Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gaano Kalawak ang Iyong Pag-ibig?

Gaano Kalawak ang Iyong Pag-ibig?

Gaano Kalawak ang Iyong Pag-ibig?

“Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”​—MATEO 22:39.

1. Kung iniibig natin si Jehova, bakit dapat din nating ibigin ang ating kapuwa?

 NANG tanungin si Jesus kung alin ang pinakadakilang utos, sumagot siya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” Pagkatapos, sinipi niya ang ikalawang utos na hawig sa nauna: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:37, 39) Oo, ang pag-ibig sa kapuwa ay tanda ng isang Kristiyano. Sa katunayan, kung iniibig natin si Jehova, dapat nating ibigin ang ating kapuwa. Bakit? Sapagkat ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang Salita, at iniuutos sa atin ng kaniyang Salita na ibigin ang ating kapuwa. Kaya, kung hindi natin iniibig ang ating mga kapatid, hindi maaaring maging tunay ang ating pag-ibig sa Diyos.​—Roma 13:8; 1 Juan 2:5; 4:20, 21.

2. Anong uri ng pag-ibig ang dapat nating taglayin para sa ating kapuwa?

2 Nang sabihin ni Jesus na dapat nating ibigin ang ating kapuwa, higit pa sa pagkakaibigan ang kaniyang sinasabi. At tinutukoy niya ang isang pag-ibig na kakaiba roon sa likas na umiiral sa loob ng mga pamilya o sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Nagsasalita siya tungkol sa uri ng pag-ibig na taglay ni Jehova para sa kaniyang nakaalay na mga lingkod at taglay nila para sa kaniya. (Juan 17:26; 1 Juan 4:11, 19) Sumang-ayon kay Jesus ang isang eskribang Judio​—na nagsalita nang may katalinuhan, gaya ng naunawaan ni Jesus​—na ang pag-ibig sa Diyos ay dapat na “buong puso at nang buong unawa at nang buong lakas.” (Marcos 12:28-34) Tama siya. Ang pag-ibig na nililinang ng isang Kristiyano para sa Diyos at para sa kapuwa ay nagsasangkot ng ating emosyon at ng ating talino. Nadarama ito sa puso at inaakay ng isip.

3. (a) Paano itinuro ni Jesus sa isang “lalaki na bihasa sa Kautusan” na dapat siyang magkaroon ng malawak na pangmalas hinggil sa kung sino ang kaniyang kapuwa? (b) Paano kumakapit sa mga Kristiyano sa ngayon ang ilustrasyon ni Jesus?

3 Gaya ng iniulat ni Lucas, nang sabihin ni Jesus na dapat nating ibigin ang ating kapuwa, “isang lalaki na bihasa sa Kautusan” ang nagtanong: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Sumagot si Jesus sa pamamagitan ng isang talinghaga. Isang lalaki ang binugbog, ninakawan, at iniwang halos patay na sa tabing-daan. Una ay dumaan ang isang saserdote at pagkatapos ay isang Levita. Hindi siya pinansin ng dalawa. Sa wakas, isang Samaritano ang dumating, nakita ang sugatang lalaki, at buong-kabaitan na nakitungo sa kaniya. Alin sa tatlo ang naging kapuwa ng sugatang lalaki? Maliwanag ang sagot. (Lucas 10:25-37) Ang lalaki na bihasa sa Kautusan ay maaaring nagulat nang marinig na sinabi ni Jesus na ang isang Samaritano ay maaaring maging mas mabuting kapuwa kaysa sa isang saserdote at isang Levita. Maliwanag, tinutulungan ni Jesus ang lalaking iyon na ibigin ang kaniyang kapuwa sa isang mas malawak na paraan. Ang mga Kristiyano rin ay umiibig sa gayong paraan. Isaalang-alang ang lahat ng saklaw ng kanilang pag-ibig.

Pag-ibig sa Loob ng Pamilya

4. Saan muna magpapamalas ng pag-ibig ang isang Kristiyano?

4 Iniibig ng mga Kristiyano ang mga miyembro ng kanilang pamilya​—iniibig ng asawang babae ang asawang lalaki, iniibig ng asawang lalaki ang asawang babae, iniibig ng mga magulang ang mga anak. (Eclesiastes 9:9; Efeso 5:33; Tito 2:4) Totoo, ang mga bigkis ng likas na pag-ibig ay umiiral sa karamihan ng mga pamilya. Gayunman, ang mga ulat tungkol sa mga nawasak na pag-aasawa, pang-aabuso sa asawa, at pagpapabaya o pang-aabuso sa mga anak ay nagpapakita na may kaigtingan ngayon sa pamilya, at ang likas na mga damdamin sa pamilya ay maaaring hindi sapat upang panatilihin itong nabubuklod. (2 Timoteo 3:1-3) Upang maging tunay na matagumpay ang kanilang buhay-pampamilya, kailangang ipamalas ng mga Kristiyano ang uri ng pag-ibig na taglay ni Jehova at ni Jesus.​—Efeso 5:21-27.

5. Kanino umaasa ng tulong ang mga magulang sa pagpapalaki sa kanilang mga anak, at ano ang naging resulta nito para sa marami?

5 Minamalas ng mga magulang na Kristiyano na ang kanilang mga anak ay ipinagkatiwala sa kanila ni Jehova, at umaasa sila sa tulong niya sa pagpapalaki sa mga ito. (Awit 127:3-5; Kawikaan 22:6) Sa ganitong paraan ay nililinang nila ang Kristiyanong pag-ibig, na tumutulong sa kanila na ingatan ang kanilang mga anak mula sa nakasasamang impluwensiya na maaaring bumiktima sa mga kabataan. Bilang resulta, maraming Kristiyanong magulang ang nakaranas ng kagalakan na katulad ng naranasan ng isang ina sa Netherlands. Matapos panoorin ang bautismo ng kaniyang anak na lalaki​—isa sa 575 indibiduwal na nabautismuhan sa Netherlands noong nakaraang taon​—isinulat niya ang sumusunod: “Sa sandaling ito, ang ipinuhunan ko sa loob ng nakaraang 20 taon ay nasulit na. Lahat ng panahon at lakas​—gayundin ang kirot, pagsisikap, at lumbay​—ay limot ko na ngayon.” Kay ligaya niya na ang kaniyang anak na lalaki ay kusang-loob na nagpasiyang paglingkuran si Jehova. Ang pinakamataas na bilang na 31,089 na mamamahayag na nag-ulat sa Netherlands noong nakaraang taon ay kinabibilangan ng marami na natutong umibig kay Jehova dahil sa kanilang mga magulang.

6. Paano nakatutulong ang Kristiyanong pag-ibig upang mapatibay ang bigkis ng pag-aasawa?

6 Tinawag ni Pablo ang pag-ibig na “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa,” at maaari nitong ingatan ang buklod ng pag-aasawa kahit sa maligalig na mga panahon. (Colosas 3:14, 18, 19; 1 Pedro 3:1-7) Nang ang isang lalaki sa Rurutu, isang maliit na isla na mga 700 kilometro ang layo mula sa Tahiti, ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, mahigpit na sumalansang ang kaniyang asawa. Nang dakong huli, kinuha ng asawang babae ang mga anak nila, iniwan siya, at nanirahan sa Tahiti. Gayunman, ipinakita pa rin ng lalaki ang kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng regular na pagpapadala ng salapi at pagtawag sa telepono upang itanong kung mayroon pang kailangan ang kaniyang asawa o mga anak. Sa gayon ay ginawa niya ang buo niyang makakaya upang magampanan ang kaniyang mga pananagutan bilang Kristiyano. (1 Timoteo 5:8) Patuloy siyang nanalangin na sana’y mabuong muli ang kaniyang pamilya, at sa wakas ay bumalik ang kaniyang asawa. Nang bumalik ang asawang babae, pinakitunguhan niya ito nang may “pag-ibig, pagbabata, kahinahunan ng kalooban.” (1 Timoteo 6:11) Noong 1998, nabautismuhan ang lalaki at nang maglaon ay lubhang nagalak nang sumang-ayon ang kaniyang asawa na mag-aral ng Bibliya. Ang pag-aaral na iyon ay isa sa 1,351 na idinaraos sa teritoryo na nasa pangangasiwa ng sangay sa Tahiti noong nakaraang taon.

7. Ayon sa isang lalaki sa Alemanya, ano ang nagpatibay sa kaniyang pag-aasawa?

7 Sa Alemanya, isang lalaki ang sumalansang sa interes ng kaniyang asawa sa katotohanan sa Bibliya at kumbinsido siya na nais itong linlangin ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, nang maglaon ay sumulat siya sa Saksi na unang nakatagpo sa kaniyang asawa: “Salamat at ipinakilala mo ang aking asawa sa mga Saksi ni Jehova. Sa simula, nabahala ako dahil marami akong nabalitaan na masasamang bagay tungkol sa kanila. Ngunit ngayon, matapos madaluhan ang mga pulong kasama ng aking asawa, natanto ko na maling-mali pala ako. Alam ko na ang naririnig ko ay katotohanan, at lalo nitong pinatibay ang aming pag-aasawa.” Ang 162,932 Saksi ni Jehova sa Alemanya​—at ang 1,773 sa mga isla na nasa pangangasiwa ng sangay sa Tahiti​—ay kinabibilangan ng maraming pamilya na nabubuklod sa makadiyos na pag-ibig.

Pag-ibig sa Ating mga Kapatid na Kristiyano

8, 9. (a) Sino ang nagtuturo sa atin na ibigin ang ating mga kapatid, at pinakikilos tayo ng pag-ibig na gawin ang ano? (b) Magbigay ng halimbawa kung paano makatutulong ang pag-ibig upang magtulungan ang mga kapatid.

8 Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Kayo mismo ay tinuruan ng Diyos na ibigin ang isa’t isa.” (1 Tesalonica 4:9) Oo, iniibig ng mga “naturuan ni Jehova” ang isa’t isa. (Isaias 54:13) Ang kanilang pag-ibig ay ipinamamalas sa gawa, gaya ng ipinakita ni Pablo nang kaniyang sabihin: “Sa pamamagitan ng pag-ibig ay magpaalipin kayo sa isa’t isa.” (Galacia 5:13; 1 Juan 3:18) Halimbawa, ginagawa nila ito kapag dinadalaw nila ang mga kapatid na may sakit, pinatitibay-loob ang mga nanlulumo, at inaalalayan ang mahihina. (1 Tesalonica 5:14) Nakatutulong ang ating tunay na Kristiyanong pag-ibig sa paglago ng ating espirituwal na paraiso.

9 Sa Kongregasyon ng Ancón​—isa sa 544 na kongregasyon sa Ecuador​—ipinakita ng mga kapatid ang kanilang pag-ibig sa praktikal na paraan. Dahil sa isang krisis sa pananalapi ay nawalan sila ng trabaho o kita, kaya nagpasiya ang mga mamamahayag na lumikom ng salapi sa pamamagitan ng pagtitinda ng pagkain sa mga mangingisda roon kapag umuwi ang mga ito mula sa pangingisda sa gabi. Ang lahat ay nakipagtulungan, pati na ang mga bata. Kinailangan na magsimula sila nang 1:00 n.u. upang maihanda na ang pagkain pagsapit ng 4:00 n.u. kapag umuwi na ang mga mangingisda. Ang salapi na nalikom ng mga kapatid ay pinaghati-hatian nila ayon sa kanilang pangangailangan. Ang gayong pagtutulungan ay nagpamalas ng tunay na Kristiyanong pag-ibig.

10, 11. Paano tayo makapagpapakita ng pag-ibig sa mga kapatid na hindi natin personal na kakilala?

10 Gayunman, ang ating pag-ibig ay hindi limitado sa mga Kristiyano na personal na kakilala natin. Sinabi ni apostol Pedro: “Magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.” (1 Pedro 2:17) Iniibig natin ang lahat ng ating mga kapatid dahil silang lahat ay kapuwa natin mananamba sa Diyos na Jehova. Ang mga panahon ng kagipitan ay maaaring magbangon ng pagkakataon upang maipamalas ang pag-ibig na ito. Halimbawa, noong 2000 taon ng paglilingkod, sinalanta ng matitinding pagbaha ang Mozambique, at isang nagpapatuloy na gera sibil sa Angola ang naging sanhi ng pagdarahop ng marami. Malaking bilang sa 31,725 kapatid sa Mozambique at sa 41,222 sa Angola ang naapektuhan ng mga pangyayaring ito. Dahil dito, ang mga Saksi sa karatig na Timog Aprika ay nagpadala ng napakaraming mga panustos upang maibsan ang paghihirap ng kanilang mga kapatid sa mga lupaing iyon. Ang kanilang pagkukusa na ibigay ang kanilang “labis” sa kanilang nagdarahop na mga kapatid ay nagpamalas ng kanilang pag-ibig.​—2 Corinto 8:8, 13-15, 24.

11 Nakikita rin ang pag-ibig kapag ang mga kapatid sa maraming bansa ay tumutulong para sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at mga Assembly Hall sa di-gaanong maunlad na mga bansa. Ang isang halimbawa ay sa Solomon Islands. Sa kabila ng maraming kaguluhan, ang Solomon Islands ay nagkaroon ng 6-porsiyentong pagdami ng mamamahayag noong nakaraang taon, na may pinakamataas na bilang na 1,697. Nagplano silang magtayo ng Assembly Hall. Bagaman maraming tagaisla ang umaalis sa bansa, nagdatingan naman ang mga boluntaryo mula sa Australia upang tumulong sa pagtatayo. Nang dakong huli, kinailangang umalis ang mga boluntaryo, ngunit sinanay muna nila ang mga kapatid doon upang matapos ng mga ito ang pundasyon. Ang prefabricated na balangkas na bakal ng bulwagan ay ipinadala roon mula sa Australia, at ang pagkakatayo ng mainam na gusaling ito para sa pagsamba​—sa panahon na maraming dako ng pagtatayo ang naiwang tiwangwang​—ay magiging isang mainam na patotoo sa pangalan ni Jehova at sa pag-ibig ng mga kapatid.

Tulad ng Diyos, Iniibig Natin ang Sanlibutan

12. Paano natin tinutularan si Jehova sa ating saloobin sa mga hindi natin kapananampalataya?

12 Ang atin bang pag-ibig ay para lamang sa ating pamilya at sa ating kapatiran? Hindi nga kung tayo ay ‘mga tagatulad sa Diyos.’ Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Efeso 5:1; Juan 3:16) Tulad ng Diyos na Jehova, maibigin tayong nakikitungo sa lahat​—pati na sa hindi natin kapananampalataya. (Lucas 6:35, 36; Galacia 6:10) Lalo na sa bagay na ito, ipinangangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian at sinasabi sa iba ang tungkol sa dakilang gawa ng pag-ibig ng Diyos alang-alang sa kanila. Maaari itong magbunga ng kaligtasan sa sinumang makikinig.​—Marcos 13:10; 1 Timoteo 4:16.

13, 14. Ano ang ilang karanasan ng mga kapatid na nagpakita ng pag-ibig sa mga di-Saksi, kahit na ito’y napakalaking hirap para sa kanila?

13 Kuning halimbawa ang apat na ministrong special pioneer sa Nepal. Sila ay inatasan sa isang lunsod sa gawing timog-kanluran ng bansa, at sa loob ng nakaraang limang taon, ipinakita nila ang kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng matiyagang pagpapatotoo sa lunsod at sa karatig na mga nayon. Upang magawa ang kanilang teritoryo, madalas silang naglalakbay nang maraming oras sakay ng bisikleta habang ang temperatura ay mahigit sa 40 digri Celsius. Ang kanilang pag-ibig at “pagbabata sa gawang mabuti” ay nagkaroon ng maiinam na bunga nang isang grupo ng pag-aaral sa aklat ang naitatag sa isa sa mga nayon. (Roma 2:7) Noong Marso 2000, 32 katao ang dumalo upang makinig sa pahayag pangmadla ng dumadalaw na tagapangasiwa ng sirkito. Ang Nepal ay nagkaroon ng pinakamataas na bilang na 430 mamamahayag noong nakaraang taon​—isang 9 na porsiyentong pagsulong. Maliwanag na pinagpapala ni Jehova ang sigasig at pag-ibig ng mga kapatid sa lupaing iyon.

14 Sa Colombia, nangaral ang pansamantalang mga special pioneer sa mga Wayuu Indian. Upang magawa ito, kinailangang matuto sila ng isang bagong wika, ngunit ang kanilang maibiging interes ay ginantimpalaan nang 27 ang dumalo sa isang pahayag pangmadla sa kabila ng malakas na pagbuhos ng ulan. Ang maibiging sigasig na gaya ng ipinakita ng mga payunir na ito ay nakatulong sa 5-porsiyentong pagsulong sa Colombia at sa pinakamataas na bilang na 107,613 mamamahayag. Sa Denmark, isang may-edad nang kapatid na babae ang nagnais na ibahagi ang mabuting balita sa iba, ngunit siya ay baldado. Palibhasa’y desidido, nakipag-ugnayan siya sa mga taong interesado sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham. Sa kasalukuyan, nakikipagsulatan siya sa 42 katao at nagdaraos ng 11 pag-aaral sa Bibliya. Siya ay isa sa pinakamataas na bilang na 14,885 mamamahayag na nag-ulat sa Denmark noong nakaraang taon.

Ibigin ang Iyong mga Kaaway

15, 16. (a) Ayon kay Jesus, gaano ang dapat na maging lawak ng pag-ibig natin? (b) Paano maibiging nakitungo ang responsableng mga kapatid na lalaki sa isang indibiduwal na gumawa ng maling mga paratang laban sa mga Saksi ni Jehova?

15 Sinabi ni Jesus sa lalaki na bihasa sa Kautusan na maaaring malasin ang isang Samaritano bilang kapuwa. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, higit pa ang ipinahiwatig ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa at kapopootan mo ang iyong kaaway.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:43-45) Kahit na sinasalansang tayo ng iba, sinisikap nating “patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:19-21) Kung posible, ibinabahagi natin sa kaniya ang ating pinakamahalagang pag-aari, ang katotohanan.

16 Sa Ukraine, sinabi ng isang artikulo sa pahayagang Kremenchuk Herald na isang mapanganib na sekta raw ang mga Saksi ni Jehova. Ito ay seryosong bagay dahil sa Europa, ganito ang paraan ng pagtukoy ng ilan sa mga Saksi ni Jehova upang makumbinsi ang mga tao na dapat ngang higpitan o ipagbawal ang mga gawain ng mga Saksi. Kaya, nilapitan ang editor at hinilingan na ilathala niya ang isang pahayag sa madla na nagtutuwid sa artikulo. Sumang-ayon siya, ngunit kalakip ng pahayag na iyon, inilimbag niya ang isang pangungusap na nagsasabing ang orihinal na artikulo ay salig sa katotohanan. Kaya muli siyang nilapitan ng responsableng mga kapatid na lalaki taglay ang higit pang impormasyon. Sa wakas, natanto ng editor na mali nga ang orihinal na artikulo, at inilathala niya ang pagtutuwid. Ang prangkahan at may-kabaitang pakikitungo sa kaniya ay siyang maibiging paraan ng paghawak sa situwasyong ito, at umakay ito sa magandang resulta.

Paano Tayo Makapaglilinang ng Pag-ibig?

17. Ano ang nagpapakita na maaaring hindi laging madali na makitungo sa iba sa paraang maibigin?

17 Kapag isinilang ang isang sanggol, kaagad na napapaibig dito ang mga magulang. Ang maibiging pakikitungo sa mga adulto ay hindi laging gayon kadali. Malamang na iyan ang dahilan kung bakit paulit-ulit na sinasabi sa atin ng Bibliya na ibigin ang isa’t isa​—ito ay isang bagay na dapat nating linangin. (1 Pedro 1:22; 4:8; 1 Juan 3:11) Batid ni Jesus na masusubok ang ating pag-ibig nang kaniyang sabihin na dapat nating patawarin ang ating kapatid nang “hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.” (Mateo 18:21, 22) Hinimok din tayo ni Pablo na ‘patuloy na pagtiisan ang isa’t isa.’ (Colosas 3:12, 13) Hindi nga kataka-taka na sinabi sa atin: “Itaguyod ninyo ang pag-ibig”! (1 Corinto 14:1) Paano natin ito magagawa?

18. Ano ang tutulong sa atin na malinang ang pag-ibig sa iba?

18 Una, maaari nating isaisip sa tuwina ang pag-ibig natin sa Diyos na Jehova. Ang pag-ibig na ito ay isang malakas na pangganyak upang ibigin natin ang ating kapuwa. Bakit? Sapagkat kapag ginagawa natin iyon, mainam na inilalarawan nito ang ating makalangit na Ama at nagdudulot ito ng kaluwalhatian at kapurihan sa kaniya. (Juan 15:8-10; Filipos 1:9-11) Ikalawa, maaari nating sikaping tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ni Jehova. Sa tuwing magkakasala tayo, nagkakasala tayo kay Jehova; gayunman, paulit-ulit niya tayong pinatatawad at patuloy niya tayong iniibig. (Awit 86:5; 103:2, 3; 1 Juan 1:9; 4:18) Kung lilinangin natin ang pangmalas ni Jehova, magiging handa tayong umibig sa iba at magpatawad sa kanilang mga pagkakasala sa atin. (Mateo 6:12) Ikatlo, maaari tayong makitungo sa iba na gaya ng gusto nating maging pakikitungo nila sa atin. (Mateo 7:12) Palibhasa’y hindi tayo sakdal, madalas tayong mangailangan ng kapatawaran. Halimbawa, kapag nakapagsasalita tayo ng mga bagay na nakasasakit sa iba, umaasa tayo na aalalahanin nila na ang lahat ay nagkakasala sa pamamagitan ng dila sa pana-panahon. (Santiago 3:2) Kung gusto natin na ang iba ay maibiging makitungo sa atin, dapat na maibigin din tayong makitungo sa kanila.

19. Paano natin mahihingi ang tulong ng banal na espiritu sa paglinang ng pag-ibig?

19 Ikaapat, maaari nating hingin ang tulong ng banal na espiritu dahil ang pag-ibig ay bahagi ng mga bunga ng espiritu. (Galacia 5:22, 23) Kadalasan ay likas lamang ang pagkakaibigan, damdamin sa pamilya, at romantikong pag-ibig. Subalit kailangan natin ang tulong ng espiritu ni Jehova upang malinang ang pag-ibig na taglay ni Jehova, ang pag-ibig na isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa. Maaari nating hingin ang tulong ng banal na espiritu sa pamamagitan ng pagbabasa sa kinasihang Bibliya. Halimbawa, kung pag-aaralan natin ang buhay ni Jesus, makikita natin kung paano siya nakitungo sa mga tao, at matututuhan nating tularan siya. (Juan 13:34, 35; 15:12) Bukod dito, maaari tayong humingi kay Jehova ng banal na espiritu, lalo na sa mga situwasyon na doo’y mahirap para sa atin na gumawi sa paraang maibigin. (Lucas 11:13) Kahuli-hulihan, maitataguyod natin ang pag-ibig sa pamamagitan ng pananatiling malapít sa Kristiyanong kongregasyon. Ang pakikisama sa maibiging mga kapatid ay tumutulong sa atin na malinang ang pag-ibig.​—Kawikaan 13:20.

20, 21. Anong pambihirang kapahayagan ng pag-ibig ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova noong 2000 taon ng paglilingkod?

20 Noong nakaraang taon, may pinakamataas na bilang na 6,035,564 na mamamahayag ng mabuting balita sa buong daigdig. Gumugol ang mga Saksi ni Jehova ng kabuuang 1,171,270,425 oras sa paghanap sa mga indibiduwal upang sabihin sa kanila ang mabuting balitang iyon. Pag-ibig ang nagpangyari sa kanila na tiisin ang init, ulan, at lamig habang ginagampanan nila ang gawaing ito. Pag-ibig ang nagpakilos sa kanila upang kausapin ang mga kaeskuwela at mga katrabaho at lapitan sa mga lansangan at sa iba pang mga lugar ang mga taong hindi nila kilala. Marami sa mga dinalaw ng mga Saksi ang walang interes, ang ilan ay salansang. Gayunman, nagpakita ng interes ang ilan, anupat 433,454,049 na mga pagdalaw-muli ang naisagawa, at 4,766,631 pag-aaral sa Bibliya ang naidaos. a

21 Lahat ng ito ay isang napakalaking kapahayagan ng pag-ibig ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang Diyos at sa kanilang kapuwa! Ang pag-ibig na iyan ay hindi kailanman lalamig. Nagtitiwala tayo na sa 2001 taon ng paglilingkod ay maibibigay ang mas malaki pang patotoo sa sangkatauhan. Magpatuloy nawa ang pagpapala ni Jehova sa kaniyang matapat at masigasig na mga mananamba habang ‘ang lahat ng kanilang mga gawain ay ginaganap na may pag-ibig’!​—1 Corinto 16:14.

[Talababa]

a Para sa kumpletong detalye tungkol sa 2000 Taunang Ulat sa Paglilingkod, tingnan ang tsart sa pahina 18-21.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Sino ang tinutularan natin kapag iniibig natin ang ating kapuwa?

• Gaano ang dapat na maging lawak ng ating pag-ibig?

• Ano ang ilang karanasan na nagpapamalas ng Kristiyanong pag-ibig?

• Paano natin malilinang ang Kristiyanong pag-ibig?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart sa pahina 18-21]

ULAT SA 2000 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG

(Tingnan ang bound volume)

[Mga larawan sa pahina 15]

Mapananatili ng Kristiyanong pag-ibig ang buklod ng pamilya

[Mga larawan sa pahina 17]

Pinakikilos tayo ng pag-ibig na ibahagi sa iba ang ating pag-asa