Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Natin Malilinang ang Kagalingan

Kung Paano Natin Malilinang ang Kagalingan

Kung Paano Natin Malilinang ang Kagalingan

BINIBIGYANG-KATUTURAN ng makabagong-panahong mga diksyunaryo ang “kagalingan” bilang “kahusayan sa moral; kabutihan.” Ito ay “tamang pagkilos at pag-iisip; kabutihan sa pag-uugali.” Sinabi ng leksikograpong si Marvin R. Vincent na ang orihinal na klasikong diwa ng Griegong salita na isinaling “kagalingan” ay nagpapahiwatig ng “anumang uri ng kahusayan.” Hindi kataka-taka kung gayon na ang mga katangiang gaya ng kahinahunan, lakas ng loob, disiplina sa sarili, pagiging walang kinikilingan, pagkamahabagin, pagtitiyaga, katapatan, kapakumbabaan, at pagkamatapat ay pinupuri kung minsan bilang kagalingan. Binibigyang-katuturan din ang kagalingan bilang “pagsunod sa isang pamantayan ng matuwid.”

Kaninong pamantayan ng kahusayan, kabutihan, at katuwiran ang dapat nating sundin? “Ayon sa pinakamaimpluwensiyang pangkat ng mga palaisip sa moral na pilosopiya,” sabi ng magasing Newsweek, “ang lahat ng ideya ng tama o mali ay nauwi na lamang sa personal na kagustuhan, pagpili na udyok ng emosyon o dikta ng kultura dahil sa saloobing mapag-alinlangan na resulta ng Kaliwanagan (Enlightenment).” Ngunit sapat na ba ang personal na kagustuhan o pagpili upang malaman kung ano ang tama at mali? Hindi. Upang malinang natin ang kagalingan, kailangan natin ang isang mapananaligang pamantayan ng mabuti at masama​—isang pamantayan na mapagbabatayan kung ang isang pagkilos, saloobin, o katangian ay tama o mali.

Ang Tanging Tunay na Pinagmumulan ng mga Pamantayang Moral

May isa lamang tunay na Pinagmumulan ng mga pamantayan sa moralidad​—ang Maylalang ng sangkatauhan, ang Diyos na Jehova. Di-nagtagal, pagkatapos lalangin ang unang lalaki, si Adan, ibinigay ng Diyos na Jehova ang utos na ito sa lalaki: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Ibinigay ng Diyos na Jehova sa punungkahoy ang kakaibang pangalang iyon upang ipahiwatig ang kaniyang bukod-tanging karapatan na magpasiya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama para sa kaniyang mga nilalang. Samakatuwid, ang mga pamantayan ng Diyos hinggil sa mabuti at masama ang naging saligan para sa paghatol, o pagtantiya, sa mga gawa, pangmalas, at mga katangian ng isang tao. Kung wala ang gayong mga pamantayan, hindi natin makikilala nang may katumpakan ang tama at mali.

Ang utos hinggil sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay nagharap kina Adan at Eva ng pagpipilian​—sumunod o sumuway. Para sa kanila, ang kagalingan ay nangangahulugan ng pagsunod sa utos na iyon. Nang maglaon, isiniwalat pa ni Jehova kung ano ang nakalulugod sa kaniya at kung ano ang hindi, at kaniyang ipinasulat ito sa Bibliya para sa atin. Kung gayon, ang paglinang ng kagalingan ay nangangahulugan ng pagsunod natin sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova na nakasaad sa Kasulatan.

Maging Lubos na Pamilyar sa mga Pamantayan ng Diyos

Yamang ang Diyos na Jehova ang nagtakda ng mga pamantayan ng mabuti at masama at isiniwalat niya ang mga ito sa Bibliya, hindi ba dapat tayong maging lubos na pamilyar sa mga ito? Isinulat ni apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”​—2 Timoteo 3:16, 17.

Halimbawa, isaalang-alang ang maling pagkakaunawa ni Kunihito, na binanggit sa naunang artikulo, sa pagpapakita ng kahinhinan ayon sa pangmalas ng kaniyang kultura. Ang mas masusing pagsusuri sa mga pamantayan ng Kasulatan ay nakatulong sa kaniya nang maglaon upang magkaroon ng isang mas timbang na pangmalas. Totoo naman na pinasisigla ng Bibliya ang kahinhinan, at nagpapayo ito laban sa labis na kumpiyansa sa sarili at kapangahasan. (Kawikaan 11:2; Mikas 6:8) Gayunman, nang balangkasin ang mga kuwalipikasyon hinggil sa “katungkulan ng tagapangasiwa,” binanggit ni apostol Pablo ang hinggil sa ‘pag-abot’ sa pribilehiyong iyon. (1 Timoteo 3:1) Ang ‘pag-abot’ na ito ay gagawin nang walang paghahambog o kapangahasan na hindi rin naman kinakailangang hamakin ang sarili.

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kahusayan ng moral sa larangan ng negosyo? Ang paggamit ng kaduda-dudang mga pamamaraan o pandaraya sa mga regulasyon ng pamahalaan at mga batas sa buwis ay karaniwang ginagawa sa larangan ng negosyo sa ngayon. Gayunman, anuman ang ginagawa ng iba, ang pamantayan ng Bibliya ay na “gumawi [tayo] nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Samakatuwid, nililinang natin ang kagalingan sa pamamagitan ng pagiging matapat at walang kinikilingan sa mga nagpapatrabaho, empleado, parokyano, at sekular na mga pamahalaan. (Deuteronomio 25:13-16; Roma 13:1; Tito 2:9, 10) Tunay na itinataguyod ng pagkamatapat ang pagtitiwala at kabutihang-loob. At kapag isinusulat ang mga kasunduan, madalas na naiiwasan ang mga di-pagkakaunawaan at mga kaguluhan na maaaring lumitaw dahil sa “di-inaasahang pangyayari.”​—Eclesiastes 9:11; Santiago 4:13, 14.

Ang pananamit at pag-aayos ng sarili ay isa pang larangan kung saan kailangan nating linangin ang kagalingan. Nagkakaiba-iba ang pagpili ng damit depende sa kultura, at maaaring matindi ang panggigipit na umalinsabay sa pinakabagong mga istilo at uso. Ngunit bakit tayo susunod sa bawat kausuhan o moda na lumalabas? Pinaaalalahanan tayo ng Bibliya na ‘huwag magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.’ (Roma 12:2) Sa halip na gumawa ng mga alituntunin, si apostol Pablo ay sumulat sa ilalim ng pagkasi: “Nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.” (1 Timoteo 2:9, 10) Ang saligang simulaing ito ay kapit kapuwa sa mga lalaki at mga babae. Siyempre pa, ipinahihintulot naman ang kasiya-siyang pagkakaiba-iba ng istilo na resulta ng kultura o personal na panlasa.

Sinasabi rin ng Bibliya ang mga imoral na gawain na malinaw na hinahatulan ng Diyos. Sa 1 Corinto 6:9, 10, mababasa natin ang babala: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” Nakatulong ang kasulatang ito kay Maria, na naunang nabanggit, na makita na ayon sa pamantayan ng kahusayan sa moral na itinakda ng Maylalang, ang kaniyang kaugnayan kay Juan ay mali at dapat niya itong wakasan upang matamo niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Maliwanag, upang malinang ang kagalingan, dapat tayong maging lubos na pamilyar sa mga pamantayan ni Jehova.

Matuto na Kalakip ang Puso

Ang kagalingan ay hindi basta pag-iwas lamang sa masama. Mayroon itong moral na lakas. Taglay ng isang taong may kagalingan ang kabutihan. “Ang kagalingan,” sabi ng isang propesor, “ay kailangang matutuhan kalakip ang puso at gayundin ang isip.” Kung gayon, ang paglinang ng kagalingan ay nangangahulugan ng higit pa sa pagiging lubos na pamilyar sa Salita ng Diyos. Nangangailangan ito ng pagbubulay-bulay sa kung ano ang nakasulat doon upang ang ating mga puso ay mapuno ng pasasalamat kay Jehova at mapakilos tayo na ikapit ang mga simulain ng Kasulatan sa ating buhay.

“Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan!” bulalas ng salmista. “Buong araw ko itong pinag-iisipan.” (Awit 119:97) At sumulat si Haring David: “Naaalaala ko ang mga araw noong sinaunang panahon; binubulay-bulay ko ang lahat ng iyong [ng Diyos] mga gawa; kusang-loob kong itinutuon ang aking pansin sa gawa ng iyong mga kamay.” (Awit 143:5) Dapat din nating gawing mahalagang bahagi ng ating pag-aaral ng Bibliya at ng salig-sa-Bibliyang mga publikasyon ang may pananalanging pagbubulay-bulay.

Totoo, ang paglalaan ng panahon para sa masikap na pag-aaral kalakip ang pagbubulay-bulay ay maaaring maging isang hamon. Ngunit ang pagtataguyod ng kagalingan ay humihiling na bilhin natin ang panahon mula sa iba pang mga gawain. (Efeso 5:15, 16) Binibili ni Aaron, 24 na taóng gulang, ang gayong panahon araw-araw sa pamamagitan ng paggising nang mas maaga ng 30 minuto kaysa rati. Sinabi niya: “Noong una, binabasa ko lamang ang Bibliya sa buong kalahating oras. Kamakailan ko lamang natanto ang kahalagahan ng pagbubulay-bulay. Kaya ngayon ay ginugugol ko ang humigit-kumulang sa kalahati ng panahong iyon upang pag-isipan ang kababasa ko pa lamang. Ito’y naging tunay na kasiya-siya.” Maaaring gawin ang pagbubulay-bulay sa ibang panahon. Sa isang awitin para kay Jehova, umawit si David: “Sa mga pagbabantay sa gabi ay binubulay-bulay kita.” (Awit 63:6) At inilalahad ng Bibliya: “Si Isaac ay naglalakad sa labas upang magbulay-bulay sa parang nang sumasapit na ang gabi.”​—Genesis 24:63.

Napakahalaga ng pagbubulay-bulay sa paglinang ng kagalingan, sapagkat tinutulungan tayo nitong madama ang nadarama ni Jehova at gawing ating pangmalas ang pangmalas niya. Halimbawa, alam ni Maria na ipinagbabawal ng Diyos ang pakikiapid. Ngunit upang ‘kamuhian ang balakyot at kumapit sa mabuti,’ kailangan niyang magbulay-bulay sa mga susing teksto sa Bibliya. (Roma 12:9) Natulungan siyang makita ang pangangailangan na gumawa ng mga pagbabago pagkatapos niyang mabasa ang Colosas 3:5, na humihimok sa atin na ‘patayin ang mga sangkap ng katawan may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan.’ Kinailangang itanong ni Maria sa kaniyang sarili: ‘Anong uri ng pita sa sekso ang kailangan kong patayin? Ano ang dapat kong iwasan na baka makapukaw ng maruruming pagnanasa? May mga pagbabago ba akong kailangang gawin sa paraan ng aking pakikitungo sa mga di-kasekso?’

Kalakip sa pagbubulay-bulay ang pagsasaalang-alang sa resulta ng isang paggawi. Hinihimok ni Pablo ang mga Kristiyano na umiwas sa pakikiapid at magpigil sa sarili upang “walang sinumang umabot sa punto ng pamiminsala at manghimasok sa mga karapatan ng kaniyang kapatid.” (1 Tesalonica 4:3-7) Ang mga katanungan na mabuting pag-isipan ay: ‘Anong pinsala ang magagawa ko sa aking sarili, sa aking pamilya, o sa iba sa paggawa nito? Paano ako maaapektuhan sa espirituwal, emosyonal, at pisikal na paraan? Ano ang kinahinatnan ng iba na lumabag sa kautusan ng Diyos noon?’ Ang gayong pagbubulay-bulay ay nagpatatag kay Maria, at gayundin ang magagawa nito para sa atin.

Matuto Mula sa mga Halimbawa

Maaari bang ituro ang kagalingan sa paaralan? Ang katanungang ito ay nakalito sa mga palaisip na tao sa loob ng maraming milenyo. Inisip ng pilosopong Griego na si Plato na maaari nga itong gawin. Sa kabilang dako naman, nangatuwiran si Aristotle na ang kagalingan ay makakamit sa pamamagitan ng patuloy na paggawa nito. Binuod ng isang peryodista ang debate sa isyu sa ganitong paraan: “Sa maikli, ang isang etika ng kagalingan ay hindi matututuhan nang mag-isa. Ni maituturo man ito mula sa mga aklat-aralin. Ang mabuting pag-uugali ay nagmumula sa pamumuhay sa mga komunidad . . . kung saan ang kagalingan ay pinasisigla at ginagantimpalaan.” Ngunit saan tayo makasusumpong ng mga indibiduwal na may tunay na kagalingan? Bagaman karamihan sa mga kultura ay nagpapakita ng ilang halimbawa ng kagalingan, kahit man lamang sa kanilang kathang-isip na mga bayani at mga kuwento, ang Bibliya ay naglalaman ng napakaraming tunay na halimbawa.

Ang pinakanamumukod-tanging halimbawa ng kagalingan ay si Jehova. Palagi siyang kumikilos nang may kagalingan at ginagawa niya kung ano ang matuwid at mabuti. Malilinang natin ang kagalingan sa pamamagitan ng pagiging ‘mga tagatulad sa Diyos.’ (Efeso 5:1) At ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay ‘nag-iwan sa atin ng huwaran upang maingat nating sundan ang kaniyang mga yapak.’ (1 Pedro 2:21) Karagdagan pa, naglalaman ang Bibliya ng mga ulat tungkol sa maraming tapat na indibiduwal, tulad nina Abraham, Sara, Jose, Ruth, Job, at Daniel at ang kaniyang tatlong kasamang Hebreo. Hindi rin dapat kaligtaan ang mga halimbawa ng kagalingan ng makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova.

Maaari Tayong Magtagumpay

Talaga bang maaari tayong magtagumpay sa paggawa niyaong may kagalingan sa paningin ng Diyos? Palibhasa’y nagmana tayo ng di-kasakdalan, paminsan-minsan ay nakikipagpunyagi tayo sa isang matinding labanan sa pagitan ng ating isip at laman​—sa pagitan ng pagnanais na gumawa ng kagalingan at pagsunod sa ating makasalanang mga hilig. (Roma 5:12; 7:13-23) Ngunit mapagtatagumpayan ang pakikipagpunyaging ito sa tulong ng Diyos. (Roma 7:24, 25) Inilaan ni Jehova ang kaniyang Salita at ang salig-sa-Bibliyang mga publikasyon. Sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Kasulatan at may pananalanging pagbubulay-bulay rito, maaaring maging dalisay ang ating puso. Mula sa gayong dalisay na puso maaaring magmula ang may kagalingang mga kaisipan, salita, at paggawi. (Lucas 6:45) Salig sa mga halimbawa ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo, malilinang natin ang isang makadiyos na personalidad. At tiyak na marami tayong matututuhan mula sa mga indibiduwal na tapat na naglilingkod sa Diyos sa ngayon.

Pinayuhan ni apostol Pablo ang kaniyang mga mambabasa na “patuloy na isaalang-alang” ang kagalingan at ang iba pang mga bagay na kapuri-puri. Tiyak na ang paggawa nito ay magdudulot ng pagpapala ng Diyos. (Filipos 4:8, 9) Sa tulong ni Jehova, maaari tayong magtagumpay sa paglinang ng kagalingan.

[Larawan sa pahina 6]

Gawing bahagi ng iyong pag-aaral ng Bibliya ang pagbubulay-bulay

[Larawan sa pahina 7]

Linangin ang isang makadiyos na personalidad sa pamamagitan ng pagtulad kay Kristo Jesus