Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mapaglalabanan Mo ang Panghihina ng Loob!

Mapaglalabanan Mo ang Panghihina ng Loob!

Mapaglalabanan Mo ang Panghihina ng Loob!

ISANG matalinong tao ang minsa’y sumulat: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” (Kawikaan 24:10) Kung naranasan mo nang panghinaan ng loob, malamang na sasang-ayon ka sa pangungusap na iyan.

Walang sinuman ang makaiiwas sa mga epekto ng panghihina ng loob. Ang bahagyang panghihina ng loob ay maaaring tumagal nang isa o dalawang araw at pagkatapos ay naglalaho ito. Subalit kung nasasangkot ang nasaktang damdamin o hinanakit, ang problema ay maaaring magpatuloy nang mas matagal. Ang ilang Kristiyano na naging tapat sa loob ng maraming taon ay lubhang nasiraan ng loob anupat sila’y huminto na sa pagdalo sa mga pulong sa kongregasyon at sa pakikibahagi sa ministeryo sa larangan.

Kung ikaw ay pinanghihinaan ng loob, huwag kang mawalan ng pag-asa! Matagumpay na napaglabanan ng mga tapat na lingkod noong una ang panghihina ng loob, at sa tulong ng Diyos, magagawa mo rin ito.

Kapag Sinaktan ng Iba ang Iyong Damdamin

Hindi mo maaasahang maipagsasanggalang mo ang iyong sarili sa bawat walang-ingat na salita o padalus-dalos na gawa. Gayunman, hindi mo hahayaang makahadlang sa iyong paglilingkod kay Jehova ang di-kasakdalan ng iba. Kung may nakasakit sa iyong damdamin, baka makatulong sa iyo na isaalang-alang kung paano pinakitunguhan ni Hana, na ina ni Samuel, ang isang kalagayang nakapanghihina ng loob.

Gustung-gusto ni Hana na magkaanak, subalit siya’y baog. Si Penina, na pangalawang asawa ng kaniyang asawa, ay nagkaroon na ng mga anak na lalaki at babae. Sa halip na unawain ang kalagayan ni Hana, minalas siya ni Penina bilang isang karibal at nagpamalas ng gayong saloobin sa kaniya anupat si Hana ay ‘tumatangis at hindi kumakain.’​—1 Samuel 1:2, 4-7.

Isang araw, si Hana ay nagtungo sa tabernakulo upang manalangin. Napansin ni Eli, ang mataas na saserdote ng Israel, na gumagalaw ang mga labi ni Hana. Palibhasa’y hindi batid na nananalangin si Hana, naghinuha si Eli na ito ay lasing. “Hanggang kailan ka magiging lasing?” ang tanong niya. “Alisin mo ang iyong alak mula sa iyo.” (1 Samuel 1:12-14) Maguguniguni mo ba kung ano ang nadama ni Hana? Nagpunta siya sa tabernakulo upang makasumpong ng pampatibay-loob. Tiyak na hindi niya inaasahan na siya’y may kamaliang paratangan ng isa sa pinakamaimpluwensiyang lalaki sa Israel!

Ang situwasyon ay maaari sanang lubhang nagpahina ng loob ni Hana. Maaari sana siyang umalis sa tabernakulo karaka-raka, anupat sumusumpang hinding-hindi na babalik hangga’t si Eli ang naglilingkod doon bilang mataas na saserdote. Gayunman, maliwanag na pinahahalagahan ni Hana ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Alam niyang hindi siya malulugod kung gayon ang kaniyang gagawin. Ang tabernakulo ang sentro ng dalisay na pagsamba. Inilagay ni Jehova ang kaniyang pangalan doon. At bagaman di-sakdal, si Eli ang piniling kinatawan ni Jehova.

Ang makadiyos na pagtugon ni Hana sa paratang ni Eli ay nagbibigay ng isang mainam na halimbawa para sa atin sa ngayon. Hindi niya hinayaan na paratangan siya nang may kamalian, subalit siya’y sumagot sa isang napakagalang na paraan. “Hindi, panginoon ko!” ang tugon niya. “Ako ay isang babaing napipighati ang espiritu; at hindi ako uminom ng alak at nakalalangong inumin, kundi ibinubuhos ko ang aking kaluluwa sa harap ni Jehova. Huwag mong gawing tulad ng isang walang-kabuluhang babae ang iyong aliping babae, sapagkat dahil sa laki ng aking pagkabahala at ng aking kaligaligan kung kaya ako nagsasalita hanggang ngayon.”​—1 Samuel 1:15, 16.

Nasabi ba ni Hana ang kaniyang punto? Tiyak iyan. Gayunman, mataktika siyang nagsalita kay Eli, anupat hindi nangahas na pintasan siya sa kaniyang maling paratang. Si Eli naman ay may kabaitang tumugon sa kaniya, na nagsasabi: “Yumaon kang payapa, at ipagkaloob nawa ng Diyos ng Israel ang iyong pakiusap na hiniling mo sa kaniya.” Nang malutas ang bagay na iyon, si Hana “ay yumaon sa kaniyang lakad at kumain, at ang kaniyang mukha ay hindi na nabahala.”​—1 Samuel 1:17, 18.

Ano ang matututuhan natin mula sa ulat na ito? Si Hana ay kumilos kaagad upang ituwid ang isang di-pagkakaunawaan, subalit ginawa niya iyon taglay ang matinding paggalang. Bunga nito, naingatan niya ang isang mainam na kaugnayan kay Jehova at kay Eli. Tunay ngang madalas na nahahadlangan ng mabuting pakikipag-usap at kaunting taktika ang paglaki ng maliliit na problema!

Dapat nating kilalanin na ang paglutas ng mga di-pagkakaunawaan sa iba ay nangangailangan ng kapakumbabaan at pagbibigayan sa magkabilang panig. Kung ang isang kapananampalataya ay hindi tumugon sa iyong mga pagsisikap na lutasin ang isang di-pagkakaunawaan, maaaring ipaubaya mo na lamang ito sa mga kamay ni Jehova, anupat nagtitiwala na lulutasin niya ito sa kaniya mismong panahon at sa kaniya mismong paraan.

Naiwala Mo ba ang Isang Pribilehiyo sa Paglilingkod?

Ang ilan ay nanlumo dahil sa kailangan nilang bitiwan ang isang minamahal na pribilehiyo sa paglilingkod sa Diyos. Nasisiyahan sila sa paglilingkod sa kanilang mga kapatid, at nang mawala ang pribilehiyong ito, nadama nila na hindi na sila kapaki-pakinabang kay Jehova o sa kaniyang organisasyon. Kung ganiyan ang iyong nadarama, maaari kang magtamo ng kaunawaan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa halimbawa ng manunulat ng Bibliya na si Marcos, na tinatawag ding Juan Marcos.​—Gawa 12:12.

Si Marcos ay sumama kina Pablo at Bernabe sa kanilang unang paglalakbay bilang misyonero, subalit hindi pa man natatapos ang paglalakbay, iniwan niya sila at nagbalik sa Jerusalem. (Gawa 13:13) Nang maglaon, gusto ni Bernabe na isama nila si Marcos sa isa pang paglalakbay. Gayunman, sinasabi ng Bibliya: “Hindi iniisip ni Pablo na wastong isama nila ang isang ito, yamang humiwalay ito sa kanila mula sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain.” Tumutol si Bernabe. “Sa gayon,” ang patuloy ng ulat, “nagkaroon ng isang matinding pagsiklab ng galit, anupat humiwalay [sina Pablo at Bernabe] sa isa’t isa; at isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag patungong Ciprus. Pinili ni Pablo si Silas at umalis.”​—Gawa 15:36-40.

Malamang na lubhang nasiraan ng loob si Marcos na malaman na ayaw ng iginagalang na apostol na si Pablo na gumawang kasama niya at na ang pagtatalo hinggil sa kaniyang mga kuwalipikasyon ay humantong sa isang alitan sa pagitan nina Pablo at Bernabe. Subalit hindi diyan nagtatapos ang kuwento.

Sina Pablo at Silas ay nangangailangan pa rin ng isang kasama sa paglalakbay. Nang dumating sila sa Listra, nakasumpong sila ng isa na hahalili kay Marcos, isang binatang nagngangalang Timoteo. Ngayon si Timoteo ay maaaring dalawa o tatlong taon pa lamang na nababautismuhan nang panahong siya’y piliin. Sa kabilang panig naman, si Marcos ay kabilang na sa Kristiyanong kongregasyon mula pa sa pasimula nito​—sa katunayan, mas matagal pa kaysa kay Pablo mismo. Gayunman, si Timoteo ang tumanggap ng mahalagang atas.​—Gawa 16:1-3.

Paano kumilos si Marcos nang malaman niyang siya’y hinalinhan ng isang lalaking mas bata at wala pang gaanong karanasan? Walang sinasabi ang Bibliya. Gayunpaman, ipinahihiwatig nito na si Marcos ay nanatiling aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Sinamantala niya ang mga pribilehiyong maaari niyang abutin. Bagaman hindi siya nakapaglingkod na kasama nina Pablo at Silas, nakapaglakbay naman siya na kasama ni Bernabe sa Ciprus, na sariling teritoryo ni Bernabe. Naglingkod din si Marcos na kasama ni Pedro sa Babilonya. Nang dakong huli, nagkaroon din siya ng pagkakataon na gumawang kasama ni Pablo​—at ni Timoteo​—sa Roma. (Colosas 1:1; 4:10; 1 Pedro 5:13) Nang maglaon, si Marcos ay kinasihan pa nga na sumulat ng isa sa apat na Ebanghelyo!

May mahalagang aral sa lahat ng ito. Si Marcos ay hindi labis na nabahala hinggil sa nawalang pribilehiyo anupat hindi na niya pinahalagahan ang mga pribilehiyo na maaari pa rin niyang abutin. Si Marcos ay nanatiling abala sa paglilingkod kay Jehova, at pinagpala siya ni Jehova.

Kaya kung naiwala mo ang isang pribilehiyo, huwag manghina ang iyong loob. Kung iingatan mo ang isang positibong saloobin at mananatili kang abala, maaaring ibigay sa iyo ang iba pang mga pribilehiyo. Maraming maaaring gawin sa gawain ng Panginoon.​—1 Corinto 15:58.

Isang Tapat na Lingkod na Nanghina ang Loob

Hindi madali na puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya. Kung minsan, maaaring manghina ang iyong loob. Pagkatapos ay baka makonsiyensiya ka pa nga dahil sa panghihina ng loob, anupat naghihinuha na ang isang tapat na lingkod ng Diyos ay hindi kailanman dapat makadama ng gayon. Isipin si Elias, isa sa mga namumukod-tanging propeta ng Israel.

Nang malaman ni Reyna Jezebel ng Israel, isang panatikong tagapagtaguyod ng pagsamba kay Baal, na ang mga propeta ni Baal ay pinatay ni Elias, sumumpa siya na ipapapatay niya ito. Nakaharap na ni Elias ang mga kaaway na mas malalakas kaysa kay Jezebel, subalit walang anu-ano ay lubos na pinanghinaan siya ng loob anupat gusto na niyang mamatay. (1 Hari 19:1-4) Paano ito nangyari? May nakalimutan siya.

Nakalimutan ni Elias na umasa kay Jehova bilang ang Pinagmumulan ng kaniyang lakas. Sino ang nagbigay kay Elias ng kapangyarihan upang bumuhay ng patay at harapin ang mga propeta ni Baal? Si Jehova. Tiyak, mabibigyan siya ni Jehova ng lakas upang harapin ang poot ni Reyna Jezebel.​—1 Hari 17:17-24; 18:21-40; 2 Corinto 4:7.

Kahit na sino ay maaaring pansamantalang manghina sa kaniyang pagtitiwala kay Jehova. Katulad ni Elias, kung minsan ay maaari mong taglayin ang pangmalas ng tao may kinalaman sa isang problema sa halip na gamitin “ang karunungan mula sa itaas” upang harapin ito. (Santiago 3:17) Gayunman, hindi pinabayaan ni Jehova si Elias sa pansamantalang pagkakamali na ito.

Si Elias ay tumakas patungo sa Beer-sheba at pagkatapos ay sa ilang, kung saan inaakala niyang walang makasusumpong sa kaniya. Subalit nasumpungan siya ni Jehova. Isinugo niya ang isang anghel upang aliwin siya. Tiniyak ng anghel na si Elias ay may bagong lutong tinapay na makakain at nakarerepreskong tubig na maiinom. Nang makapagpahinga na si Elias, tinagubilinan siya ng anghel na maglakbay ng mga 300 kilometro patungo sa Bundok Horeb, kung saan siya ay higit pang palalakasin ni Jehova.​—1 Hari 19:5-8.

Sa Bundok Horeb, nasaksihan ni Elias ang isang nakapagpapatibay-pananampalatayang pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova. Pagkatapos, sa isang mahinahon at mahinang tinig, tiniyak sa kaniya ni Jehova na hindi siya nag-iisa. Kasama niya si Jehova, at kasama rin niya ang 7,000 sa mga kapatid niya, bagaman lingid ito kay Elias. Sa katapusan, inatasan siya ni Jehova ng isang gawain. Hindi niya itinakwil si Elias bilang kaniyang propeta!​—1 Hari 19:11-18.

May Mahihinging Tulong

Kung paminsan-minsan ay dumaranas ka ng bahagyang panghihina ng loob, masusumpungan mong mas bubuti ang iyong pakiramdam kung ikaw ay magkakaroon ng karagdagang pahinga o masustansiyang pagkain. Si Nathan H. Knorr, na naglingkod bilang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1977, ay minsang nagsabi na ang malalaking problema ay kadalasang waring lumiliit pagkatapos ng sapat na pagtulog sa gabi. Subalit kung nagpapatuloy pa rin ang problema, ang gayong lunas ay maaaring hindi sapat​—kailangan mo ng tulong upang mapaglabanan ang panghihina ng loob.

Isinugo ni Jehova ang isang anghel upang palakasin si Elias. Sa ngayon, ang Diyos ay nagbibigay ng pampatibay-loob sa pamamagitan ng matatanda at iba pang maygulang na mga Kristiyano. Ang matatanda ay talagang maaaring ‘maging gaya ng taguang dako sa hangin.’ (Isaias 32:1, 2) Subalit upang magtamo ng pampatibay-loob mula sa kanila, baka kailangang ikaw ang unang kumilos. Bagaman nanghihina ang loob ni Elias, naglakbay siya patungo sa Bundok Horeb upang tumanggap ng tagubilin mula kay Jehova. Tayo’y tumatanggap ng nakapagpapalakas na tagubilin sa pamamagitan ng Kristiyanong kongregasyon.

Kapag tinatanggap natin ang tulong at lakas-loob na hinaharap ang mga pagsubok, gaya ng nasaktang damdamin o pagkawala ng mga pribilehiyo, itinataguyod natin ang panig ni Jehova sa isang mahalagang isyu. Anong isyu? Sinabi ni Satanas na ang mga tao ay naglilingkod kay Jehova dahil lamang sa pansariling kapakanan. Hindi ikinakaila ni Satanas na maglilingkod tayo sa Diyos kung maayos ang lahat ng bagay sa ating buhay, subalit iginigiit niya na tayo ay hihinto sa paglilingkod sa Diyos kapag tayo’y dumanas na ng mga problema. (Job, kabanatang 1 at 2) Sa pamamagitan ng matatag na paglilingkod kay Jehova sa kabila ng panghihina ng loob, makatutulong tayo sa pagsagot sa mapanirang-puring paratang ng Diyablo.​—Kawikaan 27:11.

Sina Hana, Marcos, at Elias ay pawang nagkaroon ng mga problema na sandaling nag-alis sa kanila ng kanilang kagalakan. Gayunman, napaglabanan nila ang kanilang mga problema at nagkaroon ng kapaki-pakinabang na mga buhay. Sa tulong ni Jehova, maaari mo ring mapaglabanan ang panghihina ng loob!