“Isang Proyekto na Obra Maestra”
“Isang Proyekto na Obra Maestra”
SA PASIMULA pa lamang ng kanilang makabagong-panahong kasaysayan, lubhang interesado na ang mga Saksi ni Jehova sa isa sa mga hula ni Jesu-Kristo: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Habang papalapit na ang 1914—ang pasimula ng “mga huling araw”—may matibay na pananalig na isinagawa ng mga taimtim na Estudyante ng Bibliya ang isang walang katulad na pandaigdig na kampanya ng pagtuturo salig sa Banal na Kasulatan.—2 Timoteo 3:1.
Upang matamo ang kanilang tunguhin ng paghahayag ng mabuting balita sa buong lupa, ang mga lingkod na ito ni Jehova ay gumamit ng isang pamamaraan na bago, malikhain, at malinaw. Upang higit na matutuhan ang hinggil dito, balikan natin ang nakalipas na panahon.
Isang Bagong Paraan Upang Maipahayag ang Mabuting Balita
Noon ay Enero ng taóng 1914. Gunigunihin na nakaupo ka kasama ang 5,000 iba pa sa isang pinadilim na awditoryum sa New York City. Nasa harapan ninyo ang isang malaking iskrin ng pelikula. Isang lalaki na maputi ang buhok at may suot na amerikanang hanggang tuhod ang lumitaw sa iskrin. Nakapanood ka na ng mga pelikulang walang tokis, ngunit ang lalaking ito ay nagsasalita, at naririnig mo ang kaniyang sinasabi. Naroroon ka sa unang pagpapalabas ng isang bagay na bago sa teknikal na paraan, at kakaiba ang mensahe. Ang tagapagsalita ay si Charles Taze Russell, ang kauna-unahang presidente ng Samahang Watch Tower, at ang palabas ay ang “Photo-Drama of Creation.”
Natanto ni C. T. Russell ang posibilidad ng paggamit sa mga pelikula upang maabot ang maraming tao. Kaya, noong 1912, sinimulan niyang ihanda ang “Photo-Drama of Creation.” Nang maglaon, ito ay naging isang walong oras na photographic slide at pelikula, kumpleto na may kulay at tunog.
Dinisenyo na maipalabas sa apat na bahagi, ipinakita ng “Photo-Drama” sa mga manonood ang paglalang hanggang sa kasaysayan ng tao tungo sa kasukdulan ng layunin ng Diyos na Jehova para sa lupa at sa sangkatauhan sa katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Mga taon pa ang lumipas bago ang paggamit ng gayunding teknolohiya ay naging matagumpay sa komersiyo. Gayunman, milyun-milyon na ang nakapanood ng “Photo-Drama of Creation” nang walang bayad!
Piling mga tugtugin at gayundin, 96 na inirekord-sa-ponograpong pahayag ang inihanda para sa “Photo-Drama.” Ang mga stereopticon slide ay gawa sa ipinintang klasikong mga larawan na nagpapakita sa kasaysayan ng daigdig. Kinakailangan din na gumawa ng daan-daang bagong mga ipinintang larawan at mga dibuho. Ang ilan sa mga slide at mga film ay may pagtitiyagang ipininta sa pamamagitan ng kamay. At ginawa ito nang paulit-ulit, upang maihanda, nang maglaon, ang 20 set na may
tig-aapat na bahagi. Ito ang nagpangyari na maipalabas ang isang bahagi ng “Photo-Drama” sa 80 iba’t ibang lunsod sa kahit na anong araw!Sa Likod ng mga Eksena
Ano ang naganap sa likod ng mga eksena habang ipinapalabas ang “Photo-Drama”? “Nagsisimula ang Drama na ipinakikita si Brother Russell,” sabi ng Estudyante ng Bibliya na si Alice Hoffman. “Habang lumilitaw siya sa iskrin at ang kaniyang mga labi ay nagsimulang gumalaw, patutunugin ang isang ponograpo . . . at tuwang-tuwa naming pinakikinggan ang kaniyang boses.”
Bilang pagtukoy sa time-lapse photography, naalala ni Zola Hoffman: “Naupo ako roon na manghang-mangha habang pinanonood namin na ipinapakita ang mga araw ng paglalang. May mga liryo roon na unti-unting bumubuka sa aming paningin.”
Idinagdag pa ng mahilig sa musika na si Karl F. Klein ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova: “Habang ipinapalabas ang mga larawang ito, may akompaniya ng napakaiinam na tugtugin, tulad ng napakagagandang klasikong tugtog na Narcissus at Humoreske.”
Mayroon ding mga di-malilimutang pangyayari. “Kung minsan ay may nakatatawang mga pagkakamali ang magaganap,” naalala ni Clayton J. Woodworth, Jr. “Sa isang pagkakataon nang tumutugtog ang plaka na ‘Flee as a Bird to Your Mountain,’ at biglang lumitaw sa iskrin ang larawan ng isang napakalaking gigantosaurus, isang napakalaking hayop na nabuhay bago ng Baha”!
Bukod pa sa regular na pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation,” di-nagtagal ay nagkaroon ng mga set ng “Eureka Drama.” (Tingnan ang kahon.) Ang isa ay nagtataglay ng mga isinaplakang mga pahayag, gayundin ng mga tugtugin. Ang isa naman ay binubuo ng kapuwa plaka at mga slide. Bagaman ang “Eureka Drama” ay walang kasamang pelikula, lubos na matagumpay ito nang ipinakita ito sa di-gaanong mataong mga lugar.
Isang Mabisang Kasangkapan sa Pagpapatotoo
Sa pagtatapos ng 1914, naipalabas ang “Photo-Drama” sa mga manonood na ang kabuuang bilang ay mahigit sa 9,000,000 sa Hilagang Amerika, Europa, at Australia. Bagaman kakaunti ang bilang, hindi nagkulang ang mga Estudyante ng Bibliya ng matibay na pananalig na kinakailangan upang maipahayag ang mabuting balita sa pamamagitan ng bagong kasangkapang ito. Malugod silang nag-abuloy ng mga pondo na kinakailangan upang makaupa ng angkop na mga lugar para sa mga palabas na ito. Kaya gayon na lamang kalaki ang nagawa ng “Photo-Drama of Creation” sa pagpapabatid sa mga manonood ng tungkol sa Salita at mga layunin ng Diyos.
Sa isang liham kay C. T. Russell, isang tao ang sumulat: “Ang unang pagdalaw na iyon sa inyong Drama ay nagpabago sa aking buhay; o, marapat kong sabihin, nagpabago sa aking kaalaman hinggil sa Bibliya.” Sinabi ng isa pang indibiduwal: “Muntik na akong masilo sa bitag ng kawalan ng pananampalataya at nadarama ko na ako’y nailigtas ng ‘Photo-Drama of Creation’ na ipinalabas dito noong nakaraang tag-init. . . . Taglay ko na ngayon ang kapayapaan na hindi kayang ibigay ng sanlibutan at na hindi ko ipagpapalit para sa lahat ng mga kayamanan nito.”
Si Demetrius Papageorge, isang matagal nang miyembro ng kawani sa punong-tanggapan ng Samahan, ay nagkomento: “Ang ‘Photo-Drama’ ay isang proyekto na obra maestra, kung isasaalang-alang natin ang maliit na bilang ng mga Estudyante ng Bibliya at ang kaunting pananalapi na magagamit. Talagang nasa likod nito ang espiritu ni Jehova!”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ang “Eureka Drama”
Walong buwan pagkatapos ng unang pagpapalabas ng “Photo-Drama,” nakita ng Samahan ang pangangailangan na maglaan ng isa pang bersiyon nito na tinatawag na “Eureka Drama.” Habang ang kumpletong “Photo-Drama” ay patuloy na ipinapalabas sa malalaking lunsod, ipinahahayag din ng mga set ng “Eureka” ang gayunding pangunahing mensahe sa mga nayon at mga lalawigan. Inilarawan ang isang bersiyon ng “Eureka Drama” bilang pagbibigay sa “mga sister ng nakahihigit na pagkakataon” na mangaral. Bakit gayon? Dahil ang lalagyan ng mga ponograpong plaka nito ay 14 na kilo lamang ang bigat. Siyempre pa, upang maipakita ito, kinakailangan ding magdala ng isang ponograpo.