‘Tumakbo sa Gayong Paraan’
‘Tumakbo sa Gayong Paraan’
GUNIGUNIHIN ang iyong sarili na nasa isang istadyum ng palakasan na punung-puno ng mga taong tuwang-tuwa. Nagmartsa ang mga atleta patungo sa palaruan. Di-magkamayaw ang pulutong habang papalabas ang kanilang mga iniidolong manlalaro. Naroroon ang mga hurado upang ipatupad ang mga alituntunin. Habang nagaganap ang mga palaro, naghahalo ang mga sigaw ng tagumpay at ng pagkasiphayo. Sinasalubong ng nakatutulig na palakpakan ang mga nagwagi!
Ang dinadaluhan mo ay hindi isang makabagong paligsahan sa palakasan, kundi isa na naganap mga 2,000 taon na ang nakalilipas sa Isthmus ng Corinto. Dito, tuwing ikalawang taon mula noong ikaanim na siglo B.C.E. hanggang ikaapat na siglo C.E., ginaganap ang bantog na Isthmian Games. Sa loob ng maraming araw ay napupukaw ng paligsahan ang interes ng buong Gresya. Ang mga palaro ay hindi lamang mga simpleng paligsahang pampalakasan. Ang mga atleta ay mga simbolo ng pagiging handa sa militar. Ang mga nagwagi—na iniidolo bilang mga bayani—ay tumatanggap ng mga koronang gawa sa mga dahon ng puno. Pinauulanan sila ng mga regalo, at sila’y binibigyan ng lunsod ng malaking pensiyon na panghabang-buhay.
Pamilyar si apostol Pablo sa Isthmian Games na malapit sa Corinto at inihambing niya ang landasin ng buhay ng isang Kristiyano sa isang paligsahang pampalakasan. Sa pagtukoy sa mga mananakbo, mambubuno, at mga boksingero, angkop niyang inilarawan ang mga gantimpala ng mahusay na pagsasanay, may-tunguhing mga pagsisikap, at pagbabata. Sabihin pa, batid din ng mga Kristiyanong sinulatan niya ang tungkol sa mga palaro. Walang alinlangang kabilang noon ang ilan sa kanila sa mga nagsisigawang pulutong sa istadyum. Kaya madali nilang mauunawaan ang mga ilustrasyon ni Pablo. Kumusta naman tayo sa ngayon? Tayo rin ay nasa isang takbuhan—ukol sa buhay na walang hanggan. Paano tayo makikinabang mula sa mga pagtukoy ni Pablo sa mga paligsahang iyon?
‘Pakikipaglaban Ayon sa mga Alituntunin’
Ang mga kahilingan sa paglahok sa sinaunang mga palaro ay napakahigpit. Ihaharap ng isang opisyal ng palaro ang bawat atleta sa mga tagapanood at sisigaw: ‘Mayroon bang sinuman sa inyo na makapag-aakusa sa taong ito ng anumang krimen? Isa ba siyang magnanakaw o balakyot at karumal-dumal ba ang kaniyang buhay at pag-uugali?’ Ayon sa Archaeologia Graeca, “walang sinuman na kilalang kriminal, o may [malapit na] kaugnayan sa gayong tao, ang pinahihintulutang lumahok.” At ang paglabag sa mga alituntunin ng mga palaro ay pinarurusahan nang mabigat sa pamamagitan ng pagbabawal sa mga manlalabag mula sa mga paligsahan.
Tumutulong sa atin ang katotohanang ito upang maunawaan ang pananalita ni Pablo: “Kung ang sinuman ay nakikipaglaban maging sa mga palaro, hindi siya pinuputungan malibang nakipaglaban siya ayon sa mga alituntunin.” (2 Timoteo 2:5) Sa katulad na paraan, upang makasali sa takbuhan ukol sa buhay, kailangang matugunan natin ang mga kahilingan ni Jehova, anupat sumusunod sa kaniyang matataas na pamantayang moral ayon sa pagkakalahad ng mga ito sa Bibliya. Gayunman, nagbababala sa atin ang Bibliya: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) Kaya, kahit nakasali na sa takbuhan, kailangan tayong maging maingat upang makapagpatuloy sa pakikipaglaban ayon sa mga alituntunin upang sa gayon ay patuloy nating taglayin ang pagsang-ayon ni Jehova at matamo ang buhay na walang hanggan.
Ang pinakamalaking tulong upang makakilos sa ganitong paraan ay ang pag-ibig sa Diyos. (Marcos 12:29-31) Uudyukan tayo ng gayong pag-ibig na naising palugdan si Jehova at kumilos ayon sa kaniyang kalooban.—1 Juan 5:3.
‘Alisin ang Bawat Pabigat’
Sa sinaunang mga palaro, ang mga mananakbo ay hindi napabibigatan ng kasuutan o kagamitan. “Sa mga takbuhan, . . . ang mga kalahok noon ay talagang hubo’t hubad,” ang sabi ng aklat na The Life of the Greeks and Romans. Ang hindi pagsusuot ng damit ay nagbigay sa mga atleta ng kaliksihan, kalayaan sa pagkilos, at kahusayan. Walang nasasayang na lakas dahil sa di-kinakailangang pabigat. Malamang na ito ang nasa isipan ni Pablo nang sumulat siya sa mga Hebreong Kristiyano: “Alisin din natin ang bawat pabigat . . . , at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin.”—Hebreo 12:1.
Anong uri ng pabigat ang maaaring magpabagal sa atin sa takbuhan ukol sa buhay? Ang isa ay ang pagnanasang magkamal ng di-kinakailangang mga bagay o mapanatili ang isang magastos na istilo ng pamumuhay. Ang ilan ay maaaring umasa sa kayamanan para sa katiwasayan o malasin ito bilang pinagmumulan ng kaligayahan. Ang gayong labis na “pabigat” ay maaring magpabagal sa isang mananakbo hanggang sa punto na sa kalaunan, maaaring hindi na gaanong mahalaga sa kaniya ang Diyos. (Lucas 12:16-21) Ang buhay na walang hanggan ay maaaring magmistulang isang napakalayong pag-asa. ‘Darating ang bagong sanlibutan balang araw,’ ang maaaring ikatuwiran ng isang tao, ‘ngunit pansamantala, samantalahin muna natin ang iniaalok ng sanlibutang ito.’ (1 Timoteo 6:17-19) Ang gayong materyalistikong pangmalas ay napakadaling maglilihis sa isa mula sa takbuhan ukol sa buhay o humadlang sa isa na pasimulan man lamang ito.
Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” Pagkatapos, nang masabi ang tungkol sa paglalaan ni Jehova ng mga pangangailangan ng mga hayop at mga halaman at sabihing ang mga tao ay higit na mahalaga kaysa sa mga ito, siya’y nagpayo: “Kaya huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:24-33.
‘Tumakbo Nang May Pagbabata’
Hindi lahat ng sinaunang takbuhan ay matutulin at maiikling takbuhin. Ang isang takbuhan, na tinatawag na doʹli·khos, ay umaabot sa layong apat na kilometro. Ito’y isang matinding pagsubok sa lakas at pagbabata. Ayon sa tradisyon, noong 328 B.C.E., isang atleta na nagngangalang Ageas, matapos manalo sa takbuhang ito, ay nagsimulang maglakbay at tumakbo hanggang sa kaniyang tinubuang lunsod, ang Argos, upang ibalita ang kaniyang tagumpay. Nang araw na iyon, tinakbo niya ang humigit-kumulang sa 110 kilometro!
Ang takbuhang Kristiyano ay isa ring pangmalayuang takbuhin na sumusubok sa ating pagbabata. Ang pagbabata sa takbuhang ito hanggang sa katapusan ay kailangan upang makamit ang 2 Timoteo 4:7, 8) Tulad ni Pablo, kailangan nating tumakbo “hanggang sa katapusan.” Kung humihina ang ating pagbabata dahil lamang sa ang takbuhan ay waring mas matagal kaysa sa inaasahan natin noong una, hindi natin makakamit ang ating gantimpala. (Hebreo 11:6) Kay laki ngang trahedya iyon, yamang napakalapit na natin sa dulo ng takbuhan!
pagsang-ayon ni Jehova at ang gantimpalang buhay na walang hanggan. Tinakbo ni Pablo ang takbuhang ito sa gayong paraan. Nang malapit na siyang mamatay, nasabi niya: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya. Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran.” (Ang Gantimpala
Ang mga nagwagi sa sinaunang mga paligsahang pampalakasan sa Gresya ay binibigyan ng mga putong na karaniwan nang gawa sa mga dahon ng mga puno at napapalamutian ng mga bulaklak. Sa Pythian Games, ang mga nagwagi ay tumatanggap ng isang korona na gawa sa laurel. Sa Olympian Games ay nakakakuha sila ng mga koronang gawa sa mga dahon ng ligaw na olibo, samantalang sa Isthmian Games ay binibigyan sila ng mga korona na gawa sa pino. “Upang pukawin ang pag-aalab ng mga kalahok,” ang sabi ng isang iskolar sa Bibliya, “ang mga korona, ang mga gantimpala ng tagumpay, at ang mga sanga ng palma, ay nakalatag, sa panahon ng paligsahan, sa lugar na natatanaw ng mga kalahok, sa isang bangko, o mesa, na nakalagay sa istadyum.” Para sa nagwagi, ang pagsusuot ng korona ay isang tanda ng malaking karangalan. Sa kaniyang pag-uwi, matagumpay siyang sumasakay sa isang karuwahe papasok sa lunsod.
Taglay ito sa isipan, tinanong ni Pablo ang kaniyang mga mambabasang taga-Corinto: “Hindi ba ninyo alam na ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makakamit ninyo ito. . . . Ngayon sila, sabihin pa, ay gumagawa nito upang tumanggap sila ng isang koronang nasisira, ngunit tayo naman ay ng isa na walang kasiraan.” (1 Corinto 9:24, 25; 1 Pedro 1:3, 4) Kay laking pagkakaiba! Di-tulad ng kumukupas na mga korona ng sinaunang mga palaro, ang gantimpala na naghihintay sa mga sumasali sa takbuhan ukol sa buhay hanggang sa matapos ito ay hindi kailanman masisira.
Hinggil sa mas mainam na koronang ito, sumulat si apostol Pedro: “Kapag nahayag na ang punong pastol, tatanggapin ninyo ang di-kumukupas na korona ng kaluwalhatian.” (1 Pedro 5:4) Maihahambing ba ang anumang gantimpala na maiaalok ng sanlibutang ito sa imortalidad, ang gantimpala ng walang-kasiraang buhay sa makalangit na kaluwalhatian kasama ni Kristo?
Sa ngayon, ang kalakhan ng mga mananakbong Kristiyano ay hindi pinahiran ng Diyos upang maging kaniyang espirituwal na mga anak at wala silang makalangit na pag-asa. Hindi sila tumatakbo para sa gantimpalang imortalidad. Gayunman, naglagay rin ang Diyos ng isang walang-katumbas na gantimpala sa harap nila. Ito ay ang buhay na walang hanggan sa kasakdalan sa isang paraisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng langit. Alinmang gantimpala ang pinagsisikapang makamit ng isang Kristiyanong mananakbo, dapat siyang tumakbo taglay ang higit na determinasyon at sigla kaysa sa sinumang mananakbo sa isang paligsahang pampalakasan. Bakit? Sapagkat ang gantimpala ay hindi kukupas kailanman: “Ito ang ipinangakong bagay na ipinangako niya mismo sa atin, ang walang-hanggang buhay.”—1 Juan 2:25.
Yamang may gayong walang-kahambing na gantimpala sa harap ng mananakbong Kristiyano, ano ang dapat niyang maging pangmalas sa mga pang-akit ng sanlibutang ito? Dapat na maging kagaya ito ng pangmalas ni Pablo, na nagsabi: “Tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko rin na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng bagay at itinuturing kong mga basura ang mga iyon.” Alinsunod dito, talaga namang puspusang tumakbo si Pablo! “Mga kapatid, hindi ko pa itinuturing ang aking sarili na nakahawak na roon; ngunit may isang bagay tungkol dito: Nililimot ang mga bagay na nasa likuran at inaabot ang mga bagay na nasa Filipos 3:8, 13, 14) Tumakbo si Pablo habang ang kaniyang mga mata’y nakapakong mabuti sa gantimpala. Dapat ay gayundin tayo.
unahan, ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala.” (Ang Ating Pinakamainam na Halimbawa
Sa sinaunang mga palaro, tinamasa ng mga kampeon ang paghanga ng madla. Ang mga makata ay sumulat tungkol sa kanila, at gumawa ang mga eskultor ng mga istatuwa nila. Sinasabi ng istoryador na si Věra Olivová na sila’y “puspos ng kaluwalhatian at nagtamasa ng labis-labis na popularidad.” Nagsilbi rin silang mga huwaran para sa mas nakababatang henerasyon ng mga kampeon.
Sino ang “kampeon” na nagpapakita ng pinakamainam na halimbawa para sa mga Kristiyano? Sumasagot si Pablo: “Takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin, habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.” (Hebreo 12:1, 2) Oo, upang magtagumpay tayo sa ating takbuhan ukol sa buhay na walang hanggan, kailangan nating tuminging mabuti sa ating Huwaran, si Jesu-Kristo. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng mga ulat ng Ebanghelyo at sa pagbubulay-bulay sa mga paraan na maaari natin siyang matularan. Ang gayong pag-aaral ay tutulong sa atin na maunawaan na si Jesu-Kristo ay naging masunurin sa Diyos at pinatunayan ang kalidad ng kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang pagbabata. Bilang gantimpala sa kaniyang pagbabata, tinanggap niya ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova kalakip na ang maraming kamangha-manghang pribilehiyo.—Filipos 2:9-11.
Sabihin pa, ang namumukod-tanging katangian ni Jesus ay ang kaniyang pag-ibig. “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Binigyan niya ng mas malalim na kahulugan ang salitang “pag-ibig” sa pagsasabi sa atin na ibigin natin maging ang ating mga kaaway. (Mateo 5:43-48) Sapagkat iniibig niya ang kaniyang makalangit na Ama, nakasumpong si Jesus ng kagalakan sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. (Awit 40:9, 10; Kawikaan 27:11) Ang pagtingin natin kay Jesus bilang ating Huwaran at bilang isa na nagtatakda ng bilis natin sa puspusang takbuhan ukol sa buhay ay magpapakilos din sa atin na ibigin ang Diyos at ang ating kapuwa at makasumpong ng tunay na kagalakan sa ating sagradong paglilingkod. (Mateo 22:37-39; Juan 13:34; 1 Pedro 2:21) Isaisip na hindi imposible ang hinihiling ni Jesus. Tinitiyak niya sa atin: “Ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mateo 11:28-30.
Tulad ni Jesus, kailangan nating panatilihing nakapako ang ating paningin sa gantimpala na nakalaan para sa lahat ng makapagbabata hanggang sa wakas. (Mateo 24:13) Kung makikipaglaban tayo ayon sa mga alituntunin, kung aalisin natin ang bawat pabigat, at kung tatakbo tayo nang may pagbabata, makaaasa tayo ng tagumpay. Ang abot-tanaw na tunguhin ang nag-aanyaya sa atin na magpatuloy! Pinananariwa nito ang ating lakas dahil sa kagalakang idinudulot nito sa atin, isang kagalakan na nagpapangyaring maging mas madali ang pagtahak natin sa landas sa ating unahan.
[Larawan sa pahina 29]
Ang Kristiyanong takbuhan ay isang pangmalayuang takbuhin—nangangailangan ito ng pagbabata
[Larawan sa pahina 30]
Di-tulad ng pinutungang mga atleta, makaaasa ang mga Kristiyano sa isang di-nasisirang gantimpala
[Larawan sa pahina 31]
Ang gantimpala ay para sa lahat ng magbabata hanggang sa wakas
[Picture Credit Line sa pahina 28]
Copyright British Museum