Ang Isinauling Bayan ni Jehova ay Pumupuri sa Kaniya sa Buong Lupa
Ang Isinauling Bayan ni Jehova ay Pumupuri sa Kaniya sa Buong Lupa
“Ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova.”—ZEFANIAS 3:9.
1. Bakit natupad ang mga mensahe ng paghatol sa Juda at sa ibang mga bansa?
KAY tindi ngang mga mensahe ng kahatulan ang ipinahayag ni Zefanias sa ilalim ng pagkasi ni Jehova! Ang mga salitang iyon ng paghatol ay natupad sa bansang Juda at sa kabisera nito, ang Jerusalem, sapagkat hindi ginagawa ng mga pinuno at ng bayan sa kalahatan ang kalooban ni Jehova. Ang mga kalapit na bansa, tulad ng Filistia, Moab, at Ammon, ay makararanas din ng galit ng Diyos. Bakit? Dahil sa malupit na pagsalansang nila sa bayan ni Jehova sa loob ng maraming siglo. Sa gayunding kadahilanan, ang kapangyarihang pandaigdig ng Asirya ay mapupuksa at hindi na ito muling maitatatag kailanman.
2. Sino ang lumilitaw na tinutukoy sa Zefanias 3:8?
2 Gayunman, may ilang wastong nakaayon na indibiduwal sa sinaunang Juda. Ang mga ito ay umaasa sa pagsasakatuparan ng kahatulan ng Diyos laban sa balakyot at lumilitaw na sila ang tinutukoy sa mga salitang: “ ‘Patuloy kayong maghintay sa akin,’ ang sabi ni Jehova, ‘hanggang sa araw ng aking pagbangon ukol sa pangangamkam, sapagkat ang aking hudisyal na pasiya ay ang tipunin ang mga bansa, ang pisanin ko ang mga kaharian, upang ibuhos sa kanila ang aking pagtuligsa, ang aking buong nag-aapoy na galit; sapagkat sa pamamagitan ng apoy ng aking sigasig ay lalamunin ang buong lupa.’ ”—Zefanias 3:8.
“Isang Dalisay na Wika” Para Kanino?
3. Kinasihan si Zefanias na ipahayag ang anong mensahe ng pag-asa?
3 Oo, ipinahayag ni Zefanias ang mga mensahe ng paghatol ni Jehova. Subalit kinasihan din ang propeta na ilakip ang isang kamangha-manghang mensahe ng pag-asa—isa na lubhang nakaaaliw sa mga patuloy na nagtatapat kay Jehova. Gaya ng nakaulat sa Zefanias 3:9, ipinahayag ng Diyos na Jehova: “Kung magkagayon ay ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.”
4, 5. (a) Ano ang mangyayari sa mga liko? (b) Sino ang makikinabang dito, at bakit?
4 May mga tao na hindi pagkakalooban ng dalisay na wika. Ang hula ay bumabanggit sa kanila, na sinasabi: ‘Aalisin ko mula sa gitna mo ang iyong mga nagbubunyi nang may kapalaluan.’ (Zefanias 3:11) Kaya ang mga palalo na humahamak sa mga kautusan ng Diyos at nagsasagawa ng kalikuan ay aalisin. At sino ang makikinabang dito? Sinasabi sa Zefanias 3:12, 13: “Mag-iiwan ako [si Jehova] sa gitna mo ng isang bayan na mapagpakumbaba at mababa, at manganganlong sila sa pangalan ni Jehova. Kung tungkol sa mga nalalabi sa Israel, hindi sila gagawa ng kalikuan, ni magsasalita man ng kasinungalingan, ni masusumpungan man sa kanilang mga bibig ang mapandayang dila; sapagkat sila mismo ay kakain at hihigang nakaunat, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”
5 Isang tapat na nalabi sa sinaunang Juda ang makikinabang. Bakit? Sapagkat kumilos sila kasuwato ng mga salitang: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsasagawa ng Kaniyang hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—Zefanias 2:3.
6. Ano ang nangyari sa unang katuparan ng hula ni Zefanias?
6 Sa unang katuparan ng hula ni Zefanias, pinarusahan ng Diyos ang walang-pananampalatayang Juda sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya na lupigin ito at dalhing bihag ang mga mamamayan nito noong 607 B.C.E. Ang ilan, kasali na ang propetang si Jeremias, ay iniligtas, at ang iba ay nanatiling tapat kay Jehova habang sila’y bihag. Noong 539 B.C.E., ang Babilonya ay pinabagsak ng mga Medo at Persiano sa ilalim ni Haring Ciro. Makaraan ang mga dalawang taon, si Ciro ay nagpalabas ng utos na nagpahintulot sa isang nalabi ng Juda na bumalik sa kanilang lupang tinubuan. Pagsapit ng panahon, muling naitayo ang templo sa Jerusalem, at ang mga saserdote ay muli na namang nasa kalagayan upang ituro ang Kautusan sa bayan. (Malakias 2:7) Kaya pinasagana ni Jehova ang naisauling nalabi—habang sila ay nananatiling tapat.
7, 8. Kanino kumakapit ang makahulang mga salita sa Zefanias 3:14-17, at bakit ganiyan ang sagot mo?
7 Hinggil sa mga magtatamasa ng pagsasauling iyon, humula si Zefanias: “Humiyaw ka nang may kagalakan, O anak na babae ng Sion! Bumulalas ka sa kasiyahan, O Israel! Magsaya ka at magbunyi nang buong puso, O anak na babae ng Jerusalem! Inalis ni Jehova ang mga kahatulan sa iyo. Itinaboy niya ang iyong kaaway. Ang hari ng Israel, si Jehova, ay nasa gitna mo. Hindi ka na matatakot sa kapahamakan. Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem: ‘Huwag kang matakot, O Sion. Huwag nawang lumaylay ang iyong mga kamay. Si Jehova na iyong Diyos ay nasa gitna mo. Bilang Isa na makapangyarihan, siya ay magliligtas. Magbubunyi siya sa iyo nang may pagsasaya. Magiging tahimik siya sa kaniyang pag-ibig. Magagalak siya sa iyo na may mga hiyaw ng kaligayahan.’ ”—Zefanias 3:14-17.
8 Ang makahulang mga salitang iyon ay tumutukoy sa tinipong nalabi na inilabas mula sa pagkabihag sa Babilonya at ibinalik sa lupain ng kanilang mga ninuno. Nilinaw ito sa Zefanias 3:18-20, na doo’y mababasa natin: “ ‘Yaong mga lipos ng pamimighati sa pagliban sa iyong kapanahunan ng pista ay tiyak na titipunin ko [ni Jehova]; lumiban sila mula sa iyo, dahilan sa pagpapasan ng kadustaan dahil sa kaniya. Narito, kikilos ako laban sa lahat ng pumipighati sa iyo, sa panahong iyon; at ililigtas ko siya na umiika-ika, at siya na nananabog ay titipunin ko. At gagawin ko silang isang kapurihan at isang pangalan sa buong lupain ng kanilang kahihiyan. Sa panahong iyon ay papapasukin ko kayo, sa panahon nga ng pagtitipon ko sa inyo. Sapagkat gagawin ko kayong isang pangalan at isang kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa, kapag ang mga nabihag sa inyo ay tinipon kong muli sa inyong paningin,’ ang sabi ni Jehova.”
9. Paano gumawa ng isang pangalan si Jehova para sa kaniyang sarili may kaugnayan sa Juda?
9 Gunigunihin ang pagkabigla ng nakapalibot na mga bansa na mga kaaway ng bayan ng Diyos! Ang mga naninirahan sa Juda ay dinalang bihag ng makapangyarihang Babilonya, na para bang wala nang pag-asang mapalayang muli. Bukod dito, ang kanilang lupain ay naiwang tiwangwang. Subalit sa kapangyarihan ng Diyos, sila’y naibalik sa kanilang lupang tinubuan makaraan ang 70 taon, samantalang ang mga kaaway na bansa ay patungo sa pagkawasak. Isa ngang pangalan ang ginawa ni Jehova para sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbabalik sa tapat na nalabing iyon! Sila ay ginawa niyang “isang pangalan at isang kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan.” Tunay na ang pagsasauling iyon ay nagdulot ng kapurihan kay Jehova at sa mga nagtataglay ng kaniyang pangalan!
Itinaas ang Pagsamba kay Jehova
10, 11. Kailan magaganap ang malaking katuparan ng hula ni Zefanias hinggil sa pagsasauli, at paano natin ito nalalaman?
10 Isa pang pagsasauli ang naganap noong unang siglo ng Karaniwang Panahon, nang tipunin ni Jesu-Kristo ang isang nalabi ng Israel sa tunay na pagsamba. Iyon ay isang patiunang pahiwatig ng kung ano ang darating, sapagkat ang malaking katuparan ng pagsasauli ay sa hinaharap pa. Patiunang sinabi ng hula ni Mikas: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay mátataás pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang mga bayan.”—Mikas 4:1.
11 Kailan ito mangyayari? Gaya ng sinabi ng hula, “sa huling bahagi ng mga araw”—oo, sa panahon ng “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1) Ito ay mangyayari bago magwakas ang kasalukuyang balakyot na sistemang ito ng mga bagay, habang ang mga bansa ay sumasamba pa rin sa mga huwad na diyos. Ang Mikas 4:5 ay nagsasabi: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos.” At kumusta naman ang mga tunay na mananamba? Sumasagot ang hula ni Mikas: “Ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”
12. Paano itinaas ang tunay na pagsamba sa mga huling araw na ito?
12 Kaya, sa mga huling araw na ito, “ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na [natatag] na mataas pa sa taluktok ng mga bundok.” Ang matayog na tunay na pagsamba kay Jehova ay naisauli na, matibay na natatag, at itinaas sa ibabaw ng alinman sa lahat ng iba pang uri ng relihiyon. Gaya ng patiunang sinabi rin ng hula ni Mikas, “doon ay huhugos ang mga bayan.” At yaong mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon ay “lalakad sa pangalan ni Jehova na [kanilang] Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”
13, 14. Kailan pumasok ang sanlibutang ito sa “huling bahagi ng mga araw,” at ano na ang nangyayari mula noon may kinalaman sa tunay na pagsamba?
13 Ang mga pangyayaring tumupad sa hula ng Bibliya ay nagpapatunay na ang sanlibutang ito ay pumasok na sa “huling bahagi ng mga araw”—ang mga huling araw nito—noong taóng 1914. (Marcos 13:4-10) Ipinakikita ng kasaysayan na sinimulan na noon ni Jehova na tipunin sa tunay na pagsamba ang isang tapat na nalabi ng mga pinahiran na may makalangit na pag-asa. Ito ay sinundan ng pagtitipon ng “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika”—yaong mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa.—Apocalipsis 7:9.
14 Mula noong Digmaang Pandaigdig I at hanggang sa araw na ito, ang pagsamba kay Jehova ng mga nagtataglay ng kaniyang pangalan ay mabilis na sumulong sa ilalim ng kaniyang patnubay. Sa pagdami nito mula sa iilang libo pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang bilang ng mga mananamba ni Jehova ngayon ay halos anim na milyon na, na natitipon sa mga 91,000 kongregasyon sa 235 na mga lupain. Bawat taon, ang mga tagapaghayag na ito ng Kaharian ay gumugugol ng mahigit sa isang bilyong oras sa pangmadlang pagpuri sa Diyos. Maliwanag na ang mga Saksing ito ni Jehova ang siyang tumutupad sa makahulang mga salita ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
15. Paano natutupad ngayon ang Zefanias 2:3?
15 Sinasabi sa Zefanias 3:17: “Si Jehova na iyong Diyos ay nasa gitna mo. Bilang Isa na makapangyarihan, siya ay magliligtas.” Ang espirituwal na kasaganaan na tinatamasa ng mga lingkod ni Jehova sa mga huling araw na ito ay tuwirang resulta ng kaniyang pagiging ‘nasa gitna nila’ bilang kanilang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Ito ay totoo sa ngayon na gaya sa pagsasauli sa sinaunang Juda noong 537 B.C.E. Kaya makikita natin kung paanong ang Zefanias 2:3 ay nagkakaroon ng malaking katuparan sa ating panahon nang sabihin nito: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa.” Noong 537 B.C.E., kabilang sa “lahat” ang nalabing mga Judio na bumalik mula sa pagkabihag sa Babilonya. Ngayon ay kumakatawan ito sa maaamo ng lahat ng bansa sa palibot ng buong lupa, yaong mga positibong tumutugon sa pangglobong gawaing pangangaral ng Kaharian at humuhugos sa “bundok ng bahay ni Jehova.”
Sumasagana ang Tunay na Pagsamba
16. Ano ang malamang na reaksiyon ng ating mga kaaway sa kasaganaan ng mga lingkod ni Jehova sa makabagong panahon?
16 Pagkaraan ng 537 B.C.E., marami sa mga nakapalibot na bansa ang namangha sa pagkakasauli ng mga lingkod ng Diyos sa tunay na pagsamba sa kanilang lupang tinubuan. Subalit ang pagsasauling iyon ay naganap sa isang maliit na paraan lamang. Naguguniguni mo ba kung ano ang sinasabi ng ilan—kahit na ng mga kaaway ng bayan ng Diyos—ngayong nakikita nila ang kamangha-manghang paglago, pagsagana, at pasulong na pagkilos ng mga lingkod ni Jehova sa makabagong panahon? Malamang na malamang, nadarama ng ilan sa mga kaaway na ito ang gaya ng nadama ng mga Pariseo nang kanilang makita kung paano dumagsa ang mga tao kay Jesus. Sila’y bumulalas: “Tingnan ninyo! Ang sanlibutan ay sumunod na sa kaniya.”—Juan 12:19.
17. Ano ang sinabi ng isang manunulat tungkol sa mga Saksi ni Jehova, at anong paglago ang nararanasan nila?
17 Sa kaniyang aklat na These Also Believe, si Propesor Charles S. Braden ay nagsabi: ‘Literal na nakubrehan ng mga Saksi ni Jehova ang lupa sa kanilang pagpapatotoo. Tunay na maaaring masabi na walang isa mang relihiyosong grupo sa daigdig ang nagpakita ng higit na sigasig at pagtitiyaga sa pagsisikap na mapalaganap ang mabuting balita ng Kaharian kaysa sa mga Saksi ni Jehova. Ang kilusang ito ay malamang na malamang na patuloy na lalakas nang lalakas.’ Talagang tama nga siya! Nang isulat niya ang mga salitang iyon 50 taon na ang nakararaan, mayroon lamang mga 300,000 Saksi na nangangaral sa palibot ng daigdig. Ano kaya ang masasabi niya ngayon, ngayong halos 20 ulit ng bilang na iyon—mga anim na milyon—ang nangangaral ng mabuting balita?
18. Ano ang dalisay na wika, at kanino ito ipinagkaloob ng Diyos?
18 Sa pamamagitan ng kaniyang propeta, nangako ang Diyos: “Ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.” (Zefanias 3:9) Sa mga huling araw na ito, ang mga Saksi ni Jehova ang tumatawag sa pangalan ni Jehova, na naglilingkod sa kaniya nang may pagkakaisa sa isang di-nasisirang bigkis ng pag-ibig—oo, “nang balikatan.” Sila ang pinagkalooban ni Jehova ng dalisay na wika. Kalakip sa dalisay na wikang ito ang wastong kaunawaan sa katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Si Jehova lamang ang naglalaan ng kaunawaang ito sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (1 Corinto 2:10) Kanino niya ibinibigay ang kaniyang espiritu? Tanging “sa mga sumusunod sa kaniya bilang tagapamahala.” (Gawa 5:32) Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang handang sumunod sa Diyos bilang Tagapamahala sa lahat ng bagay. Iyan ang dahilan kung bakit sila tumatanggap ng espiritu ng Diyos at nagsasalita ng dalisay na wika, ang katotohanan tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga kamangha-manghang layunin. Ginagamit nila ang dalisay na wika upang purihin si Jehova sa buong lupa sa isang pagkalaki-laki at sumusulong na antas.
19. Ano ang nasasangkot sa pagsasalita ng dalisay na wika?
19 Ang pagsasalita ng dalisay na wika ay nagsasangkot hindi lamang ng paniniwala sa katotohanan at pagtuturo nito sa iba kundi ng pagsisikap din na ang paggawi ng isa ay makasuwato ng mga kautusan at mga simulain ng Diyos. Nangunguna ang mga pinahirang Kristiyano sa paghahanap kay Jehova at sa pagsasalita ng dalisay na wika. Isipin na lamang ang naisagawa na! Bagaman umunti ang bilang ng mga pinahiran hanggang sa wala pang 8,700, mga anim na milyong iba pa ang tumutulad sa kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng paghahanap kay Jehova at pagsasalita ng dalisay na wika. Ito ang lumalaking bilang ng malaking pulutong mula sa lahat ng bansa na nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus, nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa makalupang looban ng espirituwal na templo ng Diyos, at makaliligtas sa “malaking kapighatian” na malapit nang sumapit sa likong sanlibutang ito.—Apocalipsis 7:9, 14, 15.
20. Ano ang naghihintay para sa tapat na mga pinahiran at para sa mga bumubuo sa malaking pulutong?
20 Ang malaking pulutong ay aakayin tungo sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Pedro 3:13) Si Jesu-Kristo at ang 144,000 pinahiran na binuhay-muli tungo sa makalangit na buhay upang maglingkod na kasama niya bilang mga hari at mga saserdote ang siyang bubuo sa bagong lupon na mamamahala sa lupa. (Roma 8:16, 17; Apocalipsis 7:4; 20:6) Ang mga makaliligtas sa malaking kapighatian ay magtatrabaho upang gawing paraiso ang lupa at patuloy na magsasalita ng bigay-Diyos na dalisay na wika. Sa diwa, kumakapit sa kanila ang mga salitang: “Ang lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay sasagana. Ikaw ay matibay na matatatag sa katuwiran.”—Isaias 54:13, 14.
Pinakadakilang Gawaing Pagtuturo sa Kasaysayan
21, 22. (a) Gaya ng ipinahiwatig sa Gawa 24:15, sino ang kailangang maturuan ng dalisay na wika? (b) Anong walang-katulad na gawaing pagtuturo ang isasagawa sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian?
21 Ang isang napakalaking grupo na pagkakalooban ng pagkakataong matuto ng dalisay na wika sa bagong sanlibutan ay yaong mga tinutukoy sa Gawa 24:15, na nagsasabi: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Noong nakaraan, bilyun-bilyong tao ang nabuhay at namatay nang walang tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova. Sa maayos na paraan, sila ay bubuhayin niyang muli. At ang mga binuhay-muling iyon ay kailangang maturuan ng dalisay na wika.
22 Kay inam na pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa dakilang gawaing iyon ng pagtuturo! Iyon ang magiging pinakadakilang gawaing pagtuturo sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ang lahat ng iyon ay maisasakatuparan sa ilalim ng mabait na pamamahala ni Kristo Jesus taglay ang kapangyarihan ng Kaharian. Bilang resulta, sa wakas ay makikita ng sangkatauhan ang katuparan ng Isaias 11:9, na nagsasabi: “Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”
23. Bakit mo masasabi na napakalaki ng pribilehiyo natin bilang bayan ni Jehova?
23 Kay laking pribilehiyo para sa atin sa mga huling araw na ito na maghanda para sa kamangha-manghang panahong iyon kapag ang kaalaman kay Jehova ay tunay na pupuno sa lupa! At kay laki ng pribilehiyong taglay natin ngayon bilang bayan ng Diyos, yaong mga nakararanas sa dakilang katuparan ng makahulang mga salita na nakaulat sa Zefanias 3:20! Doon ay masusumpungan natin ang katiyakan na ibinibigay ni Jehova: “Gagawin ko kayong isang pangalan at isang kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa.”
Paano Mo Sasagutin?
• Ang hula ni Zefanias tungkol sa pagsasauli ay nagkaroon ng anong mga katuparan?
• Paano sumasagana ang tunay na pagsamba sa mga huling araw na ito?
• Anong dakilang gawaing pagtuturo ang mangyayari sa bagong sanlibutan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 25]
Bumalik ang bayan ni Jehova sa kanilang lupang tinubuan upang muling itatag ang dalisay na pagsamba. Alam mo ba ang kahulugan nito ngayon?
[Mga larawan sa pahina 26]
Sa pamamagitan ng pagsasalita ng “dalisay na wika,” iniaalok ng mga Saksi ni Jehova sa mga tao ang nakaaaliw na mensahe ng Bibliya