Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakasusumpong ng Kaligayahan ang mga Tagatupad ng Salita ng Diyos

Nakasusumpong ng Kaligayahan ang mga Tagatupad ng Salita ng Diyos

Nakasusumpong ng Kaligayahan ang mga Tagatupad ng Salita ng Diyos

“Kinikilala natin ang kombensiyong ito bilang isa na namang paglalaan ni Jehova upang ihanda tayo para sa higit pang gawain sa Kaharian,” ang sabi ng isa sa mga naunang tagapagsalita sa “Mga Tagatupad ng Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Siya’y nagpatuloy: “Inihanda natin ang ating mga sarili upang maturuan tungkol sa maligayang buhay pampamilya, upang mapatibay na manatiling malapit sa organisasyon ni Jehova, upang maganyak na mapanatili ang ating sigasig sa paglilingkod sa Kaharian, at upang mapaalalahanan tungkol sa pangangailangang patuloy na magbantay.”

MULA noong Mayo 2000, milyun-milyong tagatupad ng salita ng Diyos at mga kaibigan nila ang dumagsa sa libu-libong lugar sa palibot ng daigdig upang tumanggap ng mahalagang edukasyon mula sa Bibliya. Ano ang natutuhan nila sa loob ng tatlong-araw na kombensiyon?

Unang Araw​—Hindi Kinalilimutan ang mga Gawa ni Jehova

Sa panimulang pahayag, inanyayahan ng tsirman ang mga tagapakinig na maranasan ang mga pagpapala na nagbubuhat sa nagkakaisang pagsamba kay Jehova sa mga kombensiyon. Tiniyak sa lahat ng mga dumalo na ang kanilang pananampalataya ay madaragdagan at na ang kanilang personal na kaugnayan kay Jehova ay mapatitibay.

Nalalaman ng “maligayang Diyos” kung ano ang kailangan natin para sa kaligayahan ng bawat isa sa atin. (1 Timoteo 1:11) Kaya, idiniin ng pahayag na “Ang Paggawa ng Kalooban ng Diyos ay Nagdudulot ng Kaligayahan” na binabalangkas sa Salita ni Jehova, ang Bibliya, ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay. (Juan 13:17) Ipinakita ng ilang panayam sa matagal nang mga Saksi ni Jehova kung paanong ang paggawa ng kalooban ng Diyos sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan ay nakadaragdag ng kabuluhan sa ating buhay. Idiniin ng sumunod na pahayag, “Magningning Dahil sa Kabutihan ni Jehova” na, bilang “mga tagatulad sa Diyos,” nanaisin ng mga Kristiyano na magbunga ng “bawat uri ng kabutihan” sa kanilang buhay. (Efeso 5:1, 9) Ang isang namumukod-tanging paraan upang gawin ito ay sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng mga alagad.​—Awit 145:7.

Ang pagtalakay sa “Patuloy na Maging Matatag na Gaya ng Nakikita ang Isa na Di-Nakikita” ay nagpakita kung paanong ang malakas na pananampalataya ay tumutulong sa atin upang “makita” ang di-nakikitang Diyos. Inilarawan ng tagapagsalita kung paanong nalalaman ng espirituwal na mga tao ang mga katangian ng Diyos, pati na ang kaniyang mga kakayahan upang malaman maging ang ating iniisip. (Kawikaan 5:21) Inilahad niyaong mga kinapanayam ang mga hakbang na kanilang ginawa upang magkaroon ng mas malakas na pananampalataya at unahin ang espirituwal na mga kapakanan sa kanilang buhay.

Ang sesyon noong umaga ay nagtapos sa pamamagitan ng pinakatemang pahayag, “Purihin si Jehova​—Ang Tagatupad ng Kamangha-manghang mga Bagay.” Natulungan nito ang mga tagapakinig na pahalagahan na habang lalo tayong natututo tungkol kay Jehova, lalong maraming dahilan ang nakikita natin upang purihin siya bilang Tagatupad ng kamangha-manghang mga bagay. Sinabi ng tagapagsalita: “Habang ating binubulay-bulay ang kamangha-manghang mga gawa ng paglalang ng Diyos kasama ng lahat ng kahanga-hangang mga bagay na ginagawa niya para sa atin ngayon, ang taos-pusong pagpapahalaga ay nag-uudyok sa atin na purihin siya. Habang binubulay-bulay natin ang makahimalang mga bagay na kaniyang ginawa para sa kaniyang bayan noong nakaraang panahon, nais nating purihin siya. At habang binubulay-bulay natin ang mga kamangha-manghang bagay na ipinangangakong gagawin pa ni Jehova, hinahanap din natin ang mga paraan upang magpahayag ng pagpapahalaga.”

Ang sesyon sa hapon ay nagsimula sa pamamagitan ng pahayag na “Huwag Manghimagod sa Paggawa ng Mabuti,” na nagpaalaala sa lahat ng tagapakinig na pinatutunayan ng mga panggigipit sa sanlibutang ito na malapit na ang wakas. (2 Timoteo 3:1) Gayunman, sa pamamagitan ng hindi panghihimagod, mapatutunayan natin na tayo “ang uri na may pananampalataya upang maingatang buháy ang kaluluwa.”​—Hebreo 10:39.

Anong payo sa Bibliya ang ibinigay may kinalaman sa buhay pampamilya? Ang unang simposyum sa kombensiyon​—“Maging Masunurin sa Salita ng Diyos”​—ay nagsimula sa bahaging “Sa Pagpili ng Mapapangasawa.” Ang pagpili ng mapapangasawa ay isa sa pinakaseryosong desisyon na ginagawa ng mga tao. Kaya, nanaisin ng mga Kristiyano na maghintay at magpakasal kapag sila ay maygulang na, at na sila ay mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Tinalakay ng sumunod na bahagi ng simposyum ang naisin ni Jehova na ang lahat ng Kristiyanong pamilya ay magtagumpay bilang matitibay na espirituwal na yunit, at nagbigay ito ng praktikal na mga paraan kung paano ito magagawa. Ang huling bahagi ay nagpaalaala sa mga magulang na ang pagtuturo sa kanilang mga anak na ibigin ang Diyos ay nagsisimula sa pag-ibig ng mga magulang sa kaniya.

Ang mga puntong iniharap sa pahayag na “Mag-ingat sa mga Sabi-sabi at Tsismis” ay tumulong sa lahat na makita na bagaman nangyayari ang kamangha-manghang mga bagay, dapat tayong kumilos nang may karunungan, huwag maging mapaniwalain, kapag nakaririnig tayo ng kagila-gilalas na mga ulat. Mas makabubuti para sa mga Kristiyano na magsalita tungkol sa nalalaman nila na totoo​—ang mabuting balita ng Kaharian. Nasumpungan ng marami ang sumunod na pahayag, ang “Pananagumpay sa ‘Isang Tinik sa Laman,’ ” na lubhang nakaaaliw at nakapagpapasigla. Natulungan sila nito na makita na sa kabila ng mga pagsubok na maaaring makaharap natin, maaari tayong palakasin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, ng kaniyang Salita, at ng ating Kristiyanong kapatiran. Malaking pampatibay-loob ang nakuha mula sa personal na karanasan ni apostol Pablo sa bagay na ito.​—2 Corinto 12:7-10; Filipos 4:11, 13.

Ang unang araw ay nagtapos sa pamamagitan ng pahayag na “Umaalinsabay sa Organisasyon ni Jehova.” Isinaalang-alang ang tatlong dako kung saan ang organisasyon ng Diyos ay partikular na sumulong: (1) ang sumusulong na pagkaunawa sa espirituwal na liwanag mula kay Jehova, (2) ang ministeryo na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, at (3) ang napapanahong mga pagbabago sa mga pamamaraang pang-organisasyon. Pagkatapos ay may pagtitiwalang sinabi ng tagapagsalita: “Tayo ay nananabik sa mga mangyayari sa hinaharap.” Siya’y nagtanong: “Maaari bang pag-alinlanganan pa na nasa atin ang lahat ng dahilan upang panatilihin ang pagtitiwalang tinaglay natin nang matatag sa pasimula hanggang sa wakas?” (Hebreo 3:14) Maliwanag ang kasagutan. Umakay iyan sa paglabas ng isang bagong brosyur na pinamagatang Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos! Magsisilbi itong isang mabisang pantulong sa pagtuturo upang matulungan ang mga indibiduwal na may limitadong pinag-aralan o kakayahang bumasa upang matuto tungkol kay Jehova.

Ikalawang Araw​—Patuloy na Ihayag ang Tungkol sa mga Kamangha-manghang Gawa ng Diyos

Pagkatapos isaalang-alang ang pang-araw-araw na teksto, ang ikalawang araw ng kombensiyon ay nagpatuloy sa pamamagitan ng simposyum na “Mga Ministro ng Salita ng Diyos.” Itinawag-pansin ng unang bahagi ang kasalukuyang tagumpay ng ating gawaing pangangaral sa buong daigdig. Gayunman, ang ating pagbabata sa gawaing ito ay hinahamon ng karamihan na tumatanggi sa mensahe ng Kaharian. Ipinaliwanag ng maraming matagal nang panahong mga mamamahayag kung paano nila napanatili ang kanilang kagalakan sa ministeryo sa pamamagitan ng pagpapatibay sa kanilang isip at puso na harapin ang hamon ng kawalang-interes o pagtutol. Ipinaalaala naman ng ikalawang bahagi sa mga dumalo sa kombensiyon na sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maabot ang mga tao sa lahat ng dako, kapuwa sa pormal at di-pormal na paraan. At inilarawan naman ng huling bahagi ang iba’t ibang paraan kung paano mapalalawak ng lahat ng mga Kristiyano ang kanilang personal na ministeryo. Idiniin ng tagapagsalita na upang magawa ito, dapat nating unahin ang Kaharian ng Diyos, kahit na ang paggawa nito’y hindi maalwan at nangangailangan ng pagkakait-sa-sarili.​—Mateo 6:19-21.

Yamang tayo’y nabubuhay sa isang di-makadiyos na daigdig na puno ng di-nasisiyahang mga paghahangad para sa materyal na mga bagay, ang pahayag na “Linangin ang Makadiyos na Debosyon na May Kasiyahan sa Sarili” ay totoong napapanahon. Ibinabatay ang ilan sa kaniyang mga komento sa 1 Timoteo 6:6-10, 18, 19, ipinakita ng tagapagsalita kung paanong ang makadiyos na debosyon ay tumutulong sa mga Kristiyano na maiwasan ang pag-ibig sa salapi, na maaaring magligaw sa kanila at makapagdudulot ng maraming kirot. Idiniin niya na anuman ang ating kalagayan sa kabuhayan, ang kaligayahan ay depende sa ating kaugnayan kay Jehova at sa ating mabuting kalagayan sa espirituwal. Marami ang lubhang naantig ng mga puntong iniharap sa pahayag na “Hindi Nagbibigay sa Diyos ng Sanhi ng Ikahihiya.” Idiniin ang bagay na hindi kailanman nakakalimutan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga Saksi. Ang walang-katulad na halimbawa ni Jesu-Kristo​—na “gayon pa rin kahapon at ngayon, at magpakailanman”​—ay tutulong sa marami na patuloy na tumakbo sa takbuhin ng buhay taglay ang pagbabata.​—Hebreo 13:8.

Ang sesyon sa umaga ay nagsara sa pamamagitan ng pahayag sa bautismo​—isa na laging tampok na bahagi sa malalaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova. Kay laking kagalakang makita ang bagong mga nag-alay na ito na sumusunod sa mga yapak ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig! (Mateo 3:13-17) Ang lahat ng gumawa ng hakbang na ito ay marami nang nagawa bilang mga tagatupad ng salita ng Diyos. Bukod pa riyan, kapag nabautismuhan, sila’y nagiging ordenadong mga ministro ng mabuting balita, na nagtatamasa ng malaking kagalakan sa pagkaalam na sila’y nakikibahagi sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova.​—Kawikaan 27:11.

Mariing payo ang ibinigay sa pahayag na “Kailangan ang Pagkamaygulang ‘Upang Makilala Kapuwa ang Tama at ang Mali.’ ” Lubhang di-sapat ang makasanlibutang mga pamantayan ng tama at mali. Kaya kailangan nating manalig sa mga pamantayan ni Jehova. (Roma 12:2) Ang lahat ay pinasisigla na magpagal upang magtamo ng tumpak na pagkaunawa sa mga daan ng Diyos at sumulong sa pagkamaygulang. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagsasanay sa ating mga kakayahan sa pang-unawa ay masasanay tayong “makilala kapuwa ang tama at ang mali.”​—Hebreo 5:11-14.

Kasunod nito ang simposyum na “Magpagal sa Paglinang ng Espirituwalidad.” Kinikilala ng tunay na mga Kristiyano ang kahalagahan ng pagpapaunlad at pagpapanatili ng espirituwalidad. Nangangailangan ito ng pagpapagal​—pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay-bulay. (Mateo 7:13, 14; Lucas 13:24) Ang espirituwal na mga tao ay nagsasagawa rin ng “bawat uri ng panalangin at pagsusumamo.” (Efeso 6:18) Batid natin na isinisiwalat ng ating mga panalangin ang lalim ng ating pananampalataya at debosyon, ang antas ng ating espirituwalidad, gayundin kung ano ang minamalas natin bilang “ang mga bagay na higit na mahalaga.” (Filipos 1:10) Idiniin din ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang magiliw at maibiging kaugnayan kay Jehova tulad ng tinatamasa ng isang masunuring anak sa isang mabait na ama. Hindi lamang tayo basta nagtataglay ng isang relihiyon​—bagaman ito ang tunay na relihiyon​—kundi nais nating magkaroon ng matibay na pananampalataya, ‘na parang nakikita ang Diyos.’​—Hebreo 11:6, 27.

Tinalakay pa ang paksa tungkol sa espirituwal na pagsulong sa pahayag na “Hayaang Mahayag ang Inyong Pagsulong.” Tatlong dako sa gayong pagsulong ang isinaalang-alang: (1) pagsulong sa kaalaman, kaunawaan, at karunungan, (2) pagluluwal ng bunga ng espiritu ng Diyos, at (3) pagtupad ng ating mga responsibilidad bilang mga miyembro ng pamilya.

Sa pagtatapos ng huling pahayag sa araw na ito, “Lumalakad sa Pasulóng na Liwanag ng Salita ng Diyos,” ang mga nagsidalo sa kombensiyon ay nalugod na tumanggap ng isang bagong aklat, Hula ni Isaias​—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I. Ito ang una sa dalawang tomo na tumatalakay sa aklat ng Bibliya na Isaias na kabanata por kabanata. “Ang aklat ng Isaias ay may mensahe para sa atin ngayon,” ang sabi ng tagapagsalita. Siya’y nagpatuloy: “Oo, marami sa mga hula nito ang natupad noong kaarawan pa ni Isaias. . . . Gayunman, ang marami sa hula ni Isaias ay natutupad sa ngayon, at ang ilan ay matutupad sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.”

Ikatlong Araw​—Maging mga Tagatupad ng Salita ni Jehova

Ang huling araw ng kombensiyon ay nagsimula sa pamamagitan ng pagtalakay sa teksto sa araw na iyon. Pagkatapos ay sinundan ito ng simposyum na “Ang Hula ni Zefanias na Punung-puno ng Kahulugan Para sa mga Gumagawa ng Kalooban ng Diyos.” Ipinakita ng tatlong pahayag ng simposyum na ito na, gaya ng ginawa niya noong kaarawan ng masuwaying Juda, si Jehova ay magpapasapit ng kabagabagan sa mga ayaw makinig ngayon sa kaniyang babala. Sapagkat sila’y nagkasala laban sa Diyos, sila’y lalakad gaya ng kawawang mga bulag, na hindi makasusumpong ng kaligtasan. Subalit, ang mga tunay na Kristiyano ay patuloy na naghahanap kay Jehova nang may katapatan, at sila’y ikukubli sa araw ng galit ng Diyos. Bukod pa riyan, sila’y nagtatamasa ng maraming pagpapala kahit na sa ngayon. Sila’y may pinagpalang pagkakataon na magsalita ng “dalisay na wika” ng katotohanan ng Bibliya. (Zefanias 3:9) Ganito ang binanggit ng tagapagsalita: “Ang pagsasalita ng dalisay na wika ay nagsasangkot hindi lamang ng paniniwala sa katotohanan at pagtuturo nito sa iba kundi ng pag-aayon din ng ating paggawi sa mga kautusan at mga simulain ng Diyos.”

Buong pananabik na hinintay ng mga dumalo sa kombensiyon ang drama na “Mga Halimbawang Babala Para sa Ating Kaarawan.” Ipinakita ng dramang ito na may kumpletong kostiyum kung paano naiwala ng libu-libong Israelita ang kanilang buhay sa hangganan ng Lupang Pangako dahil sa nakalimutan nila si Jehova at sila’y naakit ng mga babaing pagano sa pakikiapid at huwad na pagsamba. Ang isa sa mga pangunahing tauhan​—si Jamin​—ay naipit sa pagitan ng pang-akit ng mga babaing Moabita at ng kaniyang debosyon kay Jehova. Litaw na litaw ang maling pangangatuwiran at mapanlinlang na pag-iisip ng di-makadiyos na si Zimri, gayundin naman ang pananampalataya at debosyon ni Pinehas. Maliwanag na inilarawan nito ang panganib ng pakikisangkot sa mga hindi umiibig kay Jehova.

Inihanda ng drama ang kaisipan para sa susunod na pahayag, “Huwag Maging mga Tagapakinig na Malilimutin.” Ipinakita ng isang pagsusuri sa 1 Corinto 10:1-10 na sinusubok ni Jehova ang ating pagkamasunurin upang tiyakin ang ating pagiging karapat-dapat sa pagtanggap ng mana sa bagong sanlibutan. Para sa ilan, natatabunan ng mga pagnanais sa laman ang espirituwal na mga tunguhin kahit sa ngayon, ngayong malapit na tayong pumasok sa bagong sistema. Ang lahat ay pinasiglang huwag sayangin ang pagkakataong ‘makapasok sa kapahingahan ni Jehova.’​—Hebreo 4:1.

Ang paksa ng pahayag pangmadla ay “Kung Bakit Kailangang Magbigay-Pansin sa mga Kamangha-manghang Gawa ng Diyos.” Ang “mga kamangha-manghang gawa” ni Jehova ay nagpapakita ng kaniyang karunungan at ng kaniyang awtoridad sa pisikal na paglalang sa palibot natin. (Job 37:14) Ang ilang mapanuring mga katanungan mula kay Jehova ay sapat na upang humanga si Job sa lakas ng makapangyarihan sa lahat na Maylalang. Si Jehova ay gagawa rin sa hinaharap ng “mga kamangha-manghang gawa” alang-alang sa kaniyang tapat na mga lingkod. Ang tagapagsalita ay nagtapos: “Taglay natin ang napakaraming dahilan upang magbigay-pansin sa mga kamangha-manghang gawa ni Jehova​—kung ano ang kaniyang ginawa nang nakaraan, kung ano ang kaniyang ginagawa sa paglalang sa palibot natin sa ngayon, at kung ano ang ipinangangako niyang gagawin sa malapit na hinaharap.”

Kasunod ng sumaryo sa pinag-aaralang artikulo sa Bantayan para sa linggo, iniharap ang huling pahayag ng kombensiyon. Pinamagatang “Pahalagahang Mabuti ang Iyong Pribilehiyo Bilang Isang Tagatupad ng Salita ng Diyos,” idiniin ng nakapupukaw-damdaming pahayag na ito na isang karangalan na maging tagatupad ng salita ng Diyos. (Santiago 1:22) Ang mga tagapakinig ay pinaalalahanan na ang ating pribilehiyo bilang mga tagatupad ng salita ng Diyos ay natatangi, at habang mas matagal nating isinasagawa ito, lalo natin itong mapahahalagahang mabuti. Ang lahat ng dumalo ay pinasiglang ipaaninaw ang kapaki-pakinabang na pangganyak ng pandistritong kombensiyong ito sa kanilang hangaring maging tagatupad ng salita ng Diyos sa sukdulang lawak nito. Iyan ang tanging paraan upang maranasan ang pinakamalaking kaligayahan na maaaring matamo.

[Kahon/Larawan sa pahina 25]

Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos!

Noong Biyernes ng hapon, isang brosyur na pinamagatang Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos! ang inilabas. May malaking pangangailangan para sa pinasimpleng edukasyon sa Bibliya sa maraming bahagi ng daigdig, at ang brosyur na ito ay gagamitin upang masapatan ang pangangailangang iyan. Magiging malaking pagpapala ito sa mga taong may limitadong pinag-aralan o kakayahang bumasa.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]

Hula ni Isaias​—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan

Tuwang-tuwa ang mga dumalo sa kombensiyon nang kanilang tanggapin ang Tomo I ng dalawang-tomong set ng Hula ni Isaias​—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan. Sa publikasyong ito, idiniin ang praktikal na kahalagahan ng aklat ni Isaias sa ating panahon.