Kapayapaan Para sa Bagong Milenyo?
Kapayapaan Para sa Bagong Milenyo?
ANG Internasyonal na Taon Para sa Kultura ng Kapayapaan ay inilunsad sa Paris at New York City noong Setyembre 14, 1999. Ito ay inihayag para sa taóng 2000 ng Pangkalahatang Kapulungan ng United Nations. Si Federico Mayor, dating panlahat na patnugot ng UNESCO, ay gumawa ng isang taimtim na pagsamo “na lumikha ng isang pandaigdig na kilusan para sa isang kultura ng kapayapaan at kawalang-karahasan.”
Ang UNESCO ay may saligang simulain na “yamang ang mga digmaan ay nagsisimula sa isipan ng mga tao, sa mga isipan ng mga tao kailangang itatag ang mga pananggalang ng kapayapaan.” Kasuwato nito, binabalak ng organisasyon na itaguyod ang isang kultura ng kapayapaan sa pamamagitan ng “edukasyon, pag-uusap at pagtutulungan.” Nagkomento si G. Mayor na hindi sapat “ang maging mapayapa, ni ang maging mga pasipista, kundi ang maging mga tagapamayapa.”
Nakalulungkot, ang taóng 2000 ay malayo sa pagiging mapayapa. Ang makabagong kasaysayan—kabilang na ang mga pangyayari noong taóng 2000—ay nagtampok sa kawalang-kakayahan ng tao na hadlangan ang digmaan at karahasan sa kabila ng taimtim na mga pagsisikap upang sugpuin ang mga iyon.
Gayunman, kapansin-pansin na ang kapayapaan ay talagang nauugnay sa edukasyon. Mga 2,700 taon na ang nakalilipas, humula si propeta Isaias: “Lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay sasagana.” (Isaias 54:13) Patiunang nakita ng propeta ring iyon ang isang panahon kapag ang mga tao ng lahat ng bansa ay huhugos sa tunay na pagsamba sa Diyos na Jehova upang matutuhan ang Kaniyang mga daan. At ano ang resulta? “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isaias 2:2-4) Kasuwato ng hulang iyan, nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa pambuong-daigdig na gawaing pagtuturo na nakatulong na sa milyun-milyon na mapagtagumpayan ang mga pagkakapootan dahil sa bansa at sa lahi na siyang ugat ng karamihan sa mga digmaan.
Mawawala na sa wakas ang mga digmaan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, na magdadala ng namamalaging kapayapaan at katiwasayan sa lupa. (Awit 72:7; Daniel 2:44) Pagkatapos, ang mga salita ng salmista ay matutupad: “Masdan ninyo ang mga gawa ni Jehova, kung paano siya nagsagawa ng kagila-gilalas na mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.”—Awit 46:8, 9.