Mga Saksi ni Jehova—Sumusulong Taglay ang Matibay na Pananalig!
Mga Saksi ni Jehova—Sumusulong Taglay ang Matibay na Pananalig!
Report ng Taunang Miting
SA MGA panahong ito ng pag-aalinlangan at pagdududa, ang mga Saksi ni Jehova ay namumukod-tangi bilang mga Kristiyano na nagtataglay ng matibay na pananalig. Ito ay nilinaw sa taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, na ginanap sa Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Jersey City, New Jersey, noong Sabado, Oktubre 7, 2000. a
Sa kaniyang panimulang pananalita, ang tsirman, si John E. Barr, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay nagsabi: “Mula sa lahat ng bilyun-bilyong tao sa lupa, nalalaman at pinaniniwalaan namin na ang minamahal na Anak ni Jehova, si Kristo Jesus, ay nakaluklok na ngayon sa mga langit at nagpupuno sa gitna ng kaniyang mga kaaway.” Ang patotoo ng gayong matibay na pananalig ay iniharap sa anim na kapana-panabik na mga ulat mula sa buong daigdig.
Pagdaig sa Espiritismo sa Pamamagitan ng Katotohanan ng Bibliya sa Haiti
Lubhang palasak ang espiritismo sa Haiti. “Karaniwan na,” ang sabi ng coordinator ng Komite ng Sangay na si John Norman, “ang mga tao ay magsasagawa ng voodoo upang ipagsanggalang ang kanilang mga sarili.” Isang doktor kulam ang nagkaroon ng pag-aalinlangan nang maputol ang isang paa niya dahil sa isang aksidente. ‘Paano ito nangyari sa akin kung ako’y ipinagsasanggalang ng mga espiritu?’ ang tanong niya. Katulad ng iba pa, ang taong ito ay naturuan ng katotohanan ng mga Saksi ni Jehova at natulungan siyang makalaya mula sa espiritismo. Ang potensiyal na paglago sa Haiti ay ipinakikita ng bagay na noong Abril 19, 2000, apat na ulit ng bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa lupaing iyon ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
Sigasig sa Malawak na Teritoryo ng Korea
Sa Korea, 40 porsiyento ng mga Saksi ni Jehova ang nasa buong-panahong paglilingkod. “Dahil sa napakalaking hukbong ito ng mga tagapaghayag,” sabi ng coordinator ng Komite ng Sangay na si Milton Hamilton, “ang aming teritoryo na may mahigit na 47 milyon katao ay nakukubrehan nang halos minsan sa isang buwan.” Lalo nang kapansin-pansin ang paglago ng mga kongregasyon na gumagamit ng wikang pasenyas. Sa isang sirkito ng wikang pasenyas, 800 pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos. Ito ay katamtamang bilang na isang pag-aaral sa bawat mamamahayag. Nakalulungkot naman, ang mga kapatid na lalaking nasa kabataan ay ikinukulong pa rin dahil sa kanilang neutralidad. Gayunman, ang tapat na mga Kristiyanong ito ay pinakikitunguhan nang may pagsang-ayon ng mga awtoridad sa bilangguan, at
kadalasang sila’y binibigyan ng mga trabahong nangangailangan ng pagiging mapagkakatiwalaan.Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Paglago sa Mexico
Isang pinakamataas na bilang na 533,665 ng mga tagapaghayag ng Kaharian ang nag-ulat ng paglilingkod sa larangan sa Mexico noong Agosto 2000. Mahigit na tatlong ulit ng bilang na iyan ng mga indibiduwal ang dumalo sa Memoryal. “Ang aming tunguhin sa taóng ito ay magtayo ng 240 pang mga Kingdom Hall,” ang sabi ng coordinator ng Komite ng Sangay na si Robert Tracy. “Gayunman,” ang sabi pa niya, “higit pa ang kailangan namin.”
Ang mga kabataan sa mga Saksi ni Jehova sa Mexico ay huwaran. Tungkol sa isang kabataan, isang paring Katoliko ang nagsabi: “Gusto kong magkaroon ng kahit isa man lamang na katulad niya sa aking mga tagasunod. Hinahangaan ko ang mga taong ito dahil sa matatag na kalooban nila at matalinong paggamit ng Bibliya. Ipinagtanggol nila ang Diyos, kahit na manganib pa ang kanilang buhay.”
Integridad sa Gitna ng Kaguluhan sa Sierra Leone
Mula noong Abril 1991, nang sumiklab ang gera sibil sa Sierra Leone, libu-libong tao ang napatay, napinsala, o nabaldado. “Ang digmaan at kahirapan ay nagkaroon ng matinding epekto sa mga tao,” ulat ng coordinator ng Komite ng Sangay na si Bill Cowan. “Marami na nagwawalang-bahala sa ating mensahe noon ang interesado nang nakikinig ngayon. Karaniwan na sa mga tao ang basta magtungo sa ating mga Kingdom Hall upang dumalo sa kauna-unahang pagkakataon. Ang mga kapatid ay kadalasang pinahihinto sa lansangan at hinihilingan ng isang pag-aaral sa Bibliya.” Sa kabila ng patuloy na kawalang-katatagan ng bansa, ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay nagbubunga sa Sierra Leone.
Malawak na Programa ng Pagtatayo sa Timog Aprika
Sa kasalukuyan, may pangangailangan para sa ilang libong Kingdom Hall sa teritoryong pinangangasiwaan ng tanggapang pansangay sa Timog Aprika. Daan-daang bulwagan ang naitayo na. “Sa halip na magpulong sa isang kubo o sa ilalim ng punungkahoy, gaya ng ginagawa noon, ang ating mga kapatid ay nakapagtitipon sa isang maayos na dako na may angkop na upuan,” ang sabi ng miyembro ng Komite ng Sangay na si John Kikot. “Bagaman ang karamihan sa mga Kingdom Hall na ito ay simple ang disenyo, ang mga ito ay kadalasang namumukod-tangi bilang pinakamagagandang gusali sa kanilang lugar. Sa ilang dako, napag-alaman na pagkatapos maitayo ang isang Kingdom Hall, ang kongregasyon ay magiging higit pa sa doble sa susunod na taon.”
Isang Bagong Henerasyon ng mga Saksi sa Ukraine
Noong 2000 taon ng paglilingkod, nasaksihan ng lupaing ito ang pinakamataas na bilang ng 112,720 mamamahayag. Mahigit na 50,000 sa mga ito ay natuto ng katotohanan sa Bibliya sa nakalipas na limang taon. “Tunay, si Jehova ay nagbangon ng isang bago at nasa kabataang henerasyon ng mga Saksi upang ipahayag ang kaniyang pangalan!” ang sabi ni John Didur, coordinator ng Komite ng Sangay. “Sa nakalipas na dalawang taon,” sabi pa niya, “nakapamahagi kami ng mahigit na 50 milyong magasin, na katumbas ng populasyon ng bansa. Sa katamtaman, kami’y tumatanggap ng isang libong sulat bawat buwan mula sa mga taong interesado na humihiling ng higit pang impormasyon.”
Iba Pang Nakapagpapasiglang Tampok ng Programa
Si Daniel Sydlik, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nagbigay ng isang totoong nakagaganyak na pahayag. Ang artikulong “Kung Paano Naiiba ang Lupong Tagapamahala sa Isang Legal na Korporasyon,” na lumilitaw sa magasing ito, ay batay sa nakapagtuturong presentasyon na iyon.
Si Theodore Jaracz ng Lupong Tagapamahala ay nagsalita ng isang nakapupukaw-sa-kaisipang pahayag na pinamagatang “Mga Tagapangasiwa at mga Ministeryal na Lingkod na Inatasan sa Teokratikong Paraan.” Ang isa sa mga artikulo na lumilitaw sa magasing ito ay batay sa paksang iyon.
Kalakip din sa taunang miting ang isang nakapagpapasiglang pahayag ng miyembro ng Lupong Tagapamahala na si David Splane tungkol sa taunang teksto para sa taóng 2001. Batay sa pananalita ni apostol Pablo, ito ay: ‘Tumayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.’ (Colosas 4:12) Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay determinadong gawin iyan habang may katapatan nilang ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong lupa.—Mateo 24:14.
[Talababa]
a Ang programa ay ikinonekta sa pamamagitan ng elektroniks sa maraming lugar, anupat ang kabuuang dumalo ay umabot sa 13,082.