Pagpapahilom sa mga Sugat na Dulot ng Digmaan
Pagpapahilom sa mga Sugat na Dulot ng Digmaan
SI Abraham ay kasapi sa hukbong gerilya sa loob ng 20 taon. a Ngunit huminto na siya sa pakikipaglaban at hindi na kailanman muling makikipagdigma. Sa katunayan, ang ilan sa kaniyang mga dating kaaway ay malalapit na niyang kaibigan sa ngayon. Ano ang nagpabago sa kaniya? Ang Bibliya. Binigyan nito si Abraham ng pag-asa at kaunawaan, na tumulong sa kaniya na malasin ang mga gawain ng tao ayon sa pangmalas ng Diyos. Pinawi ng Bibliya ang kaniyang pagnanais na lumaban, at sinimulan niya ang pagpapahilom sa kaniyang kalungkutan, dalamhati, poot, at galit. Nasumpungan niya na ang Bibliya ay naglalaman ng mabisang gamot para sa puso.
Paano nakatutulong ang Bibliya sa isang tao upang mapaghilom ang mga sugat sa damdamin? Hindi nito kayang baguhin ang nangyari kay Abraham. Gayunman, ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos ay umakay sa kaniyang pag-iisip na maging kasuwato niyaong sa Maylalang. Ngayon ay may pag-asa na siya sa hinaharap, at iba na ang kaniyang mga priyoridad sa buhay. Ang mga bagay na mahalaga sa Diyos ay naging mahalaga na rin sa kaniya. Nang mangyari ito, ang mga sugat sa kaniyang puso ay nagsimulang maghilom. Ganiyan natulungan si Abraham na magbago.
Nasadlak sa Gera Sibil
Ipinanganak si Abraham noong dekada ng 1930 sa Aprika. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang kaniyang bayan ay pinamahalaan ng isang karatig na makapangyarihang bansa, ngunit karamihan sa mga kababayan ni Abraham ay nagnanais ng kasarinlan. Noong 1961, sumama si Abraham sa isang kilusan para sa kalayaan na naglunsad ng makagerilyang pakikidigma laban sa karatig na makapangyarihang bansa.
“Kaaway namin sila. Balak nila kaming patayin, kaya inumpisahan na namin na patayin sila,” paliwanag ni Abraham.
Madalas na manganib ang buhay ni Abraham, kaya noong 1982, pagkatapos ng 20 taon ng armadong pakikidigma, tumakas siya patungong Europa. Sa ngayon ay malapit na siyang mag-50, at yamang hawak niya ang kaniyang panahon, nag-isip-isip siya hinggil sa kaniyang buhay. Ano na ang nangyari sa kaniyang mga pangarap? Anong kinabukasan ang naghihintay sa kaniya? Nakatagpo si Abraham ng ilang Saksi ni Jehova at nagpasimula siyang dumalo sa kanilang mga pagpupulong. Naalaala niya na mga ilang taon na noon sa Aprika, may nabasa siyang tract na ibinigay sa kaniya ng isang Saksi. Inilarawan ng tract ang isang paraiso na malapit nang umiral sa lupa at isang
makalangit na pamahalaan na mamamahala sa sangkatauhan. Totoo kaya iyon?Sinabi ni Abraham: “Sa Bibliya, nalaman ko na nasayang lamang ang lahat ng taóng ginugol ko sa pakikipaglaban. Ang tanging pamahalaan na makatarungang makikitungo sa lahat ng tao ay ang Kaharian ng Diyos.”
Di-nagtagal pagkatapos na mabautismuhan si Abraham bilang isang Saksi ni Jehova, isang lalaki na nagngangalang Robert ang lumikas mula sa Aprika tungo sa lunsod sa Europa kung saan nakatira si Abraham. Nakipaglaban sina Robert at Abraham sa iisang digmaan ngunit sila’y nasa magkabilang panig. Madalas na pinag-iisipan ni Robert ang tunay na layunin ng buhay. Relihiyoso siya, at yamang nabasa na niya ang ilang bahagi ng Bibliya, alam niya na Jehova ang pangalan ng Diyos. Nang si Robert ay alukan ng tulong ng mga Saksi mula sa kongregasyon ni Abraham upang higit niyang maunawaan ang Bibliya, agad na tinanggap niya ito.
Ipinaliwanag ni Robert: “Sa pasimula pa lamang ay humanga na ako sa paraan ng paggamit ng mga Saksi sa pangalan ni Jehova at ni Jesus, anupat kinikilala sila bilang magkaibang persona. Iyan ay kasuwato ng aking nalalaman mula sa Bibliya. Maayos ring manamit ang mga Saksi at sila’y mabait sa ibang tao, anuman ang bansang pinagmulan ng mga ito. Malaki ang epekto sa akin ng gayong mga bagay.”
Magkaaway na Naging Magkaibigan
Sina Robert at Abraham, na dating magkaaway, ay matalik na magkaibigan ngayon. Naglilingkod sila bilang mga buong-panahong ebanghelisador sa iisang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. “Noong panahon ng digmaan, madalas kong pag-isipan kung bakit ang mga taong ito mula sa magkakatabing bansa—na marami sa kanila ay kabilang sa iisang relihiyon—ay napopoot sa isa’t isa,” paliwanag ni Abraham. “Kami ni Robert ay kabilang sa iisang relihiyon, ngunit nakipagdigma kami sa isa’t isa. Ngayon ay pareho na kaming Saksi ni Jehova, at pinagkaisa kami ng aming pananampalataya.”
“Iyan ang kaibahan,” dagdag ni Robert. “Ngayon ay magkasama na kami sa iisang pananampalataya anupat naging bahagi kami ng isang tunay na kapatiran. Hindi na kami kailanman makikipagdigma.” Ang Bibliya ay may malakas na impluwensiya sa mga puso ng dating magkaaway na ito. Ang poot at galit ay unti-unting napalitan ng pagtitiwala at pagkakaibigan.
Noong panahong nakikipagdigma sa isa’t isa sina Robert at Abraham, dalawang kabataang lalaki naman ang nasa magkabilang panig ng iba namang labanan sa pagitan ng dalawang magkatabing bansa. Di-nagtagal at ang Bibliya ay nagsilbing napakabisang gamot upang mapaghilom din ang kanilang mga puso. Paano?
Pumatay—Pagkatapos ay Mamatay na Isang Martir
Itinuro kay Gabriel, na pinalaki sa isang relihiyosong pamilya, na ang kaniyang tinubuang bayan ay nakikipaglaban ukol sa isang banal na digmaan. Kaya, sa edad na 19 na taon, nagboluntaryo siyang maging sundalo at humiling na dalhin siya sa mismong lugar ng labanan. Sa loob ng 13 buwan, nasa gitna siya ng pinakamababagsik na labanan, at kung minsan ay isa’t kalahating kilometro lamang ang layo niya mula sa kalaban. “Naaalala ko ang isang partikular na pangyayari,” sabi niya. “Sinabi ng aming kumandante na aatake ang kalaban sa gabing iyon. Labis kaming kinabahan anupat magdamag naming
pinasabog ang aming mga kanyon.” Itinuring niyang mga kaaway ang mga tao sa karatig na bansa, anupat nararapat mamatay. “Nasa isip ko na pumatay ng pinakamarami hangga’t maaari. Pagkatapos, gaya ng marami sa aking mga kaibigan, gusto kong mamatay na isang martir.”Gayunman, dumating ang panahon na si Gabriel ay nasiraan ng loob. Tumakas siya tungo sa mga bundok, maingat na tumawid sa hangganan tungo sa isang neutral na bansa, at naglakbay siya patungong Europa. Patuloy niyang itinatanong sa Diyos kung bakit napakahirap ng buhay at kung ang mga problema ba ay isang kaparusahan mula sa Diyos. Nakausap niya ang mga Saksi ni Jehova at ipinakita nila sa kaniya mula sa Bibliya kung bakit ang buhay ay punung-puno ng mga problema sa ngayon.—Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5.
Habang higit na natututo sa Bibliya si Gabriel, lalo niyang napagtatanto na naglalaman nga ito ng katotohanan. “Natutuhan ko na maaari tayong mabuhay magpakailanman sa paraiso sa lupa. Nakapagtataka nga naman, iyan ang matagal ko nang inaasam mula pa sa aking pagkabata.” Inaliw ng Bibliya si Gabriel at pinaginhawa ang kaniyang puso na magpahanggang ngayon ay nababagabag. Nagsimulang maghilom ang kaniyang pinakamalalalim na sugat sa damdamin. Kaya nang makilala niya si Daniel, isang dating kaaway, wala nang nadaramang poot si Gabriel. Ngunit paano napunta si Daniel sa Europa?
“Kung Talagang Umiiral Ka, Pakitulungan Mo Naman Ako!”
Pinalaki si Daniel bilang isang Katoliko at sa edad na 18 ay pinagsundalo na siya. Ipinadala siya upang lumaban sa digmaang ipinakikipaglaban din ni Gabriel ngunit siya ay nasa kabilang panig. Malapit sa mismong lugar ng labanan, nakasakay noon si Daniel sa isang tangke nang direktang tamaan ito ng isang bomba. Namatay ang kaniyang mga kaibigan, at siya ay lubhang nasugatan at dinalang bihag. Mga buwan ang ginugol niya sa ospital at sa isang kampo bago siya ipinadala sa isang neutral na bansa. Palibhasa’y nag-iisa at nagdarahop, inisip niya na magpatiwakal. Nanalangin si Daniel sa Diyos: “Kung talagang umiiral ka, pakitulungan mo naman ako!” Kinabukasan mismo, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa kaniya at nasagot nila ang marami sa kaniyang mga katanungan. Sa wakas, naglakbay siya patungong Europa bilang isa na lumikas. Muli ay nakisama si Daniel sa mga Saksi at nag-aral ng Bibliya. Naibsan ang kaniyang kabalisahan at galit dahil sa kaniyang natutuhan.
Magkaibigan na ngayon sina Gabriel at Daniel, na nagkakaisa sa isang espirituwal na kapatiran bilang bautisadong mga Saksi ni Jehova. “Ang aking pag-ibig kay Jehova at ang kaalaman sa Bibliya ang tumulong sa akin na matularan ang kaniyang pangmalas sa mga bagay-bagay. Hindi ko na kaaway si Daniel. Kung ito’y noong nakaraang mga taon, handa ko siyang patayin. Itinuro sa akin ng Bibliya ang mismong kabaligtaran—ang pagiging handang mamatay alang-alang sa kaniya,” sabi ni Gabriel.
“Nakita ko ang mga taong mula sa iba’t ibang relihiyon at bansa na nagpapatayan sa isa’t isa,” sabi ni Daniel. “At may mga tao rin na kabilang sa iisang relihiyon na nasa magkabilang panig ng digmaan at nagpapatayan sa isa’t isa. Nang makita ko ito, nadama ko na dapat sisihin ang Diyos. Ngayon ay alam ko nang si Satanas ang nasa likod
ng lahat ng digmaan. Kami ngayon ni Gabriel ay kapuwa mananampalataya. Hindi na kami makikipagdigma kailanman!”“Ang Salita ng Diyos ay Buháy at may Lakas”
Bakit napakalaki ng ipinagbago nina Abraham, Robert, Gabriel, at Daniel? Paano nila napawi ang malalim na pagkakaugat ng poot at dalamhati sa kanilang puso?
Ang bawat isa sa mga lalaking ito ay nagbasa, nagbulay-bulay, at natuto sa katotohanan mula sa Bibliya, na “buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Ang Awtor ng Bibliya ang siyang Maylalang ng sangkatauhan, na nakaaalam kung paano maiimpluwensiyahan ukol sa ikabubuti ang puso ng isa na handang makinig at matuto. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” Kapag hinayaan ng isang mambabasa na gabayan siya ng Bibliya, nagkakaroon siya ng bagong mga simulain at mga pamantayan. Natututuhan niya kung paano minamalas ni Jehova ang mga bagay-bagay. Nagdudulot ng maraming kapakinabangan ang pamamaraang ito, kalakip na ang pagpapahilom sa mga sugat ng digmaan.—2 Timoteo 3:16.
Ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos na walang bansa, lahi, o etnikong grupo ang mas mabuti o mas masama kaysa sa iba. “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” Ang mambabasa na tumatanggap nito ay natutulungan na unti-unting mapagtagumpayan ang pagkapoot sa lahi o bansa.—Gawa 10:34, 35.
Ipinakikita ng mga hula sa Bibliya na malapit nang palitan ng Diyos ang kasalukuyang sistema ng pamamahala ng tao ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian. Sa pamamagitan ng pamahalaang ito, ‘patitigilin ng Diyos ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.’ Aalisin ang mga institusyon na nagtataguyod ng digmaan at nag-uudyok sa mga tao na makipagdigma para sa mga ito. Bubuhaying-muli ang mga biktima ng digmaan at bibigyan sila ng pagkakataong mabuhay sa isang paraisong lupa. Walang sinuman ang kailangan pang tumakas sa harap ng isang mananalakay o maniniil.—Awit 46:9; Daniel 2:44; Gawa 24:15.
Sa mga taong nabubuhay sa panahong iyon, sinasabi ng Bibliya: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan . . . Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan, ni manganganak man sila ukol sa kabagabagan.” Walang anumang pinsala o sugat na hindi mapaghihilom. Ang paglalagak ng pananampalataya sa gayong pag-asa ay unti-unting pumapawi ng dalamhati at kalungkutan sa puso ng isang tao.—Isaias 65:21-23.
Tunay na ang Bibliya ay isang mabisang gamot para sa puso. Pinapaghihilom na ng mga turo nito ang mga sugat na dulot ng digmaan. Pinagkakaisa ang dating magkakaaway sa isang internasyonal na kapatiran. Magpapatuloy ang pagpapahilom na ito sa bagong sistema ng Diyos hanggang sa mawala na ang poot at galit, kalungkutan at dalamhati sa mga puso ng sangkatauhan. Ipinangangako ng Maylalang na “ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.”—Isaias 65:17.
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
[Blurb sa pahina 4]
“Sa Bibliya, nalaman ko na nasayang lamang ang lahat ng taóng ginugol ko sa pakikipaglaban”
[Blurb sa pahina 5]
Ang Bibliya ay maaaring magkaroon ng malakas na impluwensiya sa mga puso ng dating magkakaaway
[Blurb sa pahina 6]
Ang poot at galit ay unti-unting napalitan ng pagtitiwala at pagkakaibigan
[Blurb sa pahina 6]
Kapag hinayaan ng isang mambabasa na gabayan siya ng Bibliya, nagkakaroon siya ng bagong mga simulain at mga pamantayan
[Larawan sa pahina 7]
Pinagkakaisa na ngayon ang dating magkakaaway sa isang internasyonal na kapatiran
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Kampo ng mga lumikas: UN PHOTO 186811/J. Isaac