Mga Tagapangasiwa at mga Ministeryal na Lingkod na Inatasan sa Teokratikong Paraan
Mga Tagapangasiwa at mga Ministeryal na Lingkod na Inatasan sa Teokratikong Paraan
“Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa.”—GAWA 20:28.
1, 2. Paano natutupad ang Isaias 60:22?
MATAGAL nang inihula ni Jehova na may magaganap na isang bagay na kapansin-pansin sa panahon ng kawakasan. Sa pamamagitan ni propeta Isaias ay sinabi: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sarili nitong panahon.”—Isaias 60:22.
2 May katibayan ba na ang hulang ito ay natutupad na ngayon? Oo, mayroon! Noong dekada ng 1870, isang kongregasyon ng bayan ni Jehova ang binuo sa Allegheny, Pennsylvania, E.U.A. Mula sa maliit na pasimulang iyon, sampu-sampung libong kongregasyon ang nagsilitaw at nagsilago sa buong daigdig. Milyun-milyong tagapaghayag ng Kaharian—isang makapangyarihang bansa—ang nakikisama ngayon sa mahigit na 91,000 kongregasyon na nasa 235 lupain sa buong daigdig. Walang-alinlangan na pinatutunayan nito na pinabibilis ni Jehova ang pagtitipon sa tunay na mga mananamba bago sumiklab ang “malaking kapighatian,” na ngayon ay napakalapit na.—Mateo 24:21; Apocalipsis 7:9-14.
3. Ano ang kahulugan ng pagiging nabautismuhan ‘sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu’?
3 Pagkatapos na personal na mag-alay kay Jehova, at kasuwato ng mga tagubilin ni Jesus, ang milyun-milyong ito ay binautismuhan “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:19) Ang pagiging nabautismuhan “sa pangalan ng Ama” ay nangangahulugan na kinikilala ng nakaalay na mga indibiduwal na ito na si Jehova ang kanilang makalangit na Ama at Tagapagbigay-Buhay at nagpapasakop sila sa kaniyang soberanya. Ang bautismo ‘sa pangalan ng Anak’ ay nagpapahiwatig na ipinahahayag nila na si Jesu-Kristo ang kanilang Manunubos, Lider, at Hari. Kinikilala rin nila ang papel ng banal na espiritu o aktibong puwersa ng Diyos sa pagbibigay ng patnubay sa kanilang buhay. Ipinahihiwatig nito na binautismuhan sila ‘sa pangalan ng banal na espiritu.’
4. Paano hinihirang ang mga Kristiyanong ministro?
4 Sa panahon ng kanilang bautismo, ang bagong mga alagad ay hinihirang bilang mga ministro ng Diyos na Jehova. Sino ang humihirang sa kanila? Sa simulain, ang mga salitang nakaulat sa 2 Corinto 3:5 ay kumakapit sa kanila: “Ang aming pagiging lubusang kuwalipikado [bilang mga ministro] ay nanggagaling sa Diyos.” Wala na silang maaaring hangarín na higit pang karangalan kaysa sa mahirang ng Diyos na Jehova mismo! Pagkatapos ng kanilang bautismo, patuloy silang susulong sa espirituwal bilang mga ministro ng ‘mabuting balita’ hangga’t tinatanggap nila ang pag-akay ng espiritu ng Diyos at patuloy na ikinakapit ang kaniyang Salita.—Mateo 24:14; Gawa 9:31.
Pag-aatas na Teokratiko—Hindi Demokratiko
5. Pinipili ba sa demokratikong paraan ang Kristiyanong mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod? Ipaliwanag.
5 Kailangan ang may-gulang na pangangasiwa ng kuwalipikadong mga tagapangasiwa at ang may-kakayahang tulong ng mga ministeryal na lingkod upang maasikaso ang espirituwal na mga pangangailangan ng lumalaking bilang ng mga aktibong ministro. (Filipos 1:1) Paano inaatasan ang espirituwal na mga lalaking ito? Hindi ayon sa mga paraan na gaya ng ginagawa sa Sangkakristiyanuhan. Halimbawa, ang Kristiyanong mga tagapangasiwa ay hindi inihahalal sa demokratikong paraan, samakatuwid ay sa pamamagitan ng pagboto sa kaniya ng karamihan sa mga tao na kabilang sa isang kongregasyon. Sa halip, ginagawa ang mga pag-aatas na ito sa teokratikong paraan. Ano ang ibig sabihin niyan?
6. (a) Ano ang tunay na teokrasya? (b) Bakit teokratiko ang mga pag-aatas sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod?
6 Sa madaling sabi, ang tunay na teokrasya ay pamamahala ng Diyos. Ang mga Saksi ni Jehova ay kusang-loob na nagpapasakop sa kaniyang pamamahala at nagtutulungan upang magawa ang kalooban ng Diyos. (Awit 143:10; Mateo 6:9, 10) Ang mga pag-aatas sa Kristiyanong mga tagapangasiwa, o matatanda, at mga ministeryal na lingkod ay teokratiko sapagkat ang paraan ng pagrerekomenda at pag-aatas sa gayong responsableng mga lalaki ay isinasagawa ayon sa kaayusan ng Diyos gaya ng nakasaad sa Banal na Kasulatan. At bilang “ulo ng lahat,” siyempre pa, si Jehova ang may karapatang magpasiya kung paano kikilos ang kaniyang nakikitang organisasyon.—1 Cronica 29:11; Awit 97:9.
7. Paano pinamamahalaan ang mga Saksi ni Jehova?
7 Kabaligtaran ng maraming grupo ng relihiyon sa Sangkakristiyanuhan, hindi nagpapasiya ang mga Saksi ni Jehova sa ganang sarili kung anong uri ng espirituwal na pamamahala ang mangangasiwa sa kanilang gawain. Sinisikap ng taimtim na mga Kristiyanong ito na manghawakan sa mga pamantayan ni Jehova. Ang kanilang mga tagapangasiwa ay hindi inilalagay sa tungkulin sa pamamagitan ng isang uri ng pamamahala ng simbahan na nakasalig sa kongregasyon, sa herarkiya, o sa mga presbitero. Kung may mga elemento sa sanlibutan na makikialam sa mga pag-aatas na ito, hindi makikipagkompromiso ang bayan ni Jehova. Matatag silang naninindigan sa kapasiyahan na buong-linaw na ipinahayag ng mga apostol noong unang siglo nang kanilang sabihin: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Kaya ang mga Saksi ay nagpapasakop sa Diyos sa lahat ng bagay. (Hebreo 12:9; Santiago 4:7) Ang pagsunod sa teokratikong pamamaraan ay nagdudulot ng pagsang-ayon ng Diyos.
8. Paano nagkakaiba ang demokratiko at ang teokratikong mga pamamaraan?
8 Bilang mga lingkod ng Dakilang Teokrata, si Jehova, makabubuting tandaan natin ang mga pagkakaiba ng demokratiko at ng teokratikong mga pamamaraan. Ang demokratikong mga pamamaraan ay humihiling na magkaroon ng kinatawan para sa bawat isa at kadalasan ay makikita rito ang pangangampanya para sa tungkulin at paghahalal sa pamamagitan ng boto ng nakararami. Walang gayong mga pamamaraan sa teokratikong mga pag-aatas. Ang mga ito ay hindi nagmumula sa mga tao; ni nanggagaling man ang mga ito sa isang legal na korporasyon. Lumilitaw na ang tinutukoy ay ang pag-aatas mismo sa kaniya ni Jesus at ni Jehova bilang “isang apostol sa mga bansa,” sinabi ni Pablo sa mga taga-Galacia na ang pagkakaatas sa kaniya ay “hindi mula sa mga tao ni sa pamamagitan man ng isang tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng Diyos na Ama, na nagbangon sa kaniya mula sa mga patay.”—Roma 11:13; Galacia 1:1.
Inatasan ng Banal na Espiritu
9. Ano ang sinasabi ng Gawa 20:28 tungkol sa pag-aatas sa Kristiyanong mga tagapangasiwa?
9 Pinaalalahanan ni Pablo ang mga tagapangasiwa na naninirahan sa Efeso na sila ay inatasan ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu. Sinabi niya: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Ang Kristiyanong mga tagapangasiwang iyon ay kailangang patuloy na magpaakay sa banal na espiritu habang isinasakatuparan nila ang kanilang mga tungkulin bilang mga pastol ng kawan ng Diyos. Kung ang isang lalaki na inatasang manungkulan ay hindi na nakaaabot sa pamantayan ng Diyos, sa kalaunan ay kikilos ang banal na espiritu upang alisin siya sa kaniyang posisyon.
10. Paanong ang banal na espiritu ay gumaganap ng napakahalagang papel sa teokratikong mga pag-aatas?
10 Paanong ang banal na espiritu ay gumaganap ng napakahalagang papel? Una sa lahat, ang rekord na nagsasaad sa mga kahilingan para sa espirituwal na pangangasiwa ay kinasihan ng banal na espiritu. Sa kaniyang mga liham kina Timoteo at Tito, binalangkas ni Pablo ang mga pamantayan na kailangang maabot ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod. Sa kabuuan, bumanggit siya ng mga 16 na iba’t ibang kahilingan. Halimbawa, ang mga tagapangasiwa ay kailangan na di-mapupulaan, katamtaman ang mga pag-uugali, matino ang pag-iisip, maayos, mapagpatuloy, kuwalipikadong magturo, at huwaran bilang mga ulo ng pamilya. Sila ay kailangang timbang sa paggamit ng mga inuming de-alkohol, hindi maibigin sa salapi, at may pagpipigil sa sarili. Gayundin naman, itinakda ang mataas na mga pamantayan para sa mga lalaking nagsisikap na makaabot sa atas bilang mga ministeryal na lingkod.—1 Timoteo 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9.
11. Ano ang ilan sa mga kuwalipikasyon na dapat na matugunan ng mga lalaking nagsisikap na magkaroon ng pananagutan sa kongregasyon?
11 Ipinakikita ng pagrerepaso sa mga kuwalipikasyong ito na yaong mga nangunguna sa pagsamba kay Jehova ay dapat na maging huwaran sa Kristiyanong paggawi. Ang mga lalaking nagsisikap na magkaroon ng pananagutan sa kongregasyon ay dapat magpakita ng katibayan na kumikilos sa kanila ang banal na espiritu. (2 Timoteo 1:14) Dapat ay kitang-kita na iniluluwal ng banal na espiritu sa mga lalaking ito ang mga bunga ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Galacia 5:22, 23) Makikita ang gayong mga bunga sa kanilang pakikitungo sa mga kapananampalataya at sa iba. Sabihin pa, ang ilan ay maaaring mas mahusay sa pagpapamalas ng ilang bunga ng espiritu, samantalang maaaring mas naaabot naman ng iba ang ibang mga kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa. Gayunman, sa kabuuan ng kanilang paraan ng pamumuhay, lahat ng umaasang maatasan bilang mga tagapangasiwa o mga ministeryal na lingkod ay dapat na magpamalas na sila ay espirituwal na mga lalaki, na nakatutugon sa mga kahilingan ng Salita ng Diyos.
12. Sino ang masasabing inatasan ng banal na espiritu?
12 Nang payuhan ni Pablo ang iba na tumulad sa kaniya, nagawa niya iyon nang may kalayaan sa pagsasalita dahil siya mismo ay tumutulad kay Jesu-Kristo, na ‘nag-iwan sa atin ng huwaran upang maingat nating sundan ang kaniyang mga yapak.’ (1 Pedro 2:21; 1 Corinto 11:1) Masasabi kung gayon na yaong mga nakaaabot sa mga kahilingan ng Kasulatan nang sila ay maatasan bilang mga tagapangasiwa o mga ministeryal na lingkod ay inatasan ng banal na espiritu.
13. Paano tumutulong ang banal na espiritu sa mga nagrerekomenda ng mga lalaking maglilingkod sa kongregasyon?
13 May isa pang salik na nagpapahiwatig kung paano kumikilos ang banal na espiritu sa pagrerekomenda at pag-aatas ng mga tagapangasiwa. Sinabi ni Jesus na ‘ang Ama sa langit ay nagbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.’ (Lucas 11:13) Kaya kapag nagpupulong ang matatanda sa lokal na kongregasyon upang magrekomenda ng mga lalaki na hahawak ng pananagutan sa kongregasyon, nananalangin sila na patnubayan sila ng espiritu ng Diyos. Ibinabatay nila ang kanilang mga rekomendasyon ayon sa isinasaad sa kinasihang Salita ng Diyos, at pinangyayari ng banal na espiritu na maunawaan nila kung ang isang indibiduwal na isinasaalang-alang para maatasan ay nakaaabot sa mga kahilingan ng Kasulatan. Yaong mga nagrerekomenda ay hindi dapat na labis na maimpluwensiyahan ng panlabas na anyo, natamong edukasyon, o likas na mga kakayahan. Dapat na ang pangunahing pagtuunan nila ng pansin ay kung ang indibiduwal ay isang espirituwal na lalaki, isa na malalapitan ng mga miyembro ng kongregasyon nang walang pag-aatubili para hingan ng espirituwal na payo.
14. Ano ang ating matututuhan mula sa Gawa 6:1-3?
14 Bagaman ang mga lupon ng matatanda ay nakikibahagi sa naglalakbay na mga tagapangasiwa sa pagrerekomenda sa mga kapatid na lalaki na maglilingkod bilang matatanda at mga ministeryal na lingkod, ang aktuwal na pag-aatas ay ginagawa ayon sa parisan na itinakda noong unang siglo. Sa isang pagkakataon, bumangon ang pangangailangan para sa mga lalaking kuwalipikado sa espirituwal upang mag-asikaso sa isang mahalagang gawain. Ibinigay ng lupong tagapamahala ang sumusunod na tagubilin: “Humanap kayo sa ganang inyo ng pitong lalaking may patotoo mula sa gitna ninyo, puspos ng espiritu at karunungan, upang maatasan namin sila sa mahalagang gawaing ito.” (Gawa 6:1-3) Bagaman mga lalaking may kabatiran sa situwasyon ang gumawa ng mga rekomendasyon, ang mga pag-aatas ay ginawa ng pinagkatiwalaang mga lalaki na nasa Jerusalem. Gayunding parisan ang sinusunod ngayon.
15. Paano nasasangkot ang Lupong Tagapamahala sa pag-aatas ng mga lalaki?
15 Tuwirang inaatasan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng miyembro ng mga Komite ng Sangay. Kapag nagpapasiya kung sino ang makahahawak ng gayong kabigat na pananagutan, nasa isipan ng Lupong Tagapamahala ang pananalita ni Jesus: “Bawat isa na binigyan ng marami, marami ang hihingin sa kaniya; at ang isa na pinangasiwa ng mga tao sa marami, higit kaysa karaniwan ang hihingin nila sa kaniya.” (Lucas 12:48) Bukod sa pag-aatas ng mga miyembro ng Komite ng Sangay, ang Lupong Tagapamahala ay nag-aatas din ng matatanda sa Bethel at naglalakbay na mga tagapangasiwa. Gayunman, nagtatalaga rin sila ng responsableng mga kapatid na lalaki upang kumatawan sa kanila sa paggawa ng iba pang mga pag-aatas. Mayroon ding maka-Kasulatang parisan para rito.
‘Mag-atas Ka, Gaya ng Ibinigay Kong mga Utos sa Iyo’
16. Bakit iniwan ni Pablo si Tito sa Creta, at ano ang ipinahihiwatig nito hinggil sa teokratikong mga pag-aatas sa ngayon?
16 Sinabi ni Pablo sa kaniyang kamanggagawang si Tito: “Sa dahilang ito ay iniwan kita sa Creta, upang maituwid mo ang mga bagay na may depekto at makapag-atas ka ng matatandang lalaki sa bawat lunsod, gaya ng ibinigay kong mga utos sa iyo.” (Tito 1:5) Pagkatapos ay binalangkas ni Pablo ang mga kuwalipikasyon na hahanapin ni Tito sa mga lalaking magiging kuwalipikado para sa gayong mga pag-aatas. Kaya naman sa ngayon, ang Lupong Tagapamahala ay nag-aatas ng kuwalipikadong mga lalaki sa mga sangay upang kumatawan dito sa pag-aatas ng matatanda at mga ministeryal na lingkod. Tinitiyak na yaong mga kumakatawan sa Lupong Tagapamahala ay malinaw na nakauunawa at sumusunod sa maka-Kasulatang mga alituntunin sa paggawa ng gayong mga pag-aatas. Samakatuwid, isinasagawa sa ilalim ng patnubay ng Lupong Tagapamahala ang pag-aatas sa kuwalipikadong mga lalaki upang maglingkod sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.
17. Paano inaasikaso ng tanggapang pansangay ang mga rekomendasyon para sa pag-aatas ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod?
17 Kapag ibinibigay sa isang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower ang mga rekomendasyon para sa pag-aatas ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod, ang makaranasang mga lalaki ay umaasa sa patnubay ng espiritu ng Diyos sa paggawa ng mga pag-aatas. Ang mga lalaking ito ay nakadarama ng pananagutan, anupat natatanto na hindi nila dapat na ipatong nang madalian ang kanilang mga kamay sa sinumang lalaki, dahil baka maging kabahagi sila sa kaniyang mga kasalanan.—1 Timoteo 5:22.
18, 19. (a) Paano ipinadadala ang ilang pag-aatas? (b) Paano isinasagawa ang buong proseso ng pagrerekomenda at pag-aatas?
18 Ang ilang mga pag-aatas ay maaaring ipadala sa pamamagitan ng isang liham na nagtataglay ng isang opisyal na tatak mula sa isang legal na korporasyon. Maaaring gamitin ang gayong liham upang mag-atas ng mahigit sa isang kapatid na lalaki sa kongregasyon.
19 Ang teokratikong mga pag-aatas ay nagmumula kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak at ng nakikitang alulod ng Diyos sa lupa, “ang tapat at maingat na alipin” at ang Lupong Tagapamahala nito. (Mateo 24:45-47) Ang buong proseso ng gayong pagrerekomenda at pag-aatas ay pinapatnubayan, o ginagabayan, ng banal na espiritu. Ganito ang kalagayan sapagkat ang mga kuwalipikasyon ay isinasaad sa Salita ng Diyos, na kinasihan ng banal na espiritu, at ang indibiduwal na inatasan ay nagpapakita ng katibayan na nagpapamalas siya ng mga bunga ng espiritung iyon. Kaya, dapat malasin na ang mga pag-aatas ay ginawa ng banal na espiritu. Kung paanong ang mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod ay inatasan sa teokratikong paraan noong unang siglo, gayundin naman sa ngayon.
Nagpapasalamat Dahil sa Patnubay ni Jehova
20. Bakit tayo nakikiisa sa nadama ni David na nakaulat sa Awit 133:1?
20 Sa panahong ito ng espirituwal na kasaganaan at teokratikong pagsulong sa gawaing pangangaral ng Kaharian, tayo ay nagpapasalamat na si Jehova ang pangunahing may pananagutan sa pag-aatas ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod. Tumutulong ang maka-Kasulatang kaayusang ito na mapanatili ang matataas na pamantayan ng Diyos hinggil sa katuwiran sa gitna natin bilang mga Saksi ni Jehova. Bukod dito, malaki ang naitutulong ng espiritung Kristiyano at ng taimtim na mga pagsisikap ng mga lalaking ito sa ating kamangha-manghang kapayapaan at pagkakaisa bilang mga lingkod ni Jehova. Gaya ng salmistang si David, napakikilos nga tayo na bumulalas: “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!”—Awit 133:1.
21. Paano natutupad sa ngayon ang Isaias 60:17?
21 Kay laki ng pasasalamat natin dahil sa patnubay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at banal na espiritu! At totoong makahulugan ang mga salita na nakaulat sa Isaias 60:17: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal; at aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas.” Habang ang teokratikong mga pamamaraan ay pasulong na naipatutupad nang lalong lubusan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, nararanasan natin ang pinagpalang mga kalagayang ito sa buong makalupang organisasyon ng Diyos.
22. Ano ang nararapat nating ipagpasalamat, at ano ang dapat nating gawin nang may determinasyon?
22 Labis-labis ang ating pasasalamat sa teokratikong mga kaayusan na ginawa para sa atin. At lubos nating pinahahalagahan ang puspusan ngunit kasiya-siyang pagpapagal na ginagawa ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod na inatasan sa teokratikong paraan. Buong-puso nating niluluwalhati ang ating maibiging Ama sa langit, na siyang nagkaloob sa atin ng espirituwal na kasaganaan at lubus-lubusang nagpala sa atin. (Kawikaan 10:22) Kaya nga maging determinado nawa tayo na umalinsabay sa organisasyon ni Jehova. Higit sa lahat, patuloy nawa tayong maglingkod nang magkakasama at may pagkakaisa ukol sa karangalan, kapurihan, at kaluwalhatian ng dakila at banal na pangalan ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit natin masasabi na ang pag-aatas sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod ay teokratiko, hindi demokratiko?
• Paano inaatasan ng banal na espiritu ang responsableng mga Kristiyanong lalaki?
• Paano nasasangkot ang Lupong Tagapamahala sa pag-aatas ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod?
• May kinalaman sa teokratikong mga pag-aatas, bakit dapat tayong maging mapagpasalamat kay Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang matatanda at mga ministeryal na lingkod ay may pribilehiyong maglingkod salig sa teokratikong pag-aatas