Kung Paano Naiiba ang Lupong Tagapamahala sa Isang Legal na Korporasyon
Kung Paano Naiiba ang Lupong Tagapamahala sa Isang Legal na Korporasyon
ANG mga taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay idinaraos na mula pa noong Enero ng 1885. Nang ang pagtitipon ng pinahirang mga Kristiyano ay nagaganap pa noong mga huling taon ng ika-19 na siglo, ang mga direktor at mga opisyal ng korporasyong ito ay may makalangit na pag-asa. Sa katunayan, halos laging ganito ang kalagayan.
May isang eksepsiyon. Noong 1940, si Hayden C. Covington—ang abogado ng Samahan noon at isa sa “ibang tupa,” na may makalupang pag-asa—ay nahalal bilang isang direktor ng Samahan. (Juan 10:16) Naglingkod siya bilang ang bise-presidente ng Samahan mula 1942 hanggang 1945. Nang panahong iyon, si Brother Covington ay nagbitiw bilang isang direktor upang sumunod sa waring kalooban ni Jehova noon—na ang lahat ng direktor at opisyal ng korporasyon ng Pennsylvania ay mga pinahirang Kristiyano. Si Lyman A. Swingle ang humalili kay Hayden C. Covington sa lupon ng mga direktor, at si Frederick W. Franz ang nahalal na bise-presidente.
Bakit ipinapalagay noon ng mga lingkod ni Jehova na ang lahat ng mga direktor at mga opisyal ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay dapat na mga pinahirang Kristiyano? Sapagkat noong mga panahong iyon, ang lupon ng mga direktor at mga opisyal ng korporasyon ng Pennsylvania ay karaniwang iniuugnay sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, na pawang binubuo ng mga lalaking pinahiran ng espiritu.
Isang Makasaysayang Taunang Miting
Sa taunang miting na ginanap noong Oktubre 2, 1944, sa Pittsburgh, pinagtibay ng mga miyembro ng korporasyon ng Pennsylvania ang anim na resolusyong sumususog sa karta nito. Ang probisyon ng karta ay nagsasaad na ang mga sapi na ginagamit sa pagboto (voting share) ay ibigay sa mga nag-aabuloy ng salapi sa gawain ng Samahan, subalit inalis ng ikatlong susog ang probisyong iyon. Ganito ang sabi ng isang report hinggil sa taunang miting na iyon: “Ang pagiging miyembro sa Samahan ay hindi hihigit sa 500 . . . Ang bawat isa na pinili ay dapat na maging isang buong-panahong lingkod ng Samahan o isang bahaging-panahong lingkod ng isang kompanya [kongregasyon] ng mga Saksi ni Jehova at dapat na magpakita ng espiritu ng Panginoon.”
Mula noon, ang mga direktor ng Samahan ay inihahalal sa tungkulin ng mga indibiduwal na lubusang nakatalaga kay Jehova, gaano man karaming salapi ang iniabuloy nila sa pagpapasulong ng gawaing pang-Kaharian. Ito ay lumabas na kasuwato ng unti-unting mga pagsulong na inihula sa Isaias 60:17, kung saan ating mababasa: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal; at aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas.” Bilang pagtukoy sa “mga tagapangasiwa” at sa “mga tagapagbigay-atas,” binanggit ng hulang ito ang mga pagsulong sa mga pamamaraang pang-organisasyon sa bayan ni Jehova.
Ang mahalagang hakbang na ito upang gawing teokratiko ang organisasyon ay dumating sa pagtatapos ng “dalawang libo tatlong daang gabi at umaga,” na binanggit sa Daniel 8:14. Noong panahong iyon, “ang dakong banal” ay ‘dinala sa tamang kalagayan.’
Gayunman, pagkatapos ng makasaysayang taunang miting noong 1944, isang mahalagang katanungan ang nanatili. Yamang ang Lupong Tagapamahala noon ay karaniwang iniuugnay sa pitong-miyembrong lupon ng mga direktor ng korporasyon ng Pennsylvania, nangangahulugan ba ito na ang Lupong Tagapamahala ay hindi maaaring buuin ng higit pa sa pitong pinahirang Kristiyano? Isa pa, yamang ang mga direktor ay inihahalal ng mga miyembro ng korporasyon, inihahalal ba ng mga miyembro ng korporasyon ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala sa taunang
miting sa bawat taon? Ang mga direktor at mga opisyal ba ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania at ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay magkapareho, o sila ba’y magkaiba?Isa Pang Hindi Malilimot na Taunang Miting
Ang mga katanungang ito ay sinagot sa taunang miting na ginanap noong Oktubre 1, 1971. Sa okasyong iyon, binanggit ng isa sa mga tagapagsalita na ang lupong tagapamahala ng “tapat at maingat na alipin” ay nauna nang daan-daang taon sa Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. (Mateo 24:45-47) Isang lupong tagapamahala ang itinatag noong Pentecostes ng 33 C.E., mahigit nang 18 dantaon bago pa umiral ang korporasyon ng Pennsylvania. Sa simula, ang lupong tagapamahala ay binubuo ng, hindi 7 lalaki, kundi ng 12 apostol. Maliwanag, ang bilang na ito ay nadagdagan nang bandang huli, sapagkat ‘ang mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem’ ang nangunguna.—Gawa 15:2.
Noong 1971, ipinaliwanag ng tagapagsalita ring iyon na hindi maaaring ihalal ng mga miyembro ng Samahang Watch Tower ang mga miyembro ng pinahirang Lupong Tagapamahala. Bakit? “Sapagkat,” aniya, “ang lupong tagapamahala ng uring ‘alipin’ ay hindi inaatasan ng sinumang tao. Ito’y inaatasan ni . . . Jesu-Kristo, ang Ulo ng tunay na kongregasyong Kristiyano at ang Panginoon ng uring ‘tapat at maingat na alipin.’ ” Maliwanag kung gayon, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay hindi maihahalal sa tungkulin sa pamamagitan ng pagiging miyembro sa anumang legal na korporasyon.
Sa pagpapatuloy, binanggit ng tagapagsalita ang napakahalagang pangungusap na ito: “Ang lupong tagapamahala ay walang mga opisyal na gaya ng Lupon ng mga Direktor ng Samahan, yaon ay, presidente, bise-presidente, kalihim-ingat-yaman at katulong na kalihim-ingat-yaman. Mayroon lamang itong tsirman.” Sa loob ng maraming taon, ang pangulo ng korporasyon ng Pennsylvania ang siya ring pangunahing miyembro ng Lupong Tagapamahala. Hindi na magiging gayon ang kalagayan. Bagaman hindi magkakapareho ang karanasan o kakayahan, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay magkakaroon ng pantay na pananagutan. Sinabi pa ng tagapagsalita: “Ang sinumang miyembro ng lupong tagapamahala ay maaaring maging tsirman nang hindi kinakailangang maging presidente rin naman ng . . . Samahan . . . Lahat ng ito’y nakasalalay sa sistema ng paghahalinhinan sa pagiging tsirman sa lupong tagapamahala.”
Sa hindi malilimot na taunang miting na iyon noong 1971, malinaw na ipinakita ang pagkakaiba sa pagitan ng pinahiran-ng-espiritung mga miyembro ng Lupong Tagapamahala at ng mga direktor ng korporasyon ng Pennsylvania. Gayunman, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay nagpatuloy na maglingkod bilang mga direktor at mga opisyal ng Samahan. Subalit, sa ngayon ay bumabangon ang katanungan: Mayroon bang anumang maka-Kasulatang dahilan kung bakit ang mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay dapat na maging mga miyembro ng Lupong Tagapamahala?
Ang sagot ay wala. Ang korporasyon ng Pennsylvania ay hindi siyang tanging legal na korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. May iba pa. Ang isa ay ang Watchtower Bible and Tract Society of New York, Incorporated. Pinadadali nito ang ating gawain sa Estados Unidos. Ang pagpapala ni Jehova ay maliwanag na nasa korporasyong iyon, bagaman ang mga direktor at mga opisyal nito ay pangunahin nang kabilang sa “ibang tupa.” Ang International Bible Students Association ay ginagamit sa Britanya. Ang iba pang legal na mga korporasyon ay ginagamit upang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian sa ibang lupain. Lahat ng mga ito ay magkakasuwatong nagtutulung-tulong at may bahaging ginagampanan upang maipangaral ang mabuting balita sa buong lupa. Saan man matatagpuan ang mga ito o sinuman ang naglilingkod bilang mga direktor o mga opisyal, ang mga korporasyong ito ay pinapatnubayan sa teokratikong paraan at ginagamit ng Lupong Tagapamahala. Sa gayon, ang mga korporasyong ito ay may mga atas na gagawin upang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian.
Kapaki-pakinabang para sa atin na magkaroon ng legal na mga korporasyon. Sa pamamagitan nito ay sumusunod tayo sa lokal at pambansang mga batas, gaya ng hinihiling sa Salita ng Diyos. (Jeremias 32:11; Roma 13:1) Pinadadali ng legal na mga korporasyon ang ating gawain na pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian sa pamamagitan ng paglilimbag ng mga Bibliya, aklat, magasin, brosyur, at iba pang materyal. Ang mga korporasyong ito ay naglilingkod din bilang legal na mga instrumento upang pangasiwaan ang mga bagay na may kaugnayan sa pagmamay-ari ng ari-arian, pagbibigay ng tulong, mga kontrata para sa paggamit ng mga pasilidad ng kombensiyon, at iba pa. Tayo’y nagpapasalamat sa mga paglilingkod ng legal na mga korporasyong ito.
Itinanyag ang Pangalan ni Jehova
Noong 1944, ang Artikulo II ng karta ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay sinusugan upang bigyang-diin ang mga layunin ng korporasyong ito. Ayon sa karta, kabilang sa mga layunin ng Samahan ang pangunahing layunin na ito: “Upang ipangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus sa lahat ng mga bansa bilang isang patotoo sa pangalan, salita at pagiging kataas-taasan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na si JEHOVA.”
Mula noong 1926 ay itinanyag ng ‘tapat na alipin’ ang pangalan ni Jehova. Lalo nang kapansin-pansin ay noong 1931 nang tanggapin ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Kabilang sa mga publikasyon ng Samahan na nagtanyag sa pangalan ng Diyos ang mga aklat na Jehovah (1934), “Let Your Name Be Sanctified” (1961), at “The Nations Shall Know That I Am Jehovah”—How? (1971).
Pantanging dapat banggitin ang New World Translation of the Holy Scriptures, na inilathala sa kabuuan nito sa Ingles noong 1960. Naglalaman ito ng pangalan ni Jehova sa lahat ng dako kung saan lumilitaw ang Tetragrammaton sa Hebreong Kasulatan. Kalakip din sa saling ito ang banal na pangalan na nasa 237 dako sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na napatunayan dahil sa maingat na pagsusuri. Anong laki ng ating pasasalamat na, sa iba’t ibang paraan, pinahintulutan ni Jehova ang “alipin” at ang Lupong Tagapamahala nito na gamitin ang kanilang mga kakayahan sa paglalathala at legal na mga korporasyon sa pagpapakilala ng kaniyang pangalan sa buong lupa!
Itinaguyod ang Pamamahagi ng Salita ng Diyos
Walang-lubay ang bayan ni Jehova sa pagpapatotoo sa kaniyang pangalan at sa pagtataguyod ng kaniyang Salita sa pamamagitan ng paglalathala at pamamahagi ng milyun-milyong salig-Bibliyang mga publikasyon at gayundin ng Bibliya mismo. Noong mga unang taon ng dekada ng 1900, ang Samahang Watch Tower ay naging may-ari ng karapatang-sipi ng The Emphatic Diaglott, ang Griego-Ingles na edisyong interlinear ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ni Benjamin Wilson. Inilathala ng Samahan ang edisyon ng mga Estudyante ng Bibliya na King James Version, na may kasamang 500-pahinang apendise. Noong 1942 ay inilathala nito ang King James Version na may panggilid na mga reperensiya. Pagkatapos, noong 1944 ay sinimulang ilimbag ng Samahan ang American Standard Version ng 1901, na gumagamit sa banal na pangalan. Ang pangalang Jehova ay itinampok din sa The Bible in Living English, ni Stephen T. Byington, na inilathala ng Samahan noong 1972.
Ang legal na mga korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa paglilimbag at pamamahagi sa lahat ng mga saling ito ng Bibliya. Gayunman, ang pinakakapansin-pansin ay ang napakalapit na pagtutulungan ng Samahang Watch Tower at ng grupo ng pinahirang mga Saksi ni Jehova na bumubuo sa New World Bible Translation Committee. Nagagalak kami na, sa kabuuan o sa bahagi, hanggang sa kasalukuyan ay mahigit na 106,400,000 kopya ng saling ito ang nailimbag na sa 38 wika. Tunay na ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay isang samahan ng Bibliya!
‘Ang tapat na alipin’ ay ‘inatasan sa lahat ng mga pag-aari ng kaniyang panginoon.’ Kabilang dito ang mga pasilidad sa punong-tanggapan sa New York State, E.U.A., at sa 110 sangay na ngayo’y umiiral sa buong daigdig. Batid ng mga miyembro ng uring alipin na sila’y mananagot sa kung paano nila ginamit ang ipinagkatiwala sa kanila. (Mateo ) Gayunman, hindi ito humahadlang sa ‘alipin’ sa pagpapahintulot sa kuwalipikadong mga tagapangasiwa mula sa “ibang tupa” upang mag-asikaso sa mga pananagutang legal at pampangasiwaan. Sa katunayan, nagpapahintulot ito sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala na mag-ukol ng higit na panahon “sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.”— 25:14-30Gawa 6:4.
Hanggang ipinahihintulot ng mga kalagayan sa daigdig na ito, gagamit ang Lupong Tagapamahala, na kumakatawan sa “tapat at maingat na alipin,” ng legal na mga korporasyon. Nakapagpapadali ang mga ito, subalit ang mga ito’y hindi naman kailangang-kailangan. Kung ang isang legal na korporasyon ay binuwag ng batas ng gobyerno, magpapatuloy pa rin ang gawaing pangangaral. Kahit na sa ngayon, sa mga lupaing may mga paghihigpit at walang legal na mga korporasyong ginagamit, ipinahahayag ang mensahe ng Kaharian, gumagawa ng mga alagad, at patuloy na lumalago ang teokrasya. Nangyayari ito sapagkat ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatanim at nagdidilig, at ang ‘Diyos ang patuloy na nagpapalago nito.’—1 Corinto 3:6, 7.
Habang tumitingin tayo sa hinaharap, tayo’y nagtitiwala na pangangalagaan ni Jehova ang espirituwal at materyal na mga pangangailangan ng kaniyang bayan. Siya at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay patuloy na maglalaan ng kinakailangang makalangit na patnubay at tulong upang matapos ang gawaing pangangaral ng Kaharian. Sabihin pa, anuman ang naisasagawa natin bilang mga lingkod ng Diyos ay nagagawa ‘hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, ni sa pamamagitan man ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova.’ (Zacarias 4:6) Kaya tayo ay nananalangin para sa tulong ng Diyos, sa pagkaalam na sa pamamagitan ng lakas na ibinibigay ni Jehova, matatapos natin ang gawain na iniatang niya sa atin sa panahong ito ng kawakasan!