Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Optiko ang Naghasik ng Binhi

Isang Optiko ang Naghasik ng Binhi

Isang Optiko ang Naghasik ng Binhi

Ano ang kinalaman ng pagsisikap ng isang optiko sa Lviv, Ukraine, sa pagbuo ng isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na wikang-Ruso sa Haifa, Israel, mga 2,000 kilometro at ilang bansa ang layo? Ito ay kuwento na nagtatampok sa katotohanan ng sinasabi ng Bibliya sa Eclesiastes 11:6: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay.”

ANG ating kuwento ay nagsimula noong 1990 nang si Ella, isang kabataang babae na may lahing Judio, ay naninirahan sa Lviv. Si Ella at ang kaniyang pamilya ay naghahanda nang mandayuhan sa Israel. Sandaling panahon bago sila umalis, may appointment si Ella sa isang optiko na isa sa mga Saksi ni Jehova. Noong panahong iyon, ipinagbabawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine. Sa kabila nito, nagkusa ang optiko na ibahagi kay Ella ang kaniyang salig-sa-Bibliyang mga paniniwala. Napahanga niya si Ella sa pagsasabing may personal na pangalan ang Diyos. Iyan ang pumukaw sa interes ni Ella, at humantong ito sa isang mainam na pag-uusap sa Bibliya.

Lubhang nasiyahan si Ella sa pag-uusap anupat humiling siya na muli silang mag-usap sa susunod na linggo at muli, nang sumunod pang linggo. Sumisidhi ang kaniyang interes, ngunit may problema. Malapit nang umalis ang pamilya papuntang Israel. Napakarami pang dapat matutuhan ni Ella! Upang masamantala ang natitirang panahon, humiling siya ng isang pag-aaral sa Bibliya araw-araw hanggang sa kaniyang pag-alis. Bagaman hindi ipinagpatuloy ni Ella ang kaniyang pag-aaral nang siya’y unang dumating sa Israel, nag-ugat sa kaniyang puso ang binhi ng katotohanan. Sa pagtatapos ng taon, muli siyang nag-aral ng Bibliya nang may kasigasigan.

Sumiklab ang digmaan sa Persian Gulf, at binomba ang Israel ng mga missile ng Iraq. Ito ang paksang madalas na usap-usapan. Isang araw sa isang supermarket, naulinigan ni Ella ang isang pamilyang nagsasalita ng Ruso na mga bagong nandayuhan na nag-uusap. Bagaman siya mismo ay nag-aaral pa lamang ng Bibliya, nilapitan niya ang pamilya at ibinahagi sa kanila ang pangako ng Bibliya hinggil sa isang mapayapang sanlibutan. Bilang resulta, ang lola, na si Galina; ang ina, na si Natasha; ang anak na lalaki, na si Sasha (Ariel); at ang anak na babae, na si Ilana, ay sumamang lahat sa pag-aaral ng Bibliya ni Ella.

Si Sasha ang unang miyembro ng pamilya na umabot hanggang sa pagpapabautismo​—sa kabila ng maraming pagsubok. Bagaman isang honor student, pinaalis siya sa paaralan dahil hindi ipinahihintulot ng kaniyang Kristiyanong budhi na sumama siya sa pagsasanay para sa pagsusundalo, isang kahilingan sa kurikulum ng paaralan. (Isaias 2:2-4) Nakarating ang kaso ni Sasha sa Mataas na Hukuman ng Israel sa Jerusalem, na kapuri-puri namang nag-utos na pabalikin si Sasha sa paaralan upang matapos niya ang taon ng pag-aaral. Nahayag ang kaso sa publiko sa buong bansa. Bunga nito, maraming Israeli ang nagkaroon ng kabatiran sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. a

Pagkatapos ng kaniyang gradwasyon sa haiskul, si Sasha ay pumasok sa buong-panahong ministeryo ng mga Saksi ni Jehova. Ngayon ay naglilingkod siya bilang isang special pioneer at matanda sa kongregasyon. Ang kaniyang kapatid na babae, si Ilana, ay sumama sa kaniya sa buong-panahong ministeryo. Ang kanilang ina at ang kanilang lola ay kapuwa bautisadong mga Saksi. Ang binhi na inihasik ng optiko ay nagbubunga pa rin!

Samantala, patuloy na sumulong sa espirituwal si Ella at di-nagtagal ay nangangaral na siya sa bahay-bahay. Sa kaniyang kauna-unahang kinatok na pintuan, natagpuan ni Ella si Faina, na kararating pa lamang mula sa Ukraine. Si Faina ay dumaranas ng panlulumo. Nang maglaon ay nalaman ni Ella na bago siya kumatok sa pintuan ni Faina, ang nababagabag na babaing ito ay nanalangin sa Diyos: “Hindi ko po alam kung sino kayo, ngunit kung naririnig po ninyo ako, tulungan naman po sana ninyo ako.” Sila ni Ella ay nagkaroon ng isang kawili-wiling pag-uusap. Maraming itinanong si Faina at maingat niyang pinag-isipan ang mga sagot na ibinigay sa kaniya. Nang maglaon, siya ay nakumbinsi na itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan mula sa Bibliya. Binago niya ang programa ng kaniyang pag-aaral sa unibersidad upang makagugol siya ng higit na panahon sa pakikisama sa kongregasyon at sa gawaing pangangaral. Noong Mayo 1994, nabautismuhan si Faina. Nagpayunir din siya, habang sinusuportahan niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng part-time na trabaho sa larangan ng computer.

Noong Nobyembre 1994, habang nakikibahagi sa gawaing pangangaral, biglang lubos na nanghina si Ella. Nagpunta siya sa ospital kung saan isiniwalat ng mga pagsusuri na nagdurugo ang kaniyang ulser sa bituka. Nang kinagabihan ay bumaba na sa 7.2 ang bilang ng hemoglobin ni Ella. Isang matanda sa kongregasyon ni Ella, ang tsirman ng Hospital Liaison Committee (HLC) sa lugar nila, ang naglaan ng impormasyon sa mga doktor hinggil sa maraming medikal na pamamaraan na hindi nangangailangang gumamit ng dugo. b Matagumpay na naisagawa ang operasyon nang walang dugo, at lubos na gumaling si Ella.​—Gawa 15:28, 29.

Ang gynecologist ni Ella, si Karl, isang Judio na ipinanganak sa Alemanya, ay lubhang humanga. Pagkatapos ay naalaala niya na ang kaniyang mga magulang, na nakaligtas sa Holocaust, ay nakakilala ng mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan. Maraming itinanong si Karl. Bagaman napakaabala sa kaniyang trabaho bilang doktor, naglaan si Karl ng panahon upang regular na makapag-aral ng Bibliya. Nang sumunod na taon, dumadalo na siya sa mga lingguhang Kristiyanong pagpupulong.

Ano ang naging resulta ng binhing inihasik ng optiko? Nakita na natin kung ano ang nangyari kay Sasha at sa kaniyang pamilya. Tungkol naman kay Ella, siya ay isang ministrong special pioneer. Ang kaniyang anak na babae, si Eina, na katatapos pa lamang ng haiskul, ay nagsisimula na sa kaniyang karera sa buhay bilang isang payunir. Si Faina rin ay naglilingkod bilang isang special pioneer. Tungkol naman kay Karl, ang gynecologist ni Ella, siya ay isa na ngayong bautisadong Saksi at isang ministeryal na lingkod, anupat ibinabahagi sa kaniyang mga pasyente at sa iba pa ang nakapagpapagaling na bisa ng katotohanan ng Bibliya.

Ang maliit na grupo ng mga nandayuhang nagsasalita ng Ruso na nagsimula bilang bahagi ng Haifa Hebrew Congregation ay isa na ngayong masigasig na kongregasyon na wikang-Ruso na may mahigit na 120 mamamahayag ng Kaharian. Ang paglagong ito ay dahil na rin sa pangyayari na sinamantala ng isang optiko sa Lviv ang pagkakataon na maghasik ng binhi!

[Mga talababa]

a Para sa karagdagan pang mga detalye, tingnan ang Nobyembre 8, 1994, na isyu ng Gumising!, pahina 12-15.

b Kinakatawanan ng mga HLC ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, na tumutulong sa pakikipagtalastasan sa pagitan ng pasyente at ng kawani ng ospital. Naglalaan din sila ng impormasyon hinggil sa alternatibong medikal na pangangalaga salig sa pinakabagong pagsasaliksik sa medisina.

[Mapa sa pahina 29]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

UKRAINE

ISRAEL

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Mga larawan sa pahina 30]

Si Ella at ang kaniyang anak, na si Eina

[Larawan sa pahina 31]

Isang maligayang grupo ng mga Saksing nagsasalita ng Ruso sa Haifa. Kaliwa pakanan: Sasha, Ilana, Natasha, Galina, Faina, Ella, Eina, at Karl