Diyos ay magbukas ng pinto ng pagsasalita para sa amin, upang salitain ang sagradong lihim tungkol sa Kristo, na dahil nga rito, ako ay nasa mga gapos ng bilangguan.” Isaalang-alang din ang iba pang mga halimbawang ito: Roma 15:30; 1 Tesalonica 5:25; 2 Tesalonica 3:1; Hebreo 13:18.
11. Nang siya ay nasa Roma, alang-alang kanino nananalangin si Epafras?
11 Totoo rin ito sa kasama ni Pablo sa Roma. “Si Epafras, na mula sa inyo, . . . ay nagpapadala sa inyo ng kaniyang mga pagbati, na laging nagpupunyagi alang-alang sa inyo sa kaniyang mga panalangin.” (Colosas 4:12) Ang salitang isinaling “nagpupunyagi” ay maaaring mangahulugang “nagsusumikap,” gaya ng isang gymnast sa sinaunang mga palaro. Si Epafras ba ay taimtim na nananalangin lamang tungkol sa lupon ng mga mananampalataya sa buong daigdig o tungkol sa tunay na mga mananamba sa buong Asia Minor? Ipinahiwatig ni Pablo na si Epafras ay espesipikong nananalangin para sa mga nasa Colosas. Alam ni Epafras ang kanilang situwasyon. Hindi naman lahat ng pangalan ng bawat isa sa kanila ay alam natin, ni hindi rin natin alam kung ano ang mga problemang napaharap sa kanila, ngunit gunigunihin ang ilang posibilidad. Marahil ay nakikipagbaka ang kabataang si Lino sa impluwensiya ng laganap na mga pilosopiya, at maaaring kinailangan ni Rufo ang lakas upang mapaglabanan ang pang-akit ng kaniyang dating mga kaugalian sa Judaismo. Yamang may di-sumasampalatayang asawang lalaki, kinailangan kaya ni Persis ang pagbabata at karunungan upang mapalaki ang kaniyang mga anak sa Panginoon, at kinailangan kaya ni Asincrito, na dinapuan ng nakamamatay na sakit, ang karagdagang kaaliwan? Oo, kilala ni Epafras yaong mga kakongregasyon niya, at taimtim siyang nanalangin tungkol sa kanila dahil kapuwa nila ninais ni Pablo na ang gayong mga tapat ay makalakad nang karapat-dapat kay Jehova.
12. Paano tayo maaaring maging higit na espesipiko sa ating sarilinang pananalangin?
12 Nakikita mo ba ang parisan para sa atin—ang isang paraan upang matulungan natin ang iba? Gaya ng nabanggit, ang pangmadlang mga panalangin sa mga pulong Kristiyano ay kadalasan nang pangkalahatan, yamang isinasaalang-alang ang iba’t ibang tagapakinig. Subalit ang ating personal o pampamilyang mga panalangin ay maaaring maging mas espesipiko. Bagaman kung minsan ay hinihiling natin sa Diyos na patnubayan at pagpalain ang lahat ng naglalakbay na tagapangasiwa o ang mga espirituwal na pastol, hindi ba tayo maaaring maging espesipiko kung minsan? Halimbawa, bakit hindi banggitin sa panalangin ang pangalan ng tagapangasiwa ng sirkito na dumadalaw sa inyong kongregasyon o ang nangangasiwa sa inyong Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat? Ipinakikita ng Filipos 2:25-28 at 1 Timoteo 5:23 ang pagmamalasakit ni Pablo sa kalusugan ni Timoteo at ni Epafrodito bilang mga indibiduwal. Maaari ba nating ipamalas ang gayong interes sa mga maysakit na ang pangalan ay alam natin?
13. Anong uri ng mga situwasyon ang naaangkop na mga paksa na ilalakip natin sa ating personal na mga panalangin?
13 Totoo, kailangang iwasan natin ang pakikialam sa pribadong buhay ng iba, subalit wasto na ipamalas sa ating mga panalangin ang tunay na interes sa mga kakilala at pinagmamalasakitan natin. (1 Timoteo 5:13; 1 Pedro 4:15) Maaaring nawalan ng trabaho ang isang kapatid, at hindi natin kayang bigyan siya ng bagong trabaho. Gayunman, maaari nating banggitin ang kaniyang pangalan at magtuon ng pansin sa kaniyang problema sa ating personal na mga panalangin. (Awit 37:25; Kawikaan 10:3) May kilala ba tayo na isang kapatid na babae na tumanda nang walang asawa at mga anak dahil determinado siyang mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon”? (1 Corinto 7:39) Sa iyong sarilinang pananalangin, bakit hindi hilingin kay Jehova na pagpalain siya at tulungan siyang magpatuloy nang tapat sa kaniyang paglilingkod? Bilang isa pang halimbawa, maaaring nagbigay ng payo ang dalawang matanda sa isang kapatid na lalaki na nakagawa ng mali. Bakit hindi banggitin ng bawat isa sa kanila ang pangalan niya sa kanilang sarilinang pananalangin sa pana-panahon?
14. Paano nauugnay ang espesipikong mga panalangin sa pagtulong sa iba?
14 Napakarami ang mga posibilidad para maisama mo sa iyong personal na mga panalangin ang kilala mong mga indibiduwal na nangangailangan ng pag-alalay, pag-aliw, karunungan, at banal na espiritu ni Jehova, o alinman sa mga bunga nito. Dahil sa layo o iba pang mga kalagayan, baka madama mo na limitado lamang ang mailalaan mong materyal o tuwirang tulong. Subalit huwag mong kalilimutang idalangin ang iyong mga kapatid. Alam mo na nais nilang lumakad nang karapat-dapat kay Jehova, subalit maaaring kailangan talaga nila ng tulong upang magawa iyon nang patuluyan. Ang isang susi sa pagtulong ay ang iyong mga panalangin.—Awit 18:2; 20:1, 2; 34:15; 46:1; 121:1-3.
Gumawa Upang Mapalakas ang Iba
15. Bakit dapat tayong maging interesado sa panghuling bahagi ng Mga Taga-Colosas?
15 Siyempre pa, hindi lamang ang marubdob at espesipikong panalangin ang tanging paraan upang Colosas 4:7-18) Sa kabaligtaran, nasumpungan na natin na ang huling bahagi ng aklat na ito ay naglalaman ng payo na nararapat na bigyang-pansin, at marami pang matututuhan mula sa bahaging ito.
matulungan ang iba, lalo na yaong mga malapít at napamahal sa iyo. Nililiwanag ito ng aklat ng Mga Taga-Colosas. Ipinalalagay ng maraming iskolar na matapos magbigay si Pablo ng patnubay sa doktrina at praktikal na payo, idinagdag niya ang pawang mga pagbati at personal na pangangamusta. (16, 17. Ano ang masasabi natin tungkol sa mga kapatid na binanggit sa Colosas 4:10, 11?
16 Isinulat ni Pablo: “Si Aristarco na aking kapuwa bihag ay nagpapadala sa inyo ng kaniyang mga pagbati, at gayundin si Marcos na pinsan ni Bernabe, (na may kinalaman sa kaniya ay tumanggap kayo ng mga utos na tanggapin siya kung sakaling paririyan siya sa inyo,) at si Jesus na tinatawag na Justo, na ang mga ito ay kabilang sa mga tuli. Ang mga ito lamang ang aking mga kamanggagawa para sa kaharian ng Diyos, at ang mga ito ang siyang naging tulong na nagpapalakas sa akin.”—Colosas 4:10, 11.
17 Tinukoy roon ni Pablo ang ilang kapatid na karapat-dapat pag-ukulan ng pantanging pansin. Sinabi niya na kabilang sila sa mga tuli, na ang pinagmulan ay sa mga Judio. Maraming tuling Judio sa Roma, at ang ilan ay naging mga Kristiyano na noon. Gayunman, yaong mga binanggit ni Pablo ay tumulong sa kaniya. Malamang, hindi sila nag-atubiling makisama sa mga Kristiyanong nagmula sa mga Gentil, at tiyak na nalugod silang makisama kay Pablo sa pangangaral sa mga Gentil.—Roma 11:13; Galacia 1:16; 2:11-14.
18. Paano pinapurihan ni Pablo ang ilang kasama niya?
18 Pansinin ang komento ni Pablo: “Ang mga ito ang siyang naging tulong na nagpapalakas sa akin.” Gumamit siya ng isang salitang Griego na dito lamang lumilitaw sa Bibliya. Isinasalin ito ng maraming tagapagsalin bilang “kaaliwan.” Gayunman, may isa pang salitang Griego (pa·ra·ka·le’o) na mas karaniwang isinasalin na “kaaliwan.” Ginamit ito ni Pablo sa ibang bahagi ng mismong liham na ito ngunit hindi sa Colosas 4:11.—Mateo 5:4; Gawa 4:36; 9:31; 2 Corinto 1:4; Colosas 2:2; 4:8.
19, 20. (a) Ano ang diwa ng kapahayagang ikinapit ni Pablo sa mga kapatid na tumulong sa kaniya sa Roma? (b) Sa anu-anong paraan maaaring nakatulong kay Pablo ang mga kapatid na iyon?
Colosas 4:11 ay ginagamit noon kung minsan sa sekular na mga kasulatan para sa isang gamot na pumapawi ng kirot. Ganito ang mababasa sa New Life Version: “Malaking tulong sila sa akin!” Ginamit naman ng Today’s English Version ang pariralang: “Kay laki ng naitulong nila sa akin.” Ano ang maaaring ginawa ng mga kapatid na Kristiyano na nakatira malapit kay Pablo upang matulungan siya?
19 Yaong mga tinukoy ni Pablo sa pangalan ay malamang na hindi lamang sa salita nakapagpaginhawa sa kaniya. Ang terminong Griego na isinaling “tulong na nagpapalakas” sa20 Maaaring tumanggap ng mga bisita si Pablo, subalit maraming bagay ang hindi niya magagawa, gaya ng pamimili ng kaniyang mga pangunahing pangangailangan—pagkain at damit para sa taglamig. Paano siya magkakaroon ng mga balumbon para sa pag-aaral o makabibili ng mga gamit sa pagsulat? (2 Timoteo 4:13) Hindi mo ba naguguniguni ang mga kapatid na iyon na tumutulong kay Pablo sa kaniyang mga pangangailangan, anupat ginagawa ang simpleng mga bagay na gaya ng pamimili o pagparoo’t parito para sa kaniya? Maaaring gusto niyang alamin ang kalagayan ng isang kongregasyon at patibayin ito. Yamang siya’y nakabilanggo, hindi niya ito magawa, kaya maaaring ang mga kapatid na iyon ang gumawa ng mga pagdalaw para kay Pablo, anupat naghahatid ng mga mensahe at nagdadala naman ng mga ulat sa kanilang pagbabalik. Tunay ngang nakapagpapalakas!
21, 22. (a) Bakit dapat tayong maging interesado sa mga pananalita sa Colosas 4:11? (b) Sa anu-anong paraan natin maikakapit ang halimbawa niyaong mga kasama ni Pablo?
21 Ang mga isinulat ni Pablo hinggil sa pagiging isang “tulong na nagpapalakas” ay nagbibigay ng kaunawaan tungkol sa kung paano tayo maaaring tumulong sa iba. Maaaring lumalakad sila nang karapat-dapat kay Jehova kung tungkol sa kaniyang mga pamantayang moral, dumadalo sa mga pulong Kristiyano, at nakikibahagi sa gawaing pangangaral. Dahil diyan ay karapat-dapat sila sa ating mga kapahayagan ng pagpapahalaga. Subalit makagagawa pa kaya tayo nang higit sa pagiging ‘mga tulong na nagpapalakas’ na gaya niyaong mga tumulong kay Pablo?
22 Kung may kilala kang isang kapatid na babae na may-katalinuhang nanghawakan sa 1 Corinto 7:37 ngunit sa ngayon ay wala siyang kapamilya na malapit sa kinaroroonan niya, maaari mo ba siyang isama sa ilang pampamilyang gawain, marahil ay anyayahan siya na kumaing kasama ninyo o dumalo sa isang maliit na pagtitipon ng mga kaibigan o mga kamag-anak? Ano kaya kung anyayahan mo siyang maglakbay na kasama ng inyong pamilya sa pagtungo sa isang kombensiyon o sa pagbabakasyon? O kaya ay anyayahan siyang sumama sa iyo sa isang kombinyenteng panahon kapag mamimili ka ng pagkain. Maaari rin nating gawin ang gayon sa mga babae o lalaking balo, o marahil sa mga hindi na makapagmaneho. Masusumpungan mo na kapaki-pakinabang na marinig ang kanilang mga karanasan o matuto mula sa kanilang kaalaman sa mga bagay na pangkaraniwan gaya ng pagpili ng prutas o pagpili ng mga damit ng bata. (Levitico 19:32; Kawikaan 16:31) Maaaring ang karaniwang resulta ay ang higit na pagiging malapit sa isa’t isa. Sa gayo’y maaaring madama nila na mas madali silang humingi ng tulong sa iyo kung nangangailangan sila ng gamot mula sa botika, o iba pang tulad nito. Ang mga kapatid na kasama ni Pablo sa Roma ay malamang na nakapagbigay ng praktikal at nakapagpapalakas na tulong, gaya ng maibibigay mo. Kapuwa noon at ngayon, ang isang karagdagang pagpapala ay na napapatibay ang mga buklod ng pag-ibig at tayo ay may matatag na determinasyon na magkasamang paglingkuran si Jehova nang buong-katapatan.
23. Makabubuti para sa bawat isa sa atin na gumugol ng panahon sa paggawa ng ano?
23 Bawat isa sa atin ay maaaring magmuni-muni hinggil sa mga situwasyon na binanggit sa artikulong ito. Mga halimbawa lamang ang mga ito, subalit maipapaalaala ng mga ito sa atin ang tunay na mga situwasyon na doo’y maaari tayong maging higit na “tulong na nagpapalakas” sa ating mga kapatid. Ang punto ay hindi para malinang natin ang hilig na maging mapagkawanggawa. Hindi iyon ang tunguhin ng mga kapatid na binanggit sa Colosas 4:10, 11. Sila ay “mga kamanggagawa para sa kaharian ng Diyos.” Ang nagpapalakas na epekto ay tuwirang nauugnay roon. Gayundin sana sa kalagayan natin.
24. Ano ang pangunahing dahilan ng pananalangin natin alang-alang sa iba at ng pagsisikap natin na mapalakas sila?
24 Binabanggit natin ang pangalan ng iba sa ating sarilinang pananalangin at gumagawa ng mga pagsisikap upang palakasin sila sa dahilang ito: Naniniwala tayo na ang ating mga kapatid ay nagnanais “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos.” (Colosas 1:10) Ang katotohanang ito ay nauugnay sa isa pang bagay na binanggit ni Pablo nang sumulat siya tungkol sa mga panalangin ni Epafras may kinalaman sa mga taga-Colosas, upang sila’y ‘makatayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.’ (Colosas 4:12) Paano natin personal na magagawa iyan? Tingnan natin.
[Talababa]
^ par. 5 Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 490-1, at “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” pahina 226-8, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Napansin Mo Ba?
• Paano tayo maaaring makatulong nang higit sa ating sarilinang pananalangin?
• Sa anong diwa naging ‘mga tulong na nagpapalakas’ kay Pablo ang ilang mga Kristiyano?
• Sa anong iba’t ibang situwasyon tayo maaaring maging ‘mga tulong na nagpapalakas’?
• Ano ang tunguhin natin sa pananalangin alang-alang sa ating mga kapatid at pagsisikap na mapalakas sila?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Maaari mo bang isama ang isa pang Kristiyano sa pamamasyal ng inyong pamilya?
[Credit Line]
Courtesy of Green Chimney’s Farm