Isang Pantanging Patalastas
Isang Pantanging Patalastas
SA PAGTATAPOS ng taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania noong Oktubre 7, 2000, isang pantanging patalastas ang ginawa ng tsirman, si John E. Barr ng Lupong Tagapamahala. Ang patalastas na ito ay batay sa mga naunang pahayag noong araw na iyon nina Theodore Jaracz at Daniel Sydlik.—Tingnan ang pahina 12-16 at 28-31 ng magasing ito.
Sa pagbanggit ng isang napakahalagang punto, sinabi ni Brother Barr: “ ‘Ang tapat at maingat na alipin’ at ang Lupong Tagapamahala nito ay pinagkatiwalaan ng mga kapakanan na nakahihigit at mas malawak kaysa sa mga ipinagkatiwala sa legal na mga korporasyon. Nakasaad sa mga layunin na nasa karta ng bawat korporasyong iyon ang mga bagay na limitado lamang ang nasasaklaw. Gayunman, inatasan ng ating Panginoon, si Jesu-Kristo, ang uring tapat na alipin sa lahat ng kaniyang ‘mga pag-aari,’ o mga kapakanan ng Kaharian dito sa lupa.”—Mateo 24:45-47.
Hinggil sa korporasyon ng Pennsylvania, ganito pa ang sabi ni Brother Barr: “Mula nang maging korporasyon ito noong 1884, ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay gumanap ng isang mahalagang bahagi sa ating modernong-panahong kasaysayan. Gayunpaman, ito ay isa lamang legal na instrumentong magagamit ng ‘tapat at maingat na alipin’ kung kinakailangan.”
Sa kanilang mga pahayag, ipinaliwanag nina Brother Sydlik at Jaracz na ang bagay na “ang tapat at maingat na alipin” ay pinagkatiwalaan ng lahat ng makalupang pag-aari ng Panginoon ay hindi humahadlang sa uring alipin na pahintulutan ang kuwalipikadong mga lalaki na kabilang sa “ibang tupa” upang mangalaga sa ilang rutin na pananagutang pampangasiwaan. (Juan 10:16) Ni may anumang maka-Kasulatang dahilan na humihiling na ang lahat o ang sinuman sa mga direktor ng legal na mga korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ay dapat na pinahirang mga Kristiyano.
Sinabi ni Brother Barr sa mga tagapakinig na kamakailan ang ilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova na naglingkod bilang mga direktor at mga opisyal ay kusang nagbitiw mula sa lupon ng mga direktor sa lahat ng mga korporasyong ginagamit ng “tapat at maingat na alipin” sa Estados Unidos. Ang responsableng mga kapatid na lalaki ng uring ibang tupa ay nahalal bilang mga kahalili.
Ang pasiyang ito ay kapaki-pakinabang nga. Nagpapahintulot ito sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala na gumugol nang higit na panahon sa paghahanda ng espirituwal na pagkain at sa pangangalaga sa espirituwal na mga pangangailangan ng pambuong-daigdig na kapatiran.
Sa pagtatapos, sinabi ng tsirman sa kaniyang nalulugod na mga tagapakinig: “Bagaman ang iba’t ibang legal at pampangasiwaang tungkulin ay naiatas na sa may karanasang mga tagapangasiwa, . . . lahat sila ay maglilingkod sa ilalim ng espirituwal na pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala. . . . Lahat tayo ay may pananalanging umaasa kay Jehova para sa kaniyang pagpapala sa ating nagkakaisang pagsisikap sa paggawa ng kaniyang kalooban, sa karangalan at kaluwalhatian ng kaniyang dakilang pangalan.”