Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naglilingkod Nang Buong Kaluluwa sa Kabila ng mga Pagsubok

Naglilingkod Nang Buong Kaluluwa sa Kabila ng mga Pagsubok

Naglilingkod Nang Buong Kaluluwa sa Kabila ng mga Pagsubok

AYON SA SALAYSAY NI RODOLFO LOZANO

Isinilang ako sa Mexico, sa lunsod ng Gómez Palacio, Durango State, noong Setyembre 17, 1917. Kasagsagan noon ng Mexican Revolution. Bagaman nagwakas ang rebolusyon noong 1920, nagpatuloy pa ang mga kaguluhan sa lugar namin sa loob ng maraming taon pagkatapos nito, na labis na nagpahirap sa buhay.

MINSAN, nang malaman ni Inay na magkakaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga puwersa ng rebelde at ng hukbo, itinago niya ako at ang aking tatlong kuya at dalawang kapatid na babae sa bahay namin sa loob ng ilang araw. Kakaunti ang pagkain namin, at naaalaala ko pa na nagtago ako kasama ng aking nakababatang kapatid na babae sa ilalim ng kama. Pagkatapos nito, nagpasiya si Inay na dalhin kaming mga anak sa Estados Unidos, kung saan susunod sa amin ang aking ama sa dakong huli.

Dumating kami sa California noong 1926, di-nagtagal bago naganap ang Great Depression sa Estados Unidos. Nagpalipat-lipat kami kung saan may matatagpuan kaming trabaho, sa mga lugar na tulad ng San Joaquin Valley, Santa Clara, Salinas, at King City. Natuto kaming magtrabaho sa bukid at mag-ani ng lahat ng uri ng prutas at gulay. Bagaman mabigat ang trabaho ko noong kabataan pa ako, iyon ay isang lubhang kasiya-siyang panahon sa aking buhay.

Napaabutan ng Katotohanan sa Bibliya

Noong Marso 1928, isang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ang dumalaw sa amin. Isa siyang may-edad na lalaki na nagsasalita ng Kastila na nagngangalang Esteban Rivera. Tumimo sa akin ang titulo ng buklet na iniwan niya, “Nasaan ang mga Patay?,” at maging ang mga nilalaman nito. Bagaman bata pa ako, itinaguyod ko ang pag-aaral sa Bibliya at ang pakikisama sa mga Estudyante ng Bibliya. Sa kalaunan, ang nanay ko at ang kapatid kong si Aurora ay naging masisigasig ding tagapuri ni Jehova.

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, isang Kingdom Hall ang itinayo sa San Jose para sa kongregasyon na nagsasalita ng Ingles. Yamang maraming Hispaniko ang nagtatrabaho sa mga bukirin sa lugar na iyon, nagsimula kaming mangaral sa kanila at magdaos ng Pag-aaral sa Bantayan. Ginawa namin ito sa tulong ng mga Saksing Hispaniko na galing sa San Francisco, na mga 80 kilometro ang layo. Nang maglaon, mga 60 na kaming dumadalo sa mga pulong na wikang Kastila sa Kingdom Hall ng San Jose.

Nang dakong huli, noong Pebrero 28, 1940, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa isang asamblea sa San Jose. Nang sumunod na taon, nahirang ako bilang isang payunir, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos noong Abril 1943, naanyayahan akong lumipat sa Stockton, isang lunsod na mga 130 kilometro ang layo, upang bumuo ng isang kongregasyon na wikang Kastila. Noong panahon iyon, naglilingkod ako bilang punong tagapangasiwa ng kongregasyon na nagsasalita ng wikang Ingles sa San Jose, at inaasikaso ko rin ang mga Saksing nagsasalita ng Kastila roon. Matapos kong isaayos na asikasuhin ng iba ang mga pananagutang ito, lumipat ako sa Stockton.

Nalagay sa Pagsubok ang Katapatan

Pasimula noong 1940, paulit-ulit akong ipinatawag sa harap ng lupon na nangangalap ng mga sundalo, ngunit sa bawat pagkakataon ay iginalang ang aking katayuan bilang isa na tumatanggi sa pagsusundalo dahil sa budhi. Di-nagtagal pagkatapos sumali ang Estados Unidos sa ikalawang digmaang pandaigdig noong Disyembre 1941, tumindi ang panggigipit mula sa lupon na nangangalap ng mga sundalo. Sa wakas, noong 1944, ako’y ibinilanggo. Habang hinihintay na masentensiyahan, ikinulong ako sa isang silong kasama ng mga kriminal. Sa pagkaalam na isa ako sa mga Saksi ni Jehova, marami sa kanila ang nagtanong kung paano makaaapekto sa kanilang katayuan sa harap ng Diyos ang mga krimen na kanilang nagawa.

Binayaran ng mga Saksi sa San Jose ang piyansa ko para mapalaya ako habang naghihintay sa paglilitis. Isang abogado sa Los Angeles na kumakatawan sa mga nasasakdal sa mga kaso ng mga karapatang sibil ang tumanggap sa kaso ko nang walang bayad. Ipinasiya ng hukom na pawalan ako sa kondisyong titigil ako sa pagpapayunir, papasok sa sekular na trabaho, at magrereport sa pederal na mga awtoridad bawat buwan. Hindi ako sumang-ayon sa desisyong iyon, kaya nasentensiyahan ako ng dalawang taon sa bilangguan sa McNeil Island sa Washington State. Ginamit ko roon ang aking panahon sa puspusang pag-aaral ng Bibliya. Natuto rin akong magmakinilya. Sa loob ng wala pang dalawang taon, napalaya ako dahil sa aking mabuting paggawi. Kaagad-agad akong gumawa ng mga kaayusan upang makapagpatuloy sa ministeryong pagpapayunir.

Pinalawak na Gawain

Noong taglamig ng 1947, naatasan akong gumawa sa mga taong nagsasalita ng Kastila sa Colorado City, Texas, kasama ng isang payunir. Ngunit napakalamig doon kaya nagtungo kami sa San Antonio upang matamasa ang mas mainit na klima. Gayunman, panay ang ulan doon anupat naantala ang aming ministeryo sa bahay-bahay. Di-nagtagal at naubos ang aming pera. Sa loob ng maraming linggo ay nakaraos kami sa pagkain ng tinapay na may palamang hilaw na repolyo at tsa ng alfalfa. Umuwi na ang kasama ko, ngunit nanatili ako. Nang mabatid ng mga Saksi na nagsasalita ng Ingles ang aking pisikal na mga pangangailangan, sinimulan nila akong tulungan.

Nang sumunod na tagsibol, nagbalik ako sa aking atas sa Colorado City, at nang maglaon ay nabuo ang isang maliit na kongregasyon na wikang Kastila. Pagkatapos, lumipat ako sa Sweetwater, Texas, kung saan tumulong ako sa pagbuo ng isa pang kongregasyon na wikang Kastila. Habang nasa Sweetwater, tumanggap ako ng isang liham na nag-aanyaya sa akin sa ika-15 klase ng Watchtower Bible School of Gilead para sa pagsasanay-misyonero na nagsimula noong Pebrero 22, 1950. Pagkatapos ng gradwasyon nang tag-araw na iyon sa internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium ng New York City, nanatili ako nang tatlong buwan sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn. Tumanggap ako roon ng pagsasanay para sa aking atas sa tanggapang pansangay sa Mexico.

Gawain sa Mexico

Dumating ako sa Mexico City noong Oktubre 20, 1950. Pagkalipas ng mga dalawang linggo, hinirang ako bilang tagapangasiwa ng sangay, isang atas na hinawakan ko sa loob ng apat at kalahating taon. Ang karanasan na natamo ko sa paglilingkurang payunir, sa bilangguan, sa Gilead, at sa Brooklyn ay naging lubhang kapaki-pakinabang. Pagdating sa Mexico, nakita ko agad ang pangangailangan na patibayin ang espirituwalidad ng ating mga kapatid na Mexicano. May pantanging pangangailangan na tulungan silang manghawakan sa matataas na pamantayang moral ng Salita ng Diyos.

Sa mga bansa sa Latin-Amerika, kabilang na ang Mexico, kaugalian nang ang mga magkasintahan ay magsama kahit na hindi pa kasal nang legal. Pinahintulutan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, partikular na ang Simbahang Romano Katoliko, na manaig ang di-makakasulatang kaugaliang ito. (Hebreo 13:4) Kaya ang ilan ay naging miyembro ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, kahit na hindi sila kasal nang legal. Dahil dito, gumawa ng isang kaayusan para sa mga nagsasama nang gayon na bigyan sila ng anim na buwan upang isaayos ang kanilang pagsasama. Kung hindi, hindi na sila kikilalanin bilang mga Saksi ni Jehova.

Para sa marami, madali nilang naisaayos ang kanilang buhay. Kailangan lamang nilang gawing legal ang kanilang relasyon sa pamamagitan ng pagpapakasal. Mas komplikado ang situwasyon ng iba. Halimbawa, ang ilan ay nagpakasal nang dalawang beses, at maging tatlo pa nga, nang hindi kailanman kumukuha ng legal na diborsiyo. Nang ang mga kalagayang pangmag-asawa sa loob ng bayan ni Jehova ay naging kasuwato na sa wakas ng mga turo ng Salita ng Diyos, nagtamasa ang mga kongregasyon ng maiinam na pagpapala sa espirituwal.​—1 Corinto 6:9-11.

Noong mga panahong iyon, ang antas ng sekular na edukasyon sa Mexico ay mababa sa pangkalahatan. Kahit bago pa ako dumating noong 1950, ang tanggapang pansangay ay nagsimula nang mag-organisa sa mga kongregasyon ng mga klase sa pagbasa at pagsulat. Ngayon ang mga klaseng ito ay muling inorganisa, at gumawa ng mga kaayusan upang iparehistro ang mga ito sa pamahalaan. Mula noong 1946, nang simulan ang pag-iingat ng mga rekord, mahigit sa 143,000 katao sa Mexico ang naturuang bumasa at sumulat sa mga klase na idinaos ng mga Saksi!

Napakahigpit ng mga batas sa Mexico kung tungkol sa relihiyon. Gayunman, sa nakalipas na mga taon, nagkaroon ng mahahalagang pagbabago hinggil dito. Noong 1992, isang bagong batas ang ipinasa hinggil sa mga gawain ng relihiyon, kaya noong 1993, ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico ay nairehistro na bilang isang organisasyong panrelihiyon.

Para sa akin ang mga pagbabagong ito ay nagdulot ng malaking kagalakan, isang bagay na inisip kong imposible noon. Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit akong dumalaw sa mga tanggapan ng pamahalaan at napaharap sa medyo mapaghinalang saloobin ng pamahalaan. Gayunman, kay inam na makita kung paano inasikaso ng Legal Department sa aming tanggapang pansangay ang mga bagay na ito, kaya naman ngayon ay napapaharap na lamang kami sa iilang hadlang sa gawaing pangangaral.

Paglilingkod Kasama ng Isang Asawang Misyonero

Noong dumating ako sa Mexico, marami nang mga nagtapos mula sa naunang mga klase ng Gilead ang nasa bansa. Ang isa sa mga ito ay si Esther Vartanian, isang Saksing taga-Armenia na nagsimulang magpayunir sa Vallejo, California, noong 1942. Ikinasal kami noong Hulyo 30, 1955, at pagkatapos ay nagpatuloy sa aming atas sa Mexico. Nanatili si Esther sa gawaing misyonero sa Mexico City, at nanirahan kami sa sangay, kung saan ako nagpatuloy sa paglilingkod.

Noong 1947, dumating si Esther sa kaniyang unang atas-misyonero sa Monterrey, Nuevo León, Mexico. Mayroon lamang isang kongregasyon na may 40 Saksi sa Monterrey noon, subalit nang ilipat siya sa Mexico City noong 1950, mayroon nang apat na kongregasyon. Sa aming sangay malapit sa Mexico City, sa kasalukuyan ay may dalawang kabataan na inapo ng mga pamilya na inaralan ni Esther ng Bibliya noong naglilingkod siya sa Monterrey.

Noong 1950, kasama sa teritoryo sa pangangaral ng mga misyonero sa Mexico City ang kalakhang bahagi ng lunsod. Binabagtas nila ang kanilang atas nang naglalakad o sakay ng lumang-luma nang mga bus na siksik sa mga tao. Nang dumating ako sa lugar na iyon noong huling mga taon ng 1950, may pitong kongregasyon na roon. Dumami na ngayon ang mga ito sa halos 1,600, na may mahigit sa 90,000 mamamahayag ng Kaharian sa Mexico City, at noong nakalipas na taon, mahigit sa 250,000 katao ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo roon! Sa nakalipas na mga taon, kami ni Esther ay nagkapribilehiyo na maglingkod sa marami sa mga kongregasyong ito.

Kapag pinasisimulan namin ni Esther ang isang pag-aaral sa Bibliya, lagi naming sinisikap na magkainteres ang ama ng pamilya upang makasama ang buong pamilya. Kaya naman, nakita namin ang maraming malalaking pamilya na naging lingkod ni Jehova. Naniniwala ako na ang isa sa mga dahilan ng mabilis na pagsulong ng tunay na pagsamba sa Mexico ay ang bagay na pami-pamilya ang kadalasang nagkakaisang umuugnay sa tunay na pagsamba.

Pinagpala ni Jehova ang Gawain

Mula noong 1950, ang pagsulong ng gawain sa Mexico ay naging kapansin-pansin, kapuwa may kaugnayan sa pagdami ng bilang at sa mga pagbabago sa organisasyon. Tunay na isang kaluguran na makatulong sa maliit na paraan sa pagsulong, na gumagawang kasama ng gayong mga mapagpatuloy at maliligayang tao.

Si Karl Klein, na naglilingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, at ang kaniyang asawa, si Margaret, ay dumalaw sa amin habang sila’y nagbabakasyon ilang taon na ang nakalilipas. Gustong maranasan ni Brother Klein ang sigla ng gawain sa aming teritoryo sa Mexico, kaya sila ni Margaret ay dumalaw sa San Juan Tezontla Congregation, malapit sa Mexico City, kung saan kami dumadalo noong panahong iyon. Maliit ang aming bulwagan noon, mga 4.5 metro ang lapad at 5.5 metro ang haba. Nang dumating kami, mga 70 na ang naroroon, at halos wala nang lugar na matayuan. Nakaupo ang mga may-edad sa mga silya, ang mga kabataan sa mga bangko, at ang maliliit na bata naman sa mga baldosa o sa sahig.

Hangang-hanga si Brother Klein sapagkat nakahanda ang mga Bibliya ng lahat ng mga bata at hinahanap ang mga teksto sa Bibliya kasabay ng tagapagsalita. Pagkatapos ng pahayag pangmadla, nagsalita si Brother Klein hinggil sa Mateo 13:19-23 at sinabing sa Mexico ay sagana ang “mainam na lupa” na binanggit ni Jesus. Sa kasalukuyan, pito sa mga batang dumalo noong araw na iyon ang nagtatrabaho sa malaking proyekto ng pagpapalawak sa aming mga pasilidad ng sangay malapit sa Mexico City. Ang isa ay naglilingkod sa Bethel, at ang ilan pa ay mga payunir!

Nang dumating ako sa Mexico City, mayroon lamang 11 miyembro sa aming sangay. Ngayon ay mayroon na kaming 1,350 na nagtatrabaho sa lugar na iyon, na mga 250 sa mga ito ang gumagawa sa pagtatayo ng bagong mga gusali ng sangay. Kapag natapos ang lahat ng gawaing ito, malamang na sa 2002, magkakaroon na kami ng tuluyan para sa halos 1,200 karagdagang tao sa aming pinalawak na mga pasilidad. Isip-isipin na noong 1950 ay wala pa kaming 7,000 mamamahayag ng Kaharian sa buong bansa, ngunit ngayon ay mayroon na kaming mahigit sa 500,000! Nag-uumapaw sa kagalakan ang aking puso na makita kung paanong pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap ng ating mapagpakumbabang mga kapatid na Mexicano, na lubos na nagpapagal upang purihin siya.

Pagharap sa Isang Malaking Hamon

Ang isa sa pinakamalalaking hamon sa akin nitong kamakailan ay ang pagkakasakit. Sa pangkalahatan ay malusog naman ako. Ngunit noong Nobyembre 1988, na-istrok ako na lubhang nakaapekto sa aking pisikal na kakayahan. Salamat kay Jehova, sa pamamagitan ng ehersisyo at iba pang terapi, mabuti-buti na ako, ngunit ang ilang bahagi ng aking katawan ay hindi tumutugon gaya ng nais ko. Patuloy akong tumatanggap ng paggagamot at medikal na pangangalaga upang maiwasan ang matitinding sakit ng ulo at iba pang mga epekto na nananatili pa rin.

Bagaman hindi na ako nakagagawa na gaya ng nais ko, nakasusumpong ako ng kasiyahan sa pagkaalam na nakatulong ako sa marami na matuto hinggil sa mga layunin ni Jehova at maging kaniyang naaalay na mga lingkod. Nasisiyahan din ako sa pakikipag-usap sa maraming Kristiyanong kapatid na lalaki’t babae hangga’t maaari kapag dumadalaw sila sa aming sangay; nadarama kong kapuwa kami napatitibay.

Ang pagkaalam na pinahahalagahan ni Jehova ang ating paglilingkod sa kaniya at na hindi sa walang kabuluhan ang ating naisagawa ay lubhang nagpalakas sa akin. (1 Corinto 15:58) Sa kabila ng aking mga limitasyon at sakit, isinapuso ko ang mga salita ng Colosas 3:23, 24: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao, sapagkat alam ninyong tatanggapin ninyo mula kay Jehova ang kaukulang gantimpala ng mana.” Bilang pagsunod sa paalaalang ito, natutuhan kong paglingkuran si Jehova nang buong kaluluwa sa kabila ng mga pagsubok.

[Larawan sa pahina 24]

Noong 1942 nang ako’y payunir

[Larawan sa pahina 24]

Pinasimulan ng aking asawa ang kaniyang atas-misyonero sa Mexico noong 1947

[Larawan sa pahina 24]

Kasama si Esther sa ngayon

[Mga larawan sa pahina 26]

Itaas sa kaliwa: Ang aming pamilyang Bethel sa Mexico noong 1952 kasama ako na nasa harap

Itaas: Mahigit 109,000 ang nagtipon sa istadyum na ito sa Mexico City para sa isang pandistritong kombensiyon noong 1999

Ibaba sa kaliwa: Ang aming mga bagong pasilidad ng sangay na malapit nang matapos