Ano ang Katotohanan Hinggil sa Dead Sea Scrolls?
Ano ang Katotohanan Hinggil sa Dead Sea Scrolls?
Mahigit na 50 taon na ang nakalipas, isang bato na inihagis ng isang pastol na Bedouin sa loob ng isang kuweba ang umakay sa tinatawag ng ilan na pinakadakilang tuklas sa arkeolohiya ng ika-20 siglo. Narinig ng Bedouin na nabasag ng bato ang isang tapayan. Sa kaniyang pagsisiyasat, nakita niya ang una sa kalipunan ng mga balumbon na nakilala bilang ang Dead Sea Scrolls.
ANG mga balumbon na ito ay naging tampulan ng pansin at pagtatalo kapuwa ng mga pangkat ng mga iskolar at ng media. Sa publiko, laganap ang kalituhan at maling impormasyon. Kumakalat ang mga bali-balita hinggil sa malawakang paglilingid sa mga balumbon, dahil sa pangambang isinisiwalat ng mga ito ang mga katotohanan na lubhang magpapahina sa pananampalataya ng kapuwa mga Kristiyano at mga Judio. Ngunit ano nga ba ang tunay na kahalagahan ng mga balumbong ito? Pagkatapos ng mahigit na 50 taon, malalaman kaya ang mga katotohanan?
Ano ba ang Dead Sea Scrolls?
Ang Dead Sea Scrolls ay mga sinaunang manuskritong Judio, na ang karamihan sa mga ito ay nakasulat sa wikang Hebreo, ang ilan ay sa Aramaiko, at ang kaunti naman ay sa Griego. Marami sa mga balumbon at mga pirasong ito ay mahigit na 2,000 taon na ang tanda, anupat ang petsa nito ay bago pa ang kapanganakan ni Jesus. Ang ilan sa unang mga balumbong nakuha sa mga Bedouin ay ang pitong mahahabang manuskrito na may iba’t ibang yugto ng pagkasira. Habang sinusuri ang higit pang mga kuweba, nasumpungan ang iba pang mga balumbon at libu-libong piraso ng mga balumbon. Sa pagitan ng mga taon ng 1947 at 1956, sa kabuuan ay nakatuklas ng 11 kuwebang naglalaman ng mga balumbon malapit sa Qumran, sa may Dagat na Patay.
Nang pagbukud-bukurin ang lahat ng mga balumbon at piraso, umabot ito ng mga 800 manuskrito. Ang halos ikaapat na bahagi, o mahigit sa 200 manuskrito lamang, ay mga kopya ng mga bahagi ng teksto ng Bibliyang Hebreo. Ang karagdagan pang mga manuskrito ay kumakatawan sa mga sinaunang akda ng mga Judio na hindi bahagi ng Bibliya, kapuwa ang Apocrypha at Pseudepigrapha.Ang ilan sa mga balumbon na lubos na nagpasigla sa mga iskolar ay dating mga di-kilalang akda. Kalakip dito ang mga interpretasyon hinggil sa batas ng mga Judio, espesipikong mga tuntunin para sa komunidad ng sektang naninirahan sa Qumran, mga tula at mga panalangin sa liturhiya, gayundin ang mga eskatolohikal na mga akda na nagsisiwalat ng mga pangmalas hinggil sa katuparan ng hula ng Bibliya at sa mga huling araw. Mayroon ding mga kakatwang komentaryo sa Bibliya, na siyang pinakamatanda at pinakauna sa makabagong talata-por-talatang komentaryo sa mga teksto sa Bibliya.
Sino ang Sumulat ng Dead Sea Scrolls?
Ang iba’t ibang pamamaraan ng pagpepetsa sa sinaunang mga dokumento ay nagpapahiwatig na ang mga balumbon ay kinopya o kinatha noong pagitan ng ikatlong siglo B.C.E. at ng unang siglo C.E. Iminungkahi ng ilang iskolar na ang mga Judio mula sa Jerusalem ang siyang nagtago ng mga balumbon sa mga kuweba bago ang pagkawasak ng templo noong 70 C.E. Gayunman, iniisip ng karamihan sa mga iskolar na nagsasaliksik sa mga balumbon na ang pangmalas na ito ay hindi kasuwato ng nilalaman ng mismong mga balumbon. Ipinakikita ng karamihan sa mga balumbon ang mga pangmalas at kaugalian na salungat sa mga awtoridad ng relihiyon sa Jerusalem. Isinisiwalat ng mga balumbon na ito ang isang komunidad na naniwalang itinakwil ng Diyos ang mga saserdote at ang paglilingkod sa templo sa Jerusalem at na minalas niya ang pagsamba ng kanilang grupo sa iláng bilang isang uri na pamalit sa paglilingkuran sa templo. Waring hindi itatago ng mga awtoridad ng templo sa Jerusalem ang isang koleksiyon na naglalakip ng gayong mga balumbon.
Bagaman malamang na may isang grupo ng mga tagakopya sa Qumran, maaaring ang marami sa mga balumbon ay nakolekta sa ibang lugar at dinala roon ng mga naniniwala. Sa diwa, ang Dead Sea Scrolls ay isang aklatan na may malaking koleksiyon ng mga akda. Tulad ng alinmang aklatan, maaaring kabilang sa koleksiyon ang napakaraming iba’t ibang kaisipan, na hindi naman lahat ay laging nagpapaaninag ng mga relihiyosong pangmalas ng mga mambabasa nito. Gayunman, yaong mga kasulatan na nagtataglay ng maraming kopya ay mas malamang na nagpapaaninag ng natatanging mga interes at mga paniniwala ng grupo.
Mga Essene ba ang mga Nanirahan sa Qumran?
Kung ang mga balumbong ito ang bumubuo ng aklatan ng Qumran, sino ang mga nanirahan dito? Si Propesor Eleazar Sukenik, na nakakuha ng tatlong balumbon para sa Hebrew University sa Jerusalem noong 1947, ang unang nagmungkahi na ang mga balumbong ito ay naging pag-aari ng isang komunidad ng mga Essene.
Ang mga Essene ay isang sekta ng mga Judio na binanggit ng unang-siglong mga manunulat na sina Josephus, Philo ng Alexandria, at Pliny na Nakatatanda. Hindi pa tiyak ang eksaktong pinagmulan ng mga Essene, ngunit tila lumitaw sila noong panahon ng kaguluhan na kasunod ng pagrerebelde ng mga Macabeo noong ikalawang siglo B.C.E. b Iniulat ni Josephus ang kanilang pag-iral noong panahong iyon habang ibinibigay niya ang detalye kung paano naiiba ang mga relihiyosong pangmalas ng mga ito mula sa mga Pariseo at mga Saduceo. Binanggit ni Pliny ang kinaroroonan ng isang komunidad ng mga Essene sa may Dagat na Patay sa pagitan ng Jerico at En-gedi.
Sinasabi naman ni Propesor James VanderKam, isang iskolar ng Dead Sea Scrolls, na “ang mga Essene na nanirahan sa Qumran ay isa lamang maliit na bahagi ng isang mas malaking kilusan ng mga Essene,” na ayon sa pagtaya ni Josephus ay mga apat na libo. Bagaman hindi akmang-akma ang lahat ng paglalarawan, ang larawang lumilitaw mula sa mga kasulatan ng Qumran ay tila higit na kasuwato ng mga Essene kaysa sa anumang ibang kilalang grupo ng mga Judio noong panahong iyon.
Mateo 15:1-20; Lucas 6:1-11) Gayundin ang masasabi hinggil sa pagbubukod ng mga Essene mula sa lipunan, ang kanilang paniniwala sa kapalaran at sa imortalidad ng kaluluwa, at ang kanilang pagdiriin sa di-pag-aasawa at mistikong mga ideya hinggil sa pakikibahagi nila sa pagsamba ng mga anghel. Ipinakikita nito na sila’y may di-pagkakasuwato sa mga turo ni Jesus at sa mga sinaunang Kristiyano.—Mateo 5:14-16; Juan 11:23, 24; Colosas 2:18; 1 Timoteo 4:1-3.
Sinasabi ng ilan na ang Kristiyanismo ay nagsimula sa Qumran. Gayunman, mapapansin ang maraming kapuna-punang pagkakaiba sa pagitan ng mga relihiyosong pangmalas ng sekta sa Qumran at ng sinaunang mga Kristiyano. Isinisiwalat ng mga akda sa Qumran ang napaka-istriktong mga tuntunin sa Sabbath at ang halos labis na pagkabahala sa seremonyal na kadalisayan. (Walang Paglilingid, Walang Itinagong mga Balumbon
Sa sumunod na mga taon matapos matuklasan ang Dead Sea Scrolls, iba’t ibang mga publikasyon ang inilathala na nagpangyaring madaling magamit ng mga iskolar sa buong daigdig ang unang mga natuklasan. Ngunit ang libu-libong piraso mula sa isa sa mga kuweba, na kilala bilang Kuweba 4, ay may mas maraming problema. Ang mga ito ay nasa kamay ng isang maliit na internasyonal na pangkat ng mga iskolar na binuo sa Silangang Jerusalem (na bahagi noon ng Jordan) sa Palestine Archaeological Museum. Walang iskolar na Judio o taga-Israel ang kasama sa pangkat na ito.
Binuo ng pangkat ang isang patakaran na huwag pahintulutan ang iba na gamitin ang mga balumbon hanggang sa nailathala nila ang opisyal na mga resulta ng kanilang pagsasaliksik. Pinanatiling limitado ang bilang ng mga iskolar na kasapi sa pangkat. Kapag ang isang miyembro ng pangkat ay namatay, isa lamang iskolar ang idaragdag upang humalili sa namatay. Ang dami ng trabaho ay nangailangan ng mas malaking pangkat, at sa ilang kaso, ng higit na kadalubhasaan sa sinaunang Hebreo at Aramaiko. Ganito ang pagkasabi ni James VanderKam: “Gaano man sila kahusay, hindi kayang pangasiwaan ng walong eksperto ang sampu-sampung libong piraso.”
Noong Anim-na-Araw na Digmaan nang 1967, napasailalim sa hurisdiksiyon ng mga taga-Israel ang Silangang Jerusalem at ang mga balumbon nito, ngunit walang naitatag na pagbabago sa patakaran ng pangkat na nagsasaliksik sa mga balumbon. Yamang ang pagkaantala sa paglalathala ng mga balumbon na galing sa Kuweba 4 ay tumagal nang maraming taon hanggang sa umabot na ng maraming dekada, isang protesta ang narinig mula sa ilang iskolar. Noong 1977, tinawag ito ni Propesor Geza Vermes ng Oxford University na pinakanangungunang iskandalong akademiko ng ika-20 siglo. Nagsimulang kumalat ang mga bali-balita na sadyang itinatago ng Simbahang Katoliko ang impormasyon mula sa mga balumbon na magiging kapaha-pahamak sa Kristiyanismo.
Noong dekada ng 1980, sa wakas ay pinarami ang kasapi sa pangkat tungo sa 20 iskolar. Pagkatapos, noong 1990, sa direksiyon ng kaaatas pa lamang na punong patnugot nito na si Emanuel Tov ng Hebrew University sa Jerusalem, higit na pinarami ang kasapi sa pangkat tungo sa mahigit na 50 iskolar. Isang mahigpit na iskedyul ang itinakda para sa paglalathala ng lahat ng akademikong edisyon ng natitirang mga balumbon.
Isang tunay na tagumpay ang natamo nang di-inaasahan noong 1991. Una, inilathala ang aklat na A Preliminary Edition of the Unpublished Dead Sea Scrolls. Nabuo ito sa tulong ng computer na salig sa isang kopya ng konkordansiya ng pangkat. Sumunod, inihayag ng Huntington Library sa San Marino, California, na kanilang ipagagamit sa kaninumang iskolar ang kanilang kumpletong set ng mga litrato ng mga balumbon. Di-nagtagal, nang mailathala ang A Facsimile Edition of the Dead Sea Scrolls, naging madali nang magamit ang mga litrato ng mga dating hindi pa nailalathalang mga balumbon.
Kaya sa loob ng nakalipas na dekada, ang lahat ng Dead Sea Scrolls ay maaari nang magamit para sa pagsusuri. Isinisiwalat ng pagsasaliksik na walang ginawang paglilingid; walang itinagong mga balumbon. Habang inilalathala ang mga huling opisyal na edisyon ng mga balumbon, ngayon lamang maaaring simulan ang lubos na pagsusuri sa mga ito. Isang bagong salinlahi ng mga iskolar sa balumbon ang umiral. Ngunit ano ang kahalagahan ng pagsasaliksik na ito sa mga estudyante ng Bibliya?
[Mga talababa]
a Kapuwa ang Apocrypha (sa literal ay “nakatago”) at ang Pseudepigrapha (sa literal ay “may-kamaliang ipinalalagay na mga akda ng isang tao”) ay mga akda ng mga Judio mula noong ikatlong siglo B.C.E. hanggang sa unang siglo C.E. Tinatanggap ng Simbahang Romano Katoliko ang Apocrypha bilang bahagi ng kinasihang kanon ng Bibliya, ngunit ang mga aklat na ito ay tinatanggihan ng mga Judio at mga Protestante. Ang Pseudepigrapha naman ay madalas na nasa anyong mga pagpapalawak sa mga istorya ng Bibliya, na ipinalagay na isinulat ng isang kilalang tauhan sa Bibliya.
b Tingnan ang artikulong “Sino ang mga Macabeo?” sa Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1998, pahina 21-4.
[Larawan sa pahina 3]
Ang mga ito ay kabilang sa mga kuwebang malapit sa Dagat na Patay kung saan natagpuan ang mga sinaunang balumbon
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Piraso ng balumbon: Pahina 3, 4, at 6: Courtesy of Israel Antiquities Authority
[Picture Credit Line sa pahina 5]
Courtesy of Shrine of the Book, Israel Museum, Jerusalem