Ang mga Sugat na Dulot ng Digmaan
Ang mga Sugat na Dulot ng Digmaan
“SA DIGMAAN, walang panalo,” komento ng isang dating sundalo na lumaban noong Digmaang Pandaigdig II. “Puro mga talo lamang.” Marami ang sasang-ayon sa kaniya. Nakapanghihilakbot ang epekto ng digmaan; napakalaki ang nawawala sa mga nanalo at maging sa mga natalo. Kahit tumigil na ang armadong labanan, milyun-milyon ang patuloy na nagdurusa dahil sa malulubhang sugat na dulot ng digmaan.
Anong mga sugat? Maaaring lipulin ng digmaan ang halos buong populasyon, anupat nag-iiwan ng pagkarami-raming ulila at balo. Maraming nakaligtas ang may malulubhang sugat sa katawan, kalakip na ang mga pilat na nalikha sa isipan. Milyun-milyon ang maaaring naiwang nagdarahop o baka napilitang lumikas sa ibang bansa. Maguguniguni ba natin ang poot at dalamhati na malamang na namayani sa puso niyaong mga nakaligtas sa gayong mga labanan?
Lumalalang mga Sugat
Ang mga sugat na nalikha ng digmaan sa puso ng mga tao ay patuloy na lumalala kahit na matagal nang huminto ang labanan, nanahimik na ang mga baril, at umuwi na ang mga sundalo. Ang mga susunod na salinlahi ay maaaring magtanim ng matinding galit sa isa’t isa. Dahil dito, ang mga sugat na dulot ng isang digmaan ay maaaring maging sanhi ng susunod na digmaan.
Halimbawa, ang Treaty of Versailles, na nilagdaan noong 1919 upang pormal na itigil ang Digmaang Pandaigdig I, ay nagpataw ng mga kondisyon sa Alemanya na itinuring naman ng mga mamamayan nito bilang malupit at mapaghiganti. Ayon sa The Encyclopædia Britannica, ang mga kondisyon ng kasunduan ay “nagpagalit sa mga Aleman at nakatulong para mapasigla ang paghahangad na maghiganti.” Pagkalipas ng ilang taon, “ang galit sa kasunduan ukol sa kapayapaan ay nagbigay kay Hitler ng pasimula” at iyan ang isa sa mga dahilan na umakay sa Digmaang Pandaigdig II.
Nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II sa Kanlurang Europa at lumawak ito hanggang sa Balkans. Ang mga sugat na idinulot sa isa’t isa ng mga etnikong grupo sa rehiyong iyon noong dekada ng 1940 ay nakatulong para mabigyang-daan ang digmaan sa Balkans noong dekada ng 1990. “Ang malupit na siklo ng poot at paghihiganti ay nagpaulit-ulit, anupat umabot ito hanggang sa ating kasalukuyang panahon,” komento ng pahayagang Aleman na Die Zeit.
Kung nais ng sangkatauhan na mamuhay nang mapayapa, tiyak na kailangang maghilom ang mga sugat na dulot ng digmaan. Paano ito magagawa? Ano ang maaaring gawin upang mapawi ang poot at dalamhati? Sino ang makapagpapahilom sa mga sugat na dulot ng digmaan?
[Picture Credit Line sa pahina 2]
COVER: Fatmir Boshnjaku
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
U.S. Coast Guard photo; UN PHOTO 158297/J. Isaac